“At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao. Sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nangagaasawa, at sila’y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat. Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila’y nagsisikain, sila’y nagsisiinom, sila’y nagsisibili, sila’y nangagbibili, sila’y nangagtatanim, sila’y nangagtatayo ng bahay. Datapuwa’t nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat: Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag” (Lucas 17: 26–30).
01 Sunud-sunod na nagaganap ang mga kalamidad at nakita na ang mga tanda ng pagbabalik ng Panginoon—nagbalik na Siya.
Ang mga salot, taggutom, lindol, baha at iba pang mga kalamidad ay naging karaniwan nang mga kaganapan sa buong mundo at lalo pang tumitindi ang mga ito. Lumitaw rin ang kakaibang mga kababalaghan sa langit. Natupad na halos ang mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Ang Panginoong Jesus, na ating hinihintay sa loob ng maramingtaon, ay tahimik na bumaba sa ating kalagitnaan matagal nang panahon ang nakalipas.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian
“At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako. Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan” (Mateo 24: 6–8).
“At ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ni Jahova” (Joel 2:30–31).
“At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo; At ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kaniyang mga bungang bubot pagka hinahampas ng malakas na hangin” (Pahayag 6: 12–13).
“Datapuwa’t karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit” (Mateo 24:29).
“Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating” (Lucas 12:40).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos
Sumapit na ang mga huling araw at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. May kaguluhan sa pulitika, may mga taggutom, salot, baha, at tagtuyot na naglilitawan sa lahat ng dako. May malaking sakuna sa mundo ng tao; nagpadala na rin ng kalamidad ang Langit. Ito ay mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit para sa mga tao, tila isang mundo ito ng saya at karingalan; lalo’t lalo itong nagiging gayon, naaakit dito ang puso ng lahat ng tao, at maraming taong nabitag at hindi mapalaya ang kanilang sarili mula rito; napakaraming malilinlang ng mga nakikibahagi sa pandaraya at salamangka.
Hinango mula sa “Pagsasagawa (2)”
Darating ang lahat ng uri ng sakuna, sunud-sunod; daranas ng mga kalamidad ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang nangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga iyon sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga iyon sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang kababalaghan ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa lahat ng bansa at mga bayan.
Hinango mula sa “Kabanata 65” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula
Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, magpitagan sa isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay totoo.
Hinango mula sa “Kabanata 10” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob
Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinusuri Niya ang buong kalupaan, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Idinaraos Niya ang Kanyang pamamahala sa maiingat na hakbang at ayon sa Kanyang plano, tahimik at hindi kapansin-pansin, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan sa hukuman ay ipinadadala sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating paligid. Napakaringal ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa ating paligid. Siya ang karunungan, Siya ang katuwiran at kamahalan, at dumarating Siya nang patago sa ating paligid, na nagpapakita ng awtoridad at puno ng pagmamahal at awa.
Hinango mula sa “Pagmamasid sa Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo”
Kapag unti-unti nang pumuputi ang liwanag ng Silangan, saka lamang magsisimulang magliwanag ang kadiliman sa buong mundo, at saka lamang matutuklasan ng tao na matagal Ko nang nilisan ang Israel at muli Akong bumabangon sa Silangan. Dahil minsan na Akong bumaba sa Israel at kalaunan ay nilisan Ko ito, hindi Ako maaaring isilang na muli sa Israel, dahil namumuno ang Aking gawain sa buong sansinukob at, bukod pa rito, kumikidlat mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Dahil dito bumaba na Ako sa Silangan at dinala Ko ang Canaan sa mga tao ng Silangan. Dadalhin Ko sa lupain ng Canaan ang mga tao mula sa buong mundo, kaya nga patuloy Akong bumibigkas ng mga salita sa lupain ng Canaan upang kontrolin ang buong sansinukob. Sa pagkakataong ito, walang liwanag sa buong mundo maliban sa Canaan, at nanganganib na magutom at ginawin ang lahat ng tao. Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay binawi Ko ito, sa gayon ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan at ang buong sangkatauhan sa Silangan. Dinala Ko na silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makasalamuha, at hindi na nila kailangan pang hanapin ito. Ipapakita Kong muli ang liwanag sa mga naghahanap dito at ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel; ipapakita Ko sa kanila na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, ipapakita Ko sa kanila ang napakaraming puting ulap at kumpul-kumpol na saganang mga bunga, at, bukod pa rito, ipapakita Ko sa kanila ang Diyos na si Jehova ng Israel. Ipapakita Ko sa kanila ang Guro ng mga Judio, ang pinakahihintay na Mesias, at ang buong anyo Ko na pinag-uusig ng mga hari sa lahat ng panahon. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, na inihahayag ang Aking buong kaluwalhatian at lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw. Ipapakita Ko ang kabuuan ng Aking maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at wala na ito sa Judea. Sapagkat sumapit na ang mga huling araw!
Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang nag-akay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Sinasanhi Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, Pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Judio kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at nahiwalay sa sangkatauhan, pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Hayaang lumapit ang lahat sa Aking luklukan at makita ang Aking maluwalhating mukha, marinig ang Aking tinig, at mamasdan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang gawin Akong sambahin ng bawat bansa, kilalanin Ako ng bawat wika, ipahingalay sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!
Hinango mula sa “Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob”
02 Nagbabalik nang palihim ang Panginoon bago dumating ang mga kalamidad, pagkatapos ay ipinapakita ang Kanyang sarili nang hayagan pagkatapos ng mga kalamidad.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian
“Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka’t sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating” (Lucas 12:40).
“Narito, ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya’y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan” (Pahayag 16:15).
“Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).
“At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
“Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17).
“At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu. At ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ni Jahova” (Joel 2:29–31).
“At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30).
“Narito, siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya. Gayon din, Siya nawa” (Pahayag 1:7).
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos
Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Judio, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Judio. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng haka-hakang iyon ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t matagal nang hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng masasama, umiinom ng dugo ng masasama, at nagsusuot ng mga damit ng masasama, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog dahil sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, galit, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
Hinango mula sa “Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang ‘Puting Ulap’”
Nagkatawang-tao ang Diyos sa kalakhang-lupain ng China, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay “panloob-na-lupain.” Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos nang patago. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, datapwat walang sinuman ang nakaaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang-hanggang palaisipan. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao sa panahong ito ay isang bagay na hindi posibleng mabatid ng kahit sino. Gaano man kalaki at kamakapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling palaging kalmado ang Diyos at hindi kailanman nagbibigay ng kahit ano. Maaaring may magsabi na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa langit. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat na may mga matang nakakakita, walang sinuman ang nakakakilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, aalisin ng buong sangkatauhan ang kanilang karaniwang saloobin,[1] at magigising mula sa kanilang mahabang panaginip.
Hinango mula sa “Gawain at Pagpasok (4)”
Sa pagsapit ng bukang-liwayway, lingid sa napakaraming tao, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang pagdating ng sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog, marahil maraming nagbabantay ang naghihintay nang gising, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat ng maraming taong ito, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos ng tulad nito nang sa gayon ay mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming tukso. Sa pagkagising ng tao sa mahimbing na pagkakatulog, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya’y aalis na, wawakasan ang Kanyang buhay na binubuo ng paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makialam, tiniis ng Diyos ang matinding sakit upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao sa gawain ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hinarap ng Diyos ang mga panganib nang ilang libong beses na mas matindi kaysa roon sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, upang ibuhos ang lahat ng Kanyang pag-iisip at pangangalaga sa pagtubos sa grupong ito ng naghihirap na mga tao, sa grupong ito ng mga taong nasadlak sa tambak ng basura.
Hinango mula sa “Gawain at Pagpasok (4)”
Ang kasalukuyang gawaing panlulupig ay naglalayong ipakita ang magiging katapusan ng tao. Bakit Ko sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay ang paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw? Hindi mo ba nakikita ito? Bakit ang gawaing panlulupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawa’t uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawa’t uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawaing panlulupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman.
Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)”
Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri?
Hinango mula sa “Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa”
Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
Hinango mula sa “Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa”
Talababa:
1. Ang “alisin ang kanilang karaniwang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga pagkaintindi at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling nakilala nila ang Diyos.
03 Paano salubungin ang Panginoon samantalang narito Siya nang palihim
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian
“Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13).
“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).
“Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6).
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).
“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga palagay ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga palagay. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga palagay. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
Hinango mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan”
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at mahirap-unawaing pananampalataya. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap kailanman ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaon mga humihiling lamang na sambitin at isagawa nang tuwiran ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at ayaw tanggapin ang mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o tatanggap ng ganap na pagliligtas ng Diyos!
Hinango mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuro-kuro?”
Lahat ng kayang sumunod sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating palagay, at sumunod sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
Hinango mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak”
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan?
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao”
Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang lahi, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling lahi, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa estado ng isang nilalang. Sa ganitong paraan, hindi ka maglalagay ng mga hangganan sa mga yapak ng Diyos. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng partikular na mga tao. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga palagay at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga palagay tungkol sa lahi o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi masisikil ng sarili mong mga palagay; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.
Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil pagtanggi ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa kung saan inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili at ang mga tao kung kanino Niya inihahayag ang Kanyang Sarili ay nagkataon lamang na hindi makatarungan kung itrato ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Nguni’t ang Diyos ay taglay ang Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na, dahil natiis na ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, malaya mula sa mga pagpipigil ng kahit na anong anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni’t naniwala ang mga Judio na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumulalas sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Judio? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobing naghahangad. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo mahiwatigan ang mga pagpapahayag ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipinapahayag ang katotohanan, at magiging naroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga palagay! Tumahimik ka at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Pakawalan ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga palagay ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; habang mas lampas sa mga palagay at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagpapahayag, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!
Hinango mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan”
Iba Pang mga Paksa
-
Ang Tagapagligtas ay Nakabalik Na sa mga Huling Araw
-
Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
-
Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
-
Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
-
Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
-
Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan