00:00
00:00

Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pangangasiwa ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.

Habang tahimik na sumasapit ang gabi, walang malay ang tao, dahil hindi mahiwatigan ng kanyang puso kung paano sumasapit ang dilim, ni kung saan ito nagmumula. Habang tahimik na lumilipas ang gabi, sinasalubong ng tao ang liwanag ng araw, ngunit tungkol sa kung saan nagmula ang liwanag, at kung paano nito naitaboy na ang dilim ng gabi, mas hindi ito alam ng tao, at lalong wala siyang malay riyan. Ang paulit-ulit na pagsasalitan ng araw at gabi ay dinadala ang tao mula sa isang panahon tungo sa isa pa, mula sa isang konteksto ng kasaysayan tungo sa sumunod, habang tinitiyak din na ang gawain ng Diyos sa bawat panahon at ang Kanyang plano para sa bawat kapanahunan ay isinasagawa. Naraanan na ng tao ang mga panahong ito na kasama ang Diyos, ngunit hindi niya alam na ang Diyos ang namumuno sa tadhana ng lahat ng bagay at buhay na nilalang, ni kung paano pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay. Naging mailap ito sa tao noon pa man hanggang ngayon. Bakit? Hindi dahil tagung-tago ang mga gawa ng Diyos, ni dahil kailangan pang maisakatuparan ang Kanyang plano, kundi dahil napakalayo ng puso’t espiritu ng tao sa Diyos, hanggang sa puntong patuloy pa ring nagsisilbi ang tao kay Satanas kahit sinusunod niya ang Diyos—at hindi pa rin niya alam iyon. Walang sinumang aktibong naghahanap sa mga yapak at pagpapakita ng Diyos, at walang sinumang handang mabuhay sa pangangalaga at pagkalinga ng Diyos. Sa halip, nais nilang umasa sa paninira ni Satanas, ang diyablo, para makaangkop sa mundong ito, at sa mga patakaran ng buhay na sinusunod ng masamang sangkatauhan. Sa puntong ito, ang puso’t espiritu ng tao ay naging parangal na niya kay Satanas at siyang bumubuhay rito. Higit pa rito, ang puso’t espiritu ng tao ay naging lugar na kung saan si Satanas ay makakapanirahan at naging akmang palaruan niya ito. Sa gayon hindi alam ng tao na nawawala ang kanyang pag-unawa sa mga prinsipyo ng pagiging tao, at ang halaga at kahulugan ng pag-iral ng tao. Ang mga batas ng Diyos at ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay unti-unting naglalaho sa puso ng tao, at tumitigil siya sa paghahanap o pakikinig sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, hindi na nauunawaan ng tao kung bakit siya nilikha ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos. Sa gayo’y nagsisimula ang tao na labanan ang mga batas at atas ng Diyos, at nagiging manhid ang kanyang puso’t espiritu…. Nawawala sa Diyos ang tao na orihinal Niyang nilikha, at nawawala sa tao ang ugat na orihinal niyang taglay: Ito ang pighati ng sangkatauhang ito. Sa katunayan, mula sa pinakasimula hanggang ngayon, nagsaayos na ng isang trahedya ang Diyos para sa sangkatauhan, kung saan ang tao ay kapwa bida at biktima. At walang makasagot kung sino ang direktor ng trahedyang ito.

Sa kalawakan ng mundo, umaapaw ang karagatan hanggang sa kaparangan, tumatabon ang kaparangan sa karagatan, nang paulit-ulit. Maliban sa Kanya na namumuno sa bawat bagay sa lahat ng bagay, walang sinumang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhan. Walang sinumang makapangyarihang magtatrabaho o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungang liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan sa mundo. Nananangis ang Diyos sa hinaharap ng sangkatauhan, nagdadalamhati sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan dahil naglalakad ang sangkatauhan, nang dahan-dahan, patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang nakakaisip kung saan ang maaaring patunguhan ng gayong sangkatauhan na bumigo sa puso ng Diyos at nagtakwil sa Kanya para hanapin ang diyablo. Ito mismo ang dahilan kung bakit walang nakadarama sa galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap ng paraan para mapalugod Siya o nagsisikap na mapalapit sa Kanya, at bukod pa riyan, kung bakit walang naghahangad na maunawaan ang Kanyang dalamhati at pasakit. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, patuloy na tumatahak ang tao sa sarili niyang landas, pilit na lumalayo sa Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip—dapat bang ipilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo—tungkol sa kung paano kikilos ang Diyos sa sangkatauhang ito na nagpaalis na sa Kanya nang hindi man lang lumilingon? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalala’t pangaral ng Diyos ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang walang-katulad na kalamidad, yaong hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao. Ang kalamidad na ito ay hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa. Kailangan mong malaman ito: Kapag nabigo ang plano ng Diyos, at kapag walang tumugon sa Kanyang mga paalala at pangaral, anong klaseng galit ang Kanyang ipamamalas? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o naririnig ng sinumang nilalang. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay walang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang tao, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatuwid, walang makakaunawa sa matitiyagang layunin at taimtim na pag-asam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ng pamamahala sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na ibinibigay ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit hindi nagpapasalamat. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkanulo, kinalimutan, at hinuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatuwid, hindi puwedeng sayangin ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa galit sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng hirap, hindi para sa katawan ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang katawan ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.

Lahat ng dumarating sa mundong ito ay kailangang magdaan sa buhay at kamatayan, at karamihan sa kanila ay nagdaan na sa paulit-ulit na kamatayan at muling pagsilang. Yaong mga nabubuhay ay malapit nang mamatay, at ang patay ay malapit nang magbalik. Lahat ng ito ay ang landas ng buhay na isinaayos ng Diyos para sa bawat buhay na nilalang. Ngunit ang landas at siklong ito ay ang katotohanan na mismong nais ng Diyos na makita ng tao: na ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay walang hanggan, hindi mapipigilan ng katawan, panahon, o kalawakan. Ito ang hiwaga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at patunay na ang buhay ay nagmula sa Kanya. Bagama’t maaaring maraming hindi naniniwala na ang buhay ay nagmula sa Diyos, hindi maiiwasan na tamasahin ng tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos, naniniwala man sila o hindi sa Kanyang pag-iral. Kung sakaling dumating ang araw na biglang magbago ang puso ng Diyos at naisin Niyang bawiin ang lahat ng umiiral sa mundo at ang buhay na naibigay Niya, mawawala na ang lahat. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang buhay para tustusan ang lahat ng bagay, kapwa buhay at walang buhay, na dinadala ang lahat sa magandang kaayusan sa bisa ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay isang katotohanan na walang makakaisip o makakaunawa, at ang mga katotohanang hindi maunawaan ang siya mismong pagpapakita, at katibayan, ng puwersa ng buhay ng Diyos. Ngayo’y may lihim Akong sasabihin sa iyo: Ang kadakilaan at kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay di-maarok ng sinumang nilalang. Gayon ito ngayon, tulad noon, at magkakagayon pagdating ng panahon. Ang pangalawang lihim na sasabihin Ko ay ito: Ang pinagmumulan ng buhay ng lahat ng nilikha ay ang Diyos, gaano man ang kanilang pagkakaiba sa anyo o kayarian; ano mang uri ka ng buhay na nilalang, hindi ka maaaring sumalungat sa landas ng buhay na itinakda ng Diyos. Gayunman, ang nais Ko lang ay maunawaan ito ng tao: Kung walang pangangalaga, pag-iingat, at panustos ng Diyos, hindi matatanggap ng tao ang lahat ng dapat niyang matanggap, gaano man katindi ang kanyang pagsisikap o pagpupunyagi. Kung wala ang panustos ng buhay mula sa Diyos, nawawalan ng pagpapahalaga ang tao sa buhay at ng diwa ng kahulugan ng buhay. Paano matutulutan ng Diyos na sayangin ng tao ang halaga ng Kanyang buhay, na walang inaalala? At tulad ng nasabi Ko dati: Huwag kalimutan na ang Diyos ang pinagmumulan ng iyong buhay. Kapag nabigo ang tao na itangi ang lahat ng naipagkaloob ng Diyos, hindi lamang babawiin ng Diyos ang ibinigay Niya sa simula, kundi ay pagbabayarin Niya ang tao nang doble ng halaga ng lahat ng naibigay Niya.

Mayo 26, 2003

00:00 00:00