Genesis 22:16–18 Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, sabi ni Jehova, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak: Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.
Ito ay isang walang bawas na pahayag ng pagpapala ng Diyos kay Abraham. Kahit maikli, ang nilalaman nito ay sagana: Kabilang dito ang dahilan, at pinagbabatayan, ng regalo ng Diyos kay Abraham, at kung ano ang ibinigay Niya kay Abraham. Punong-puno din ito ng kagalakan at kasiyahan kung saan binigkas ng Diyos ang mga salitang ito, pati na rin ang apurahang pananabik Niya na makamit ang mga taong magagawang makinig sa Kanyang mga salita. Dito, nakikita natin ang pagpapahalaga ng Diyos, at pagkalinga tungo sa mga sumusunod sa Kanyang mga salita at sumusunod sa Kanyang mga utos. Gayundin naman, nakikita natin ang halaga na Kanyang binabayaran upang makuha ang mga tao, at ang kalinga at pagtuon na Kanyang ibinibigay upang makamit sila. Bukod dito, ang sipi, na naglalaman ng mga salitang “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako,” ang nagbibigay sa atin ng matinding pakiramdam ng kapaitan at pasakit na pinasan ng Diyos at tanging ng Diyos lamang, sa likod ng gawain ng Kanyang plano ng pamamahala. Ito ay isang nakakapukaw-isipang sipi, at isang may natatanging kabuluhan, at nagkaroon ng napakalalim na epekto para sa mga taong dumating pagkatapos noon.
Malaki ba ang pagpapalang ibinigay ng Diyos kay Abraham sa ating nabasa rito? Gaano ito kalaki? Mayroong isang napakahalagang pangungusap dito: “At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa.” Ang pangungusap na ito ay nagpapakita na tinanggap ni Abraham ang mga pagpapala na hindi ibinigay sa sinumang dumating bago o matapos ang pagdating niya. Gaya ng hiningi ng Diyos, nang ibinalik ni Abraham ang kanyang nag-iisang anak na lalaki—ang kanyang pinakamamahal at kaisa-isang anak na lalaki—sa Diyos (hindi natin maaaring gamitin dito ang salitang “inalay”; dapat nating sabihing ibinalik niya ang kanyang anak sa Diyos), hindi lamang hindi pinahintulutan ng Diyos na ialay ni Abraham si Isaac, kundi binasbasan din Niya siya. Anong pangako ang Kanyang naging pagpapala kay Abraham? Ito ay ang pangakong pararamihin ang kanyang lahi. At gaano karami sila pararamihin? Ibinibigay ng Kasulatan ang sumusunod na tala: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa.” Ano ang konteksto kung saan binigkas ng Diyos ang mga salitang ito? Ibig sabihin, paano tinanggap ni Abraham ang pagpapala ng Diyos? Tinanggap niya ito tulad ng sinasabi ng Diyos sa Kasulatan: “sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.” Iyan nga, dahil sumunod si Abraham sa utos ng Diyos, dahil nagawa niya ang lahat ng sinabi, hiningi at iniutos ng Diyos nang wala ni katiting na pagdaing, kung kaya’t gumawa ng ganitong pangako ang Diyos sa kanya. May isang mahalagang pangungusap sa pangakong ito na tumuon sa kaisipan ng Diyos sa pagkakataong iyon. Nakita ba ninyo ito? Maaaring hindi ninyo gaanong binigyang pansin ang mga salita ng Diyos na “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako.” Ibig nilang sabihin, nang bigkasin ng Diyos ang mga salitang ito, ay nanunumpa Siya sa Kanyang sarili. Sa ano nangangako ang mga tao kapag nanunumpa sila? Sumusumpa sila sa Langit, na ang ibig sabihin ay nangangako at sumusumpa sila sa ngalan ng Diyos. Maaaring walang gaanong pagkaunawa ang mga tao sa kababalaghan kung saan nanumpa ang Diyos sa Kanyang sarili, ngunit mauunawaan ninyo ito kapag naibigay Ko sa inyo ang tamang paliwanag. Kapag kaharap ang isang tao na maririnig lamang ang Kanyang mga salita ngunit hindi naman nauunawaan ang Kanyang puso, nadarama muli ng Diyos ang kalungkutan at kawalan. Sa kawalan ng pag-asa—at, maaaring sabihin, na hindi namamalayan—ginawa ng Diyos ang isang napakalikas na bagay: Inilagay ng Diyos ang Kanyang kamay sa Kanyang puso at kinausap ang Kanyang sarili nang ibinigay Niya ang pangakong ito kay Abraham, at mula rito narinig ng tao ang sinabi ng Diyos “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako.” Sa pamamagitan ng mga pagkilos ng Diyos, maaari mong isipin ang iyong sarili. Kapag inilagay mo ang iyong kamay sa iyong puso at nakipag-usap ka sa iyong sarili, malinaw ba sa iyo ang iyong sinasabi? Taos-puso ba ang iyong saloobin? Ikaw ba ay nagsasalita nang matapat, nang buong puso? Kaya, nakikita natin dito na nang nagsalita ang Diyos kay Abraham, Siya ay maalab at taos-puso. Kasabay ng pagsasalita at pagpapala kay Abraham, nangungusap din ang Diyos sa Kanyang sarili. Sinasabi Niya sa Kanyang sarili: Pagpapalain Ko si Abraham, at gagawing kasing dami ng mga bituin sa langit ang kanyang mga supling, at kasing sagana ng buhangin sa baybayin ng dagat, sapagkat dininig niya ang Aking mga salita at siya ang Aking hinirang. Nang sabihin ng Diyos “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako,” pinagpasyahan ng Diyos na magmumula kay Abraham ang Kanyang lahing hinirang na Israel, pagkatapos ay pangungunahan Niya ang mga taong ito ayon sa bilis ng Kanyang gawain. Iyan nga, gagawin ng Diyos ang lipi ni Abraham na taga-dala ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang gawain ng Diyos at ang ipinahayag ng Diyos ay magsisimula kay Abraham, at magpapatuloy sa lipi ni Abraham, kaya’t maisasakatuparan ang hangarin ng Diyos na iligtas ang tao. Anong masasabi ninyo, hindi ba ito isang pagpapala? Para sa tao, wala nang hihigit pang pagpapala kaysa rito. Maaaring sabihin na ito ay ang pinaka-pinagpalang bagay. Ang pagpapalang nakamit ni Abraham ay hindi ang pagpaparami ng kanyang supling, kundi ang tagumpay ng Diyos sa Kanyang pamamahala, ang Kanyang atas, at ang Kanyang gawain sa lipi ni Abraham. Ibig ipakahulugan ng mga ito na ang mga pagpapalang nakamit ni Abraham ay hindi pansamantala, ngunit patuloy na sumulong ayon sa plano ng pamamahala ng Diyos. Nang magsalita ang Diyos, nang mangako ang Diyos sa Kanyang sarili, nakapagpasya na Siya. Totoo ba ang proseso ng pagpapasyang ito? Tunay ba ito? Napagpasyahan ng Diyos, na mula sa panahong iyon, ang Kanyang mga pagsisikap, ang halaga na Kanyang ibinayad, kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, ang lahat sa Kanya, at maging ang Kanyang buhay, ay ibibigay kay Abraham at sa lipi ni Abraham. Maging iyon ay napagpasyahan ng Diyos, na magmula sa grupong ito ng mga tao, ipapamalas Niya ang Kanyang mga gawa at papayagan ang taong makita ang Kanyang karunungan, awtoridad, at kapangyarihan.
Kasabay ng pakikipag-usap sa Kanyang sarili, nakipag-usap din ang Diyos kay Abraham, ngunit maliban sa pagkarinig sa mga pagpapala na ibinigay ng Diyos sa kanya, naunawaan ba ni Abraham ang tunay na mga hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga salita sa sandaling iyon? Hindi! Kung kaya’t sa sandaling iyon, nang nangako ang Diyos sa Kanyang sarili, malungkot at nagdadalamhati pa rin ang Kanyang puso. Wala pa rin kahit isang tao na nakaunawa o nakaintindi ng Kanyang balak at plano. Sa sandaling iyon, walang sinuman—kabilang si Abraham—ang buo ang loob na makipag-usap sa Kanya, at lalong walang sinuman ang kayang makipagtulungan sa Kanya sa paggawa ng mga dapat Niyang gawin. Sa panlabas, nakamit ng Diyos si Abraham, isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa katunayan, ang kaalaman ng taong ito sa Diyos ay halos salat na salat. Kahit na pinagpala ng Diyos si Abraham, ang puso ng Diyos ay hindi pa rin nasiyahan. Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay hindi nasiyahan? Ito ay nangangahulugan na ang Kanyang pamamahala ay kasisimula pa lamang, ito ay nangangahulugan na ang mga taong nais Niyang makamit, ang mga taong inasam Niyang makita, ang mga taong minahal Niya, ay malayo pa rin sa Kanya; kailangan Niya ng oras, kailangan Niyang maghintay, at kailangan Niyang maging matiyaga. Dahil sa panahong iyon, bukod sa Diyos Mismo, wala ni isa ang nakakaalam ng mga pangangailangan Niya, o ng mga nais Niyang makamit, o ng Kanyang pinananabikan. Kaya kasabay ng naramdaman na matinding kasiyahan, nakaramdam din ng kabigatan ng puso ang Diyos. Ngunit hindi Niya pinigilan ang Kanyang mga hakbang, at nagpatuloy na magplano ng susunod na hakbang na dapat Niyang gawin.
Ano ang nakikita ninyo sa pangako ng Diyos kay Abraham? Nagbigay ng maraming biyaya ang Diyos kay Abraham dahil lamang nakinig si Abraham sa mga salita ng Diyos. Bagama’t sa tingin, tila normal ito at tunay na inaasahan, dito ay nakikita natin ang puso ng Diyos: Lubos na pinahahalagahan ng Diyos ang pagkamasunurin ng tao sa Kanya, at itinatangi ang pag-unawa ng tao sa Kanya at ang sinseridad nito sa Kanya. Gaano itinatangi ng Diyos ang sinseridad na ito? Maaaring hindi ninyo maunawaan kung gaano Niya ito itinatangi, at maaaring wala ni isa ang nakakaunawa nito. Ibinigay ng Diyos ang isang anak na lalaki kay Abraham, at nang lumaki ang batang ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ialay ang kanyang anak sa Diyos. Tumpak na sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos, sinunod niya ang salita ng Diyos, at ang kanyang sinseridad ay nakaantig sa damdamin ng Diyos at pinahalagahan ng Diyos. Gaano ito pinahalagahan ng Diyos? At bakit Niya ito pinahalagahan? Sa panahong walang nakaunawa sa mga salita ng Diyos o nakaintindi sa Kanyang puso, may ginawa si Abraham na nagpayanig sa kalangitan at nagpanginig sa kalupaan, at nagbigay ito ng hindi matatawarang kasiyahan sa Diyos, at nagbigay sa Diyos ng kagalakan sa pagkamit ng isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ang kasiyahan at kagalakan na ito ay nagmula sa isang nilalang na gawa ng sariling kamay ng Diyos, at ang unang “sakripisyo” na inialay ng tao sa Diyos at pinaka-pinahalagahan ng Diyos, magmula nang likhain ang tao. Nahirapan ang Diyos na hintayin ang sakripisyong ito, at trinato Niya ito bilang unang pinakamahalagang regalo na mula sa tao, na Kanyang nilikha. Ipinakita nito sa Diyos ang unang bunga ng Kanyang mga pagsusumikap at ang halaga na Kanyang binayaran, at dahil dito ay nagkaroon Siya ng pag-asa sa sangkatauhan. Pagkatapos, nagkaroon ang Diyos ng higit pang pananabik para sa isang grupo ng ganitong uri ng tao upang samahan Siya, tratuhin Siya nang may sinseridad, at bigyan Siya ng kalinga nang may sinseridad. Umasa pa ang Diyos na patuloy na mabubuhay si Abraham, dahil ninais Niyang samahan Siya ng pusong tulad ng kay Abraham sa pagpapatuloy Niya sa Kanyang pamamahala. Anuman ang nais ng Diyos, isa lamang itong hangarin, isa lamang ideya—dahil si Abraham ay tao lamang na nagawa Siyang sundin, at wala ni kakaunting pagkaunawa o kaalaman tungkol sa Diyos. Si Abraham ay isang taong masyadong malayo ang agwat sa mga sumusunod na pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao: pagkilala sa Diyos, kakayahang magpatotoo tungkol sa Diyos, at pakikiisa sa isipan ng Diyos. Dahil dito, hindi maaaring lumakad si Abraham kasama ng Diyos. Sa paghahandog ni Abraham kay Isaac, nakita ng Diyos ang sinseridad at pagkamasunurin ni Abraham, at nakita Niyang napagtagumpayan ni Abraham ang pagsubok ng Diyos sa kanya. Kahit pa tinanggap ng Diyos ang kanyang sinseridad at pagkamasunurin, hindi pa rin siya karapat-dapat na pagkatiwalaan ng Diyos, at maging isang taong nakakikilala at nakauunawa sa Diyos, at mayroong kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos; malayo siya sa pagiging kaisa sa isipan ng Diyos at sa paggawa ng Kanyang kalooban. Dahil dito, sa Kanyang puso, ang Diyos ay malungkot at nababahala pa rin. Nang maging mas malungkot at nababahala ang Diyos, mas kinailangan Niyang ipagpatuloy ang Kanyang pamamahala sa lalong madaling panahon, at makapili at magkamit ng isang grupo ng mga tao na magsasakatuparan ng Kanyang plano ng pamamahala at tutupad sa Kanyang kalooban sa lalong madaling panahon. Ito ang maalab na pagnanais ng Diyos, at nanatili itong hindi nagbabago mula sa pinakasimula hanggang ngayon. Magmula pa nang likhain Niya ang tao sa simula, nananabik na ang Diyos sa isang grupo ng mga mananagumpay, isang grupo na lalakad na kasabay Niya, at nauunawaan, nalalaman, at naiintindihan ang Kanyang disposisyon. Ang pagnanais na ito ng Diyos ay hindi kailanman nagbago. Gaano man katagal ang kailangan Niyang hintayin, gaano man kahirap ang daan sa hinaharap, at gaano man kalayo ang mga layon na Kanyang kinasasabikan, hindi kailanman binago o isinuko ng Diyos ang Kanyang mga inaasahan sa tao. Ngayong nasabi Ko na ito, may naunawaan ba kayo tungkol sa hangarin ng Diyos? Marahil ay hindi masyadong malalim ang inyong naunawaan—ngunit unti-unti itong darating!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II