Read more!
Read more!

Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)

Kapag ipinatutupad ng Diyos ang Kanyang gawain, Siya ay dumarating hindi upang makibahagi sa anumang pagtatayo o mga pagkilos, kundi upang tuparin ang Kanyang ministeryo. Sa bawat pagkakataon na Siya ay nagiging tao, ito ay para lamang maisakatuparan ang isang yugto ng gawain at magbukas ng isang bagong kapanahunan. Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian ay dumating na, at gayundin ang pagsasanay ng kaharian. Ang yugtong ito ng gawain ay hindi ang gawain ng tao, hindi ito upang hubugin ang tao sa isang partikular na antas, ito ay para buuin lamang ang isang bahagi ng gawain ng Diyos. Ang Kanyang ginagawa ay hindi gawain ng tao, hindi ito upang makamit ang ilang resulta sa paggawa sa tao bago Niya lisanin ang lupa; ito ay upang tuparin ang Kanyang ministeryo at tapusin ang gawain na kailangan Niyang gawin, na ang gumawa ng angkop na mga pagsasaayos para sa Kanyang gawain sa lupa, at nang sa gayon ay magtamo ng kaluwalhatian. Ang gawain ng nagkatawang-tao na Diyos ay hindi tulad ng sa mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kapag dumarating ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain sa lupa, ang isinasaalang-alang Niya lamang ay ang katuparan ng Kanyang ministeryo. Patungkol naman sa lahat ng iba pang bagay na walang kinalaman sa Kanyang ministeryo, hindi Siya halos nakikibahagi, maging hanggang sa punto ng pagwawalang-bahala. Isinasagawa lamang Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at pinakahuli sa Kanyang isinasaalang-alang ay ang tungkol sa gawaing dapat gawin ng tao. Ang gawain na ginagawa Niya ay tumutukoy lamang sa kapanahunang kinapapalooban Niya at sa ministeryo na dapat Niyang tuparin, na para bang ang iba pang bagay ay nasa labas ng saklaw Niya. Hindi Niya binibigyan ang Kanyang sarili ng mas maraming payak na kaalaman tungkol sa pamumuhay bilang tao, ni natututo Siya ng higit na kasanayan sa pakikipagkapwa, ni sinasangkapan ang Sarili Niya ng ano pa mang naiintindihan ng tao. Hindi man lang Niya inaalala ang anumang dapat taglayin ng tao at ang tanging ginagawa Niya ay ang gawain na Kanyang tungkulin. At kaya, sa paningin ng tao, ang nagkatawang-tao na Diyos ay kulang sa napakaraming bagay, kung kaya’t hindi man lang Niya pinapansin ang maraming bagay na dapat mayroon ang tao, at walang pang-unawa sa mga ganitong bagay. Ang mga bagay tulad ng pangkaraniwang kaalaman tungkol sa buhay, pati na ang mga prinsipyo sa personal na pag-uugali at pakikipag-ugnayan sa iba, ay lumilitaw na walang kaugnayan sa Kanya. Ngunit, sadyang hindi mo mararamdaman mula sa nagkatawang-tao na Diyos ang kahit na kaunting pahiwatig ng pagiging di-normal. Ibig sabihin, pinananatili lamang ng Kanyang pagkatao ang Kanyang buhay bilang isang normal na tao at ang normal na pangangatwiran ng Kanyang pag-iisip, na nagbibigay sa Kanya ng kakayahang kumilala sa pagitan ng tama at mali. Gayunman, hindi Siya binigyan ng anupamang ibang bagay, na kung ano ang dapat taglayin lamang ng tao (mga nilikha). Ang Diyos ay nagiging tao lamang upang tuparin ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang gawain ay nakadirekta sa isang buong kapanahunan, hindi sa sinumang tao o anumang lugar kundi sa buong sansinukob. Ito ang direksyon ng Kanyang gawain at ang prinsipyo kung paano Siya gumagawa. Walang sinuman ang makakapagpabago nito, at walang paraan na magiging kabahagi ang tao rito. Sa bawat pagkakataong ang Diyos ay nagiging tao, dinadala Niya kasama Niya ang gawain ng kapanahunang iyon, at walang balak na mamuhay kasama ng tao sa loob ng dalawampu, tatlumpu, apatnapu, o kahit pitumpu o walumpung taon upang mas mahusay niyang maunawaan at makamit ang kabatiran sa Kanya. Walang pangangailangan para sa ganyan! Gawin man iyan ay hindi mapapalalim ang kaalamang taglay ng tao ukol sa likas na disposisyon ng Diyos; sa halip, makakadagdag lang ito sa kanyang mga kuru-kuro at magsasanhi sa kanyang mga kuru-kuro at mga saloobin na maging makaluma. At kaya tungkulin ninyong lahat na maintindihan kung ano mismo ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos. Tiyak na hindi kayo mabibigong maunawaan ang mga salitang Aking sinabi sa inyo: “Hindi upang maranasan ang buhay ng isang normal na tao kaya Ako ay pumarito”? Nalimutan na ba ninyo ang mga salitang: “Ang Diyos ay dumarating sa lupa hindi upang ipamuhay ang buhay ng isang normal na tao”? Hindi ninyo nauunawaan ang layunin ng Diyos sa pagiging tao, ni nalalaman ninyo ang kahulugan ng “Paanong ang Diyos ay makakarating sa lupa sa layuning maranasan ang buhay ng isang nilalang?” Dumarating ang Diyos sa mundo para ganapin lamang ang Kanyang gawain, at kaya ang Kanyang gawain sa mundo ay hindi nagtatagal. Dumarating Siya sa mundo na walang layunin na sanhiin ang Espiritu ng Diyos na linangin ang Kanyang katawang-tao na maging isang pambihirang tao na mamumuno sa iglesia. Kapag dumarating ang Diyos sa mundo, ito ay ang Salita na nagiging tao; gayunman, ang tao ay hindi nakakakilala ng Kanyang gawain at sapilitang ipinalalagay ang mga bagay sa Kanya. Ngunit dapat ninyong matantong lahat na ang Diyos ay ang Salita na nagkatawang-tao, hindi isang katawang gawa sa laman na nalinang ng Espiritu ng Diyos upang akuin ang tungkulin ng Diyos sa ngayon. Ang Diyos Mismo ay hindi produkto ng paglilinang, kundi ang Salita na nagkatawang-tao, at ngayon ay opisyal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain sa inyong lahat. Nalalaman at kinikilala ninyong lahat na ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang katotohanang tunay, ngunit kumikilos kayo na para bang nauunawaan ninyo ito. Mula sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos hanggang sa kahalagahan at diwa ng Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ninyo kayang matarok ang mga ito kahit kaunti at sumusunod lamang kayo sa iba sa kawili-wiling pagbigkas ng mga salita mula sa memorya. Naniniwala ka bang ang nagkatawang-taong Diyos ay gaya ng iyong inaakala?

Nagiging tao lamang ang Diyos upang pamunuan ang kapanahunan at simulan ang bagong gawain. Kinakailangan ninyong maunawaan ang puntong ito. Ibang-iba ito sa tungkulin ng tao, at talagang magkaiba ang dalawa. Ang tao ay nangangailangan na malinang at magawang perpekto sa loob ng mahabang panahon bago siya maaaring magamit upang isagawa ang gawain, at ang uri ng pagkatao na kinakailangan ay may napakataas na antas. Hindi lamang dapat mapanatili ng tao ang pakiramdam ng normal na pagkatao, kundi dapat mas lalo pa niyang maunawaan ang maraming prinsipyo at patakaran ng pamamahala ng kanyang pag-uugali kaugnay sa iba, at higit pa rito ay dapat mangakong lalo pa siyang mag-aaral tungkol sa karunungan at kaalaman sa etika ng tao. Ito ang nararapat na ipagkaloob sa tao. Gayunman, ito ay hindi para sa Diyos na naging tao, dahil ang Kanyang gawain ay hindi kumakatawan sa tao o sa gawain ng tao; sa halip, ito ay isang tuwirang pagpapahayag ng kung ano Siya at isang tuwirang pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. (Natural, isinasagawa ang Kanyang gawain sa angkop na panahon, at hindi lang basta-basta at sapalaran, at sinisimulan ito kapag oras na para tuparin ang Kanyang ministeryo.) Hindi Siya nakikibahagi sa buhay ng tao o gawain ng tao, iyon ay, ang Kanyang pagkatao ay hindi binigyan ng alinman sa mga ito (bagaman hindi ito nakakaapekto sa Kanyang gawain). Tinutupad Niya lamang ang Kanyang ministeryo kapag oras na para gawin Niya ito; anuman ang Kanyang katayuan, ipinagpapatuloy Niya lamang ang gawain na dapat Niyang gawin. Anuman ang alam ng tao sa Kanya at anuman ang opinyon ng tao sa Kanya, ang Kanyang gawain ay lubos na hindi naaapektuhan. Halimbawa, nang isinagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, wala talagang nakakilala kung sino Siya, ngunit ipinagpatuloy Niya lamang ang Kanyang gawain. Wala sa mga ito ang nakahadlang sa Kanya sa pagsasagawa ng gawain na kinakailangan Niyang gawin. Samakatuwid, hindi muna Niya inamin o ipinahayag ang Kanyang sariling pagkakakilanlan, at pinasunod lamang Niya ang tao sa Kanya. Natural na hindi lamang ito pagpapakumbaba ng Diyos, ito rin ang paraan kung saan ang Diyos ay gumawa sa katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang Siya maaaring gumawa, dahil ang tao ay walang paraan na makilala Siya sa pamamagitan ng mata lamang. At kung nakilala man Siya ng tao, hindi rin makakatulong ang tao sa Kanyang gawain. At saka, hindi Siya naging tao para makilala ng tao ang Kanyang katawang-tao; ito ay upang isagawa ang gawain at tuparin ang Kanyang ministeryo. Sa kadahilanang ito, hindi Niya binigyang kahalagahan na isapubliko ang Kanyang pagkakakilanlan. Nang natapos na Niya ang lahat ng gawain na dapat Niyang gawin, ang Kanyang buong pagkakakilanlan at katayuan ay natural na naging malinaw sa tao. Ang Diyos na naging tao ay nananatiling tahimik at hindi kailanman gumagawa ng kahit anong proklamasyon. Hindi Niya pinapansin ang tao o kung gaano na nakakasunod ang tao sa Kanya, kundi ipinagpapatuloy lamang Niya ang pagtupad sa Kanyang ministeryo at pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. Walang sinuman ang kayang makahadlang sa gawain Niya. Kapag dumating na ang oras para tapusin Niya ang Kanyang gawain, tiyak itong matatapos at madadala sa katapusan, at walang kayang magdikta na hindi. Tanging pagkatapos Niyang lisanin ang tao sa pagkumpleto ng Kanyang gawain na mauunawaan ang gawain na ginagawa Niya, bagama’t hindi pa rin ganap na malinaw. At aabutin ng mahabang panahon para lubusang maunawaan ng tao ang layunin nang una Niyang isinagawa ang Kanyang gawain. Sa madaling salita, ang gawain sa kapanahunan ng nagkatawang-tao na Diyos ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang isang bahagi ay binubuo ng gawain na ginagawa ng katawang-tao ng Diyos Mismo at ang mga salitang binibigkas ng katawang-tao ng Diyos Mismo. Sa sandaling ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao ay ganap na matupad, ang isa pang bahagi ng gawain ay nananatiling isasagawa ng mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Ito na ang panahon na dapat tuparin ng tao ang kanyang tungkulin, dahil binuksan na ng Diyos ang daan, at kinakailangan na itong lakaran ng tao mismo. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao ay isinasagawa ang isang bahagi ng gawain, at pagkatapos ang Banal na Espiritu pati na rin yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ang papalit sa gawaing ito. Samakatuwid, dapat malaman ng tao kung ano ang gawaing pangunahin na isinasagawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa yugtong ito at dapat niyang maunawaan kung ano mismo ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at kung ano ang gawaing dapat Niyang gawin, at hindi humingi sa Diyos alinsunod sa mga hinihingi sa tao. Nandito ang pagkakamali ng tao, ang kanyang kuru-kuro, at lalo na ang kanyang pagsuway.

Ang Diyos ay nagkakatawang-tao hindi para sa layuning tulutan ang tao na makilala ang Kanyang katawang-tao, o tulutan ang tao na makita ang mga kaibahan sa pagitan ng katawan ng Diyos na nagkatawang-tao at yaong sa tao; ni ang Diyos ay nagiging tao upang sanayin ang kakayahan ng tao sa pagkilatis, at lalo nang hindi sa intensyong tulutan ang tao na sambahin ang katawang-tao ng Diyos, nang sa gayon ay magkaroon ng dakilang kaluwalhatian. Wala sa mga bagay na ito ang intensyon ng Diyos sa pagiging tao. Hindi rin nagiging tao ang Diyos upang kondenahin ang tao, ni ibunyag ang tao nang sadya, ni gawing mahirap ang mga bagay para sa kanya. Wala sa mga bagay na ito ang intensyon ng Diyos. Tuwing ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ito ay isang uri ng gawaing hindi maiiwasan. Para sa kapakinabangan ng Kanyang mas malaking gawain at Kanyang mas malaking pamamahala kaya Siya kumikilos gaya ng ginagawa Niya, at hindi para sa mga dahilang naiisip ng tao. Ang Diyos ay dumarating lamang sa mundo ayon sa hinihingi ng Kanyang gawain, at kung kinakailangan lamang. Hindi Siya napaparito sa lupa na may intensyong tumingin-tingin lang sa paligid, kundi isagawa ang gawaing dapat Niyang gawin. Bakit pa Niya tatanggapin ang ganoon kabigat na pasanin at haharapin ang mga ganoon kalubhang panganib upang isagawa ang gawaing ito? Ang Diyos ay nagkakatawang-tao lamang kapag kailangan Niya, at palaging may natatanging kabuluhan. Kung ito lamang ay para sa kapakanan ng pagpapahintulot sa mga tao na makita Siya at mapalawak ang kanilang mga karanasan, ganap na tiyak na hindi Siya kailanman tutungo sa mga tao nang basta-basta. Siya ay dumarating sa mundo para sa kapakanan ng Kanyang pamamahala at ng Kanyang mas malaking gawain, at upang makakuha Siya ng higit sa sangkatauhan. Siya ay dumarating upang kumatawan sa kapanahunan, dumarating Siya upang talunin si Satanas, at upang talunin si Satanas Siya ay nagkakatawang-tao. Higit pa rito, Siya ay dumarating upang gabayan ang buong lahi ng tao sa kanilang pamumuhay ng kanilang mga buhay. Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala, at ito ay may kinalaman sa gawain sa buong sansinukob. Kung ang Diyos ay naging tao lamang upang pahintulutan ang mga tao na makilala ang Kanyang katawang-tao at buksan ang mga mata ng mga tao, bakit hindi Siya maglalakbay sa bawat bansa? Hindi ba ito isang bagay na napakadali? Ngunit hindi Niya ito ginawa, sa halip ay pumili ng isang angkop na lugar upang manirahan at simulan ang gawain na dapat Niyang gawin. Ang katawang-tao lang na ito ay malaki na ang kahalagahan. Kinakatawan Niya ang buong kapanahunan, at isinasagawa rin ang gawain ng buong kapanahunan; pareho Niyang dinadala ang naunang kapanahunan sa katapusan at inihahatid ang bago. Ang lahat ng ito ay isang mahalagang bagay na may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ang kahalagahan ng isang yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos na dumating sa lupa. Nang dumating si Jesus sa lupa, nagsalita lamang Siya ng ilang salita at ipinatupad ang ilang gawain; hindi Niya inabala ang Kanyang Sarili sa buhay ng tao, at umalis sa lalong madaling panahon nang makumpleto Niya na ang Kanyang gawain. Ngayon, kapag natapos Ko na ang pagsasalita at pagpapasa ng Aking mga salita sa inyo, at kapag naunawaan na ninyong lahat, ang hakbang na ito ng Aking gawain ay nagwakas na, kahit na ano pa ang inyong magiging buhay. Mayroon dapat sa hinaharap na ilang tao na magpapatuloy sa hakbang na ito ng Aking gawain at magpapatuloy na gagawa sa lupa alinsunod sa mga salitang ito; sa panahong iyon ang gawain ng tao at ang pagtatayo ng tao ay magsisimula. Ngunit sa ngayon, ginagawa lamang ng Diyos ang Kanyang gawain upang matupad ang Kanyang ministeryo at matapos ang isang hakbang ng Kanyang gawain. Ang Diyos ay gumagawa sa isang paraan na hindi kagaya ng sa tao. Gusto ng tao ang mga pagkakatipon at mga pagtitipon, at naglalagay ng importansya sa seremonya, samantalang ang pinakakinamumuhian ng Diyos ay mismong ang mga pagkakatipon at mga pagpupulong ng tao. Ang Diyos ay nakikipag-usap at nagsasalita sa tao nang hindi pormal; ito ang gawain ng Diyos, na pambihirang malaya at nagpapalaya rin sa inyo. Gayunman, lubos Kong kinamumuhian ang makipagtipon sa inyo, at hindi Ko magawang masanay sa isang buhay na masyadong mahigpit kagaya ng sa inyo. Pinakakinamumuhian Ko ang mga patakaran; naglalagay sila ng mga pagpipigil sa tao hanggang sa puntong ginagawa siyang takot na kumilos, takot magsalita, at takot umawit, ang kanyang mga mata ay nakatitig nang diretso sa iyo. Lubos Kong kinamumuhian ang inyong paraan ng pagtitipon at lubos Kong kinamumuhian ang malalaking pagkakatipon. Talagang ayaw Kong makipagtipon sa inyo sa paraang ito, sapagkat ang paraang ito ng pamumuhay ay nakapagpapadama ng pagkagapos at kayo ay sumusunod sa napakaraming seremonya at napakaraming patakaran. Kung pinahintulutan kayo na manguna sa mga tao ay aakayin ninyo silang lahat sa mga sakop ng mga patakaran at ang mga tao ay hindi magkakaroon ng anumang paraan na maisantabi ang mga patakaran sa ilalim ng inyong pangunguna; sa halip ang kapaligiran ng relihiyon ay lalo lamang magiging higit na matindi, at ang mga pagsasagawa ng tao ay patuloy lamang sa paglaganap. Patuloy na nangungusap at nagsasalita ang ilang tao kapag sila ay nagkakatipon at hindi kailanman nakakaramdam ng pagod, at ang ilan ay nakakapangaral sa loob ng isang dosenang araw nang hindi humihinto. Ang lahat ng ito ay ibinibilang na malalaking pagkakatipon at mga pagpupulong ng tao; walang kinalaman ang mga ito sa buhay ng pagkain at pag-inom, ng pagtatamasa, o ng pagpapalaya sa espiritu. Ang lahat ng ito ay mga pagpupulong! Ang mga pagpupulong ninyong magkakatrabaho, gayundin ang malalaki at maliliit na pagkakatipon, ay lahat kasuklam-suklam sa Akin, at hindi Ako kailanman nakaramdam ng anumang interes sa mga ito. Ito ang prinsipyo ng Aking paggawa: Hindi Ako nakahandang mangaral sa panahon ng mga pagkakatipon, ni gusto Kong magpahayag ng anumang bagay sa isang malaking pampublikong pagtitipon, at lalong hindi na tipunin kayong lahat sa loob ng ilang araw sa isang natatanging pagpupulong. Hindi kaaya-aya sa Akin na kayong lahat ay dapat nangakaupo, nang matino at maayos, sa isang pagtitipon; kinasusuklaman Kong makita na nabubuhay kayo sa loob ng mga hangganan ng anumang naturang seremonya, at higit pa, tumatanggi Akong maging bahagi ng isang gayong seremonya ninyo. Habang lalo ninyong ginagawa ito, lalo itong nagiging kasuklam-suklam sa Akin. Wala Akong ni katiting na interes sa inyong mga seremonya at mga patakaran na ito; gaano man kahusay ang trabaho na nagagawa ninyo ukol rito, itinuturing Ko ang lahat ng ito na kasuklam-suklam. Hindi sa ang inyong mga pagsasaayos ay hindi angkop o na kayo ay masyadong mababang-uri; kinasusuklaman Ko lang ang inyong uri ng pamumuhay, at higit pa, hindi Ko magawang masanay rito. Hindi ninyo nauunawaan ni kaunti ang gawain na nais Kong gawin. Nang gawin ni Jesus ang Kanyang gawain noon, matapos magbigay ng isang sermon sa kung saan, pangungunahan Niya ang Kanyang mga disipulo palabas ng lungsod at kakausapin sila tungkol sa mga daang dapat nilang maunawaan. Madalas Siyang gumawa sa gayong paraan. Ang Kanyang gawain sa gitna ng maraming tao ay kaunti at malayo ang agwat. Alinsunod sa kung ano ang inyong hinihiling sa Kanya, hindi dapat taglayin ng Diyos na naging tao ang buhay ng isang normal na tao; dapat Niyang ipatupad ang Kanyang gawain, at dapat Siyang magsalita kahit Siya man ay nakaupo, nakatayo, o naglalakad. Dapat Siyang gumawa sa lahat ng pagkakataon at hindi kailanman maaaring tumigil sa “mga operasyon,” kung hindi ay mapapabayaan Niya ang Kanyang mga tungkulin. Ang mga kahilingan bang ito ng tao ay angkop sa pakiramdam ng tao? Nasaan ang inyong integridad? Hindi ba kayo humihingi nang labis? Kailangan ba Kita na suriin Ako habang gumagawa Ako? Kailangan ba Kitang mangasiwa habang tinutupad Ko ang Aking ministeryo? Nalalaman Kong maigi kung anong gawain ang kailangan Kong gawin at kung kailan Ko ito kailangang gawin; hindi kailangan na manghimasok ang iba. Maaaring marahil para sa iyo ay mukhang hindi pa Ako nakagawa ng ganoon karami, ngunit sa sandaling iyon ang Aking gawain ay nagwakas na. Gawing halimbawa ang mga salita ni Jesus sa Apat na Ebanghelyo: Hindi ba limitado rin ang mga ito? Sa panahong iyon, nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nangaral ng isang sermon, natapos Niya ito sa loob lamang ng ilang minuto, at nang natapos na Siya sa pagsasalita, pinangunahan Niya ang Kanyang mga disipulo papunta sa bangka at lumisan nang walang anumang paliwanag. Sa sukdulan, tinalakay ito ng mga nasa loob ng sinagoga, ngunit walang anumang bahagi roon si Jesus. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawain na kailangan Niyang gawin, at walang anumang labis at higit dito. Sa kasalukuyan, marami ang nais Akong magsalita pa nang marami at magsabi nang marami, ilang oras man lang sa isang araw. Sa inyong pananaw, ang Diyos ay humihinto na maging Diyos maliban kung nagsasalita Siya, at tanging Siya na nagsasalita ay Diyos. Bulag kayong lahat! Mga hayop lahat! Mangmang na mga bagay lahat na walang katinuan! Masyado kayong maraming kuru-kuro! Lumabis ang inyong mga kahilingan! Hindi kayo mga tao! Hindi ninyo nauunawaan ni katiting kung ano ang Diyos! Naniniwala kayo na ang lahat ng nagsasalita at mga mananalumpati ay Diyos, na sinumang nakahandang tustusan kayo ng mga salita ay inyong ama. Sabihin ninyo sa Akin, lahat ba kayo na may maayos na mga katangian at di-karaniwan na anyo ay nagtataglay pa rin ng kahit na kakatiting na katinuan? Hindi pa ninyo nalalaman ang araw sa langit! Ang bawat isa sa inyo ay parang isang sakim at tiwali na opisyal, kaya paano kayo magkakaroon ng katinuan? Paano kayo makakapagtangi sa pagitan ng tama at mali? Marami na Akong ipinagkaloob sa inyo, ngunit ilan sa inyo ang nagpahalaga rito? Sino ang lubos na nagtataglay nito? Hindi ninyo alam kung sino ang nagbukas ng daan kung saan kayo naglalakad sa kasalukuyan, kaya patuloy kayong gumagawa ng mga kahilingan sa Akin, hinihiling sa Akin ang mga ganitong nakakatawa at kakatwang kahilingan. Hindi ba kayo pulang-pula sa pagkapahiya? Hindi pa ba Ako nagsalita nang sapat? Hindi pa ba Ako nakagawa nang sapat? Sino sa inyo ang tunay na kayang mahalin ang Aking mga salita bilang isang kayamanan? Labis-labis na pinapupurihan ninyo Ako kapag nasa Aking presensya, ngunit nagsisinungaling at nandaraya kayo kapag hindi! Ang inyong mga kilos ay talagang karumal-dumal at kasuklam-suklam ang mga ito sa Akin! Alam Ko na hinihiling ninyong Ako ay magsalita at gumawa nang walang iba pang dahilan kundi pagsawain ang inyong mga mata at palawakin ang inyong mga karanasan, hindi para sa kapakanan ng pagbabago ng inyong mga buhay. Napakarami Ko nang sinabi sa inyo. Ang inyong mga buhay ay nagbago na dapat noon pa, kaya bakit patuloy pa rin kayo na pabalik-balik sa inyong lumang kalagayan hanggang ngayon? Posible ba na ninakaw ang mga salita Ko mula sa inyo at hindi ninyo natanggap ang mga ito? Sa totoo lang, ayaw Ko nang magsalita pa sa mabababang-uring kagaya ninyo—walang magiging kabuluhan ito! Ayaw Kong gumawa ng gayon karaming walang kabuluhang gawain! Ang ninanais lamang ninyo ay ang lawakan ang inyong mga karanasan o mapagsawa ang inyong mga mata, at hindi ang kamtin ang buhay! Nililinlang ninyong lahat ang inyong mga sarili! Tatanungin Ko kayo, gaano karami sa Aking sinalita sa inyo nang harap-harapan ang inyong naisagawa na? Ang tanging ginagawa ninyo ay mandaya upang linlangin ang iba! Kinamumuhian Ko sa inyo yaong mga nagagalak sa pagmamasid bilang manonood, at itinuturing Ko ang inyong pagiging pagkamausisa bilang lubos na kasuklam-suklam. Kung hindi kayo nandirito upang pagsikapan ang tunay na daan o mauhaw para sa katotohanan, kayo yaong mga kinamumuhian Ko! Alam Ko na nakikinig lamang kayo sa Aking pagsasalita upang masiyahan ang inyong pagiging mausisa o upang tuparin ang isa o iba pa sa inyong mga sakim na pagnanasa. Hindi ninyo iniisip na hanapin ang pag-iral ng katotohanan o saliksikin ang tamang landas para sa pagpasok sa buhay; ang mga kahilingang ito ay sadyang hindi umiiral sa gitna ninyo. Ang ginagawa lamang ninyo ay tratuhin ang Diyos gaya ng isang laruan na inyong pinag-aaralan at hinahangaan. Masyadong kakaunti ang inyong pagnanasang hangarin ang buhay, ngunit malaki ang pagnanasa na maging mausisa! Ang pagpapaliwanag sa daan ng buhay sa gayong mga tao ay katulad ng pakikipag-usap sa hangin; mabuti pang huwag na lang Akong magsalita! Hayaan ninyong sabihin Ko ito sa inyo: Kung naghahangad lamang kayo na mapunan ang kakulangan sa loob ng inyong puso, pinakamainam na huwag kayong lumapit sa Akin! Kailangan ninyong bigyang-halaga ang pagkakamit ng buhay! Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili! Pinakamabuti na huwag ninyong gawin ang inyong pagiging mausisa na saligan ng inyong paghahangad ng buhay, o gamitin ito bilang isang pagdadahilan para hilinging makipag-usap Ako sa inyo. Ang mga ito ay lahat pandaraya kung saan masyado kayong bihasa! Muli Kitang tatanungin: Gaano karami sa hinihiling Ko sa iyo na pasukin ang iyong talagang napasok na? Natarok mo na ba ang lahat ng Aking nasabi sa iyo? Nagawa mo na bang isagawa ang lahat ng Aking nasabi sa iyo?

Ang gawain ng bawat kapanahunan ay pinasisimulan ng Diyos Mismo, ngunit dapat mong malaman na, anuman ang paraan ng paggawa ng Diyos, hindi Siya dumarating upang magsimula ng isang kilusan, o magdaos ng espesyal na mga pagpupulong, o magtatag ng anumang uri ng organisasyon sa inyong ngalan. Siya ay dumarating lamang upang tuparin ang gawain na dapat Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay hindi napipigilan ng sinumang tao. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa kung paano Niya naisin; kahit na ano ang isipin o alam ng tao dito, ang alalahanin lamang Niya ay ang pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, nagkaroon na ng tatlong yugto ng gawain; mula kay Jehova hanggang kay Jesus, at mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay hindi kailanman nagtawag ng espesyal na pagpupulong para sa tao, o pinagtipun-tipon man ang buong sangkatauhan upang magkaroon ng espesyal na pandaigdigang pagpupulong at sa gayon ay palawakin ang sakop ng Kanyang gawain. Ang ginagawa lamang Niya ay ang isagawa ang paunang gawain ng isang buong kapanahunan sa isang angkop na panahon at sa isang angkop na lugar, at sa gayon inihahatid ang kapanahunan at inaakay ang lahi ng tao kung paano mamuhay ng kanilang mga buhay. Ang mga espesyal na pagpupulong ay ang mga pagsasama-sama ng tao; gawain ng tao ang sama-samang pagtitipon ng mga tao upang ipagdiwang ang mga araw ng kapistahan. Hindi sinusunod ng Diyos ang mga araw ng kapistahan at, higit pa rito, itinuturing ang mga ito na kasuklam-suklam; hindi Siya nagdaraos ng espesyal na mga pagpupulong at lalo pang itinuturing na kasuklam-suklam ang mga ito. Ngayon dapat mong maunawaan kung ano ba mismo ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao!

Share