Read more!
Read more!

Dapat Wasakin ng Diyos ang Sodoma

Genesis 18:26 At sinabi ni Jehova, “Kung makasumpong Ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin Ko ang buong dakong yaon, alang-alang sa kanila.”

Genesis 18:29 At siya’y muling nagsalita pa sa Kanya, at nagsabi, “Marahil ay may masusumpungang apatnapu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:30 At sinabi niya sa Kanya, “kung sakaling may masusumpungan doong tatlumpu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:31 At kanyang sinabi, “kung sakaling may masusumpungan doong dalawampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Genesis 18:32 At sinabi niya, “kung sakaling may masusumpungan doong sampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Ito ang ilang mga siping napili Ko mula sa Bibliya. Hindi ito ang kumpleto at orihinal na mga bersyon. Kung nais ninyong makita ang mga iyon, maaari ninyo mismong tingnan sa Bibliya. Upang makatipid sa oras, inalis Ko ang orihinal na bahagi ng nilalaman. Pinili Ko lamang dito ang ilang pangunahing sipi at pangungusap, at iniwan ang ilang pangungusap na walang kinalaman sa ating pagbabahagi ngayon. Sa lahat ng sipi at nilalaman na ating ibinabahagi, hindi natin pagtutuunan ng pansin ang mga detalye ng mga kuwento at asal ng tao sa mga kuwento. Sa halip, pag-uusapan lang natin ang mga kaisipan at ideya ng Diyos sa panahong iyon. Sa mga kaisipan at ideya ng Diyos, makikita natin ang disposisyon ng Diyos, at mula sa lahat ng ginawa ng Diyos, makikita natin ang tunay na Diyos Mismo—at makakamtan natin mula rito ang ating layon.

Pinagtutuunan Lamang ng Pansin ng Diyos ang mga Nakakasunod sa Kanyang mga Salita at Sumusunod sa Kanyang mga Utos

Naglalaman ng ilang pangunahing salita ang mga sipi sa itaas: mga numero. Una, sinabi ni Jehova na kung may matagpuan Siyang limampung matuwid sa lungsod, patatawarin Niya kung gayon ang buong lugar, na nangangahulugang hindi Niya wawasakin ang lungsod. Mayroon nga ba talagang limampung matuwid sa Sodoma? Wala. Pagkatapos na pagkatapos, ano ang sinabi ni Abraham sa Diyos? Sinabi niya, marahil ay may makikitang apatnapu? At sinabi ng Diyos, hindi Ko ito gagawin. Pagkatapos, sinabi ni Abraham, marahil ay may makikitang tatlumpu roon? At sinabi ng Diyos, hindi Ko ito gagawin. At marahil dalawampu? Hindi Ko ito gagawin. Sampu? Hindi Ko ito gagawin. Mayroon nga ba talagang sampung matuwid sa lungsod? Walang sampu—ngunit mayroong isa. At sino ang isang ito? Ito ay si Lot. Sa panahong iyon, may iisa lamang na taong matuwid sa Sodoma, ngunit masyado bang mahigpit o mapagwasto ang Diyos pagdating sa bilang na ito? Hindi, hindi Siya ganoon! At nang paulit-ulit na nagtatanong ang tao, “Paano kung apatnapu?” “Paano kung tatlumpu?” hanggang sa napunta siya sa “Paano kung sampu?” Sinabi ng Diyos, “Kahit na may sampu lamang, hindi Ko wawasakin ang lungsod; patatawarin Ko iyon at papatawarin ang ibang tao bukod sa sampung ito.” Kung mayroon lamang sampu, kaawa-awa talaga iyon, ngunit sa totoo, wala man lang ganoon karaming matuwid na tao sa Sodoma. Kung gayon, nakikita mo na sa mga mata ng Diyos na ang kasalanan at kasamaan ng mga tao sa lungsod ay ganoon na lamang na wala nang iba pang magagawa ang Diyos kundi ang wasakin sila. Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang hindi Niya wawasakin ang lungsod kung may limampung matuwid? Ang mga numerong ito ay hindi mahalaga sa Diyos. Ang mahalaga ay kung naglalaman o hindi ang lungsod ng matuwid na nais Niya. Kung may isa lang na matuwid na tao sa lungsod, hindi hahayaan ng Diyos na mapahamak siya sa pagwasak Niya sa lungsod. Ibig sabihin nito, wasakin man o hindi ng Diyos ang lungsod, at gaano man karami ang matuwid doon, para sa Diyos ang makasalanang lungsod na ito ay napakasama at kasuklam-suklam, at dapat lang na wasakin, dapat maglaho mula sa mga mata ng Diyos, habang ang matuwid ay dapat na manatili. Anuman ang kapanahunan, anuman ang yugto ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang saloobin ng Diyos ay hindi nagbabago: Kinamumuhian Niya ang kasamaan, at nagmamalasakit sa mga matuwid sa Kanyang mga mata. Itong malinaw na saloobin ng Diyos ay tunay rin na pahayag ng diwa ng Diyos. Dahil iisa lamang ang matuwid na tao sa loob ng lungsod, hindi na nag-atubili pa ang Diyos. Ang katapusang resulta ay ang hindi maiiwasang pagkawasak ng Sodoma. Ano ang nakikita ninyo rito? Sa kapanahunang iyon, hindi wawasakin ng Diyos ang isang lungsod kung mayroong limampung matuwid sa loob nito, at hindi rin kung may sampu, na nangangahulugan na ang Diyos ay magpapasya na magpatawad at magiging mapagparaya sa sangkatauhan, o gagawin ang gawain ng pagpatnubay, dahil sa iilang tao na kaya Siyang katakutan at sambahin. May malaking tiwala ang Diyos sa matutuwid na gawa ng tao, may malaki Siyang tiwala sa mga sumasamba sa Kanya, at may malaki Siyang tiwala sa mga nakagagawa ng mabubuting gawa sa Kanyang harapan.

Mula sa sinaunang panahon hanggang ngayon, nabasa na ba ninyo sa Bibliya ang Diyos na nagpapahayag ng katotohanan, o nagsasalita tungkol sa daan ng Diyos, sa sinumang tao? Hindi, hindi kailanman. Ang mga salita ng Diyos sa tao na nababasa natin ay nagsasabi lamang sa mga tao kung ano ang kanilang gagawin. Ang ilan ay pumunta at ginawa ito, ang ilan ay hindi; ang ilan ay naniwala, at ang ilan ay hindi. Iyan lamang ang naroon. Kaya ang matuwid noong kapanahunang iyon—ang matuwid sa mga mata ng Diyos—ay iyon lamang mga makakarinig sa mga salita ng Diyos at makakasunod sa mga utos ng Diyos. Sila ang mga lingkod na nagpatupad ng mga salita ng Diyos sa tao. Matatawag ba ang mga taong ito na nakakakilala sa Diyos? Matatawag ba silang mga taong ginawang perpekto ng Diyos? Hindi. Samakatuwid, anuman ang kanilang bilang, sa mga mata ng Diyos, karapat-dapat bang tawagin ang matutuwid na taong ito bilang mga pinagkakatiwalaan ng Diyos? Maaari ba silang tawaging mga saksi ng Diyos? Tiyak na hindi! Sila ay tiyak na hindi karapat-dapat tawaging mga pinagkakatiwalaan at saksi ng Diyos. Kung gayon ano ang itinawag ng Diyos sa mga naturang tao? Sa Lumang Tipan ng Bibliya, maraming pagkakataon na tinatawag sila ng Diyos bilang “Aking lingkod.” Na ibig sabihin, sa panahong iyon, sa mga mata ng Diyos, ang matutuwid na taong ito ay mga lingkod ng Diyos, sila ang mga taong naglingkod sa Kanya sa lupa. At paano naisip ng Diyos ang katawagang ito? Bakit Niya sila tinawag nang ganoon? Mayroon bang mga pamantayan ang Diyos sa Kanyang puso sa kung ano ang mga itinatawag Niya sa tao? Tiyak na mayroon. May mga pamantayan ang Diyos, tawagin man Niya ang tao na matuwid, perpekto, tapat, o mga lingkod. Kapag tinawag Niya na Kanyang lingkod ang isang tao, matibay ang Kanyang paniniwala na kayang matanggap ng taong ito ang Kanyang mga sugo, sundin ang Kanyang mga utos, at isagawa ang iniuutos ng mga sugo. At ano ang isinasagawa ng taong ito? Isinasagawa niya ang mga iniuutos ng Diyos na gawin at isakatuparan ng tao sa mundo. Sa panahong iyon, ang iniuutos ng Diyos na gawin at isakatuparan ng tao sa lupa ay matatawag bang daan ng Diyos? Hindi. Dahil sa panahong iyon, ang hiningi lamang ng Diyos ay ang gumawa ang tao ng ilang simpleng bagay; nagbigkas Siya ng ilang simpleng utos, na nagsasabi sa tao na gawin lamang ito o iyon, at wala nang iba pa. Ang Diyos ay gumawa ayon sa Kanyang plano. Dahil, sa panahong iyon, maraming kondisyon ang hindi pa nangyari, hindi pa hinog ang panahon, at mahirap sa sangkatauhang pasanin ang daan ng Diyos, kung kaya’t ang daan ng Diyos ay hindi pa nagsimulang lumabas mula sa puso ng Diyos. Nakita ng Diyos ang mga matuwid na taong sinabi Niya, na nakita natin dito—kahit na tatlumpu o dalawampu—bilang Kanyang mga lingkod. Kapag pinuntahan ng mga sugo ng Diyos ang mga lingkod na ito, magagawa nilang tanggapin sila, at sundin ang kanilang mga utos, at kumilos alinsunod sa kanilang mga salita. Ito mismo ang dapat na ginawa, at natamo, ng mga lingkod sa mga mata ng Diyos. Ang Diyos ay makatarungan sa Kanyang mga katawagan para sa mga tao. Tinawag Niya sila na Kanyang mga lingkod hindi dahil sila ay tulad ninyo ngayon—hindi dahil marami ang kanilang narinig na pangangaral, nakakaalam kung ano ang gagawin ng Diyos, maraming nauunawaan tungkol sa kalooban ng Diyos, at naiintindihan ang Kanyang plano ng pamamahala—subalit dahil sila ay naging tapat sa kanilang pagkatao at nagawa nilang sumunod sa mga salita ng Diyos; nang inutusan sila ng Diyos, isinantabi nila ang kanilang ginagawa at isinakatuparan kung ano ang inutos ng Diyos. Kung kaya’t para sa Diyos, ang iba pang aspeto ng kahulugan sa katawagan na lingkod ay ang pakikipagtulungan nila sa Kanyang gawain sa lupa, at kahit na hindi sila mga sugo ng Diyos, sila ang mga tagapagpaganap at tagapagpatupad ng mga salita ng Diyos sa lupa. Makikita ninyo na ang mga lingkod o matutuwid na tao na ito ay may malaking halaga sa puso ng Diyos. Ang gawain na sinimulan ng Diyos sa lupa ay hindi maaaring gawin nang wala ang mga taong tumulong sa Kanya, at ang papel na ginampanan ng mga lingkod ng Diyos ay hindi mapapalitan ng mga sugo ng Diyos. Ang bawat gawain na iniutos ng Diyos sa mga lingkod na ito ay malaki ang kahalagahan sa Kanya, kung kaya’t hindi Niya sila kayang mawala. Kung wala ang pakikipagtulungan na ito ng mga lingkod sa Diyos, maaaring mahinto ang Kanyang gawain sa sangkatauhan, at dahil dito, ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang mga inaasam ng Diyos ay maaaring mauwi sa wala.

Sagana sa Awa ang Diyos sa Kanyang mga Pinagmamalasakitan, at Malalim ang Poot sa mga Kinamumuhian at Tinatanggihan Niya

Sa mga salaysay sa Bibliya, mayroon bang sampung mga lingkod ng Diyos sa Sodoma? Wala! Karapat-dapat bang kaawaan ng Diyos ang lungsod na ito? Tanging ang isang tao sa lungsod—si Lot—ang tumanggap sa mga sugo ng Diyos. Ang ipinapahiwatig nito ay iisa lamang ang lingkod ng Diyos sa lungsod, at dahil dito, walang ibang pagpipilian ang Diyos kundi ang iligtas si Lot at wasakin ang lungsod ng Sodoma. Maaaring simple ang pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos na binanggit sa itaas, ngunit isang bagay na napakalalim ang ipinapakita nito: May mga prinsipyo sa mga pagkilos ng Diyos, at bago gumawa ng isang desisyon, maglalaan Siya ng mahabang oras sa pagmamasid at pagsasaalang-alang sa mga ito; kung hindi pa ito ang tamang oras, siguradong hindi Siya gagawa ng anumang desisyon o agad-agad na magpapasya. Ang mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos ay nagpapakita sa atin na wala ni katiting na kamalian sa desisyon ng Diyos na wasakin ang Sodoma, dahil alam na ng Diyos na walang apatnapung matuwid sa lungsod, kahit pa tatlumpu, o kaya ay dalawampu. Wala ni kahit na sampu. Ang tanging matuwid na tao sa lungsod ay si Lot. Ang lahat ng nangyari sa Sodoma at kalagayan nito ay pinagmasdan ng Diyos, at pamilyar ang mga ito sa Diyos gaya ng likuran ng Kanyang sariling kamay. Dahil dito, ang Kanyang desisyon ay hindi maaaring maging mali. Sa kabilang banda, kung ihahambing sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, napakamanhid ng tao, sobrang hangal at mangmang, lubos ang kakulangan sa pagpapahalaga sa kinabukasan. Ito ang nakikita natin sa mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos. Inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon magmula pa sa simula hanggang sa ngayon. Tulad nito, mayroon ding disposisyon ng Diyos na dapat nating makita. Simple ang mga numero, hindi sila nagpapakita ng kahit ano, ngunit dito ay may napakahalagang pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos. Hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa limampung matuwid. Ito ba ay dahil sa habag ng Diyos? Ito ba ay dahil sa Kanyang pagmamahal at pagpapaubaya? Nakita ba ninyo ang panig na ito ng disposisyon ng Diyos? Kahit na may sampung matuwid lamang, hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa sampung matuwid na mga taong ito. Ito ba, o hindi ba ito, ang pagpapaubaya at pagmamahal ng Diyos? Dahil sa habag, pagpapaubaya, at pagmamalasakit ng Diyos sa matuwid na mga taong ito, hindi Niya sana wawasakin ang lungsod. Ito ang pagpapaubaya ng Diyos. At sa katapusan, ano ang kalalabasan na makikita natin? Nang sinabi ni Abraham, “Kung sakaling may masusumpungan doong sampu,” sinabi ng Diyos, “Hindi Ko lilipulin.” Pagkatapos noon, wala nang sinabi si Abraham—dahil walang sampung matuwid sa Sodoma na kanyang tinukoy, at wala na siyang masasabi pa, at sa panahong iyon naunawaan niya kung bakit nagpasya ang Diyos na wasakin ang Sodoma. Dito, anong disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Anong uri ng paglutas ang ginawa ng Diyos? Nagpasya ang Diyos na kung walang sampung matuwid sa lungsod na ito, hindi Niya pahihintulutan ang pag-iral nito at wawasakin Niya ito. Hindi ba’t ito ang poot ng Diyos? Ang poot bang ito ang kumakatawan sa disposisyon ng Diyos? Ito bang disposisyon na ito ang pagpapahayag ng banal na diwa ng Diyos? Ito ba ang pagpapahayag ng matuwid na diwa ng Diyos, na hindi dapat nilalabag ng tao? Dahil nakumpirma na walang sampung matuwid sa Sodoma, tiniyak ng Diyos na wawasakin Niya ang lungsod, at parurusahan nang matindi ang mga tao sa lungsod na iyon, dahil nilabanan nila ang Diyos at dahil masyado silang marumi at tiwali.

Bakit natin sinuri ang mga talatang ito sa ganitong paraan? Dahil ang ilang simpleng pangungusap na ito ay nagbibigay ng ganap na pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos tungkol sa masaganang habag at malalim na poot. Kasabay ng pagpapahalaga sa matuwid, at pagkakaroon ng habag, pagpapaubaya, at pagmamalasakit sa kanila, may malalim na galit sa puso ng Diyos para sa lahat ng nasa Sodoma na naging tiwali. Ito ba, o hindi ba ito, ang masaganang habag at malalim na poot? Sa paanong paraan winasak ng Diyos ang lungsod? Sa pamamagitan ng apoy. At bakit Niya ito winasak gamit ang apoy? Kapag nakikita mo ang isang bagay na nasusunog ng apoy, o kung magsusunog ka ng isang bagay, ano ang nararamdaman mo ukol dito? Bakit gusto mo itong sunugin? Nadarama mo ba na hindi mo na ito kailangan, na hindi mo na nais pang tingnan ito? Gusto mo bang iwanan ito? Ang paggamit ng Diyos sa apoy ay nangangahulugan ng pag-iiwan, at pagkamuhi, at hindi na Niya nais pang makita ang Sodoma. Ito ang damdaming nagtulak sa Diyos upang tupukin ng apoy ang Sodoma. Ang paggamit ng apoy ay kumakatawan sa kung gaano kagalit ang Diyos. Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng paglabag. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos, tumalikod sa Diyos, at hindi kailanman bumalik, paano man niya ninais na ipakita ang kanyang pagsamba at pagsunod at pagtalima sa Diyos sa kanyang katawan at pag-iisip, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang sangkatauhan. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. Dito, tila normal sa mga tao ang pagwasak ng Diyos sa isang lungsod, dahil, sa mga mata ng Diyos, ang lungsod na puno ng kasalanan ay hindi maaaring umiral at patuloy na manatili, at makatwiran lang na dapat itong wasakin ng Diyos. Ngunit sa nangyari bago at kasunod ng Kanyang pagwasak sa Sodoma, nakikita natin ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot. Karamihan sa inyo ay nakaranas na ng habag ng Diyos, ngunit napakakaunti sa inyo ang nagpahalaga sa poot ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay makikita sa bawat tao. Ibig sabihin nito, ang Diyos ay nagbigay ng masaganang habag sa bawat tao. Ngunit napaka-bihira—o, masasabing, hindi kailanman—nagalit nang matindi ang Diyos sa sinumang indibidwal o sa anumang pangkat ng mga tao sa gitna ninyo. Huminahon lang! Darating ang panahon na ang poot ng Diyos ay makikita at mararanasan ng bawat tao, ngunit hindi pa ngayon ang panahon. At bakit ganito? Dahil kapag palaging galit ang Diyos sa isang tao, kapag pinakawalan Niya sa kanila ang Kanyang malalim na poot, ibig sabihin nito ay matagal na Niyang kinamuhian at tinanggihan ang taong ito, na kinamumuhian Niya ang kanyang pag-iral, at hindi na Niya matatagalan ang kanyang pag-iral; sa sandaling dumating ang Kanyang galit sa kanya, siya ay maglalaho. Sa ngayon, ang gawain ng Diyos ay hindi pa umaabot sa puntong iyan. Wala ni isa sa inyo ang makakayanan ang labis na galit ng Diyos. Nakikita ninyo, kung gayon, na sa panahong ito, masaganang habag lamang ang ipinapakita ng Diyos sa inyong lahat, at hindi pa ninyo nakikita ang Kanyang malalim na galit. Kung may mga nananatiling hindi kumbinsido, maaaring hingin ninyo na dumating sa inyo ang poot ng Diyos, upang inyong maranasan kung talagang umiiral o hindi ang poot ng Diyos at ang Kanyang disposisyon na hindi nagpapahintulot ng paglabag ng tao. Maglalakas-loob ba kayo?

Ang mga Tao ng mga Huling Araw ay Nakikita Lamang ang Poot ng Diyos sa Kanyang mga Salita, at Hindi Tunay na Nakararanas ng Poot ng Diyos

Ang dalawang panig ba ng disposisyon ng Diyos na nakikita sa mga talatang ito ng kasulatan ay karapat-dapat na pag-ukulan ng pagbabahaginan? Nang marinig ang kuwentong ito, nagkaroon ba kayo ng panibagong pagkaunawa tungkol sa Diyos? Anong klaseng pagkaunawa ang mayroon kayo? Masasabi na mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, walang grupong lubos na nagtamasa sa biyaya o habag at kagandahang-loob ng Diyos gaya ng panghuling grupong ito. Bagama’t sa huling yugto, ginawa na ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo, at ginawa ang Kanyang gawain nang may pagiging maharlika at poot, kadalasan ay gumagamit lang ang Diyos ng mga salita upang isakatuparan ang Kanyang gawain; gumagamit Siya ng mga salita upang magturo at magdilig, upang magbigay at magpakain. Samantala, ang poot ng Diyos ay palaging nananatiling nakatago, at maliban na lamang sa pagkaranas sa mabagsik na disposisyon ng Diyos sa Kanyang mga salita, kakaunting tao lamang ang personal na nakaranas ng Kanyang galit. Ibig sabihin nito, sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, bagama’t ang poot na ibinunyag sa mga salita ng Diyos ay nagpapahintulot sa mga tao na maranasan ang pagiging maharlika at kawalang-pagpaparaya ng Diyos sa paglabag, hanggang sa Kanyang mga salita lamang ang poot na ito. Sa madaling salita, ang Diyos ay gumagamit ng mga salita upang sawayin ang tao, ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at maging kondenahin ang tao—ngunit ang Diyos ay hindi pa talagang nagagalit sa tao, at bahagya pa lang na pinakawalan ang Kanyang poot maliban na lamang sa Kanyang mga salita. Dahil dito, ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na naranasan ng tao sa kapanahunang ito ay pagpapahayag ng tunay na disposisyon ng Diyos, habang ang poot ng Diyos na naranasan ng tao ay epekto lamang ng tono at pakiramdam ng Kanyang mga pagbigkas. Maraming tao ang nagkakamali sa pag-aakalang ang epektong ito ang tunay na karanasan at tunay na kaalaman sa poot ng Diyos. Bilang resulta, naniniwala ang karamihan na nakita na nila ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa Kanyang mga salita, na naranasan na rin nila ang kawalang-pagpaparaya ng Diyos sa mga paglabag ng tao, at karamihan sa kanila ay pinahahalagahan na ang habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Ngunit gaano man kasama ang ugali ng tao, o gaano man katiwali ang kanyang disposisyon, palaging nagtitiis ang Diyos. Sa pagtitiis, ang Kanyang layon ay ang maghintay sa mga salitang sinabi Niya, sa mga pagsisikap na ginawa Niya, at sa halagang ibinayad Niya upang makamit ang epekto sa mga taong nais Niyang matamo. Ang paghihintay sa ganitong kahihinatnan ay inaabot ng matagal na panahon, at nangangailangan ng pagkalikha ng iba’t ibang kapaligiran para sa tao, tulad ng hindi agarang pagiging matanda ng mga tao matapos nilang maipanganak; aabutin ng labingwalo o labingsiyam na taon, at ang ilang tao naman ay kakailanganin ang dalawampu o tatlumpung taon bago sila maituring na tunay na nasa wastong gulang. Hinihintay ng Diyos ang pagiging ganap ng prosesong ito, hinihintay Niya ang pagdating ng ganitong oras, at hinihintay Niya ang kahihinatnang ito. Sa buong panahon ng Kanyang paghihintay, ang Diyos ay labis na mahabagin. Gayunpaman, sa panahon ng gawain ng Diyos, napakaliit na bilang ng mga tao ang pinababagsak, at ang ilan ay pinaparusahan dahil sa kanilang malubhang paglaban sa Diyos. Ang ganitong mga halimbawa ay mas malaking patunay sa disposisyon ng Diyos na hindi nagpapalampas ng pagkakasala ng tao, at ganap na nagpapatibay sa tunay na pag-iral ng pagpaparaya at pagtitiis ng Diyos sa Kanyang mga taong hinirang. Mangyari pa, sa mga karaniwang halimbawang ito, hindi nakakaapekto sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos ang pagpapahayag ng bahagi ng Kanyang disposisyon sa mga taong ito. Sa katunayan, sa huling yugtong ito ng gawain ng Diyos, ang Diyos ay nagtiis sa buong panahon ng Kanyang paghihintay, at ipinagpalit Niya ang Kanyang pagtitiis at ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng mga taong sumusunod sa Kanya. Nakikita ba ninyo ito? Hindi sisirain ng Diyos ang Kanyang plano nang walang dahilan. Maaari Niyang ipamalas ang Kanyang poot, at maaari rin Siyang maging mahabagin; ito ang paghahayag ng dalawang pangunahing bahagi ng disposisyon ng Diyos. Ito ba ay hindi malinaw, o ito ba ay napakalinaw? Sa madaling salita, pagdating sa Diyos, tama at mali, makatarungan at hindi makatarungan, ang positibo at ang negatibo—ang lahat ng ito ay malinaw na ipinapakita sa tao. Kung ano ang Kanyang gagawin, kung ano ang Kanyang nais, kung ano ang Kanyang kinamumuhian—ang lahat ng ito ay maaaring ganap na makita sa Kanyang disposisyon. Ang ganitong mga bagay ay maaari ring higit na makita nang maliwanag at malinaw sa gawain ng Diyos, at hindi sila malabo o para sa pangkalahatan; sa halip, hinahayaan ng mga ito na makita ng lahat ng tao ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa isang bukod-tanging kongkreto, tunay, at praktikal na paraan. Ito ang tunay na Diyos Mismo.

Ang Disposisyon ng Diyos ay Hindi Kailanman Itinago sa Tao—ang Puso ng Tao ang Lumayo sa Diyos

Kung hindi Ko ibinahagi ang mga bagay na ito, wala sa inyo ang makakayanang masdan ang tunay na disposisyon ng Diyos sa mga kuwento sa Bibliya. Ito ang totoo. Ito ay sa kadahilang bagama’t ang mga kuwentong ito mula sa Bibliya ay nagtala ng ilan sa mga bagay na ginawa ng Diyos, kakaunti lamang ang sinabi ng Diyos, at hindi Niya tuwirang ipinakilala ang Kanyang disposisyon o hayagang inilabas ang Kanyang kalooban sa tao. Ipinagpalagay ng mga sumunod na henerasyon na ang mga talaang ito ay mga kuwento lamang, kung kaya’t para sa mga tao tila itinatago ng Diyos ang Kanyang sarili mula sa tao, na hindi ang persona ng Diyos ang nakatago sa tao, kundi ang Kanyang disposisyon at kalooban. Pagkatapos ng Aking pagbabahagi ngayon, nadarama pa rin ba ninyo na ang Diyos ay lubos na nakatago sa tao? Naniniwala pa rin ba kayo na ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa tao?

Mula noong panahon ng paglikha, ang disposisyon ng Diyos ay naaayon sa Kanyang gawain. Ito ay hindi kailanman nakatago mula sa tao, kundi ganap na nakalathala at ginawang malinaw sa tao. Ngunit, sa paglipas ng panahon, ang puso ng tao ay lalong lumayo mula sa Diyos, at habang lumalalim ang katiwalian ng tao, lalo pang napalayo ang tao mula sa Diyos. Dahan-dahan ngunit may katiyakan, ang tao ay naglaho mula sa paningin ng Diyos. Hindi na kayang “makita” ng tao ang Diyos, at nawalan ng anumang “balita” tungkol sa Diyos; dahil dito, hindi niya alam kung umiiral ba ang Diyos, at nagagawa pa ngang ganap na itanggi ang pag-iral ng Diyos. Bilang resulta, ang kawalan ng pagkaunawa ng tao sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, ay hindi dahil sa nakatago ang Diyos sa tao, kundi dahil sa paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Bagama’t naniniwala ang tao sa Diyos, sa puso ng tao ay walang Diyos, at hindi niya alam kung paano mahalin ang Diyos, ni hindi nga niya gustong mahalin ang Diyos, dahil ang kanyang puso ay hindi kailanman lumalapit sa Diyos at siya ay palaging umiiwas sa Diyos. Bilang resulta, ang puso ng tao ay malayo mula sa Diyos. Nasaan ang kanyang puso? Sa katunayan, ang puso ng tao ay hindi nagpunta sa kung saan: Sa halip na ibigay ito sa Diyos o ibunyag ito upang ipakita sa Diyos, itinago niya ito para sa kanyang sarili. Iyan ay sa kabila ng katunayan na ang ilang tao ay madalas na manalangin sa Diyos at magsabi, “O Diyos, tingnan Mo ang aking puso—alam Mo ang lahat ng nasa isip ko,” at ang ilan ay sumusumpa pa na hinahayaan nila ang Diyos na tingnan sila, nang sa gayon ay maparusahan sila kung hindi nila tutuparin ang kanilang isinumpa. Kahit na pinahihintulutan ng tao ang Diyos na tumingin sa loob ng kanyang puso, hindi ito nangangahulugan na siya ay may kakayahang sumunod sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ni hindi rin ibig sabihin na iniwan niya ang kanyang kapalaran at mga inaasam at ang lahat tungkol sa kanya sa ilalim ng pamamahala ng Diyos. Dahil dito, anupaman ang ipinangako mo sa Diyos o ipinahayag sa Kanya, sa paningin ng Diyos, ang iyong puso ay sarado pa rin sa Kanya, dahil hinahayaan mo lamang na tingnan ng Diyos ang iyong puso ngunit hindi mo Siya pinahihintulutang pamahalaan ito. Sa madaling salita, hindi mo pa talaga ibinibigay ang iyong puso sa Diyos, at nagsasabi ka lamang ng mga salitang maganda sa pandinig ng Diyos; samantala, itinatago mo sa Diyos ang iba’t iba mong mapanlinlang na layunin, kasama na ang iyong mga lihim na intriga, mga pakana, at mga plano, at mahigpit mong hinahawakan ang iyong mga inaasam-asam at kapalaran sa iyong mga kamay, nang may matinding takot na kukunin ng Diyos ang mga ito. Dahil dito, hindi kailanman nakita ng Diyos ang katapatan ng tao sa Kanya. Bagama’t pinagmamasdan ng Diyos ang kailaliman ng puso ng tao, at nakikita kung ano ang iniisip ng tao at mga nais gawin sa kanyang puso, at nakikita kung anong mga bagay ang nakatago sa kanyang puso, ang puso ng tao ay hindi pag-aari ng Diyos, at hindi niya ito isinuko upang pamahalaan ng Diyos. Sinasabi nito na ang Diyos ay may karapatang magmasid, ngunit wala Siyang karapatang mamahala. Sa pansariling kamalayan ng tao, hindi gusto at walang balak ang tao na isuko ang kanyang sarili sa pagsasaayos ng Diyos. Hindi lamang isinara ng tao ang kanyang sarili sa Diyos, ngunit mayroon pang mga taong nag-iisip kung paano itatago ang kanilang mga puso, gamit ang mga kaakit-akit na mga salita at labis-labis na papuri upang lumikha ng impresyon na hindi naman tunay at makuha ang tiwala ng Diyos, at itinatago ang kanilang tunay na katauhan sa paningin ng Diyos. Ang hindi nila pagpapahintulot sa Diyos na makakita ay dahil sa layon nila na hindi Siya pahintulutang makilala kung ano ba talaga sila. Hindi nila nais na ibigay ang kanilang mga puso sa Diyos, kundi panatilihin ang mga ito para sa kanilang mga sarili. Ang ibig sabihin nito ay ang lahat ng ginagawa ng tao at ang gusto niya ay nakaplano, tinantiya at pinagpasyahan ng tao mismo; hindi niya kailangan ang pakikilahok o pakikialam ng Diyos, at lalong hindi niya kailangan ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos. Sa gayon, maging tungkol man sa mga utos ng Diyos, sa Kanyang tagubilin, o sa mga hinihingi ng Diyos mula sa tao, ang mga desisyon ng tao ay nakabatay sa kanyang sariling mga layunin at interes, sa kanyang sariling kalagayan at sa mga pangyayari sa panahong iyon. Laging ginagamit ng tao ang kaalaman at mga pagkaunawa na pamilyar sa kanya, at ang kanyang sariling pag-iisip, upang humatol at pumili ng landas na dapat niyang tahakin, at hindi niya pinahihintulutan ang panghihimasok o pamamahala ng Diyos. Ito ang puso ng tao na nakikita ng Diyos.

Mula sa simula hanggang ngayon, tanging tao lamang ang may kakayahang makipag-usap sa Diyos. Iyon ay, sa lahat ng mga nabubuhay at mga nilalang ng Diyos, walang iba pa, maliban sa tao, ang nagawang makipag-usap sa Diyos. Ang tao ay may mga tainga na nagbibigay sa kanya ng kakayahang makarinig, at mga mata para siya ay makakita. Mayroon siyang wika, sariling mga ideya, at malayang kalooban. Nagmamay-ari siya ng lahat ng kailangan upang marinig ang Diyos na nangungusap, at maintindihan ang kalooban ng Diyos, at tanggapin ang tagubilin ng Diyos, kung kaya’t ipinaaalam ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga hangarin sa tao, sa kagustuhan Niyang gawin ang tao na isang makakasama na kaisa Niya sa pag-iisip at makakasama Niya sa Kanyang paglalakad. Mula pa nang nagsimula Siyang mamahala, hinihintay na ng Diyos na ibigay ng tao ang puso nito sa Kanya, na hayaan ang Diyos na gawin itong dalisay at ihanda ito, upang ito ay maging kasiya-siya sa Diyos at mahalin ng Diyos, upang katakutan nito ang Diyos at layuan ang kasamaan. Ang Diyos ay lubos na umasa at nag-abang sa kahihinatnang ito.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Share