Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan isinakatuparan Niya ang gawaing magpapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Judio ay Manunubos ng mga Judio. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Judio, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Ingles, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Judio ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Judio; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, na nakalikha ng ilang haka-haka sa mga tao. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na Siya ay naging tao upang gumawa—at ano’t anuman, ang gawaing ito ay hindi na lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Egipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba-ibang haka-haka ang mga tao, at inilarawan ang gawain ng Diyos sa loob ng isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagpapasunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lagpas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga haka-haka lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang buong kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Nakatira man sila sa Tsina, sa Estados Unidos, sa United Kingdom o sa Russia, bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng paglikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa tatak na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay nilalang ng Diyos, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eva. Hindi lamang ang mga Israelita ang nilikha ng Diyos, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; napakababa nila. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming haka-haka at panuntunan sa tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga haka-haka ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang paabutin ang Kanyang gawain sa mga bansang Gentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Gentil, na kakalat ito sa mga bansang Gentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapaabot Niya ang Kanyang gawain sa mga bansang Gentil, sa bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bansang Gentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Maaaring ang Israel ang himpilan ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaaring ang Tsina ay himpilan din ng Kanyang gawain sa mga bansang Gentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bansang Gentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bansang Gentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga haka-haka ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay pinabayaan sila ni Jehova. Maaaring pabayaan ng mga tao ang ibang tao, ngunit kung pinabayaan sila ng Diyos, wala nang higit na walang katayuan, wala nang higit na mababa ang halaga. Para sa isang nilalang ng Diyos, ang maangkin ni Satanas o mapabayaan ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilalang na pinabayaan ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang hihigit pa sa kanilang mababang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakamagaling na sumira sa mga haka-haka ng tao, at pinaka-kapaki-pakinabang din sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakamainam na paraan ng pagsira sa mga haka-haka ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay sinisira Niya ang lahat ng haka-haka ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang unang gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bansang Gentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Gentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.
Ngayon, may mga hindi pa rin nakakaunawa kung anong bagong gawain ang nasimulan ng Diyos. Sa mga bansang Gentil, nagpasimula na ang Diyos ng isang bagong panimula. Nagpasimula Siya ng isang bagong kapanahunan, at nagpasimula ng bagong gawain—at ginagampanan Niya ang gawaing ito sa mga inapo ni Moab. Hindi ba ito ang Kanyang pinakabagong gawain? Wala pang sinuman sa buong kasaysayan ang nakaranas ng gawaing ito kailanman. Ni wala pang nakarinig dito, lalo nang walang nagpahalaga rito. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, pagiging di-maarok, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos ay nakikitang lahat sa yugtong ito ng gawain, ang gawain sa mga huling araw. Hindi ba ito bagong gawain, gawaing sumisira sa mga haka-haka ng tao? May mga nag-iisip ng ganito: “Yamang isinumpa ng Diyos si Moab at sinabi na tatalikuran Niya ang mga inapo ni Moab, paano Niya sila maaaring iligtas ngayon?” Sila yaong mga Gentil na isinumpa ng Diyos at pinaalis sa Israel; tinawag sila ng mga Israelita na “mga asong Gentil.” Sa paningin ng lahat, hindi lamang sila mga asong Gentil, kundi mas masahol pa, mga anak ng pagkawasak; na ibig sabihin, hindi sila mga taong hinirang ng Diyos. Maaaring naisilang sila sa loob ng mga hangganan ng Israel, ngunit hindi sila kabilang sa mga tao ng Israel, at pinatalsik sila sa mga bansang Gentil. Sila ang pinakaaba sa lahat ng tao. Ito ay dahil mismo sa sila ang pinakaaba sa sangkatauhan kaya isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paglulunsad ng isang panibagong kapanahunan sa kanila, sapagkat kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay namimili at may pinagtutuunan; ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga taong ito ngayon ay gawain ding isinasagawa sa lahat ng nilikha. Si Noe ay isang nilalang ng Diyos, gayundin ang kanyang mga inapo. Sinuman sa mundo na may laman at dugo ay mga nilalang ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos silang likhain. Ang Kanyang gawaing pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nais ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatuwid, sinisira Niya ang lahat ng kalakaran kapag gumagawa Siya sa mga tao; para sa Kanya, ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay walang kahulugan! Ang mga Judio ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mahusay na kakayahan at pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit mawawalan ng kahulugan ang pagsasagawa ng gawain ng panlulupig sa kanila ngayon. Maaari din silang maging bahagi ng paglikha, at maaaring maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit mawawalan ng silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi malulupig ng Diyos ang mga tao, ni hindi Niya makukumbinsi ang lahat ng nilikha, na siya mismong layunin ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagsira sa lahat ng panuntunan at lahat ng haka-haka ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinakatuparan ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bansang Gentil ng bayan ng malaking pulang dragon ang gawain ng Diyos bilang Diyos ng lahat ng nilikha; tinatapos Niya ang kabuuan ng Kanyang gawaing pamamahala, at winawakasan Niya ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang buod ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—na, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, sinisira nito ang lahat ng haka-haka ng tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at kaalaman ng tao. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga haka-haka ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga haka-haka ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang lahat ng tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspeto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling katayuan at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na natagpuan mo na ang pinakamasayang bagay: Nagmana ka na ng isang malaking pagpapala, nagtamo ka na ng isang dakilang pangako, at makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos. Namasdan mo na ang tunay na mukha ng Diyos, alam mo ang likas na disposisyon ng Diyos, at ginagawa mo ang kalooban ng Diyos. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—na isinakatuparan sa mga bansang Gentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bansang Gentil, at, dagdag pa rito, isinakatuparan noong una sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Sinisira ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga haka-haka ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng panlulupig, sinira na Niya ang mga haka-haka ng tao, yaong mga luma at sinaunang paraan ng kaalaman ng tao. Hinahayaan Niyang makita ng mga tao na walang mga panuntunan sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling kalooban at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at haka-haka ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating panuntunan, ni hindi Niya sinusunod ang mga lumang pamamaraan. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layunin nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, mawawalan ng epekto ang gawaing ito sa iyo.