00:00
00:00

Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Hudyo, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t matagal nang hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng masasama, umiinom ng dugo ng masasama, at nagsusuot ng mga damit ng masasama, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog dahil sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, galit, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.

“Jehova” ang pangalang ginamit Ko noong panahon ng Aking gawain sa Israel, at ang ibig sabihin nito ay ang Diyos ng mga Israelita (mga taong hinirang ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gabayan ang buhay ng tao; ang Diyos na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Si “Jesus” ay si Emmanuel, na ang ibig sabihin ay ang handog dahil sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kumakatawan Siya sa Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang Niyang katawanin ang isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala. Ibig sabihin, si Jehova lamang ang Diyos ng mga taong hinirang sa Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao sa Israel. Kaya nga, sa kasalukuyang kapanahunan, lahat ng Israelita, maliban sa mga Hudyo, ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar at naglilingkod sa Kanya sa templo na suot ang balabal ng mga saserdote. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Si Jesus lamang ang Manunubos ng sangkatauhan, at Siya ang handog dahil sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang tulutan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang partikular na pangalan para sa pagtubos sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang pangalang Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at ipinahihiwatig ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang partikular na pangalan para sa mga tao ng Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang batayan, kundi may kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan at ito ang pamimitagan na ipinantawag ng mga tao ng Israel sa Diyos na kanilang sinamba. Ang “Jesus” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat ng tinubos noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

Kung dumating ang Tagapagligtas sa mga huling araw at Jesus pa rin ang tawag sa Kanya, at muli Siyang isinilang sa Judea at ginawa Niya ang Kanyang gawain doon, magpapatunay ito na nilikha Ko lamang ang mga tao ng Israel at tinubos lamang ang mga tao ng Israel, at na wala Akong kinalaman sa mga Hentil. Hindi kaya ito salungat sa Aking mga salita na “Ako ang Panginoon na lumikha ng mga kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay”? Nilisan Ko ang Judea at ginagawa Ko ang Aking gawain sa mga Hentil dahil hindi lamang Ako Diyos ng mga tao ng Israel, kundi Diyos ng lahat ng nilalang. Nagpapakita Ako sa mga Hentil sa mga huling araw dahil hindi lamang Ako si Jehova, ang Diyos ng mga tao ng Israel, kundi, bukod diyan, Ako ang Lumikha ng lahat ng hinirang Ko sa mga Hentil. Hindi Ko lamang nilikha ang Israel, Ehipto, at Lebanon, kundi lahat ng bansang Hentil na lagpas pa ng Israel. Dahil dito, Ako ang Panginoon ng lahat ng nilalang. Ginamit Ko lamang ang Israel bilang panimulang punto para sa Aking gawain, kinasangkapan ang Judea at Galilea bilang matitibay na tanggulan ng Aking gawain ng pagtubos, at gayon ay ginagamit Ko ang mga bansang Hentil bilang himpilan na kung saan mula roon ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Ginawa Ko ang dalawang yugto ng gawain sa Israel (ang dalawang yugtong ito ng gawain ay ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya), at isinasakatuparan Ko na ang dalawa pang yugto ng gawain (ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kaharian) sa buong lupain na lagpas pa ng Israel. Sa mga bansang Hentil, gagawin Ko ang gawain ng panlulupig, at sa gayo’y matatapos ang kapanahunan. Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, ngunit hindi alam na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nagsimula na Ako sa bagong gawain, at kung patuloy na lagi nang maghihintay ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, tatawagin Ko ang mga tao tulad nito na mga taong hindi naniniwala sa Akin; sila ay mga taong hindi Ako kilala, at hindi totoong naniniwala sa Akin. Masasaksihan kaya ng gayong mga tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Hudyo. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, kundi sa halip ay nananabik sila sa ikalawang pagparito ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos. Inaasam nila na minsan pang tutubusin ni Jesus ang buong sangkatauhan mula sa marungis at masamang lupaing ito. Paano maaaring maging mga taong kumukumpleto ng Aking gawain sa mga huling araw ang gayong mga tao? Ang mga hangarin ng tao ay walang kakayahang tuparin ang Aking mga naisin o isakatuparan ang Aking gawain, sapagkat hinahangaan o pinahahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko dati, at wala silang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi naging luma kailanman. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at wala silang ideya na Ako Siya ng mga huling araw na magdadala sa sangkatauhan sa kanilang wakas. Ang pinananabikan at alam lamang ng tao ay nagmumula sa kanilang sariling mga kuru-kuro, at yaon lamang nakikita ng kanilang sariling mga mata. Hindi iyon naaayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi taliwas iyon dito. Kung ang Aking gawain ay idinaos ayon sa mga ideya ng tao, kailan kaya ito magwawakas? Kailan kaya makakapasok ang sangkatauhan sa kapahingahan? At paano kaya Ako makakapasok sa ikapitong araw, ang Araw ng Pahinga? Gumagawa Ako ayon sa Aking plano at ayon sa Aking layunin—hindi ayon sa mga layon ng tao.

00:00 00:00