Si Pedro ang huwaran ng Diyos para sa sangkatauhan, isang inspirasyon na kilala ng lahat. Bakit kaya itinaas ng Diyos ang isang taong lubhang pangkaraniwan bilang isang halimbawa at dinakila ng sunud-sunod na mga henerasyon? Malinaw na hindi ito maihihiwalay sa pagpapahayag niya ng pagmamahal sa Diyos at paninindigang mahalin ang Diyos. Tungkol naman sa kung paano nahayag ang puso ni Pedro na nagmamahal sa Diyos, at kung ano ba talaga ang mga karanasan niya sa buhay, kailangan nating bumalik sa Kapanahunan ng Biyaya para muling tingnan ang mga kaugalian noong panahong iyon at obserbahan ang Pedro ng panahong iyon.
Ipinanganak si Pedro sa isang pangkaraniwang pamilya ng mga magbubukid na Judio. Itinaguyod ng kanyang mga magulang ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka, at siya ang panganay sa mga anak, may apat siyang kapatid na lalaki at babae. Siyempre pa, hindi ito ang pangunahing bahagi ng ating kuwento; si Pedro ang ating pangunahing tauhan. Noong siya ay limang taong gulang, sinimulang turuan si Pedro ng kanyang mga magulang na magbasa. Noong panahong iyon, medyo edukado ang mga Judio, at higit na maunlad sa mga larangan ng agrikultura, industriya, at negosyo. Dahil sa kanilang kapaligirang panlipunan, nakapag-aral ang mga magulang ni Pedro ng mataas na edukasyon. Kahit nanggaling sila sa probinsya, mataas ang kanilang pinag-aralan at maihahambing sa karaniwang mga estudyante sa unibersidad sa panahon ngayon. Malinaw na pinagpalang maisilang si Pedro sa ganoon kagandang kalagayang panlipunan. Dahil matalino at mabilis matuto, madali siyang nakakuha ng mga bagong ideya. Nang magsimula siyang mag-aral, napakadali niyang natutuhan ang kanyang mga leksyon. Ipinagmamalaki ng kanyang mga magulang ang pagkakaroon ng ganoon katalinong anak, at ginawa nila ang lahat para makapasok siya sa paaralan, umaasang magiging tanyag siya at makakakuha ng kahit na anong opisyal na puwesto sa lipunan. Hindi nila namalayan, naging interesado si Pedro sa Diyos, kung kaya, sa edad na labing-apat, habang nasa mataas na paaralan siya, nagsawa siya sa kurikulum ng Sinaunang Kulturang Griyego na pinag-aaralan niya, lalo na sa mga kathang-isip na tao at gawa-gawang pangyayari sa sinaunang kasaysayan ng mga Griyego. Mula noon, sinimulang subukan ni Pedro—na katutungtong pa lang sa kasagsagan ng kanyang kabataan—na tumuklas pa tungkol sa buhay ng tao at sa mas malawak na mundo. Hindi siya pinilit ng kanyang konsensya na suklian ang mga pasakit na dinanas ng kanyang mga magulang, dahil malinaw niyang nakita na nabubuhay ang lahat ng tao sa kalagayan ng panlilinlang sa sarili, walang kabuluhan ang buhay nilang lahat, sinisira ang sarili nilang buhay sa pagsisikap magkamit ng kayamanan at pagkilala. Malaki ang kinalaman ng kapaligirang panlipunang kinaroroonan niya sa kanyang pananaw. Kapag mas malawak ang kaalaman ng mga tao, mas masalimuot ang mga pakikipag-ugnayan nila sa iba at ang panloob na mundo nila, at samakatuwid, mas umiiral sila sa kahungkagan. Sa ganitong kalagayan, ginugol ni Pedro ang libre niyang oras sa mga malawakang pagbisita, karamihan doon ay sa mga relihiyosong tao. Sa puso niya, may tila malabong pakiramdam na maaaring relihiyon ang makapagpapaliwanag sa lahat ng hindi maipaliwanag sa mundo ng tao, kaya’t malimit siyang pumunta sa isang kalapit na sinagoga para dumalo sa mga pagsamba. Lingid ito sa kaalaman ng kanyang mga magulang, at hindi nagtagal ay nagsimulang kamuhian ni Pedro, na noon pa man ay may mabuting pagkatao at mahusay na pinag-aralan, ang pagpasok sa paaralan. Sa ilalim ng patnubay ng kanyang mga magulang, muntik na siyang hindi makatapos ng mataas na paaralan. Habang lumalangoy pabalik sa pampang mula sa karagatan ng kaalaman, huminga siya nang malalim; mula noon, wala nang magtuturo o maghihigpit sa kanya.
Nang makatapos ng pag-aaral, sinimulan niyang magbasa ng lahat ng uri ng aklat, ngunit sa edad na labimpito, wala pa rin siyang gaanong karanasan sa mas malawak na mundo. Nang makapagtapos sa paaralan, itinaguyod niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasaka habang naglalaan ng maraming oras sa pagbabasa ng mga aklat at pagdalo sa mga pagsamba. Ang kanyang mga magulang, na malaki ang inaasahan sa kanya, ay madalas isumpa ang Langit dahil sa kanilang “mapanghimagsik na anak,” ngunit kahit ito ay hindi nakapigil sa pagkagutom at pagkauhaw niya para sa katuwiran. Hindi lang iilan ang pinagdaanang problema ni Pedro sa kanyang mga karanasan, ngunit walang kabusugan ang kanyang puso, at lumago siyang parang damo pagkatapos ng ulan. Hindi nagtagal, naging sapat na “mapalad” siya para makatagpo ng ilang matataas na tao sa mundo ng relihiyon, at dahil napakatindi ng kanyang pananabik, nagsimula siyang sumama sa kanila nang mas madalas, hanggang sa halos buong oras niya ay iginugol niya kasama sila. Sa gitna ng kuntentong kaligayahan, bigla niyang napagtanto na karamihan sa mga taong ito ay naniniwala gamit ang kanilang mga labi, at hindi pa nila naibigay ang kanilang puso sa kanilang paniniwala. Paano matitiis ni Pedro, na may pusong matuwid at dalisay, ang ganoon kalaking dagok? Napagtanto niya na halos lahat ng taong nakasama niya ay mga hayop na nakadamit pantao—mga hayop sila na mukhang tao. Noong panahong iyon, wala pang kamuwang-muwang si Pedro, kaya sa ilang pagkakataon ay taos-puso niya silang pinakiusapan. Ngunit paano naman makikinig ang mga tuso at mautak na kilalang tao sa relihiyon sa mga pagsusumamo ng masigasig na binatang ito? Sa pagkakataong iyon ay nadama ni Pedro ang tunay na kahungkagan ng buhay ng tao: Sa unang hakbang sa yugto ng buhay, siya ay nabigo…. Makalipas ang isang taon, lumayo siya sa sinagoga at nagsimulang mamuhay nang hiwalay sa kanila.
Dahil sa problemang iyon mas naging husto ang pag-iisip at nasanay na sa kamunduhan ang labing-walong taong gulang na si Pedro. Wala nang anumang bahid ng kawalang-muwang ng kanyang kabataan; ang kawalang-malay at katapatan ng bata ay malupit na sinupil ng problemang naranasan niya, at nagsimula siyang mamuhay bilang isang mangingisda. Mula noon, makikita ang mga taong nakikinig sa pangangaral niya sa kanyang bangka. Dahil pangingisda ang ikinabubuhay niya, ipinapalaganap niya ang mensahe saan man siya magpunta, at lahat ng pinangaralan niya ay namangha sa kanyang mga sermon, dahil napukaw ng kanyang ipinapahayag ang puso ng mga karaniwang tao, at tunay silang naantig ng kanyang katapatan. Malimit niyang ituro sa mga tao na tratuhin ang iba nang taos-puso, na tumawag sa Kataas-taasan ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na huwag balewalain ang kanilang konsensya at gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay, sa lahat ng bagay ay bigyang-kasiyahan ang Diyos na minamahal nila sa kanilang puso… Madalas na lubhang naaantig ang mga tao matapos makinig sa kanyang mga sermon; lahat sila ay nakakakuha ng inspirasyon sa kanya at madalas maluha. Noong panahong iyon, labis siyang hinahangaan ng lahat ng kanyang mga tagasunod, na pawang mga dukha at natural, dahil sa lipunan noong panahong iyon, ay iilan lang. Inusig din si Pedro ng mga relihiyosong elemento ng lipunan noong panahong iyon. Dala ng lahat ng iyon, sa loob ng dalawang taon, nagpalipat-lipat siya ng tirahan at mag-isang namuhay. Sa loob ng dalawang taon ng mga pambihirang karanasang iyon, marami siyang napulot na kaalaman at maraming natutuhan tungkol sa mga bagay na dati ay hindi niya alam, dahil doon ay hindi na siya makilala mula sa labing-apat na taong gulang niyang sarili, na tila wala na siyang pagkakapareho ngayon. Sa loob ng dalawang taong ito ay nakatagpo niya ang lahat ng klase ng tao at nakita ang lahat ng uri ng katotohanan tungkol sa lipunan, bunga noon ay unti-unti na niyang sinimulang itigil ang lahat ng uri ng ritwal mula sa mundo ng relihiyon. Lubha rin siyang naapektuhan ng mga pag-usad ng gawain ng Banal na Espiritu noong panahong iyon; noon, maraming taon nang gumagawa si Jesus, kaya naimpluwensyahan din ng gawain ng Banal na Espiritu noon ang gawain ni Pedro, bagama’t hindi pa niya nakikilala si Jesus. Dahil dito, noong nangangaral si Pedro, maraming bagay siyang natamo na hindi natamo ng mga naunang henerasyon ng mga banal. Siyempre pa, noong panahong iyon, medyo may alam na siya tungkol kay Jesus, ngunit hindi pa siya nagkaroon ng pagkakataong makita Siya nang harapan. Umasa lang siya at nanabik na makita ang makalangit na taong bunga ng Banal na Espiritu.
Isang gabi na magtatakipsilim, nangingisda si Pedro mula sa kanyang bangka (malapit sa dalampasigan ng tinatawag noon na Dagat ng Galilea). May hawak siyang pamingwit, ngunit ibang mga bagay ang nasa kanyang isipan. Tinatanglawan ng lumulubog na araw ang ibabaw ng tubig na parang isang malawak na karagatan ng dugo. Mababanaag ang liwanag sa bata subalit payapa at panatag na mukha ni Pedro; tila malalim ang iniisip niya. Sa sandaling iyon, umihip ang hangin, at bigla niyang nadama ang kalumbayan ng kanyang buhay, na agad na naghatid sa kanya ng kapanglawan. Habang nagniningning sa liwanag ang mga alon ng karagatan, naging malinaw na wala siya sa kundisyon na mangisda. Habang nag-iisip nang malalim, bigla siyang may narinig na nagsalita sa kanyang likuran, “Simon Barjona na Judio, malungkot ang mga araw ng iyong buhay. Susunod ka ba sa Akin?” Sa pagkabigla, agad nabitiwan ni Pedro ang pamingwit na hawak niya, na mabilis na lumubog sa ilalim ng dagat. Nagmamadaling lumingon si Pedro at nakita niya ang isang lalaking nakatayo sa kanyang bangka. Tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa: Ang buhok ng lalaki, na hanggang balikat Niya, ay medyo ginintuang dilaw sa liwanag ng araw, kulay-abo ang Kanyang kasuotan, katamtaman ang tangkad, at nakabihis na gaya ng isang lalaking Judio mula ulo hanggang paa. Sa dumidilim na paligid, nagmukhang medyo itim ang kulay-abong kasuotan ng lalaki, at tila may bahagyang kintab ang Kanyang mukha. Maraming beses nang sinikap ni Pedro na makilala si Jesus, ngunit hindi siya nagtagumpay kailanman. Noong sandaling iyon, sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, naniwala si Pedro na ang lalaking ito na marahil ang banal na nasa puso niya, kung kaya nagpatirapa siya sa bangkang pangisda at sinabi, “Ikaw nga kaya ang Panginoon na naparito upang ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit? Nabalitaan ko na ang tungkol sa Iyong mga karanasan, ngunit ngayon lang Kita nakita. Noon ko pa gustong sumunod sa Iyo, ngunit hindi Kita matagpuan.” Sa oras na iyon, lumipat na si Jesus sa kamarote ng bangka, kung saan panatag Siyang nakaupo. “Tumayo ka riyan at maupo sa tabi Ko!” wika Niya. “Narito Ako para hanapin yaong mga tunay na nagmamahal sa Akin. Naparito Ako lalo na para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at maglalakbay Ako sa buong lupain para hanapin yaong mga sumasang-ayon sa Akin. Handa ka ba?” Tumugon si Pedro: “Kailangan kong sundan yaong isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin yaong pinili ng Banal na Espiritu. Dahil mahal ko ang Ama sa langit, paano akong hindi magiging handang sumunod sa Iyo?” Bagama’t puno ng mga relihiyosong kuru-kuro ang mga salita ni Pedro, ngumiti si Jesus at tumango nang may kasiyahan. Noong sandaling iyon, nadama Niyang sumibol ang pagmamahal ng isang ama sa Kanyang kalooban para kay Pedro.
Sinundan ni Pedro si Jesus nang ilang taon at maraming nakita sa Kanya na wala sa ibang tao. Matapos Siyang sundan nang isang taon, pinili ni Jesus si Pedro mula sa labindalawang alagad. (Siyempre, hindi ito sinabi nang malakas ni Jesus, at ni hindi iyon alam ng iba.) Sa buhay, sinukat ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa lahat ng ginawa ni Jesus. Higit sa lahat, ang mga mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nakaukit sa kanyang puso. Lubos siyang naging dedikado at tapat kay Jesus, at hindi siya kailanman nagsabi ng anumang mga hinaing laban sa Kanya. Dahil doon, naging tapat na kasama siya ni Jesus saanman Siya nagpunta. Inobserbahan ni Pedro ang mga turo ni Jesus, ang mahinahon Niyang mga salita, kung ano ang kinakain Niya, ang Kanyang pananamit, ang Kanyang tirahan, at kung paano Siya maglakbay. Tinularan niya si Jesus sa lahat ng aspeto. Hindi siya kailanman naging mapagmagaling, kundi iwinaksi niya ang lahat ng lipas na, na sinusunod ang halimbawa ni Jesus kapwa sa salita at gawa. Noon nadama ni Pedro na ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na, dahil dito, wala siyang pansariling pasiya. Natutuhan din ni Pedro ang lahat ng tungkol kay Jesus at ginamit iyon bilang halimbawa. Ipinapakita ng buhay ni Jesus na hindi Siya mapagmagaling sa Kanyang ginagawa; sa halip na ipagmalaki ang Kanyang sarili, pinukaw Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamahal. Ipinakita ng iba’t-ibang bagay kung ano si Jesus, at dahil dito, tinularan ni Pedro ang lahat ng tungkol sa Kanya. Dahil sa kanyang mga karanasan, nagkaroon si Pedro ng nag-iibayong pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ni Jesus, at nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa lahat sa buong sansinukob, at namalas ko ang mga kababalaghan ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at sa gayon ay nagkaroon ako ng malalim na pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Gayunman, hindi ako nagkaroon kailanman ng tunay na pagmamahal sa aking sariling puso, at hindi pa kailanman nakita ng sarili kong mga mata ang pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Ngayon, sa paningin ng Makapangyarihan sa lahat, ako ay kinaluguran Niya, at sa wakas ay nadama ko na ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sa wakas ay natuklasan ko na hindi minamahal ng sangkatauhan ang Diyos dahil lang nilikha Niya ang lahat ng bagay; sa aking pang-araw-araw na buhay, natagpuan ko ang Kanyang walang-hanggang pagiging kaibig-ibig. Paano iyon magiging limitado sa kung ano ang nakikita ngayon?” Sa paglipas ng panahon, marami ring kaibig-ibig na bagay ang nakita kay Pedro. Naging napakamasunurin niya kay Jesus, at siyempre, nagdanas din siya ng ilang problema. Kapag isinasama siya ni Jesus para mangaral sa iba’t-ibang lugar, laging nagpapakumbaba si Pedro at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya kailanman naging mapagmataas dahil sa maraming taon ng pagsunod niya kay Jesus. Matapos sabihan ni Jesus na kaya Siya naparito ay upang ipako sa krus nang sa gayon ay matapos Niya ang Kanyang gawain, madalas makaramdam si Pedro ng pighati sa kanyang puso at lihim na iiyak nang mag-isa. Gayunpaman, dumating na sa wakas ang “malungkot” na araw na iyon. Matapos maaresto si Jesus, mag-isang umiyak si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at umusal ng maraming dalangin para rito. Ngunit sa kanyang puso, alam niyang ito ang kalooban ng Diyos Ama, at na walang sinumang makapagpapabago roon. Nanatili siyang malungkot at naluluha dahil lamang sa kanyang pagmamahal. Isa itong kahinaan ng tao, siyempre. Sa gayon, nang malaman niyang ipapako si Jesus sa krus, tinanong niya si Jesus, “Sa Iyong pag-alis, babalik Ka ba sa aming piling at babantayan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagama’t walang kamuwang-muwang ang mga salitang ito at puno ng mga kuru-kuro ng tao, alam ni Jesus ang pait ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ay isinaalang-alang Niya ang kahinaan ni Pedro: “Pedro, minahal kita. Alam mo ba iyon? Bagama’t walang katwiran ang iyong sinasabi, nangako ang Ama na pagkatapos ng Aking pagkabuhay na mag-uli, magpapakita ako sa mga tao sa loob ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na malimit na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyong lahat?” Kahit na bahagyang napayapa nito si Pedro, pakiramdam niya ay may isang bagay pa rin na nawawala, kaya nga, matapos mabuhay na mag-uli, hayagang nagpakita si Jesus sa kanya sa unang pagkakataon. Gayunman, para mapigilan si Pedro na patuloy na kumapit sa kanyang mga kuru-kuro, tinanggihan ni Jesus ang labis-labis na pagkaing inihanda ni Pedro para sa Kanya, at naglaho sa isang kisapmata. Mula sa sandaling iyon, sa wakas ay nagkaroon na si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa sa Panginoong Jesus at lalo pa Siyang minahal. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, malimit na nagpakita si Jesus kay Pedro. Tatlong beses pa Siyang nagpakita kay Pedro makalipas ang apatnapung araw at umakyat na Siya sa langit. Bawat pagpapakita ay mismong sa sandaling matatapos na ang gawain ng Banal na Espiritu at magsisimula na ang bagong gawain.
Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kaalaman, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasiya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang pangarap. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay.