Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring magkaroon ang kahit na sinuman, ni hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng sinuman. Ito ay sapagkat maaari lamang magmula sa Diyos ang buhay, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo lamang ang may taglay sa diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo lamang ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng buhay, at ang bukal na may patuloy na umaagos na buhay na tubig ng buhay. Magmula noong nilikha Niya ang mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na may kinalaman sa sigla ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng napakalaking halaga upang magkamit ng buhay ang tao. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan muling binubuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang mapagkukunan para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Siya ang sanhi upang muling isilang ang tao, at binibigyang-kakayahan Niya itong isabuhay nang masigasig ang bawat papel nito. Salamat sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa sunud-sunod na mga salinlahi, at sa lahat ng ito’y ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pangunang sandigan sa pag-iral ng tao, at binayaran ng Diyos ang halagang hindi pa kailanman nabayaran ng isang karaniwang tao. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, higit ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, higit sa karaniwan ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikha o puwersa ng kaaway ang Kanyang puwersa ng buhay. Umiiral ang puwersa ng buhay ng Diyos at pinagniningning ang makinang nitong liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring sumasailalim sa malalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay ganoon pa rin magpakailanman. Maaaring lumilipas ang lahat ng bagay, ngunit mananatili pa rin ang buhay ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay at ang ugat ng kanilang pag-iral. Nanggaling sa Diyos ang buhay ng tao, dahil sa Diyos kaya mayroong kalangitan, at dahil sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos kaya mayroong mundo. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang takasan ang nasasakupan ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat sumuko ang lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at walang sinuman ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.
Marahil ang magkamit ng buhay ang ninanais mo ngayon, o marahil ninanais mong makamit ang katotohanan. Anuman ang kalagayan, nais mong matagpuan ang Diyos, matagpuan ang Diyos na maaasahan mo, at kayang magbigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at dapat mo munang malaman kung nasaan ang Diyos. Nasabi Ko na na tanging ang Diyos lamang ang buhay na hindi nababago, at tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay ng daan ng buhay. Dahil ang Diyos ay ang buhay na hindi nagbabago, Siya kung gayon ang buhay na walang hanggan; dahil tanging ang Diyos lamang ang daan ng buhay, ang Diyos Mismo kung gayon ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, dapat mo munang maintindihan kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamit itong daan ng buhay na walang hanggan. Magbahagian tayo ngayon tungkol dalawang usaping ito nang paisa-isa.
Kung nais mo talagang makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa paghahanap mo nito, kung gayon sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Marahil sasagot ka, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil masasabi mo na maliwanag na naninirahan ang Diyos sa lahat ng bagay. O maaaring masabi mo na naninirahan sa puso ng bawat tao ang Diyos, o na nasa espirituwal na mundo ang Diyos. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Hindi lubos na tamang sabihing naninirahan ang Diyos sa puso ng tao, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananalig sa Diyos, mayroong totoo ang paniniwala at mga huwad ang paniniwala, mayroong mga sinasang-ayunan ng Diyos at mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong mga nagbibigay-lugod sa Kanya at mga kinamumuhian Niya, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at mga inaalis Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa mga puso ng iilang tao, at walang-alinlangang ang mga taong ito ay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos, ang mga sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga nakalulugod sa Kanya, at angg mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na ng daan ng Diyos sa buhay na walang hanggan. Ang mga huwad ang paniniwala sa Diyos, ang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kinamumuhian ng Diyos, ang mga inaalis ng Diyos—tiyak na tatanggihan sila ng Diyos, tiyak na mananatili silang walang daan ng buhay, at tiyak na mananatiling hindi nakakaalam kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga taong may puso kung saan nananahan ang Diyos ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong pinagkakalooban ng Diyos ng daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Alam mo na ba ngayon kung nasaan ang Diyos? Kapwa nasa puso ng tao at nasa tabi ng tao ang Diyos. Hindi lamang Siya nasa espirituwal na mundo, at nangingibabaw sa lahat, kundi mas higit na nasa lupa kung saan naroroon ang tao. Kung gayon dinala ng pagdating ng mga huling araw ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong kalagayan. Hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa bawat isa sa lahat ng bagay, at Siya ang pangunahing sandigan ng tao sa kanyang puso, at bukod dito, namumuhay Siyang kasama ng tao. Sa pamamagitan lamang nito Niya maihahatid ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang tao sa daan ng buhay. Pumarito sa lupa ang Diyos, at namumuhay kasama ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at nang sa gayon ay magkaroon ng tao. Kasabay nito, pinamumunuan din ng Diyos ang bawat isa sa lahat ng bagay, upang padaliin ang pagtutulungan sa pamamahala na ginagawa Niya sa tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrinang nasa langit at nasa puso ng tao ang Diyos, subalit hindi kinikilala ang katotohanan ng pamumuhay ng Diyos kasama ng mga tao, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi mo kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.
Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at pagtustos ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon ay hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, kaya bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng nakalipas. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung ginagamit mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon hanggang ngayon, ikaw ay nagiging isang arkeologo, at isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo. Iyon ay sapagkat palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, naniniwala lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong nakalipas na mga panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi ka naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi ka naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Kaya hindi maikakailang nangangarap ka nang gising na ganap nang wala na sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon ay isa kang walang pag-asang piraso ng tuyong kahoy,[a] dahil masyado kang makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng katwiran!
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang pagmamalabis rito, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na Cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi partikular din na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isang katawang-taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at maipapahayag ang disposisyon ng Diyos, at kakatawan nang mahusay sa Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si Cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, ngunit sinasagot at pinagpapasyahan ito ng Diyos Mismo. Sa ganitong paraan, kung tunay mong ninanais na hanapin ang daan ng buhay, dapat mo munang kilalaning ginagampanan ng Diyos ang gawain ng pagkakaloob ng daan ng buhay sa tao sa pamamagitan ng pagpunta sa lupa, at dapat mong kilalaning sa mga huling araw Siya pupunta sa lupa upang ipagkaloob ang daan ng buhay sa tao. Hindi ito tumutukoy sa nakalipas; nangyayari ito ngayon.
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga salita, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano ang mga ito sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo. at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Naniniwala ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang daan. Di pwedeng isipin mo lang ang magkamit ng pagpapala pero wala kang kakayahang tumanggap sa katotohanan at tumanggap sa pagtustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay ang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ang Kanyang gawain ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukan mo pang makabawi, hindi mo na mapagmamasdan muli ang mukha ng Diyos kahit kailan. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng walang-ingat na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi katotohanan ang makapagdudulot sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
Iba Pang mga Paksa
-
Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
-
Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
-
Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa mga Tao
-
Nakabalik na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
-
Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
-
Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan