Menu

Ano ang espirituwal na mundo?

Para sa materyal na mundo, tuwing hindi nauunawaan ng mga tao ang ilang bagay o kakaibang pangyayari, maaari silang magsaliksik para sa kaugnay na impormasyon o gumamit ng iba-ibang pamamaraan para malaman ang mga pinagsimulan at pinagmulan ng mga bagay na iyon. Ngunit pagdating sa ibang mundo na ating binabanggit ngayon—ang espirituwal na mundo, na umiiral sa labas ng materyal na mundo—ang mga tao ay talagang walang mga paraan o pamamaraan kung saan may natututuhan sila tungkol dito. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil sa mundo ng sangkatauhan, lahat ng bagay sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay mula sa pisikal na pag-iral ng tao, at dahil nadarama ng mga tao na lahat ng bagay tungkol sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay sa kanilang pisikal na pamumuhay at pisikal na buhay, karamihan sa mga tao ay nalalaman, o nakikita lamang ang mga materyal na bagay na nasa harap ng kanilang mga mata na nakikita nila. Gayunman, pagdating sa espirituwal na mundo—ibig sabihin, lahat ng bagay na nasa ibang mundong iyon—makatarungang sabihin na karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala. Dahil hindi ito nakikita ng mga tao, at naniniwala sila na hindi na kailangang maunawaan o malaman ang anuman tungkol dito, bukod pa sa kung paano ganap na naiiba ang espirituwal na mundo sa materyal na mundo at, mula sa pananaw ng Diyos, ay lantad—bagama’t, para sa mga tao, ito ay lihim at tago—samakatuwid ay hirap na hirap ang mga tao na makahanap ng isang landas tungo sa pag-unawa sa iba-ibang aspeto ng mundong ito. Ang iba’t ibang aspeto ng espirituwal na mundo na Aking babanggitin ay may kinalaman lamang sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos; hindi Ako nagbubunyag ng anumang mga hiwaga, ni hindi Ko sinasabi sa inyo ang anuman sa mga lihim na nais ninyong malaman. Dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pangangasiwa ng Diyos, at panustos ng Diyos, magsasalita lamang Ako tungkol sa bahaging kailangan ninyong malaman.

Una, hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Sa inyong isipan, ano ang espirituwal na mundo? Sa pangkalahatan, ito ay isang mundo sa labas ng materyal na mundo, isang kapwa hindi nakikita at nahahawakan ng mga tao. Magkagayunman, sa inyong imahinasyon, anong klaseng mundo dapat ang espirituwal na mundo? Marahil, dahil hindi ninyo ito nakikita, hindi ninyo kayang isipin ito. Gayunman, kapag nakakarinig kayo ng mga alamat, iniisip pa rin ninyo ito, at hindi ninyo mapigilang isipin ito. Bakit Ko sinasabi ito? May isang bagay na nangyayari sa napakaraming tao kapag bata pa sila: Kapag kinukuwentuhan sila ng isang tao ng nakakatakot na kuwento—tungkol sa mga multo, o mga kaluluwa—takot na takot sila. Bakit ba sila talaga natatakot? Dahil inilalarawan nila sa kanilang isipan ang mga bagay na iyon; kahit hindi nila nakikita ang mga ito, nararamdaman nila na nasa paligid ng silid nila ang lahat ng iyon, sa isang tao o madilim na sulok, at takot na takot sila kaya hindi sila nangangahas na matulog. Lalo na sa gabi, takot na takot sila na mapag-isa sa silid nila o magsapalarang mapag-isa sa kanilang bakuran. Iyan ang espirituwal na mundo ng inyong imahinasyon, at ito ay isang mundo na iniisip ng mga tao na nakakatakot. Ang totoo ay iniisip ito ng lahat kahit paano, at medyo nararamdaman ito ng lahat.

Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mundo. Ano ito? Bibigyan Ko kayo ng isang maikli at simpleng paliwanag: Ang espirituwal na mundo ay isang mahalagang lugar, na naiiba sa materyal na mundo. Bakit Ko sinasabing mahalaga ito? Pag-uusapan natin ito nang detalyado. Ang pag-iral ng espirituwal na mundo ay hindi maihihiwalay ang kaugnayan sa materyal na mundo ng sangkatauhan. May malaking papel itong ginagampanan sa pag-inog ng buhay at kamatayan ng tao sa kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay; ito ang papel nito, at isa ito sa mga dahilan kaya mahalaga ang pag-iral nito. Dahil ito ay isang lugar na hindi mawari ng limang pandama, walang sinumang makakahatol nang tumpak kung umiiral nga ang espirituwal na mundo o hindi. Ang iba-ibang galaw nito ay lubhang konektado sa pag-iral ng tao, kaya naman ang kaayusan ng buhay ng sangkatauhan ay lubha ring naiimpluwensyahan ng espirituwal na mundo. Kasama ba rito ang dakilang kapangyarihan ng Diyos o hindi? Kasama. Kapag sinasabi Ko ito, nauunawaan ninyo kung bakit Ko tinatalakay ang paksang ito: Ito ay dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, gayon din sa Kanyang pangangasiwa. Sa isang mundong tulad nito—na hindi nakikita ng mga tao—bawat makalangit na utos, atas, at sistema ng pangangasiwa nito ay lubhang nangingibabaw sa mga batas at sistema ng alinmang bansa sa materyal na mundo, at walang nabubuhay na nilalang sa mundong ito ang mangangahas na salungatin o labagin ang mga ito. Nauugnay ba ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos? Sa espirituwal na mundo, may malilinaw na atas administratibo, malilinaw na makalangit na utos, at malilinaw na batas. Sa iba’t ibang antas at sa iba-ibang lugar, ang mga tagapaglingkod ay mahigpit na tumutupad sa kanilang mga tungkulin at sumusunod sa mga panuntunan at regulasyon, sapagkat alam nila kung ano ang ibubunga ng paglabag sa isang makalangit na utos; alam na alam nila kung paano pinarurusahan ng Diyos ang masama at ginagantimpalaan ang mabuti, at kung paano Niya pinangangasiwaan at pinamumunuan ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, malinaw nilang nakikita kung paano Niya isinasagawa ang Kanyang makalangit na mga utos at batas. Naiiba ba ang mga ito mula sa materyal na mundong tinitirhan ng sangkatauhan? Tunay ngang malaki ang kanilang pagkakaiba. Ang espirituwal na mundo ay isang mundo na ganap na naiiba sa materyal na mundo. Yamang may mga makalangit na utos at batas, may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at, bukod pa riyan, sa Kanyang disposisyon, gayon din sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya. Nang marinig ninyo ito, hindi ba ninyo nadarama na kailangang-kailangang talakayin Ko ang paksang ito? Ayaw ba ninyong malaman ang mga lihim na likas dito? (Oo, gusto namin.) Gayon ang konsepto ng espirituwal na mundo. Bagama’t umiiral ito na kasabay ng materyal na mundo, at sabay na sumasailalim sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mundong ito ay mas lalong mahigpit kaysa roon sa materyal na mundo. Pagdating sa mga detalye, dapat tayong magsimula sa kung paano nananagot ang espirituwal na mundo sa gawain ng pag-inog ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan, sapagkat malaking bahagi ito ng gawain ng mga nilalang sa espirituwal na mundo.

Ano ang Espirituwal na Daigdig

Sa sangkatauhan, kinakategorya Ko ang lahat ng tao sa tatlong uri. Ang una ay ang mga hindi mananampalataya, yaong mga walang paniniwala sa relihiyon. Sila ang tinatawag na mga hindi mananampalataya. Ang lubhang karamihan sa mga hindi mananampalataya ay nananampalataya lamang sa pera; nagmamalasakit lamang sila sa sarili nilang mga interes, materyalistiko, at naniniwala lamang sa materyal na mundo—hindi sila naniniwala sa pag-inog ng buhay at kamatayan, o sa anumang sinabi tungkol sa mga diwata at multo. Kinakategorya Ko ang mga taong ito bilang mga hindi mananampalataya, at sila ang unang uri. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng iba-ibang taong may pananampalataya na hiwalay sa mga hindi mananampalataya. Sa sangkatauhan, hinahati Ko ang mga taong ito na may pananampalataya sa ilang pangunahing grupo: Ang una ay Judio, ang pangalawa ay Katoliko, ang pangatlo ay Kristiyano, ang pang-apat ay Muslim, at ang panlima ay Buddhist; may limang klase. Ito ang iba-ibang klase ng mga taong may pananampalataya. Ang pangatlong uri ay kinabibilangan ng mga naniniwala sa Diyos, at kasama kayo rito. Ang mga mananampalatayang iyon ay yaong mga sumusunod sa Diyos ngayon. Ang mga taong ito ay nahahati sa dalawang klase: Ang mga taong hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi. Malinaw nang nakita ang pagkakaiba ng mga pangunahing uring ito. Sa gayon, malinaw na ninyong nalalaman ang pagkakaiba sa inyong isipan sa pagitan ng mga uri at ranggo ng mga tao, hindi ba? Ang unang uri ay binubuo ng mga hindi mananampalataya, at sinabi Ko na kung ano sila. Nabibilang ba sa mga hindi mananampalataya yaong mga nananampalataya sa Matandang Lalaki sa Langit? Maraming hindi mananampalataya ang naniniwala lamang sa Matandang Lalaki sa Langit; naniniwala sila na ang hangin, ulan, kulog, at iba pa ay pawang kontrolado nito kung kanino sila umaasa sa pagtatanim ng mga pananim at sa pag-aani—subalit kapag nababanggit ang paniniwala sa Diyos, ayaw nilang maniwala sa Kanya. Matatawag ba itong pagkakaroon ng pananampalataya? Kabilang ang gayong mga tao sa mga hindi mananampalataya. Nauunawaan ninyo ito, tama ba? Huwag kayong magkakamali sa mga kategoryang ito. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng mga taong may pananampalataya, at ang pangatlong uri ay yaong mga kasalukuyang sumusunod sa Diyos. Kung gayon, bakit Ko hinati ang lahat ng tao sa mga uring ito? (Dahil ang iba-ibang uri ng mga tao ay may magkakaibang katapusan at patutunguhan.) Iyan ang isang aspeto nito. Kapag nagbalik ang iba-ibang lahi at uri ng mga taong ito sa espirituwal na mundo, bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng ibang lugar na pupuntahan at isasailalim sa iba-ibang batas ng pag-inog ng buhay at kamatayan, kaya nga kinategorya Ko ang mga tao sa mga pangunahing uring ito.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon