Nakikita ang Pagtustos ng Diyos sa Sangkatauhan Mula sa Pangunahing Kapaligirang Kinabubuhayan na Nililikha ng Diyos para sa Sangkatauhan
Sa paraan kung paano isinaayos ng Diyos ang limang saligang mga kalagayan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, nakikita ba kung paano Siya nagtutustos sa sangkatauhan? (Oo.) Ibig sabihin, ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng pinakasaligang mga kalagayan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, at pinamamahalaan at kinokontrol din ng Diyos ang mga bagay na ito; kahit ngayon, matapos ang libu-libong taon ng pag-iral ng tao, patuloy pa ring gumagawa ng mga pagbabago ang Diyos sa kanilang kapaligirang pinaninirahan, ibinibigay sa kanila ang pinakamainam at pinaka-angkop na kapaligiran upang mapanatili nang karaniwan ang kanilang mga buhay. Gaano katagal mapananatili ang gayong sitwasyon? Sa madaling salita, hanggang kailan magpapatuloy ang Diyos sa pagbibigay ng gayong kapaligiran? Hanggang lubusan nang matapos ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala. Pagkatapos, babaguhin ng Diyos ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Maaaring gagawin Niya ang mga pagbabagong ito gamit ang parehong mga pamamaraan, o maaaring gamit ang ibang pamamaraan, nguni’t ang talagang dapat malaman ng mga tao ngayon ay na patuloy na nagtutustos ang Diyos para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan; pinamamahalaan ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan; at pinangangalagaan, iniingatan, at pinananatili ang kapaligirang iyon. Sa gayong kapaligiran, nagagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos na mamuhay nang karaniwan at tanggapin ang pagliligtas at pagkastigo at paghatol ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy na mabuhay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at patuloy na sumusulong ang buong sangkatauhan dahil sa gayong pagtutustos mula sa Diyos.
Nagdulot na ba sa inyo ng anumang bagong mga kaisipan ang huling bahaging ito ng ating pagbabahagi? Nababatid na ba ninyo ngayon ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan? Sa huli, sino ba ang panginoon ng lahat ng bagay? Tao ba? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kung paano pinakikitunguhan ng Diyos at ng mga tao ang lahat ng nilikha? (Pinamamahalaan at isinasaayos ng Diyos ang lahat ng bagay, habang tinatamasa ng tao ang mga ito.) Sumasang-ayon ba kayo dito? Ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan ay ang Diyos ang namamahala at nagtutustos sa lahat ng nilikha. Siya ang pinagmumulan ng lahat, at habang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha, tinatamasa ito ng sangkatauhan. Ibig sabihin, tinatamasa ng tao ang lahat ng bagay na nilikha kapag tinatanggap niya ang buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang Diyos ang Panginoon, at tinatamasa ng sangkatauhan ang mga bunga ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano, kung gayon, mula sa pananaw ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, ang pinagkaiba ng Diyos at ng sangkatauhan? Malinaw na nakikita ng Diyos ang mga batas kung paano lumalago ang lahat ng bagay, at kinokontrol at pinangingibabawan Niya ang mga batas na ito. Ibig sabihin, ang lahat ng bagay ay nasa paningin ng Diyos at nasa loob ng saklaw ng Kanyang pagsusuri. Nakikita ba ng sangkatauhan ang lahat ng bagay? Limitado ang nakikita ng sangkatauhan sa kung ano ang direktang nasa harapan nila. Kung umakyat ka ng bundok, ang bundok lamang na iyon ang iyong nakikita. Hindi mo nakikita ang nasa kabilang panig ng bundok. Kung pumunta ka sa dalampasigan, isang panig lamang ng karagatan ang nakikita mo, at hindi mo nalalaman kung ano ang hitsura ng kabilang panig ng karagatan. Kung pumunta ka sa isang gubat, nakikita mo ang mga pananim sa harapan mo at sa paligid mo, nguni’t hindi mo nakikita kung ano ang nasa banda pa roon. Hindi kayang makita ng mga tao ang mga lugar na mas mataas, mas malayo, mas malalim. Ang lahat ng kanilang nakikita ay kung ano lang ang direktang nasa harapan nila, sa loob ng kanilang abot-tanaw. Kahit na alam ng mga tao ang batas na umaatas sa apat na panahon ng taon, o ang mga batas kung paano lumalago ang lahat ng bagay, hindi pa rin nila kayang pamahalaan o atasan ang lahat ng bagay. Subali’t ang paraan kung paano nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay ay gaya ng kapag nakikita Niya ang isang makina na Siya Mismo ang gumawa. Lubos na pamilyar Siya sa bawa’t bahagi at bawa’t koneksyon, kung ano ang mga prinsipyo ng mga ito, kung ano ang mga tularan ng mga ito, at kung ano ang mga layon ng mga ito—alam ng Diyos ang lahat ng ito nang may pinakamataas na antas ng kalinawan. Kaya naman ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao! Bagaman maaaring malalim na magsaliksik ang tao sa agham at sa mga batas na namamahala sa lahat ng bagay, limitado ang saklaw ng pagsasaliksik na iyon, samantalang kinokontrol ng Diyos ang lahat. Para sa tao, walang hanggan ang kontrol ng Diyos. Maaaring gugulin ng tao ang buong buhay niya sa pagsasaliksik sa pinakamaliit na gawa ng Diyos nang walang nakakamtang anumang totoong mga resulta. Ito ang dahilan, kung gamit mo lang ay kaalaman at kung ano ang iyong natutuhan upang pag-aralan ang Diyos, hindi mo kailanman makikilala ang Diyos o mauunawaan Siya. Subali’t kung piliin mo ang daan ng paghahanap sa katotohanan at paghahanap sa Diyos, at tingnan ang Diyos mula sa pananaw ng pagkilala sa Kanya, isang araw, makikilala mo na ang mga gawa at karunungan ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at malalaman mo kung bakit tinatawag ang Diyos na Panginoon ng lahat ng bagay at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Habang mas nagkakamit ka ng gayong pagkaunawa, mas mauunawaan mo rin kung bakit tinatawag ang Diyos na Panginoon ng lahat ng bagay. Ang lahat ng bagay at ang lahat-lahat, kabilang ka, ay patuloy na tumatanggap ng walang-humpay na pagtustos ng Diyos. Magagawa mo ring maramdaman nang malinaw na sa mundong ito, at sa sangkatauhang ito, walang sinuman maliban sa Diyos ang maaaring magkaroon ng kakayahan at ng diwa Niya na mamuno, mamahala, at magpanatili ng pag-iral ng lahat ng bagay. Kapag dumating ka sa pagkaunawang ito, tunay mong kikilalanin na ang Diyos ay ang iyong Diyos. Kapag narating mo ang puntong ito, tunay mong tatanggapin ang Diyos at hahayaan Siyang maging iyong Diyos at iyong Panginoon. Kapag natamo mo na ang gayong pagkaunawa at sumapit na ang iyong buhay sa gayong punto, hindi ka na susubukin at hahatulan pa ng Diyos, ni hihingi Siya ng anuman mula sa iyo, dahil mauunawaan mo ang Diyos, makikilala ang Kanyang puso, at tunay na tatanggapin ang Diyos sa iyong puso. Isang mahalagang dahilan ito upang magbahagi sa mga paksang ito ng pangingibabaw at pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang paggawa nito ay upang magbigay sa mga tao ng mas marami pang kaalaman at pagkaunawa—hindi lamang upang kilalanin mo, bagkus ay upang makilala at maunawaan mo ang mga pagkilos ng Diyos sa mas praktikal na paraan.
Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao