Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.
Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.
Magbalik-tanaw sa panahon ng arko ni Noe: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang mga tao ay lumayo sa pagpapala ng Diyos, hindi na pinangangalagaan ng Diyos, at nawalan ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay nanirahan sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Kaya sila ay naging likas na mahalay at hinayaan ang kanilang sarili na mauwi sa kakila-kilabot na kasamaan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na nila karapat-dapat na masaksihan ang mukha ng Diyos, o kaya ay marinig ang tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran nila ang Diyos, isinantabi ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan ang mga turo ng Diyos. Ang kanilang puso ay lumihis papalayo nang papalayo mula sa Diyos, at dahil dito, sila ay naging ubod ng sama nang higit pa sa lahat ng katwiran at pagkatao, at lalo pang nagiging masama. Kaya sila ay naging mas malapit sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Kanyang itinayo ang arko ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, pinakawalan ng Diyos ang Kanyang pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pitong miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkawasak, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.
Pagkatapos ay tumingin sa kasalukuyang panahon: Ang matuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpakita pa rin ng magandang-loob sa sangkatauhang ito, at pinawalang-sala pa rin sila sa huling panahong ito. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang atas, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasingmasunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga mithiin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.
Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.
Marahil ang iyong bayan ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung pinapayagan mo ang iyong mga tao na lumihis papalayo sa Diyos, matatagpuan ang iyong bayan na unti-unting pinagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos. Ang sibilisasyon ng iyong bayan ay lalong tatapak-tapakan, at hindi magtatagal ang mga tao ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Kung kaya’t, lingid sa kaalaman ng tao, ang kapalaran ng isang bayan ay mauuwi sa pagkawasak. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bayan upang harapin ang mga bayang naisumpa ng Diyos, at maaaring alisin pa nga ang mga ito sa ibabaw ng lupa. Ang pagbangon at pagbagsak ng isang bayan o bansa ay batay sa kung ang mga tagapamahala nito ay sumasamba sa Diyos, at kung inaakay nila ang kanilang mga tao na maging mas malapit sa Diyos at sambahin Siya. Gayunman, sa huling kapanahunang ito, dahil sa ang mga taong tunay na naghahangad at sumasamba sa Diyos ay mas lalong dumadalang, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bayan kung saan ang Kristiyanismo ay ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang ito upang bumuo ng iilang matuwid na kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng matuwid na kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan Siya maaaring magsagawa ng Kanyang gawain, kundi may mga bayang nakakamtan na maaaring magpatupad ng matuwid na awtoridad, na magpapataw ng mga pagbabawal at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Ngunit sa kabila nito, wala pa ring mga tao na lumalapit upang sumamba sa Diyos, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ng tao ang Diyos sa loob ng matagal na panahon. Ang nanatili lamang sa lupa ay ang mga bayan na nagpapatupad ng katuwiran at lumalaban sa kawalan ng katuwiran. Ngunit ito ay malayo mula sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang namumuno sa bayan ang papayagan ang Diyos na mamuno sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ang magtitipon ng kanyang mga tao upang sambahin ang Diyos; nawala ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bayan, bansa, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang matuwid na pwersa sa mundong ito, ang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay marupok. Kung wala ang pagpapala ng Diyos, ang larangan ng politika ay babagsak sa kaguluhan at hindi makakaya ang isang hagupit. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katulad ng kawalan ng araw. Gaano man kasipag ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, walang pag-aalintana na kahit gaano karaming matuwid na pagpupulong ang isagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang babaligtad sa alon o babago sa kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bayan kung saan ang mga tao ay pinapakain at dinaramitan, kung saan sila ay magkakasamang nabubuhay nang matiwasay, ay isang mahusay na bayan, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Siya ay naniniwala na ang isang bayan kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay dapat Niyang lipulin. Ang paraan ng pag-iisip ng tao ay labis na sumasalungat sa paraan ng pag-iisip ng Diyos. Dahil dito, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang trahedya, at ang bansa ay walang patutunguhan.
Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya.
Alalahanin ang pangyayari sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodom, at isipin din kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paano nagsisi ang mga tao ng Ninive sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Hudyo si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Hudyo ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Hudyo ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang kahindik-hindik na kasalanan—at inudyukan ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.
Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bansa, lahat ng bayan, at maging lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, upang magawa ang Diyos na pinakabanal, pinaka-kagalang-galang, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at magbigay-daan sa buong sangkatauhan upang mamuhay sa ilalim ng pagpapala ng Diyos, tulad ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad nina Adan at Eba, na orihinal na ginawa ng Diyos, na namuhay sa Hardin ng Eden.
Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.
Iba Pang mga Paksa
-
Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
-
Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
-
Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa mga Tao
-
Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
-
Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
-
Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa