Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Judio, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Judio. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t matagal nang hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng masasama, umiinom ng dugo ng masasama, at nagsusuot ng mga damit ng masasama, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog dahil sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, galit, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’”
Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinusuri Niya ang buong kalupaan, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Idinaraos Niya ang Kanyang pamamahala sa maiingat na hakbang at ayon sa Kanyang plano, tahimik at hindi kapansin-pansin, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan ng paghatol ay ipinadadala sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakaringal ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa ating kalagitnaan. Siya ang karunungan, Siya ang katuwiran at kamahalan, at dumarating Siya nang patago sa ating paligid, na nagpapakita ng awtoridad at puno ng pagmamahal at awa.
mula sa “Pagmamasid sa Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo”
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan”
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at mahirap-unawaing pananampalataya. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman tatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga humihiling lamang na sambitin at isagawa nang tuwiran ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at ayaw tanggapin ang mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o tatanggap ng ganap na pagliligtas ng Diyos!
mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?”
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan?
mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao”
Lahat ng kayang sundin ang kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at sundin ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga unang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak”
<