Ang gawain na Akin nang pinamamahalaan nang libu-libong taon ay ganap na nabubunyag sa tao sa mga huling araw lamang. Ngayon Ko lamang nailantad sa tao ang buong misteryo ng Aking pamamahala, at batid na ng tao ang layunin ng Aking gawain at, bukod dito, ay nakaunawa na sa lahat ng Aking mga misteryo. Nasabi Ko na sa tao ang lahat ng tungkol sa hantungan na kanyang inaalala. Nabuksan Ko na para sa tao ang lahat ng Aking mga misteryo, mga misteryo na nakatago nang mahigit 5,900 taon.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao”
Ang Aking buong plano ng pamamahala, ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa simula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na siya ring Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang Aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa katangian ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto angkop ang gawaing ito sa mga pangangailangan ng tao—o, para mas malinaw, ginagawa ito ayon sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikidigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay mailigtas ang buong lahi ng tao, na nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, at ibunyag ang di-mabatang pagiging kakila-kilabot ni Satanas; higit pa riyan, ito ay upang tulutan ang mga nilalang na makilala kung alin ang mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang tiwali, ang siyang masama, at upang masabi nila, nang may lubos na katiyakan, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at ano ang hamak. Sa gayon ay makakaya ng mangmang na sangkatauhan na magpatotoo sa Akin na hindi Ako ang nagtitiwali sa sangkatauhan, at Ako lamang—ang Lumikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang maaaring magkaloob sa tao ng mga bagay na makasisiya sa kanila; at malalaman nila na Ako ang Pinuno ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa mga nilalang na Aking nilikha at na paglaon ay kinalaban Ako. Ang Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto, at nagsisikap Akong makamit ang epekto ng pagbibigay-kakayahan sa Aking mga nilalang na magpatotoo sa Akin, at maunawaan ang Aking kalooban, at malaman na Ako ang katotohanan.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos”
Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Hinango mula sa “Anong Kahulugan ng Tunay na Maniwala sa Diyos”
Ganyan ang pamamahala ng Diyos: para ipasa ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit kailangang magpasakop sa Diyos—at tulutan si Satanas na gawin siyang tiwali. Sa paisa-isang hakbang, saka binabawi ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos na sambahin ng tao ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa kalawakan at sa kalangitan. At bukod pa riyan, iyon ay dahil hindi nila mapahalagahan ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo, ngunit pinipigilan sila ng kanilang mortal na mga mata na makita ito. Parang mahirap itong maunawaan ng tao dahil hindi nauunawaan ng tao ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi nauunawaan kung ano ang nais ng Diyos na kahinatnan ng sangkatauhan sa huli. Iyon ba ay ang hindi ito lubos na magawang tiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layunin ng pamamahala ng Diyos ay para matamo ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito ay, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; nakikilala nila ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila kung ano ang pangit at kung paano ito naiiba roon sa banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na gagawa para kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o iidolohin si Satanas. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa panahong ito, ang sangkatauhan ang pakay kapwa ng pagtitiwali ni Satanas at ng pagliligtas ng Diyos, at ang tao ang produktong pinag-aawayan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, unti-unti Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …
Hinango mula sa “Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos”
Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
Hinango mula sa “Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama”
Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim-na-libong taon, at Ako ay nangako na ang pagkontrol ng masama sa buong sangkatauhan ay hindi rin tatagal nang higit sa anim-na-libong taon. At ngayon, tapos na ang oras. Hindi Ko na ipagpapatuloy o ipagpapaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking lulupigin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na kabilang sa Akin upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay maaaring makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu na nagkokontrol-ng-lahat. Ako ay gagawa lamang ng isang bagay sa lupa: Huhubugin Kong muli ang sangkatauhan, isang sangkatauhan na banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Nguni’t alamin ninyo na hindi Ko lilipulin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Iingatan Ko yaong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging nagmamahal sa Akin at lubusan Kong nalulupig, at sila ay Aking gagawing mabunga at mapagparami sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan, binubusog sila ng masaganang mga tupa at baka at lahat ng kasaganaan ng lupa. Ang sangkatauhang ito ay mananatili sa Akin magpakailanman, nguni’t hindi ito ang magiging karumal-dumal na maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na natipon mula sa lahat niyaong Aking mga natamo. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magagambala, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na mananatili sa mundo pagkatapos Kong nagtagumpay laban kay Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalulupig Ko na ngayon at nagtatamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalulupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na maliligtas at magtatamo ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipaglaban kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking naililigtas mula sa sakop ni Satanas, at ang tanging pagkakabuu-buo at bunga ng Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat bansa at denominasyon, mula sa bawat lugar at bayan, sa buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Hindi magtatagal, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas.
Hinango mula sa “Walang Sinumang May Katawan ang Makakatakas sa Araw ng Poot”