01 Bakit maraming tao ang nananalangin ngunit bigong matanggap ang tugon ng Diyos?

Ang pananalangin ay isang paraan para sa ating mga Kristiyano upang mapanatili ang ating normal na relasyon sa Diyos. Ito ang ginagawa natin sa umaga at sa gabi. Gayunman, naguguluhan ka ba dito? Bagaman nananalangin tayo araw-araw, nadarama natin na parang wala ang Diyos doon; nararamdaman na parang kinakausap lamang natin ang ating sarili kapag nagdarasal tayo, at ang ating diwa ay hindi makaramdam ng kapayapaan o kagalakan. Matapat ang Diyos, kaya bakit hindi Niya sinasagot ang ating mga panalangin? Maaari nga kayang may ilang mga problema sa ating mga panalangin?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Wala nang higit pang kinamumuhian ang Diyos kaysa sa mga dalangin sa seremonyang panrelihiyon. Ang mga dalangin sa Diyos ay tinatanggap lamang kapag taos-puso ang mga ito. Kung wala kang sasabihing taos-puso, kung gayon ay manahimik; huwag kang palaging magsalita ng mga kasinungalingan at sumumpa nang nagbubulag-bulagan sa harap ng Diyos, sinusubukan Siyang linlangin, nagsasabi kung gaano mo Siya kamahal, kung gaano ka nagnanais na maging tapat sa Kanya. Kung hindi mo kayang makamit ang iyong mga ninanasa, kung wala ka ng ganitong paninindigan at tayog, huwag kang manalangin nang ganoon sa harap ng Diyos, anuman ang sitwasyon. Iyan ay pangungutya. Ang ibig sabihin ng pangungutya ay ginagawa mong katawa-tawa ang isang tao at pinaglalaruan mo siya. Kapag nananalangin ang mga tao sa harap ng Diyos nang may ganitong uri ng disposisyon, sa paano mang paraan, ito ay panlilinlang. Ang pinakamalala, kung madalas mo itong ginagawa, talagang kasumpa-sumpa ang pagkatao mo. Kung isusumpa ka ng Diyos, tatawagin iyong kalapastanganan! Walang pagpipitagan ang mga tao sa Diyos, hindi nila alam kung paano igalang ang Diyos, o kung paano Siya mahalin at bigyang-kasiyahan. Kung hindi malinaw sa kanila ang katotohanan, o tiwali ang kanilang disposisyon, palalampasin ito ng Diyos. Ngunit ipinapakita nila ang gayong pagkatao sa harap ng Diyos, at itinatrato ang Diyos tulad ng pagtrato ng mga walang pananampalataya sa ibang mga tao. Bukod pa riyan, taimtim silang lumuluhod sa Kanyang harapan sa pananalangin, gamit ang mga salitang ito upang subukang linlangin ang Diyos, at kapag tapos na sila, hindi lamang sila walang nadaramang pagsisisi, ngunit hindi rin nila nadarama ang kaseryosohan ng kanilang mga pagkilos. Dahil diyan, kasama ba nila ang Diyos? Ang isang tao bang lubos na walang presensya ng Diyos ay maliliwanagan at matatanglawan? Maliliwanagan ba sila ng katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Kung gayon ay may problema sila. Maraming beses ka na bang nanalangin sa gayong paraan? Madalas mo bang ginagawa iyon? Kapag masyadong matagal ang panahong ginugugol ng mga tao sa panlabas na mundo, naaamoy sa kanila ang baho ng lipunan, nadaragdagan ang kanilang likas na karumihan, at napupuno sila ng mala-satanas na mga lason at mga pamamaraan ng pamumuhay; ang namumutawi sa kanilang bibig ay puro kasinungalingan at panlilinlang, nagsasalita sila nang hindi nag-iisip, o kung hindi man ay nagsasalita sila ng mga salitang palaging walang laman kundi sarili nilang mga motibo at mithiin, at bihirang may wastong mga motibo. Seryoso ang mga problemang ito. Kapag dinala ng mga tao ang mala-satanas na pilosopiya at paraan ng pamumuhay na ito sa harap ng Diyos, hindi ba nila nilalabag ang disposisyon ng Diyos?

mula sa “Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan”

Nakatuklas ako ng isang suliranin na mayroon ang lahat ng tao. Kapag may nangyayari sa kanila, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin, subalit, para sa kanila, ang panalangin ay isang bagay, at iba pa ang kasalukuyang usapin. Naniniwala silang hindi sila dapat magsalita ng tungkol sa mga nangyayari sa kanila sa panalangin. Bihira kayong manalangin nang taimtim, at may ilan na hindi man lamang alam kung paano. Ang totoo niyan, ang manalangin ay para talaga sabihin kung ano ang nasa puso mo, na parang nagsasalita ka lamang gaya nang karaniwan mong ginagawa. Gayunman, may mga tao na nakalilimot ng kanilang lugar sa sandaling mag-umpisa silang manalangin; ipinagpipilitan nilang pagkalooban sila ng Diyos ng isang bagay, walang-ingat kung ito ba ay naaayon sa sa Kanyang kalooban, at, bilang resulta, humihina ang kanilang mga panalangin sa pagdalangin. Kapag nananalangin ka, anuman ang hinihingi mo sa iyong puso, anuman ang inaasam mo; o, marahil, may suliranin kang nais harapin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa rito, at hinihiling mo na bigyan ka ng Diyos ng karunungan o lakas, o na bigyan ka Niya ng kaliwanagan—anuman ang iyong kahilingan, dapat ay makatwiran ka sa pagsasabi nito. Kung hindi ka gayon, at lumuhod ka at nagsabing, “O Diyos, bigyan Mo ako ng lakas; hayaan Mong makita ko ang aking likas na pagkatao; nagmamakaawa akong gumawa Ka; nagmamakaawa ako sa Iyo para sa bagay na ito at iyon; nagmamakaawa ako sa Iyo na gawin mo akong ganito-at-ganyan….” Ang “pagmamakaawa” mong iyon ay may katangian ng pamimilit; ito ay isang tangkang pamumuwersa sa Diyos, upang pilitin Siyang gawin kung ano ang gusto mo—na ang mga itinatakda ay pinagpasyahan mo na pala antimano at nang mag-isa. Sa nakikita ng Banal na Espiritu, ano kaya ang epekto ng ganoong klaseng panalangin, kung naitakda mo na ang mga tuntunin at napagpasyahan mo na kung ano ang gusto mong gawin? Dapat manalangin ang sinuman nang may mapaghanap, mapagpakumbabang puso. Kapag may bagay na dumating sa iyo, halimbawa, at hindi ka sigurado kung paano ito harapin, maaaring masabi mo na, “O Diyos! Hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Nais kong mabigyan Ka ng kaluguran sa bagay na ito, at hanapin ang Iyong kalooban. Mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na matupad ang Iyong kalooban, hindi ang kalooban ko. Nalalaman Mo na ang lahat ng pantaong kalooban ay kasalungat ng sa Iyo, at lumalaban sa Iyo, at hindi naaayon sa katotohanan. Hinihiling Ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan, bigyan mo ako ng paggabay sa bagay na ito, huwag mo akong hayaang magkasala sa Iyo….” Iyan ang angkop na tono para sa isang panalangin. Kung sinasabi mo lamang na, “O Diyos, hinihiling ko na tulungan Mo ako, gabayan Mo ako, pagkalooban Mo ako ng tamang kapaligiran at mga tamang tao, at hayaan mo akong magawa nang mabuti ang aking gawain…,” kung gayon, pagkatapos ng iyong panalangin, hindi mo pa rin nauunawaan ang kalooban ng Diyos, dahil hinihiling mo sa Diyos na gumawa Siya nang ayon sa sarili mong kalooban.

mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito”

Napakadalas na wala sa katwiran ang inyong mga panalangin; lagi kayong dumadalangin sa ganitong tono: “Diyos ko! Yamang pinagagampanan Mo sa akin ang tungkuling ito, kailangan Mong gawing angkop ang lahat ng ginagawa ko para hindi maantala ang Iyong gawain at hindi mawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kailangan Mo akong protektahan….” Ang gayong panalangin ay walang-wala sa katwiran, hindi ba? Gagawa ba ang Diyos sa iyo kung lumalapit ka sa Kanya at nananalangin sa ganoong paraan? Makikinig ba Ako kung lumapit ka sa harapan Ko at nagsalita sa ganoong paraan? Sisipain kita papalabas ng pinto! Iba ka ba kapag kaharap mo ang Espiritu kung ikukumpara kapag nasa harapan ka ni Cristo? Kapag lumalapit ang isang tao sa Diyos upang manalangin, dapat nilang isaalang-alang kung paano nila ito maaaring gawin sa makatuwirang paraan, at kung paano nila maaaring isaayos ang kanilang panloob na kalagayan upang makamit ang kabanalan at magawang magpasakop. Kapag nagawa na ito, maaari ka nang magpatuloy at manalangin; mararamdaman mo ang presensya ng Diyos. Sa maraming pagkakataon, lumuluhod ang mga tao sa panalangin; ipinipikit nila ang kanilang mga mata, at wala silang maisip na mga salita kundi, “O Diyos! O Diyos!” Bakit ka sumisigaw nang gayon, walang masabing mga salita, sa loob ng matagal na panahon? Hindi tama ang iyong kalagayan. Nagagawa mo ba ang ganito? Alam mo na ngayon kung ano ang magagawa mo at kung hanggang saan mo ito makakayang gawin, at nagawa mo na ang iyong magagawa, ngunit may mga pagkakataon na malalagay ka sa mga hindi normal na kalagayan. Kung minsan, bagamat maaaring nakaayon ang iyong kalagayan, maaaring hindi mo malaman kung paano ito nangyari, at, mas madalas pa nga, wala kang naiisip na mga salita kapag nananalangin. Baka maisisi mo pa nga ito sa kakulangan mo ng edukasyon. Dapat bang may mataas na pinag-aralan ang isang tao upang makapagdasal? Ang panalangin ay hindi isang sanaysay—magsalita ka lamang nang taos sa puso, na may katwiran ng isang normal na tao. Tingnan mo ang mga panalangin ni Jesus (bagama’t hindi binabanggit dito ang Kanyang mga panalangin para pumalit ang mga tao sa Kanyang lugar o posisyon): Sa Halamanan ng Getsemani, idinalangin Niya, “Kung baga maaari….” Ibig sabihin, “Kung magagawa.” Sinabi ito sa talakayan; hindi Niya sinabing, “Nagsusumamo Ako sa Iyo.” Taglay ang puso at kalagayang nagpapasakop, idinalangin Niya, “Kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayonma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Ganito pa rin ang panalangin Niya sa pangalawang pagkakataon, at sa pangatlong pagkakataon idinalangin Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nauunawaan ang mga layon ng Diyos Ama, sinabi Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nagawa Niyang lubos na magpasakop nang hindi gumagawa ng anumang personal na pagpili. Hiniling Niya kung maaaring alisin sa Kanya ng Diyos ang saro. Ano ang ibig sabihin niyon? Nanalangin Siya sa gayong paraan dahil naisip Niya ang malaking pagdurusa ng pagdurugo sa krus hanggang sa Kanyang huling hininga—at patungkol ito sa kamatayan—at dahil hindi pa Niya lubos na naunawaan ang mga layon ng Diyos Ama. Dahil nagawa Niyang manalangin nang gayon sa kabila ng naisip na pagdurusa, talagang nagpasakop Siya nang husto. Ang Kanyang paraan ng panalangin ay normal; hindi Siya nagmungkahi ng anumang mga kundisyon sa Kanyang panalangin, ni hindi Niya sinabing alisin ang saro. Sa halip, ang Kanyang layunin ay hanapin ang kalooban ng Diyos sa isang sitwasyong hindi Niya naunawaan. Nang una Siyang manalangin, hindi Niya naunawaan, at sinabi Niya, “Kung baga maaari … kundi ang ayon sa ibig mo.” Nanalangin Siya sa Diyos nang nasa kalagayang nagpapasakop. Sa pangalawang pagkakataon, nanalangin Siya sa gayon ding paraan. Sa kabuuan, tatlong beses Siyang nanalangin (siyempre, ang tatlong panalanging ito ay hindi nangyari sa loob lamang ng tatlong araw), at sa Kanyang huling panalangin, lubos na Niyang naunawaan ang kalooban ng Diyos, pagkatapos niyon ay hindi na Siya nagsumamo pa ng anumang bagay. Sa Kanyang unang dalawang panalangin, naghahanap lamang Siya, at ginawa Niya ito sa kalagayang nagpapasakop. Gayunman, hindi talaga gayong manalangin ang mga tao. Sa kanilang mga panalangin, sinasabi ng mga tao, “Diyos ko, nagsusumamo ako na gawin Mo ito at iyon, at nagsusumamo ako na gabayan Mo ako sa ganito at ganoon, at nagsusumamo ako na ihanda Mo ang mga kondisyon para sa akin….” Marahil ay hindi Siya naghahanda ng angkop na mga kondisyon para sa iyo at hahayaan kang magdanas ng mga paghihirap. Hindi talaga makatwiran sa mga tao na palaging manalangin na nagsasabing, “Diyos ko, hinihiling ko na gumawa Ka ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng lakas.” Kailangan mong maging makatwiran kapag nananalangin ka, at kailangan mong gawin iyon dahil nagpapasakop ka. Huwag magtakda ng mga kondisyon sa iyong mga panalangin. Bago ka pa man magsimulang manalangin, nagtatakda ka na ng mga kondisyon, iniisip na: dapat akong magsumamo sa Diyos at ipagawa sa Kanya ito at iyon. Ang ganitong paraan ng pagdarasal ay talagang hindi makatwiran. Kadalasan, hindi talaga pinapakinggan ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao, kaya kapag nananalangin ang mga tao, wala silang anumang nadarama.

mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito”

Basahin ang iba pa

02 Ano ang totoong mga panalangin?

Alam nating lahat na hindi tayo maaaring humiwalay sa panalangin sa ating paniniwala sa Diyos. Gayunpaman, maraming tao ang hindi malinaw na nakakaunawa kung ano ang totoong mga panalangin, at kaya may maraming maling pagsasagawa. Ang ilang mga tao ay may mga hindi taos-pusong mga salita kapag nanalangin sila sa Diyos, at nagpapaagos lang sila at sumusunod lang sa proseso. Ang ilan ay nananalangin lamang para sa mga pagpapala at biyaya ng Diyos. Ang iba ay paulit-ulit lang ang mga salita sa kanilang mga panalangin araw-araw, tulad ng pagbigkas ng isang sanaysay. Pagkatapos ng pagdarasal na tulad nito, wala silang anumang partikular na pakiramdam, o hindi man lang sila naantig sa kanilang mga espiritu, mas lalong hindi nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Samakatuwid, ang ganitong uri ng panalangin ay hindi matatawag na totoong mga panalangin. Kung gayon, ano nga ba ang totoong mga panalangin?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin. Nakapagdasal ka na ba sa gayong paraan?

At ano naman ang nilalaman ng panalangin? Dapat kang manalangin nang paisa-isang hakbang, alinsunod sa tunay na kalagayan ng puso mo at sa gawain ng Banal na Espiritu; nakakaniig mo ang Diyos alinsunod sa Kanyang kalooban at sa mga hinihingi Niya sa tao. Kapag nagsimula kang manalangin, ibigay mo muna ang puso mo sa Diyos. Huwag kang magtangkang unawain ang kalooban ng Diyos—subukan mo lamang sabihin sa Diyos ang nasa puso mo. Kapag humarap ka sa Diyos, ganito ang sabihin mo: “Diyos ko, ngayong araw ko lamang napagtanto na dati akong sumusuway sa Iyo. Totoong ako ay tiwali at kasuklam-suklam. Sinasayang ko lang ang buhay ko. Mula sa araw na ito mabubuhay ako para sa Iyo. Mamumuhay ako nang makabuluhan at palulugurin ko ang Iyong kalooban. Nawa’y gumawa palagi sa akin ang Iyong Espiritu, patuloy akong liwanagan at tanglawan. Hayaan akong matibay at matunog na magpatotoo sa Iyong harapan. Hayaang makita ni Satanas sa amin ang Iyong kaluwalhatian, ang Iyong patotoo, at ang katibayan ng Iyong tagumpay.” Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, ganap na mapapalaya ang puso mo. Sa pagdarasal sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang puso mo sa Diyos, at kung madalas kang makapagdarasal sa ganitong paraan, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung palagi kang tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, at nagpapasya ka sa Kanyang harapan, darating ang araw na magiging katanggap-tanggap ang iyong pagpapasya sa harap ng Diyos, na matatamo ng Diyos ang iyong puso at buong pagkatao, at sa bandang huli ay gagawin ka Niyang perpekto. Para sa inyo, napakahalaga ng panalangin. Kapag nanalangin ka at tinanggap mo ang gawain ng Banal na Espiritu, aantigin ng Diyos ang puso mo, at lalakas ang loob mo na mahalin ang Diyos. Kung hindi ka magdarasal nang taos sa puso mo, kung hindi mo bubuksan ang puso mo para makipagniig sa Diyos, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa iyo. Pagkatapos mong manalangin at masabi ang nasa puso mo, kung hindi pa nasimulan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala kang natanggap na inspirasyon, ipinapakita nito na hindi tapat ang puso mo, hindi totoo ang sinasabi mo, at hindi pa rin dalisay. Pagkatapos mong manalangin, kung nakadama ka ng kasiyahan, naging katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong mga panalangin at gumagawa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Bilang isang taong naglilingkod sa harap ng Diyos, hindi maaaring hindi ka manalangin. Kung tunay mong itinuturing na makabuluhan at mahalaga ang pakikipagniig sa Diyos, maaari mo bang talikdan ang panalangin? Walang sinumang maaaring mabuhay na walang pakikipagniig sa Diyos. Kung walang panalangin, nabubuhay ka sa laman, sa pagkaalipin kay Satanas; kung walang tunay na panalangin, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Umaasa Ako na nagagawa ninyo, mga kapatid, na tunay na manalangin sa bawat araw. Hindi ito tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi tungkol sa pagtatamo ng tiyak na resulta. Handa ka bang isakripisyo ang kaunting tulog at kasiyahan upang bumangon nang maaga para sa mga panalangin sa umaga at masiyahan sa mga salita ng Diyos? Kung nagdarasal ka na may dalisay na puso at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang gaya nito, lalo kang magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ginagawa mo ito tuwing umaga, kung araw-araw mong isinasagawa na ibigay ang puso mo sa Diyos, makipagniig at makipag-usap sa Kanya, siguradong madaragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, at mas mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos. Sinasabi mo: “Diyos ko! Handa akong gampanan ang aking tungkulin. Sa Iyo ko lamang kayang ilaan ang aking buong pagkatao, upang Ikaw ay magtamo ng kaluwalhatian sa amin, upang matamasa Mo ang patotoong ibinabahagi ng grupo naming ito. Isinasamo ko na gumawa Ka sa amin, upang magawa kong tunay Kang mahalin at palugurin Ka at hangarin Ka bilang aking layunin.” Habang tinatanggap mo ang pasaning ito, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Hindi ka dapat manalangin para lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi dapat ka ring manalangin para masunod ang kalooban ng Diyos at para mahalin Siya. Ito ang pinakatunay na uri ng panalangin. Nagdarasal ka ba para masunod ang kalooban ng Diyos?

Noong araw, hindi ninyo alam kung paano manalangin, at kinaligtaan ninyo ang pagdarasal. Ngayon, kailangan ninyong gawin ang inyong makakaya para sanayin ang sarili ninyo na manalangin. Kung hindi mo kayang magkaroon ng lakas ng loob na mahalin ang Diyos, paano ka nagdarasal? Sinasabi mo: “Diyos ko, walang kakayahan ang puso ko na tunay Kang mahalin. Nais kong mahalin Ka, ngunit wala akong lakas. Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka.” Kapag nakasagupa mo ang isyung ito, manalangin ka nang ganito. Kung magdarasal ka nang ganito araw-araw, unti-unting mag-iibayo ang lakas mong mahalin ang Diyos.

mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin”

Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagtanglaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihingi ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.

mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin”

Paminsan-minsan, ang pananangan sa Diyos ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa Diyos na gawin ang isang bagay gamit ang tiyak na mga salita, o paghingi sa Kanya ng tiyak na paggabay o pag-iingat. Sa halip, ito ay yaong kapag nakakasagupa ang mga tao ng ilang usapin, nagagawa nilang tumawag sa Kanya nang taimtim. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos kapag tumatawag ang mga tao sa Kanya? Kapag ang puso ng isang tao ay naaantig at naiisip nila ito: “O Diyos, hindi ko ito magagawang mag-isa, hindi ko alam kung paano ito gagawin, at ako ay nanghihina at negatibo…,” kapag sumaisip nila ang mga bagay na ito, alam ba ito ng Diyos? Kapag naiisip ng mga tao ang ganito, ang mga puso ba nila ay taimtim? Kapag sila ay taimtim na tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, pumapayag ba ang Diyos na tulungan sila? Sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila nakapagsabi kahit isang salita, nagpapakita sila ng kataimtiman, at kaya sumasang-ayon ang Diyos na tulungan sila. Kapag ang isang tao ay nakakasagupa ng isang napakamasalimuot na paghihirap, kapag wala silang sinumang malalapitan, at kapag nadarama nila ang lalong kawalang-pag-asa, nagtitiwala sila sa Diyos bilang kanilang tanging pag-asa. Paano sila nananalangin? Ano ang kalagayan ng kanilang pag-iisip? Sila ba ay taimtim? Mayroon bang anumang di-dalisay sa panahong iyon? Kapag nagtitiwala ka sa Diyos na parang Siya ang huling hibla na makakapitan upang iligtas ang iyong buhay, umaasang tutulungan ka Niya, na taimtim ang iyong puso. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita, ang iyong puso ay naaantig na. Ibig sabihin, ibinibigay mo ang iyong taimtim na puso sa Diyos, at ang Diyos ay nakikinig. Kapag nakikinig ang Diyos, nakikita Niya ang iyong mga paghihirap, liliwanagan ka Niya, gagabayan ka, at tutulungan ka.

mula sa “Ang mga Mananampalataya ay Dapat Munang Makaaninag sa Masasamang Kalakaran ng Mundo”

Basahin ang iba pa

03 Paano Manalangin Upang Pakinggan ng Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Paano pumapasok ang isang tao sa tunay na panalangin?

Habang nagdarasal, kailangan ay tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kailangan kang magkaroon ng pusong tapat. Tunay kang nakikipagniig at nagdarasal sa Diyos—hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos gamit ang mga salitang magandang pakinggan. Dapat ay nakasentro ang panalangin doon sa nais isakatuparan ng Diyos ngayon mismo. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng higit na kaliwanagan at pagtanglaw, dalhin ang tunay na mga kalagayan at suliranin mo sa Kanyang presensya kapag nagdarasal ka, pati na ang pagpapasyang ginawa mo sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagsunod sa pamamaraan; tungkol ito sa paghahanap sa Diyos nang taos-puso. Hilingin mo sa Diyos na protektahan ang puso mo, upang madalas itong maging tahimik sa Kanyang harapan; na sa kapaligiran kung saan ka Niya inilagay, makilala mo ang iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili, at tatalikdan mo ang iyong sarili, sa gayon ay magkaroon ka ng normal na ugnayan sa Diyos at tunay na maging isang tao kang nagmamahal sa Diyos.

mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin”

Ang pinakamahalagang kaalaman tungkol sa panalangin:

1. Huwag pikit-matang sabihin ang anumang pumasok sa isipan. Kailangan ay may pasanin sa puso mo, ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang layunin kapag nagdarasal ka.

2. Ang panalangin ay kailangang maglaman ng mga salita ng Diyos; kailangan ay nakasalig ito sa mga salita ng Diyos.

3. Kapag nagdarasal, hindi mo kailangang ulit-ulitin ang lipas nang mga isyu. Dapat mong iugnay ang iyong mga panalangin sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at kapag nagdarasal ka, sabihin mo sa Diyos ang nasasaloob mo.

4. Ang panalangin ng grupo ay kailangang may isang bagay na pinagtutuunan, na kinakailangan ay ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu.

5. Kailangang matutuhan ng lahat ng tao ang panalangin ng pamamagitan. Isang paraan din ito ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos.

Ang buhay ng panalangin ng indibiduwal ay batay sa pagkaunawa sa kabuluhan ng panalangin at sa pangunahing kaalaman tungkol sa panalangin. Sa pang-araw-araw na buhay, kailangang madalas na ipagdasal ang sarili mong mga pagkukulang, ipagdasal na magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, at magdasal batay sa iyong kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Dapat magtatag ang bawat tao ng kanilang sariling buhay ng panalangin, dapat silang manalangin para malaman ang mga salita ng Diyos, at dapat silang manalangin upang maghangad ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Ihayag ang iyong personal na sitwasyon sa harap ng Diyos at magpakatotoo nang hindi nababahala sa paraan ng iyong pagdarasal, at ang pinakamahalaga ay magtamo ng tunay na pagkaunawa, at magtamo ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos. Ang isang taong nagsisikap na makapasok sa espirituwal na buhay ay kailangang manalangin sa maraming iba’t ibang paraan. Tahimik na panalangin, pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, pag-alam sa gawain ng Diyos—lahat ng ito ay mga halimbawa ng makabuluhang gawain ng espirituwal na pagbabahagi para makapasok sa normal na espirituwal na buhay, na laging nagpapainam sa mga kalagayan ng isang tao sa harap ng Diyos at nagtutulak sa kanya na mas umunlad sa buhay. Sa madaling salita, lahat ng ginagawa mo, kumakain at umiinom ka man ng mga salita ng Diyos, o tahimik na nagdarasal, o nagpapahayag nang malakas, ay para malinaw mong makita ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang nais Niyang matamo sa iyo. Ang mas mahalaga, lahat ng ginagawa mo ay ginagawa para maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at mas bumuti ang buhay mo. Ang pinakamaliit na hinihingi ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibinibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sinasabi sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang pasukin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahangad sa Diyos.

mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin”

At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga atas at maging tapat sa Iyong mga atas, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng mga tao ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawat isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?

mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak”

Nakatuklas ako ng isang suliranin na mayroon ang lahat ng tao. Kapag may nangyayari sa kanila, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin, subalit, para sa kanila, ang panalangin ay isang bagay, at iba pa ang kasalukuyang usapin. Naniniwala silang hindi sila dapat magsalita ng tungkol sa mga nangyayari sa kanila sa panalangin. Bihira kayong manalangin nang taimtim, at may ilan na hindi man lamang alam kung paano. Ang totoo niyan, ang manalangin ay para talaga sabihin kung ano ang nasa puso mo, na parang nagsasalita ka lamang gaya nang karaniwan mong ginagawa. Gayunman, may mga tao na nakalilimot ng kanilang lugar sa sandaling mag-umpisa silang manalangin; ipinagpipilitan nilang pagkalooban sila ng Diyos ng isang bagay, walang-ingat kung ito ba ay naaayon sa sa Kanyang kalooban, at, bilang resulta, humihina ang kanilang mga panalangin sa pagdalangin. Kapag nananalangin ka, anuman ang hinihingi mo sa iyong puso, anuman ang inaasam mo; o, marahil, may suliranin kang nais harapin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa rito, at hinihiling mo na bigyan ka ng Diyos ng karunungan o lakas, o na bigyan ka Niya ng kaliwanagan—anuman ang iyong kahilingan, dapat ay makatwiran ka sa pagsasabi nito. Kung hindi ka gayon, at lumuhod ka at nagsabing, “O Diyos, bigyan Mo ako ng lakas; hayaan Mong makita ko ang aking likas na pagkatao; nagmamakaawa akong gumawa Ka; nagmamakaawa ako sa Iyo para sa bagay na ito at iyon; nagmamakaawa ako sa Iyo na gawin mo akong ganito-at-ganyan….” Ang “pagmamakaawa” mong iyon ay may katangian ng pamimilit; ito ay isang tangkang pamumuwersa sa Diyos, upang pilitin Siyang gawin kung ano ang gusto mo—na ang mga itinatakda ay pinagpasyahan mo na pala antimano at nang mag-isa. Sa nakikita ng Banal na Espiritu, ano kaya ang epekto ng ganoong klaseng panalangin, kung naitakda mo na ang mga tuntunin at napagpasyahan mo na kung ano ang gusto mong gawin? Dapat manalangin ang sinuman nang may mapaghanap, mapagpakumbabang puso. Kapag may bagay na dumating sa iyo, halimbawa, at hindi ka sigurado kung paano ito harapin, maaaring masabi mo na, “O Diyos! Hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Nais kong mabigyan Ka ng kaluguran sa bagay na ito, at hanapin ang Iyong kalooban. Mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na matupad ang Iyong kalooban, hindi ang kalooban ko. Nalalaman Mo na ang lahat ng pantaong kalooban ay kasalungat ng sa Iyo, at lumalaban sa Iyo, at hindi naaayon sa katotohanan. Hinihiling Ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan, bigyan mo ako ng paggabay sa bagay na ito, huwag mo akong hayaang magkasala sa Iyo….” Iyan ang angkop na tono para sa isang panalangin. Kung sinasabi mo lamang na, “O Diyos, hinihiling ko na tulungan Mo ako, gabayan Mo ako, pagkalooban Mo ako ng tamang kapaligiran at mga tamang tao, at hayaan mo akong magawa nang mabuti ang aking gawain…,” kung gayon, pagkatapos ng iyong panalangin, hindi mo pa rin nauunawaan ang kalooban ng Diyos, dahil hinihiling mo sa Diyos na gumawa Siya nang ayon sa sarili mong kalooban.

Dapat mo ngayong tiyakin kung ang mga salitang ginagamit mo sa panalangin ay makatwiran. Kung hindi makatwiran ang iyong mga panalangin, kahit pa bunga ito ng iyong kahangalan o ng pagkakasadya, hindi gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Samakatuwid, kapag nananalangin ka, dapat kang magsalita nang matino, sa isang naaangkop na tono. Sabihin mo ito: “O Diyos! Nababatid mo ang aking mga kahinaan at aking pagiging mapaghimagsik. Hinihiling ko lamang na bigyan Mo ako ng lakas at tulungan Mo akong batahin ang aking kinalalagyan, subalit nang ayon lamang sa Iyong kalooban. Ito lamang ang aking hinihiling. Hindi ko alam kung ano ang Iyong kalooban, subalit matupad din nawa ang Iyong kalooban. Kahit pa papaglingkurin ako, o maging isang hambingan, maluwag sa loob ko itong gagawin. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng lakas at karunungan, at hayaan akong mabigyan ka ng kaluguran sa ganitong bagay. Nais ko lamang na magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos….” Pagkatapos ng gayong panalangin, mapapanatag ang iyong puso. Kung ang ginagawa mo lamang ay palaging magmakaawa, kung gayon, gaano man karami ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging mga salitang walang-laman; Hindi gagawa ang Diyos bilang pagtugon sa iyong pagsamo, dahil nakapagpasya ka na kung ano ang gusto mo sa una pa lang. Kapag lumuluhod ka sa panalangin, sabihin mo ito: “O Diyos! Nababatid Mo ang kahinaan ng tao, at nababatid Mo ang mga kalagayan ng tao. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan sa bagay na ito. Hayaan Mo akong maunawaan ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na magpasakop sa lahat ng Iyong isinasaayos; handa ang puso kong sundin Ka….” Manalangin nang gayon, at pakikilusin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi tama ang paraan ng iyong pananalangin, magiging walang pakinabang ang iyong panalangin, at hindi ka mapakikilos ng Banal na Espiritu. Huwag nang magsasasatsat pa at magsalita para iyong sarili—ang gawin iyon ay walang iba kundi pagiging pabaya at padalos-dalos. Gagawa ba ang Banal na Espiritu kung ikaw ay pabaya at padalos-dalos? Kapag lumalapit ang isang tao sa Diyos, dapat ay matuwid at maayos sila, na may debosyon, tulad ng mga pari noong Panahon ng Kautusan, na lahat ay lumuluhod kapag nag-aalay ng haing-sakripisyo. Hindi isang madaling bagay ang manalangin. Paano kaya uubra para sa isang tao ang paglapit sa Diyos nang nakalabas ang kanilang mga pangil at nakaamba ang kanilang matutulis na kuko, o ang manalangin nang nakatihaya, nalalambungan ng kanilang kumot, at naniniwalang naririnig sila ng Diyos? Hindi iyon kabanalan! Ang layunin Ko sa usapang ito ay hindi ang hingin sa mga tao na sumunod sa ilang tiyak na alituntunin; ang pinakasimpleng magagawa ng isang tao ay ihilig ang kanilang puso patungo sa Diyos, at lumapit sa Kanya nang may debosyon.

mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito”

Basahin ang iba pa