Matapos ang labis na pagkaabala at pagmamadali, napakaraming pagkadismaya at kabiguan, matapos ang napakaraming galak at kalungkutan at mga tagumpay at mga pagkabigo, matapos ang napakaraming di-malilimutang taon, matapos ang pagmamasid sa muli’t muling pagbabago ng panahon, dumaraan ang isang tao sa mahahalagang pangyayari sa buhay nang hindi ito namamalayan, at sa isang iglap, natatagpuan niya ang kanyang sarili na nasa takipsilim na ng buhay. Nakatatak ang mga marka ng panahon sa lahat ng bahagi ng katawan niya: Hindi na siya makatayo nang tuwid, ang itim na buhok sa ulo ay nagiging puti, habang ang maliliwanag at malilinaw na mata ay nagdidilim at nanlalabo, ang makinis at malambot na balat ay nagiging kulubot at batik-batik. Ang pandinig niya ay humihina, ang mga ngipin ay umuuga at nalalaglag, ang mga reaksyon ay nahuhuli, at ang mga kilos ay bumabagal…. Sa puntong ito, ganap nang nakapagpaalam ang isang tao sa maalab na mga taon ng kanyang kabataan at pumasok na sa takipsilim ng kanyang buhay: ang katandaan. Susunod, haharapin niya ang kamatayan, ang huling sugpungan sa buhay ng tao.
Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, samakatuwid ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang nagtadhana ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kapanganakan ng isang tao, hindi man sabihin ay Siya rin ang nagsaayos ng isang itinakdang hanay ng mga pangyayari para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak na nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at kapwa ang kapanganakan at kamatayan ay marapat na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Ang mga pangyayari sa kapanganakan at kamatayan niya ay kapwa itinadhana ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Dahil marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, totoo rin na likas na magaganap ang kamatayan ng tao sa ilalim ng espesyal na hanay ng magkakaibang pangyayari. Ito ang dahilan kaya may magkakaibang haba ng buhay ang mga tao at magkakaibang paraan at mga oras ang kanilang mga kamatayan. May ilang tao na malakas at malusog ngunit namamatay nang maaga; ang mga iba ay mahina at sakitin ngunit nabubuhay hanggang sa tumanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Natatapos ng ilan ang kanilang mga buhay nang malayo sa tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay lumulubog sa ilalim ng tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakawala sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao. Maaaring gawin ng tao ang lahat ng uri ng mga plano para sa kanyang kinabukasan, subalit walang sinuman ang maaaring makapagplano ng paraan at panahon ng kanyang kapanganakan at ng kanyang pag-alis mula sa mundo. Bagaman ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya upang iwasan at pigilan ang pagdating ng kamatayan, gayunpaman, tahimik na lumalapit ang kamatayan nang hindi nila nalalaman. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan o kung paano sila mamamatay, lalong hindi nila alam kung saan ito magaganap. Malinaw na hindi ang sangkatauhan ang humahawak ng kapangyarihan ng buhay at kamatayan, hindi isang nilalang sa natural na mundo, kundi ang Lumikha, na ang awtoridad ay natatangi. Ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay hindi bunga ng ilang batas ng mundong natural, ngunit bunga ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha.
Kapag pumasok ang isang tao sa katandaan, ang hamon na kinakaharap niya ay hindi ang pagtustos para sa isang pamilya o pagtatatag niya ng matataas na ambisyon sa buhay, kundi kung paano mamamaalam sa sariling buhay, kung paano haharapin ang pagtatapos ng sariling buhay, kung paano tutuldukan ang sariling pag-iral. Bagama’t tila kaunting atensyon lang ang ibinibigay ng mga tao sa kamatayan, walang sinuman ang maaaring makaiwas sa pagsiyasat sa paksa, sapagkat walang sinuman ang nakakaalam kung may isa pa ngang mundo sa dakong mas malayo pa sa kamatayan, isang mundo na hindi kayang mahiwatigan o maramdaman ng mga tao, isang mundo na wala silang alam. Ito ang sanhi ng takot ng tao na tuwirang harapin ang kamatayan, takot na kaharapin ito ayon sa nararapat; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maiwasan ang paksa. Kung kaya pinupuno nito ang bawat tao ng pangamba tungkol sa kamatayan, at nagdaragdag ng tabing ng misteryo sa di-maiiwasang katotohanang ito ng buhay at nagbibigay ng karimlan sa puso ng bawat tao.
Kapag nararamdaman ng isang tao na nanghihina na ang kanyang katawan, kapag nadarama niya na papalapit na siya sa kamatayan, nakakaramdam siya ng malabong pangamba, ng isang di-maipahayag na takot. Ipinadarama sa isang tao ng takot sa kamatayan ang mas matindi pang kalungkutan at kawalang-kakayahan, at sa puntong ito ay tinatanong niya sa sarili: Saan nanggaling ang tao? Saan papunta ang tao? Ganito ba mamamatay ang tao, pagkatapos daanan nang mabilis ang kanyang buhay? Ito ba ang yugto na nagmamarka sa katapusan ng buhay ng tao? Ano, sa bandang huli, ang kahulugan ng buhay? Sa huli, ano ang halaga ng buhay? Tungkol ba ito sa katanyagan o karangyaan? Tungkol ba ito sa pagtataguyod ng isang pamilya? … Napag-iisipan man ng isang tao ang tungkol sa partikular na mga katanungang ito o hindi, kahit gaano katindi ang takot ng isang tao sa kamatayan, sa kaibuturan ng puso ng bawat tao ay palaging may pagnanais na siyasating maigi ang mga misteryo, isang pakiramdam ng kawalan ng pagkaunawa sa buhay, at kahalo ng mga ito, ang pagka-sentimental tungkol sa mundo at ang pag-aatubili na lumisan. Marahil walang sinuman ang makapagsasabi nang malinaw kung ano ang kinatatakutan ng tao, kung ano ang hinahangad ng tao, kung ano ang dahilan ng pagiging sentimental niya at kung ano ang atubili siyang iwanan …
Dahil sa takot nila sa kamatayan, masyadong nag-aalala ang mga tao; dahil sa takot nila sa kamatayan, kay dami nilang hindi mabitawan. Kapag mamamatay na sila, may ilang tao ang naliligalig tungkol sa ganito o sa ganoon; nag-aalala sila tungkol sa kanilang mga anak, sa mga minamahal nila sa buhay, sa kanilang kayamanan, na para bang sa pamamagitan ng pag-aalala ay mabubura nila ang paghihirap at pangamba na dala ng kamatayan, na para bang sa pagpapanatili ng pagiging malapit sa nabubuhay ay maaari nilang matakasan ang kawalang-kakayahan at kalungkutan na kaakibat ng kamatayan. Sa kaibuturan ng puso ng tao ay nakahimlay ang isang di-malinaw na takot, ang takot na malayo mula sa mga minamahal, na hindi na kailanman muling makita ng mga mata ang mga bughaw na kalangitan, na kailanman ay hindi na matingnan ang materyal na mundo. Ang isang nalulungkot na kaluluwa na sanay na kasama ang mga minamahal ay nag-aatubiling pakawalan ang kapit nito at lumisan, na nag-iisa, tungo sa isang di-nakikilala at hindi pamilyar na mundo.
Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Lumikha, ang isang malungkot na kaluluwa na nagsimula nang walang anuman sa pangalan niya ay nagkakaroon ng mga magulang at isang pamilya, ng pagkakataon na maging kasapi ng sangkatauhan, ng pagkakataon na maranasan ang buhay ng tao at makita ang mundo. Natatamo rin ng kaluluwa na ito ang pagkakataon na maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na malaman ang kahanga-hangang paglikha ng Lumikha, at higit pa riyan ay ang malaman at magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Subalit hindi tunay na sinasamantala ng karamihan ng mga tao ang pambihira at madaling lumipas na pagkakataong ito. Inuubos ng tao ang panghabambuhay na halaga ng enerhiya sa paglaban sa kapalaran, ginugugol ang lahat ng kanyang panahon sa pagiging abala para buhayin ang kanyang pamilya at nagpapabalik-balik sa pagitan ng kayamanan at katayuan. Ang mga bagay na pinakaiingat-ingatan ng mga tao ay ang pamilya, salapi, at katanyagan at itinuturing nila ang mga bagay na ito na pinakamahahalagang bagay sa buhay. Lahat ng tao ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga kapalaran, subalit isinasantabi pa rin nila sa kanilang mga isip ang mga usapin na pinakamahalagang suriin at unawain: bakit buhay ang tao, paano dapat mabuhay ang tao, ano ang kahalagahan at kahulugan ng buhay. Gaano man karaming taon sila magtatagal, ginugugol lamang nila ang buong buhay nila sa pagiging abala sa paghahanap ng katanyagan at kapakinabangan, hanggang sa lumipas na ang kabataan nila at maging matanda at kulubot na sila. Nabubuhay sila nang ganito hanggang sa makita nila na hindi mapapahinto ng katanyagan at kapakinabangan ang pagdausdos nila tungo sa katandaan, na hindi maaaring punan ng salapi ang kahungkagan ng puso, na walang sinuman ang malilibre mula sa mga batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, na hindi matatakasan ninuman ang kapalarang nakalaan sa kanila. Tanging kapag napilitan lamang silang harapin ang huling sugpungan ng buhay nila tunay na nauunawaan na kahit na magmay-ari ang isang tao ng napakalaking kayamanan at napakaraming ari-arian, kahit marami siyang pribilehiyo at may mataas na katayuan, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kamatayan at bawat isa ay babalik sa kanyang orihinal na posisyon: isang nag-iisang kaluluwa, na walang anuman sa pangalan niya. Kapag ang isang tao ay may mga magulang, naniniwala siya na ang kanyang mga magulang ang lahat; kapag ang isang tao ay may ari-arian, iniisip niya na ang salapi ang pangunahing sandigan niya, na ito ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng isang tao; kapag ang mga tao ay may katayuan, mahigpit ang pagkapit nila rito at isasapalaran nila ang kanilang mga buhay dahil dito. Tanging kapag bibitawan na ng mga tao ang mundong ito nila matatanto na ang mga bagay na pinaggugulan nila ng kanilang buhay na kamtin ay parang mga dumaraang ulap lamang, wala sa mga ito ang maaari nilang panghawakan, wala sa mga ito ang maaari nilang isama, wala sa mga ito ang maaaring maglibre sa kanila mula sa kamatayan, wala sa mga ito ang maaaring magbigay ng makakasama o aliw sa isang malungkot na kaluluwa sa pagbabalik nito; at higit sa lahat, wala sa mga ito ang maaaring magligtas sa tao at magbigay sa kanya ng kakayahan na malampasan ang kamatayan. Ang katanyagan at kapakinabangan na natatamo ng isang tao sa materyal na mundo ay maaaring makapagbigay sa kanya ng panandaliang kasiyahan, lumilipas na kaaliwan, at isang huwad na pakiramdam ng kaluwagan; dahilan para mawala sa tamang landas ang isang tao. Kaya habang sila ay kumakawag-kawag sa malawak na dagat ng sangkatauhan, nananabik sa kapayapaan, kaginhawahan, at kapanatagan ng puso, ang mga tao ay muli’t muling nadadala sa ilalim ng mga alon. Kapag hindi pa nauunawaan ng mga tao ang mga katanungan na pinakamahalagang maunawaan—kung saan sila nanggaling, bakit sila nabubuhay, saan sila patutungo, at iba pa—sila ay naaakit ng katanyagan at kapakinabangan, inililigaw, kinokontrol ng mga ito at tuluyan nang nawawala. Mabilis na lumilipas ang panahon; dumadaan ang mga taon sa isang kisapmata, at bago pa matanto ng isang tao, siya ay nakapagpaalam na sa pinakamaiinam na taon ng kanyang buhay. Kapag malapit nang lumisan ang isang tao mula sa mundo, unti-unti niyang natatanto na ang lahat sa mundo ay inaanod, na hindi na siya makakapit sa mga pag-aari niya na orihinal na sa kanya; doon tunay na nararamdaman ng isang tao na siya ay walang kahit anong pag-aari, tulad ng isang tumataghoy na sanggol na kalalabas lang sa mundo. Sa puntong ito, napipilitan siyang pag-isipan kung ano ang nagawa niya sa buhay, ano ang kabuluhan ng pagiging buhay, ano ang kahulugan nito, bakit naparito siya sa mundo. At sa puntong ito ay mas ninanais niyang malaman kung tunay na may kabilang buhay, kung tunay na mayroong Langit, kung talagang mayroong kabayaran…. Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol talaga saan ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila nagiging mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalang-kakayahan; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit ipinamamalas ng mga tao ang ganitong mga pakiramdam habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang katanyagan at kayamanan kung saan nila isinalig ang kanilang buhay, at iiwan na nila ang lahat ng nakikita sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso at di-kilalang mundo na natatakot silang puntahan, kung saan ay wala silang mga mahal sa buhay at walang susuporta. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, nagugulumihanan, at nakakaranas ng kawalang-kakayahan na hindi nila kailanman naranasan. Kapag ang mga tao ay talagang nakarating na sa puntong ito ay saka pa lamang nila matatanto na ang unang bagay na dapat maunawaan ng isang tao, kapag umapak sila sa mundong ito, ay kung saan nanggaling ang mga tao, bakit buhay ang mga tao, sino ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, sino ang nagbibigay at may kataas-taasang kapangyarihan sa pag-iral ng tao. Sa kaalamang ito tunay na nabubuhay ang isang tao, ang pangunahing batayan para patuloy na mabuhay ang tao—hindi ang pagkakatuto kung paano suportahan ang sariling pamilya, o kung paano makakamtan ang katanyagan at kayamanan, hindi ang matutuhan kung paano mamumukod-tangi sa karamihan ng tao o kung paano magkaroon ng isang mas marangyang pamumuhay, mas lalong hindi upang matutuhan kung paano mangibabaw o matagumpay na makipagpaligsahan sa iba. Bagaman ang pinaggugugulan ng mga tao ng kanilang buhay na pagiging mahusay sa iba’t ibang kasanayan para maipagpatuloy ang buhay ay maaaring makapaghandog ng kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga ito ay di-kailanman nakapagdadala sa puso ng isang tao ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, sa halip ay patuloy na nagiging dahilan ang mga ito para mawala ng mga tao ang kanilang direksyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, mapalampas ang bawat pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay; ang mga kasanayan na ito na para sa patuloy na pamumuhay ay lumilikha ng pagkaligalig kung paano angkop na haharapin ang kamatayan. Sa ganitong paraan, nasisira ang mga buhay ng mga tao. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, ay saka pa lamang makikita ng tao ang liwanag—at kapag nagkagayon ay huling-huli na ang lahat.
Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng mga tao, lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ito ng mga tao, mas kinatatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito nila tunay na napagtatanto na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, hindi sa kanila para kontrolin, at walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay—ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol.
Sa sandaling ipanganak ang isang tao, sinisimulan ng isang malungkot na kaluluwa na danasin ang buhay sa mundo, na danasin ang awtoridad ng Lumikha na isinaayos ng Lumikha para sa kanya. Hindi man kailangang sabihin, para sa tao—sa kaluluwa—ito ay isang napakagandang pagkakataon upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na makilala ang Kanyang awtoridad at personal na maranasan ito. Nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng mga batas ng kapalaran na inilatag para sa kanila ng Lumikha, at para sa sinumang makatwirang tao na may konsensya, ang pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at malaman ang Kanyang awtoridad sa loob ng ilang dekada ng kanilang buhay ay isang bagay na hindi mahirap gawin. Kaya napakadali dapat para sa isang tao na makilala, sa pamamagitan ng kanyang sariling mga karanasan sa buhay sa nakaraang ilang dekada, na ang lahat ng kapalaran ng tao ay pauna nang itinadhana, at madali na dapat niyang maunawaan o ibuod kung ano ang kahulugan ng maging buhay. Kasabay ng pagyakap ng isang tao sa mga aral na ito sa buhay, unti-unti niyang mauunawaan kung saan nanggagaling ang buhay at maiintindihan kung ano ang tunay na kinakailangan ng puso, kung ano ang makapagdadala sa kanya sa tunay na landas ng buhay, at kung ano dapat ang misyon at mithiin sa buhay ng tao. Unti-unting makikilala ng tao na kung hindi niya sasambahin ang Lumikha, kung hindi siya pasasailalim sa Kanyang kapamahalaan, kung gayon kapag dumating na ang panahon na haharapin na niya ang kamatayan—kapag ang isang kaluluwa ay haharap nang muli sa Lumikha—mapupuno ang kanyang puso ng walang hanggang takot at pagkabalisa. Kapag ilang dekada nang nabubuhay ang isang tao sa mundo subalit hindi pa rin niya alam kung saan nanggaling ang buhay ng tao at hindi pa rin niya nakikilala kung kaninong palad nakalagay ang kapalaran ng tao, kung gayon ay hindi nakapagtataka na hindi niya makakayang harapin ang kamatayan nang mahinahon. Ang isang tao na nakatamo ng kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha matapos makaranas ng ilang dekada ng buhay, ay isang tao na may tamang pagpapahalaga sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang taong ito ay may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, may tunay na karanasan at pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at higit pa riyan ay may kakayahan na magpasailalim sa awtoridad ng Lumikha. Nauunawaan ng ganoong tao ang kahulugan ng paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, nauunawaan niya na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na ang lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw sa hindi malayong hinaharap. Nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kataas-taasang kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa buhay at kamatayan ay pauna nang itinadhana ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, isinasantabi ang lahat ng makasanlibutang pag-aari niya nang mahinahon, tinatanggap at masayang nagpapasailalim sa lahat ng kasunod, at malugod na tinatanggap ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na walang taros na katakutan at labanan ito. Kung tinitingnan ng isang tao ang buhay bilang isang pagkakataon para maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at makilala ang Kanyang awtoridad, kung nakikita niya na ang kanyang buhay ay isang pambihirang pagkakataon upang gampanan ang sariling tungkulin bilang isang nilikhang tao at tuparin ang kanyang misyon, kung gayon ay talagang magkakaroon siya ng wastong pananaw sa buhay, tiyak na magkakaroon ng buhay na pinagpapala at ginagabayan ng Lumikha, siguradong lalakad sa liwanag ng Lumikha, tiyak na makikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, talagang magpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan, siguradong magiging isang saksi sa Kanyang mahimalang mga gawa, at sa Kanyang awtoridad. Hindi man kailangang sabihin, ang ganoong tao ay talagang minamahal at tinatanggap ng Lumikha, at tanging ang ganoong tao ang maaaring magkaroon ng mahinahong saloobin sa kamatayan at magagalak na salubungin ang huling sugpungan ng buhay. Ang isang tao na malinaw na nagkaroon ng ganitong uri ng saloobin ukol sa kamatayan ay si Job. Nasa posisyon noon si Job na masayang tanggapin ang huling sugpungan ng buhay, at nang ang kanyang paglalakbay sa buhay ay humantong na sa isang maayos na katapusan at nang makumpleto na ang kanyang misyon sa buhay, bumalik na siya sa tabi ng Lumikha.
Sa Bibliya nasusulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito ay nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi siya nakaramdam ng sakit, bagkus ay natural siyang lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na may takot sa Diyos at iniwasan ang kasamaan noong siya ay nabubuhay pa. Ang kanyang mga gawa ay pinapurihan ng Diyos at inalala ng mga tao, at ang kanyang buhay ay maaaring sabihin na nagkaroon ng halaga at kabuluhan na higit kaysa kaninuman. Tinamasa ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag Niya siyang matuwid sa lupa, at siya ay sinubok din ng Diyos, at tinukso ni Satanas. Naging saksi siya ng Diyos at naging marapat na matawag Niya na isang matuwid na tao. Ilang dekada matapos siyang subukin ng Diyos, nagkaroon siya ng buhay na higit na mahalaga, makahulugan, makatwiran, at mapayapa kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, sinubok siya ng Diyos, dahil din sa kanyang matuwid na mga gawa, nagpakita sa kanya ang Diyos at direktang nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos siyang subukin, naunawaan at pinahalagahan ni Job ang halaga ng buhay sa isang mas konkretong paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na kaalaman kung paano nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala ang Lumikha. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas maraming mga pagpapala kay Job kaysa sa ibinigay Niya sa kanya noon na naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at naharap na si Job sa kamatayan ay tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at siyempre hindi siya natakot sa kamatayan, sapagkat ginugol niya ang buong buhay niya na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Wala siyang dahilan upang mag-alala tungkol sa sarili niyang katapusan. Ilan bang tao ngayon ang makakayang kumilos tulad ng lahat ng ginawa ni Job nang kanyang harapin ang sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang nakakapagpanatili ng ganoong kasimpleng panlabas na tikas? Isa lang ang dahilan: Nabuhay si Job sa pansariling pagsusumikap sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dahil sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop na ito, nakalampas siya sa mahahalagang sugpungan ng buhay, isinabuhay ang kanyang mga huling taon, at binati ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job, ang mga pinagsikapan at layunin niya sa buhay ay masasaya at hindi masasakit. Siya ay maligaya hindi dahil sa mga pagpapala o papuri na iginawad sa kanya ng Lumikha, kundi mas mahalaga pa rito, dahil sa kanyang mga pinagsikapan at layunin sa buhay, dahil sa lumalagong kaalaman at tunay na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at dagdag pa rito, dahil sa nakamamanghang mga gawa Niya na personal na naranasan ni Job sa panahon na napailalim siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at sa magiliw at di-malilimutang mga karanasan at mga alaala ng pakikipamuhay, pakikipagkilala, at kapwa pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Si Job ay masaya dahil sa kapanatagan at kagalakan na nagmula sa kaalaman tungkol sa kalooban ng Lumikha, at dahil sa lumitaw na takot matapos makitang Siya ay dakila, kamangha-mangha, kaibig-ibig, at matapat. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang paghihirap ay dahil batid niya na sa kanyang pagkamatay, siya ay babalik sa tabi ng Lumikha. Ang mga pinagsikapan at natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang posibilidad na mahinahong babawiin ng Lumikha ang kanyang buhay, at dagdag pa rito, ang nagpahintulot sa kanya na makatindig nang walang dungis at walang inaalala sa harap ng Lumikha. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalukuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na naangkin ni Job? Kayo ba ay nasa posisyon na gawin ito? Yamang nasa ganitong posisyon ang mga tao sa kasalukuyan, bakit hindi nila nagagawang mamuhay nang maligaya tulad ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang iba ay nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay nananaghoy pa nga at tumatangis. Ang mga ito ay hindi biglaang mga reaksyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagpapahalaga sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.
Kapag ang isang tao ay walang malinaw na pagkaunawa at karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, tiyak na magiging magulo ang kaalaman niya tungkol sa kapalaran at sa kamatayan. Hindi makita ng mga tao nang malinaw na ang lahat ng bagay ay nasa palad ng Diyos, hindi nila natatanto na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kinikilala na hindi maaaring isantabi o matakasan ang ganoong kataas-taasang kapangyarihan. Dahil dito, kapag nahaharap na sila sa kamatayan, walang katapusan ang kanilang huling mga salita, alalahanin, at panghihinayang. Nabibigatan sila sa labis na mga pasanin, sobrang pag-aatubili, at lubhang pagkalito. Nagiging dahilan ang lahat ng ito para matakot sila sa kamatayan. Para sa sinumang isinilang sa mundong ito, ang kanilang kapanganakan ay kinakailangan at ang kanilang kamatayan ay hindi maiiwasan; walang sinumang makakalampas sa kaganapang ito. Kung nais ninuman na lisanin ang mundong ito nang hindi nasasaktan, kung nais ng isang tao na harapin ang huling sugpungan ng buhay na walang pag-aatubili o pag-aalala, ang tanging paraan ay ang lumisan nang walang mga panghihinayang. At ang tanging paraan ng paglisan na walang mga panghihinayang ay ang makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang makilala ang Kanyang awtoridad, at ang magpasakop sa mga ito. Tanging sa ganitong paraan maaaring manatiling malayo mula sa mga alitan ng tao, mula sa kasamaan, mula sa pang-aalipin ni Satanas, at tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay ang isang tao na tulad ni Job, na ginagabayan at pinagpapala ng Lumikha, isang buhay na malaya at hindi nakagapos, isang buhay na may kahalagahan at kahulugan, isang buhay na tapat at bukas-puso. Tanging sa ganitong paraan maaaring magpasakop ang isang tao, tulad ni Job, sa mga pagsubok at pagkakait ng Lumikha at sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Tanging sa ganitong paraan maaaring sambahin ng isang tao ang Lumikha nang buong buhay niya at makamit ang Kanyang papuri, gaya ng nangyari kay Job, at marinig ang Kanyang tinig at makita Siya. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay at mamatay ang isang tao nang maligaya, tulad ni Job, na walang sakit, walang inaalala, walang mga panghihinayang. Tanging sa ganitong paraan maaaring mabuhay sa liwanag, tulad ni Job, at daanan ang bawat sugpungan ng buhay sa liwanag, maayos na kinukumpleto ang sariling paglalakbay sa liwanag, at matagumpay na tinatapos ang sariling misyon—upang maranasan, matutuhan, at malaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha bilang isang nilalang—at mamatay sa liwanag, at magpakailanman ay tumindig sa tabi ng Lumikha bilang isang taong nilalang, na pinupuri Niya.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III