Depende sa uri ng pamilya kung saan sila ipinanganak, lumalaki ang mga tao sa iba’t ibang pantahanang kapaligiran at natututo ng iba’t ibang aral mula sa kanilang mga magulang. Ang mga salik na ito ang nagpapasya sa mga kalagayan kung saan nagkakaedad ang isang tao, at ang paglaki ay kumakatawan sa ikalawang mahalagang sugpungan ng buhay ng isang tao. Siyempre, hindi rin makapipili ang mga tao sa sugpungang ito. Naitakda na rin ito at nauna nang naisaayos.
Hindi napipili ng isang tao ang mga tao, mga pangyayari, o mga bagay na nagpapalakas at umiimpluwensiya sa kanila habang lumalaki sila. Hindi mapipili ng isang tao kung anong kaalaman o kakayahan ang maaari niyang matamo at kung anong mga pag-uugali ang mahuhubog sa kanya. Hindi mapipili ng isang tao kung sino ang magiging mga magulang o mga kaanak niya, kung anong uri ng kapaligiran ang kalalakhan niya; ang mga ugnayan sa ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa kanyang kapaligiran, at kung paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa kanyang pag-unlad, ay lampas na lahat sa kaya niyang kontrolin. Kung gayon, sino ang nagpapasya ng mga bagay na ito? Sino ang nagsasaayos ng mga ito? Yamang walang pagpipilian ang mga tao sa bagay na ito, yamang hindi nila maaaring pagpasyahan ang mga bagay na ito para sa kanilang mga sarili, at yamang malinaw na hindi natural na nabubuo ang mga ito, maliwanag na ang paghubog sa lahat ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito ay nasa mga kamay ng Lumikha. Siyempre, tulad ng pagsasaayos ng Lumikha sa mga partikular na kalagayan ng kapanganakan ng bawat tao, Kanya ring isinasaayos ang partikular na mga kalagayan na kinalalakhan ng isang tao. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay nagdadala ng mga pagbabago sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya, kung gayon ang paglago at pag-unlad ng naturang tao ay makakaapekto rin sa mga ito. Halimbawa, may ilang tao na ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, subalit lumalaki na napapaligiran ng kayamanan; ang iba ay ipinapanganak sa mayayamang pamilya subalit nagiging sanhi ng pagbagsak ng mga kayamanan ng kanilang pamilya, kung kaya lumalaki sila sa mahihirap na kapaligiran. Walang kapanganakan ang napapamahalaan ng isang pirming tuntunin, at walang taong lumalaki sa ilalim ng isang di-maiiwasan at pirming hanay ng mga pangyayari. Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring isipin o kontrolin ng isang tao; ang mga ito ay mga bunga ng kapalaran ng isang tao, at itinatakda ng kapalaran niya. Siyempre, sa ugat ng mga ito, ang lahat ng ito ay nakabatay sa kapalarang itinakda ng Lumikha sa bawat tao; ang mga ito ay tinutukoy ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng taong ito at sa Kanyang mga plano para rito.
Ang mga kalagayan ng kapanganakan ng isang tao ang nagtatatag sa pangunahing antas ng kapaligiran at mga kalagayan na kinalalakhan niya, at ang mga kalagayang kinalalakhan niya ay bunga rin ng mga kalagayan ng kanyang kapanganakan. Sa panahong ito nagsisimulang matutuhan ng isang tao ang wika, at nagsisimulang makatagpo at matuto ang isip niya ng maraming bagong bagay, sa proseso kung saan siya ay patuloy na lumalago. Ang mga bagay na naririnig ng isang tao sa pamamagitan ng mga tainga niya, nakikita ng mga mata niya, at natututuhan ng kanyang isip ang unti-unting nagpapayaman at nagpapagalaw sa kanyang panloob na mundo. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon; ang sentido kumon, kaalaman, at mga kasanayan na natututuhan niya, at ang mga paraan ng pag-iisip na nakakaimpluwensiya sa kanya, na naituro o naikintal sa kanya, ay gagabay at makakaimpluwensyang lahat sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Ang wikang natutuhan ng isang tao habang lumalaki siya at ang paraan ng pag-iisip niya ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kapaligiran kung saan ginugugol ng isang tao ang kanyang kabataan, at ang kapaligirang iyon ay binubuo ng mga magulang, kapatid, at iba pang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid niya. Kung kaya, ang takbo ng pag-unlad ng isang tao ay itinatalaga ng kapaligiran na kinalalakhan niya, at nakasalalay rin sa mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon sa kapanahunang ito. Yamang ang mga kondisyon kung saan lumalaki ang isang tao ay matagal nang naitalaga, ang kapaligiran kung saan siya nabubuhay sa panahon ng prosesong ito ay natural na naitalaga na rin. Hindi ito tinutukoy ng mga pinipili at mga kagustuhan ng isang tao, kundi naipapasya ayon sa mga plano ng Lumikha, tinutukoy ng maingat na pagsasaayos at ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Kaya, ang mga taong nakakatagpo ng sinumang tao sa proseso ng kanyang paglaki, at ang mga bagay na nararanasan niya, ay likas na konektadong lahat sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang mga ganitong uri ng masalimuot na mga ugnayan, o makontrol o maarok ang mga ito. Maraming iba’t ibang bagay at maraming iba’t ibang tao ang may impluwensya sa kapaligiran na kinalalakhan ng isang tao, at walang sinumang tao ang may kakayahang magsaayos o mangasiwa ng ganoong kalawak na sistema ng mga koneksyon. Walang tao o bagay maliban sa Lumikha ang makakakontrol sa hitsura ng lahat ng tao, sa mga pangyayari at bagay, at hindi rin nila kayang panatilihin ang mga ito o kontrolin ang pagkawala ng mga ito, at ito ay isa lamang malawak na sistema ng mga koneksyon na humuhubog sa pag-unlad ng isang tao ayon sa itinadhana ng Lumikha at nagtatatag ng iba’t ibang kapaligiran na kinalalakhan ng mga tao. Ito ang lumilikha ng iba’t ibang gagampanang papel na kailangan para sa gawain ng pamamahala ng Lumikha, na naglalatag ng matatatag at matitibay na saligan para matagumpay na matupad ang kanilang mga misyon.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III