Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga
Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o anumang ‘di tiyak o malabo. Sa halip, isa itong pagbabago mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, lubos na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring Sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi naagrabyadong disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at kagandahang-loob, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.
Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, makita na ang Kanyang galit at ang mga pagbabago sa Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay puno ng poot at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos tungo sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang isa pang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang pagiging totoo ng awa at kagandahang-loob ng Diyos at upang makita ang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kagandahang-loob ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon, ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo—tunay nga na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Katapusan
Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at Kanyang poot? Siyempre wala! Ito ay sapagkat may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos noong pagkakataong iyon. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ay ang ibinigay sa Biblia: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanyang mga kamay.”
Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang “Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa ng mga bagay, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, binawi ang Kanyang pasya at hindi na sila pinarusahan o nilipol man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saang punto binawi din ng Diyos ang Kanyang poot.
Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao