Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang Tunay na Damdamin Para sa Sangkatauhan
Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehova at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na damdamin ng Lumikha para sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang tungkol sa pag-unawa ng Lumikha sa buong sangnilikha sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova, “At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong magmuni-muni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pag-unawa ng Diyos sa Ninive ay hindi madalian lamang. Hindi lamang ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop) ang alam Niya, alam din Niya kung ilan ang hindi matukoy kung alin ang kanilang kanan at kaliwang kamay—iyon ay, kung ilang mga bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang tiyak na patunay ng lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Lumikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang timbang ng sangkatauhan sa puso ng Lumikha. Katulad lamang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon…?” Ito ang mga salita ng paninisi ng Diyos na si Jehova kay Jonas, ngunit lahat ng iyon ay totoo.
Bagaman ipinagkatiwala kay Jonas ang pagpapahayag ng salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang intensyon ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa sa bawat tao, na nasa balikat ng bawat tao ang mga inaasahan ng Diyos, at na tinamasa ng bawat tao ang suplay ng buhay ng Diyos; para sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng maingat na paggawa. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagsabi rin kay Jonas na pinahahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, na gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad din ng pagpapahalaga ni Jonas sa kikayon. Hinding-hindi sila iiwanan ng Diyos nang gayon-gayon lamang, o sa huling posibleng sandali; lalo na’t napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga bata at inosenteng produktong ito ng paglikha ng Diyos, na hindi man lamang matukoy ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi malubos maisip na tatapusin ng Diyos ang kanilang buhay at pagpapasyahan ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa parehong landas na nilakaran ng kanilang mga nakatatanda, na hindi na nila kakailanganin pang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at na magbibigay sila ng patotoo tungkol sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang Ninive pagkatapos nitong magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive kasunod ng pagsisisi nito, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Samakatuwid, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi matukoy ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang babalikat sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagbalikat sa mahalagang tungkulin ng pagpapatotoo sa kapwa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na damdamin, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kabuuan nito. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong tiyak na mga prinsipyo, pamamaraan at layunin. Ang Diyos ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat oras at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipagpalitang ito ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag Niya kung bakit Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, kung gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na damdamin para sa sangkatauhan. Ang maikli at malinaw na pananalita ng Diyos na si Jehova sa pakikipag-usap na ito ay nagpapahayag ng Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan bilang isang kabuuan; ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan; ito ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kung paano ito mula pa man noon, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas nagpaparusa sa ilang lugar at ilang panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman tumigil. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang magkakasunod na henerasyon ng Kanyang mga nilikha, tinutustusan at binubuhay ang mga ito, sapagkat ang Kanyang tunay na damdamin tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako manghihinayang…?” Lagi Niyang pinahahalagahan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang ganap na pagkanatatangi ng Lumikha!
Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao