Natalakay na natin ang maraming paksa at maraming nilalaman kaugnay ng mga salitang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay,” nguni’t alam ba ninyo sa inyong mga puso kung ano ang mga bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan, maliban sa pagbibigay sa inyo ng Kanyang salita at pagganap sa inyo ng Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol? Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Pinagkakalooban ako ng Diyos ng biyaya at mga pagpapala; binibigyan Niya ako ng disiplina at kaginhawahan, at binibigyan Niya ako ng malasakit at pag-iingat sa lahat ng posibleng paraan.” Sasabihin ng iba, “Pinagkakalooban ako ng Diyos ng pang-araw-araw na pagkain at inumin,” samantalang sasabihin pa ng ilan, “Ipinagkaloob na sa akin ng Diyos ang lahat.” Maaaring tumugon kayo sa mga usaping kinahaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay sa paraang nauugnay sa saklaw ng sariling, makalamang karanasan sa buhay. Nagkakaloob ang Diyos ng maraming bagay sa bawa’t tao, bagama’t ang ating tinatalakay dito ay hindi lamang limitado sa saklaw ng mga pang-araw-araw na pangangailangan ng tao, nguni’t nilayong palawakin ang abot-tanaw ng bawa’t tao at hayaang makita ang mga bagay mula sa isang malawak na pananaw. Yamang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, paano Niya napananatili ang buhay ng lahat ng bagay? Sa madaling salita, ano ang ibinibigay ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha upang mapanatili ang pag-iral ng mga ito at ng mga batas na nagpapatibay rito, upang makapagpatuloy na umiral ang mga ito? Iyan ang pangunahing punto ng ating talakayan ngayon. Nauunawaan ba ninyo ang Aking nasabi? Maaaring labis na hindi pamilyar sa inyo ang paksang ito, nguni’t hindi Ako magsasalita tungkol sa kahit anong mga doktrinang masyadong malalim. Sisikapin Kong tiyakin na makapakikinig kayo sa Aking mga salita at makapagtatamo ng pagkaunawa mula sa mga ito. Hindi ninyo kailangang makaramdam ng kahit anong pasanin—ang dapat lamang ninyong gawin ay makinig nang mabuti. Gayunpaman, sa puntong ito, dapat Kong muling bigyang-diin: Anong paksa ang Aking tinatalakay? Sabihin sa Akin. (Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.) Kung gayon ay paano tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay? Ano ang ibinibigay Niya sa lahat ng bagay upang masabi na “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay”? Mayroon ba kayong anumang mga konsepto o kaisipan tungkol dito? Tila ba tinatalakay Ko ang isang paksa na halos ganap na lingid sa inyo, sa inyong mga puso at sa inyong mga isip. Nguni’t umaasa Akong kaya ninyong iugnay ang paksang ito at kung ano ang Aking sasabihin tungkol sa mga gawa ng Diyos, sa halip na sa anumang kaalaman, kultura ng tao at pananaliksik. Tungkol lamang sa Diyos ang Aking sinasabi, tungkol sa Diyos Mismo. Ito ang Aking mungkahi sa inyo. Tiyak Akong nauunawaan ninyo, hindi ba?
Nagkaloob na ang Diyos ng maraming bagay sa sangkatauhan. Magsisimula Ako sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kung ano ang nakikita ng mga tao, ibig sabihin, ay kung ano ang kanilang nararamdaman. Ito ang mga bagay na kayang tanggapin at maunawaan ng mga tao sa kanilang mga puso. Kaya una, magsimula tayo sa isang talakayan tungkol sa materyal na mundo sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa kung ano ang ibinigay na ng Diyos sa sangkatauhan.
Una, nilikha ng Diyos ang hangin upang makahinga ang tao. Ang hangin ay isang bagay substansiya na maaaring madama ng mga tao araw-araw at isang bagay ito kung saan ang mga tao ay umaasa sa bawa’t sandali, kahit na sila ay natutulog. Lubhang mahalaga para sa sangkatauhan ang hangin na nilikha ng Diyos: Kinakailangan ito sa bawa’t paghinga nila at sa buhay mismo. Ang substansiyang ito, na mararamdaman lamang nguni’t hindi makikita, ang unang kaloob ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Subali’t matapos likhain ang hangin, tumigil ba ang Diyos, itinuring na tapos na ang Kanyang gawain? O isinaalang-alang ba Niya kung gaano ang magiging densidad ng hangin? Isinaalang-alang ba Niya kung ano ang magiging nilalaman ng hangin? Ano ang iniisip ng Diyos noong nilikha Niya ang hangin? Bakit nilikha ng Diyos ang hangin, at ano ang Kanyang pangangatwiran? Kailangan ng mga tao ang hangin—kailangan nilang huminga. Una sa lahat, dapat naaangkop ang densidad ng hangin sa mga baga ng tao. May nakakaalam ba ng densidad ng hangin? Ang totoo, walang partikular na pangangailangan ang mga tao na malaman ang sagot sa tanong na ito batay sa mga numero o mga datos, at tunay nga, hindi gaanong kinakailangan na malaman ang kasagutan—ganap nang sapat ang magkaroon lamang ng pangkalahatang ideya. Nilikha ng Diyos ang hangin nang may densidad na magiging pinakaangkop upang makahinga ang mga baga ng tao. Ibig sabihin, nilikha ng Diyos ang hangin upang madali itong makapasok sa mga katawan ng tao sa pamamagitan ng kanilang paghinga, at upang hindi nito mapipinsala ang katawan habang ito’y humihinga. Ito ang mga pagsasaalang-alang ng Diyos nang nilikha Niya ang hangin. Sunod, pag-uusapan natin kung ano ang mga nilalaman ng hangin. Ang mga nilalaman nito ay hindi nakalalason sa mga tao at sa gayon ay hindi makapipinsala sa mga baga o anumang bahagi ng katawan. Kinailangang isaalang-alang ng Diyos ang lahat ng ito. Kinailangang isaalang-alang ng Diyos na dapat maayos na pumasok at lumabas ng katawan ang hanging nilalanghap ng mga tao, at matapos malanghap, ang katangian at dami ng mga substansiyang nakapaloob sa hangin ay dapat maging gayon upang ang dugo, pati na rin ang maduming hangin sa mga baga at sa katawan sa kabuuan, ay mapoproseso nang wasto. Higit pa rito, kinailangan Niyang isaalang-alang na hindi dapat magtaglay ang hangin ng anumang nakalalasong mga substansiya. Ang Aking layunin sa pagsasabi sa inyo tungkol sa dalawang pamantayang ito para sa hangin ay hindi upang bigyan kayo ng anumang partikular na kaalaman, kundi upang ipakita sa inyo na nilikha ng Diyos ang bawa’t isang bagay sa loob ng Kanyang paglikha ayon sa sarili Niyang mga pagsasaalang-alang, at ang lahat ng Kanyang nilikha ay ang pinakamahusay na maaari itong maging. Bukod dito, tungkol sa dami ng alikabok sa hangin; at ang dami ng alikabok, buhangin at dumi sa ibabaw ng lupa; gayundin ang dami ng alikabok na bumababa sa lupa mula sa langit—may sariling mga pamamaraan ang Diyos upang pamahalaan ang mga bagay na ito, gayundin, mga pamamaraan upang linisin ang mga ito o pagdurog-durugin ang mga ito. Bagaman may tiyak na dami ng alikabok, ginawa ito ng Diyos upang hindi mapinsala ng alikabok ang katawan ng tao o mailagay sa panganib ang paghinga ng tao, at ginawa Niya ang mga butil ng alikabok nang may sukat na hindi makapipinsala sa katawan. Hindi ba isang hiwaga ang paglikha ng Diyos sa hangin? Isang simpleng bagay ba ito, gaya ng pag-ihip ng hangin mula sa Kanyang bibig? (Hindi.) Maging sa Kanyang paglikha ng mga pinakasimpleng bagay, ang hiwaga ng Diyos, ang mga paggawa ng Kanyang isip, ang Kanyang paraan ng pag-iisip, at ang Kanyang karunungan ay pawang maliwanag. Hindi ba praktikal ang Diyos? (Oo, praktikal Siya.) Ang ibig sabihin nito ay maging sa paglikha ng simpleng mga bagay, iniisip ng Diyos ang sangkatauhan. Unang-una, malinis ang hanging nilalanghap ng mga tao, at naaangkop sa paghinga ng tao ang mga nilalaman nito, hindi nakalalason at hindi nagdudulot ng pinsala sa mga tao; gayundin, akma para sa paghinga ng tao ang densidad ng hangin. Ang hanging ito, na patuloy na nilalanghap at hinihingang palabas ng tao, ay kinakailangan ng katawan ng tao, ang katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit maaaring makahinga nang malaya ang mga tao, nang walang pagpigil o pag-aalala. Samakatuwid ay makahihinga sila nang normal. Ang hangin ang siyang nilikha ng Diyos noong pasimula, at siyang kailangang-kailangan para sa paghinga ng tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII