Nagkatawang-tao ang Diyos dahil ang pakay ng Kanyang gawain ay hindi ang espiritu ni Satanas, o anumang bagay na walang katawan, kundi ang tao, na may laman at nagawa nang tiwali ni Satanas. Mismong dahil ang laman ng tao ay naging tiwali kaya ginawa ng Diyos ang tao na may laman bilang pakay ng Kanyang gawain; dagdag pa rito, dahil ang tao ang pakay ng katiwalian, ginawa ng Diyos ang tao na tanging layon ng Kanyang gawain sa lahat ng yugto ng Kanyang gawain ng pagliligtas. Ang tao ay isang mortal na nilalang, binubuo ng laman at dugo, at ang Diyos lamang ang Siyang makapagliligtas sa tao. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay dapat maging isang katawang-tao na nagtataglay ng mga katangiang katulad ng sa tao upang magawa ang Kanyang gawain, upang matamo ng Kanyang gawain ang mas mahusay na mga kalalabasan. Kailangang maging katawang-tao ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain mismong dahil ang tao ay sa laman, at walang kakayahang mapangibabawan ang kasalanan o hubaran ng laman ang kanyang sarili. Bagama’t malaki ang pagkakaiba ng diwa at pagkakakilanlan ng Diyos na nagkatawang-tao sa diwa at pagkakakilanlan ng tao, ang Kanyang kaanyuan ay katulad pa rin ng sa tao; may kaanyuan Siya ng isang karaniwang tao, at namumuhay bilang isang karaniwang tao, at yaong mga nakakakita sa Kanya ay walang mapapansing pagkakaiba sa isang karaniwang tao. Sapat na ang karaniwang kaanyuan at karaniwang pagkatao na ito upang magawa Niya ang Kanyang maka-Diyos na gawain sa karaniwang pagkatao. Tinutulutan Siya ng Kanyang katawang-tao na magawa sa karaniwang pagkatao ang Kanyang gawain, at tumutulong ito sa Kanya na gawin ang Kanyang gawain kasama ng tao, at ang Kanyang karaniwang pagkatao, dagdag pa, ay tumutulong sa Kanya na isagawa ang gawain ng pagliligtas kasama ng tao. Bagama’t ang Kanyang normal na pagkatao ay naging sanhi ng malaking kaguluhan sa mga tao, ang ganoong kaguluhan ay hindi nakaapekto sa mga karaniwang kalalabasan ng Kanyang gawain. Sa madaling salita, ang gawain ng Kanyang normal na katawang-tao ay may sukdulang pakinabang sa tao. Bagama’t hindi tinatanggap ng karamihan ng mga tao ang Kanyang karaniwang pagkatao, nakapagkakamit pa rin ng mga resulta ang Kanyang gawain, at ang mga epektong ito ay nakakamit dahil sa Kanyang normal na pagkatao. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan. Mula sa Kanyang gawain sa katawang-tao, nagkakamit ang tao ng sampung ulit o dose-dosenang ulit pang mga bagay kaysa sa mga kuro-kuro na umiiral sa mga tao tungkol sa Kanyang karaniwang pagkatao, at ang ganoong mga kuro-kuro, sa huli, ay lulunuking lahat ng Kanyang gawain. At ang epekto na nakamit na ng Kanyang gawain, na ang ibig sabihin ay ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya, ay higit na matimbang kaysa sa mga kuro-kuro ng tao tungkol sa Kanya. Walang paraan upang ipalagay o sukatin ang gawain na ginagawa Niya sa katawang-tao, dahil ang Kanyang katawang-tao ay hindi katulad ng sa sinumang taong may laman; bagama’t magkatulad ang panlabas na kaanyuan, ang diwa ay hindi magkatulad. Ang Kanyang katawang-tao ay nagbubunga ng maraming kuro-kuro sa mga tao tungkol sa Diyos, ngunit ang Kanyang katawang-tao ay maaari ding magpahintulot sa tao na makakuha ng maraming kaalaman, at maaari pa ngang lumupig sa sinumang tao na nagtataglay ng isang katulad na panlabas na kaanyuan. Dahil Siya ay hindi lamang isang tao, kundi Diyos na may panlabas na kaanyuan ng isang tao, at walang maaaring ganap na makaarok o makaunawa sa Kanya. Minamahal at tinatanggap ng lahat ang isang hindi nakikita at hindi nahahawakang Diyos. Kung ang Diyos ay isa lamang Espiritu na hindi nakikita ng tao, napakadali para sa tao na maniwala sa Diyos. Mapapakawalan ng mga tao ang kanilang mga imahinasyon, maaari silang pumili ng anumang larawan na ibig nila bilang larawan ng Diyos upang mabigyang-kasiyahan ang kanilang mga sarili at makapagpaligaya sa kanila. Sa ganitong paraan, maaaring gawin ng tao ang anumang pinakaibig at pinakanais ipagawa sa kanila ng sarili nilang Diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Higit pa rito, naniniwala ang mga tao na walang sinuman ang mas tapat at masugid kaysa sa kanila tungo sa Diyos, at na ang lahat ng iba pa ay mga asong Gentil, at di-matapat sa Diyos. Maaaring sabihin na ito ang hinahangad ng mga yaong ang paniniwala sa Diyos ay malabo at nakabatay sa doktrina; ang kanilang hinahanap ay magkakatulad halos, na may kaunting pagkakaiba. Magkakaiba lamang ang mga larawan ng Diyos sa kanilang imahinasyon, ngunit ang kanilang diwa sa katunayan ay magkatulad.
Ang tao ay hindi naliligalig ng kanyang walang-inaalalang paniniwala sa Diyos at naniniwala sa Diyos paano man niya naisin. Isa ito sa mga “karapatan at kalayaan ng tao,” na walang sinuman ang maaaring manghimasok, dahil naniniwala ang mga tao sa kanilang sariling Diyos at hindi sa Diyos ng kung sino pa man; ito ay ang kanilang sariling pribadong pag-aari, at halos lahat ay nagtataglay ng ganitong uri ng pribadong pag-aari. Itinuturing ng mga tao ang pag-aaring ito bilang mahalagang yaman, ngunit para sa Diyos ay wala nang mas mababa o walang halaga, sapagkat walang higit na malinaw na pahiwatig ng pagsalungat sa Diyos kaysa sa pribadong pag-aaring ito ng tao. Dahil sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na ang Diyos ay nagiging katawang-tao na may isang nahahawakang anyo, at maaaring makita at mahawakan ng tao. Hindi Siya isang walang-hugis na Espiritu, kundi isang katawang-tao na maaaring makita at makaugnayan ng tao. Gayunman, karamihan ng mga Diyos na pinaniniwalaan ng mga tao ay mga walang-katawang diyos na walang hugis, na mga wala ring anyo. Sa ganitong paraan, ang Diyos na nagkatawang-tao ay naging kaaway na ng karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos, at yaong mga hindi makatanggap ng katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay tulad nilang naging mga kalaban ng Diyos. Nagtataglay ang tao ng mga kuro-kuro hindi dahil sa kanyang paraan ng pag-iisip, o dahil sa kanyang pagiging mapanghimagsik, kundi dahil sa pribadong pag-aari na ito ng tao. Namamatay ang karamihan ng mga tao dahil sa pag-aaring ito, at ang malabong Diyos na ito na hindi maaaring hawakan, hindi maaaring makita, at hindi umiiral sa realidad ang sumisira sa buhay ng tao. Naiwawala ang buhay ng tao hindi ng nagkatawang-taong Diyos, lalo na ng Diyos ng langit, kundi ng Diyos na sariling guni-guni ng tao. Ang tanging dahilan na ang nagkatawang-taong Diyos ay napatungo sa laman ay dahil sa mga pangangailangan ng tiwaling tao. Dahil ito sa mga pangangailangan ng tao, hindi ng Diyos, at ang lahat ng Kanyang mga pagpapakasakit at paghihirap ay alang-alang sa sangkatauhan, at hindi para sa kapakanan ng Diyos Mismo. Walang mga kalamangan o kahinaan o mga pabuya para sa Diyos; hindi Siya gagapas ng anumang ani sa hinaharap, kundi ng mga una nang pagkakautang sa Kanya. Ang lahat ng Kanyang ginagawa at mga ipinagpapakasakit para sa sangkatauhan ay hindi upang makapagkamit Siya ng malalaking pabuya, kundi lubos na alang-alang sa sangkatauhan. Bagama’t sangkot sa gawain ng Diyos sa katawang-tao ang mga paghihirap na di-mailarawan sa isip, ang mga bunga na nakakamit nito sa huli ay labis na lampas sa mga gawaing tuwirang ginagawa ng Espiritu. Ang gawain ng katawang-tao ay nangangailangan ng matinding paghihirap, at ang katawang-tao ay hindi makapagtataglay ng katulad na dakilang pagkakakilanlan tulad ng Espiritu, hindi Siya maaaring magsagawa ng mga katulad na kahima-himalang mga gawa tulad ng Espiritu, at higit na hindi Siya maaaring magtaglay ng katulad na awtoridad tulad ng Espiritu. Ngunit ang diwa ng gawaing ginagawa ng karaniwang katawang-tao na ito ay lubhang nakahihigit sa gawain na tuwirang ginagawa ng Espiritu, at ang katawang-tao Niyang ito Mismo ang kasagutan sa mga pangangailangan ng buong sangkatauhan. Para sa mga ililigtas, ang halagang gamit ng Espiritu ay lubhang mas mababa kaysa sa katawang-tao: Nagagawa ng gawain ng Espiritu na lumukob sa buong sansinukob, sa lahat ng mga bundok, ilog, lawa, at karagatan, ngunit ang gawain ng katawang-tao ay higit na mabisang nauugnay sa bawat tao na nakakaugnayan Niya. Higit pa rito, ang katawang-tao ng Diyos na may nahahawakang anyo ay maaaring higit na maunawaan at mapagkatiwalaan ng tao, at lalo pang makapagpapalalim sa kaalaman ng tao sa Diyos, at makapag-iiwan sa tao ng mas malalim na impresyon ng mga aktuwal na gawa ng Diyos. Nababalot sa hiwaga ang gawain ng Espiritu; mahirap para sa mga mortal na nilalang na arukin ito, at higit na mahirap para sa kanila na makita, at kaya maaari lamang silang umasa sa mga hungkag na paglalarawan sa isip. Gayunman, ang gawain ng katawang-tao ay karaniwan, at batay sa realidad, at nagtataglay ng mayamang karunungan, at ito ay isang katunayan na maaaring makita ng pisikal na paningin ng tao; maaaring personal na maranasan ng tao ang karunungan ng gawain ng Diyos, at hindi kailangan na gamitin ang kanyang masaganang imahinasyon. Ito ang katumpakan at tunay na halaga ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Maaari lamang gumawa ang Espiritu ng mga bagay na hindi nakikita ng tao at mahirap para sa kanyang ilarawan sa isip, halimbawa ang kaliwanagan ng Espiritu, ang pagpukaw ng Espiritu, at ang patnubay ng Espiritu, ngunit para sa tao na may isip, ang mga ito ay hindi nagbibigay ng anumang malinaw na kahulugan. Nagbibigay lamang ang mga ito ng isang nagbabago, o isang malawakang kahulugan, at hindi maaaring magbigay ng isang tagubilin sa pamamagitan ng mga salita. Gayunman, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay labis na naiiba: Nasasangkot dito ang tumpak na patnubay ng mga salita, may malinaw itong kalooban, at may malinaw na mga kinakailangang layunin. At kaya’t ang tao ay hindi kailangang mag-apuhap sa paligid, o gamitin ang kanyang imahinasyon, lalo na ang gumawa ng mga panghuhula. Ito ang kalinawan ng gawain sa katawang-tao, at ang malaking pagkakaiba nito sa gawain ng Espiritu. Angkop lamang ang gawain ng Espiritu para sa isang limitadong saklaw, at hindi maaaring pumalit sa gawain ng katawang-tao. Ang gawain ng katawang-tao ay nagbibigay sa tao ng mas tumpak at kinakailangang mga layunin at higit na mas makatotohanan at mahalagang kaalaman kaysa sa gawain ng Espiritu. Ang pinakamahalagang gawain sa tiwaling tao ay yaong nagbibigay ng tumpak na mga salita, malinaw na mga layunin na dapat pagsumikapang matamo, at na maaaring makita at mahawakan. Tanging makatotohanang gawain at napapanahong patnubay ang angkop sa panlasa ng tao, at tanging tunay na gawain ang makapagliligtas sa tao mula sa kanyang tiwali at napakasamang disposisyon. Maaari lamang itong makamit ng Diyos na nagkatawang-tao; tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makapagliligtas sa tao mula sa kanyang dating tiwali at napakasamang disposisyon. Bagama’t ang Espiritu ang likas na diwa ng Diyos, ang gawaing tulad nito ay maaari lamang gawin ng Kanyang katawang-tao. Kung ang Espiritu ay gumawa nang nag-iisa, hindi posible sa gayon na maging mabisa ang Kanyang gawain—ito ay isang payak na katotohanan. Bagama’t karamihan ng mga tao ay naging mga kaaway na ng Diyos dahil sa katawang-tao na ito, kapag winakasan Niya na ang Kanyang gawain, yaong mga taong laban sa Kanya ay hindi lamang hihinto sa pagiging mga kaaway Niya, bagkus ay magiging mga saksi Niya. Magiging mga saksi sila na Kanya nang nalupig, mga saksi na kaayon Niya at hindi maihihiwalay sa Kanya. Magsasanhi Siya na malaman ng tao ang kahalagahan ng Kanyang gawain sa katawang-tao sa tao, at malalaman ng tao ang kahalagahan ng katawang-tao na ito sa kahulugan ng pag-iral ng tao, malalaman ang Kanyang tunay na halaga sa paglago ng buhay ng tao, at, higit pa rito, malalaman na ang katawang-tao na ito ay magiging isang buhay na bukal ng buhay kung saan hindi makakaya ng tao na mapahiwalay. Bagama’t ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay malayong tumugma sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, at para sa tao ay tila hindi kaayon sa Kanyang tunay na katayuan, ang katawang-tao na ito, na hindi nagtataglay ng tunay na larawan ng Diyos, o ng tunay na pagkakakilanlan ng Diyos, ay maaaring gawin ang gawain na hindi nakakayang tuwirang gawin ng Espiritu ng Diyos. Gayon ang tunay na kabuluhan at halaga ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito ang kabuluhan at halaga na hindi mapahalagahan at makilala ng tao. Bagama’t lahat ng tao ay tumitingala sa Espiritu ng Diyos at hinahamak ang katawang-tao ng Diyos, paano man sila tumitingin o nag-iisip, malayong nahihigitan ng tunay na kabuluhan at halaga ng katawang-tao ang sa Espiritu. Mangyari pa, tungkol lamang ito sa tiwaling sangkatauhan. Para sa lahat na naghahangad ng katotohanan at nasasabik sa pagpapakita ng Diyos, ang gawain ng Espiritu ay makakapagbigay lamang ng pagpukaw o inspirasyon, at isang pagkaramdam ng pagkamangha na hindi ito maipaliliwanag at hindi mailalarawan ng isip, at isang pagkaramdam na ito ay dakila, lampas sa normal na karanasan ng tao, at kahanga-hanga, ngunit hindi rin maaaring makamit at matamo ng lahat. Ang tao at ang Espiritu ng Diyos ay maaari lamang tumingin sa isa’t isa mula sa malayo, na tila ba may napakalawak na agwat sa kanilang pagitan, at sila kailanman ay hindi maaaring maging magkatulad, na tila ba ang tao at ang Diyos ay pinaghiwalay ng isang di-nakikitang pagitan. Sa katunayan, ito ay isang ilusyon na ibinibigay ng Espiritu sa tao, dahil ang Espiritu at ang tao ay hindi magkatulad ng uri at hindi kailanman magkasamang iiral sa parehong mundo, at dahil ang Espiritu ay hindi nagtataglay ng anuman sa tao. Kaya ang tao ay hindi nagtataglay ng pangangailangan sa Espiritu, sapagkat ang Espiritu ay hindi tuwirang magagawa ang gawain na pinakakinakailangan ng tao. Ang gawain ng katawang-tao ay nag-aalok sa tao ng tunay na mga layunin upang hangaring matamo, malinaw na mga salita, at isang pakiramdam na Siya ay tunay at normal, na Siya ay mapagpakumbaba at karaniwan. Bagama’t maaaring matakot ang tao sa Kanya, para sa karamihan ng mga tao Siya ay madaling makaugnay: Maaaring masdan ng tao ang Kanyang mukha, at marinig ang Kanyang tinig, at hindi niya Siya kailangang tingnan mula sa malayo. Nararamdaman ng tao na madaling lapitan ang katawang-taong ito, hindi malayo, o di-maarok, bagkus ay nakikita at nahahawakan, dahil ang katawang-tao na ito ay nasa kaparehong mundo ng tao.
Para sa lahat ng nabubuhay sa laman, ang pagbabago ng kanilang disposisyon ay nangangailangan ng mga itataguyod na layunin, at ang pagkilala sa Diyos ay nangangailangan ng pagsaksi sa tunay na mga gawa at tunay na mukha ng Diyos. Matatamo lamang ang dalawang ito ng katawang-tao ng Diyos, at maisasakatuparan lamang ang dalawang ito ng normal at tunay na katawan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang pagkakatawang-tao, at kung bakit ito kailangan ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Dahil hinihinging makilala ng mga tao ang Diyos, kailangang maiwaksi sa kanilang mga puso ang mga larawan ng malabo at higit-sa-karaniwang mga Diyos, at dahil hinihinging alisin nila ang kanilang tiwaling disposisyon, dapat muna nilang malaman ang kanilang tiwaling disposisyon. Kung gagawin lamang ng tao ang gawain para maiwaksi mula sa puso ng mga tao ang mga larawan ng malalabong Diyos, mabibigo siyang makamit ang wastong bisa. Hindi mailalantad, maitatakwil, o ganap na mapapaalis ng mga salita lamang ang mga larawan ng malalabong Diyos sa puso ng mga tao. Sa huli, hindi pa rin posibleng iwaksi sa paggawa nito ang mga bagay na malalim na nakaugat sa mga tao. Makakamit lamang ang angkop na bisa kapag napalitan ng praktikal na Diyos at ng tunay na larawan ng Diyos ang malalabo at di-pangkaraniwang mga bagay na ito, at mahikayat ang mga tao na unti-unting malaman ang mga ito. Kinikilala ng tao na malabo at hindi pangkaraniwan ang Diyos na kanyang hinangad ng mga nakaraang panahon. Ang may kakayahang makapagkamit ng bisang ito ay hindi ang tuwirang pamumuno ng Espiritu, lalong hindi ang mga aral ng isang tiyak na indibidwal, kundi ang Diyos na nagkatawang-tao. Nailalantad ang mga kuro-kuro ng tao kapag opisyal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain, sapagkat ang pagiging normal at ang realidad ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang kabaligtaran ng malabo at di-pangkaraniwang Diyos sa imahinasyon ng tao. Maihahayag lamang ang orihinal na mga kuro-kuro ng tao kapag naihambing sa Diyos na nagkatawang-tao. Kung wala ang paghahambing sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi maihahayag ang mga kuro-kuro ng tao; sa madaling salita, kung walang realidad bilang panghambing, hindi maihahayag ang malalabong bagay. Walang may kakayahang gumamit ng mga salita upang gawin ang gawaing ito, at walang sinuman ang may kakayahang magsalita nang maliwanag sa gawaing ito gamit ang mga salita. Tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng Kanyang sariling gawain, at wala nang ibang makakagawa ng gawaing ito sa ngalan Niya. Gaano man kayaman ang wika ng tao, hindi niya kayang sabihin nang maliwanag ang realidad at pagiging normal ng Diyos. Maaari lamang makilala ng tao ang Diyos nang higit na praktikal, at maaari lamang Siyang makita nang higit na malinaw, kung personal na gagawa ang Diyos sa tao at ganap na ipakikita ang Kanyang larawan at pagiging Diyos. Hindi makakamtan ang bisang ito ng sinumang tao na nilikha sa laman. Mangyari pa, wala ring kakayahan ang Espiritu ng Diyos na makamit ang bisang ito. Makakayang iligtas ng Diyos ang tiwaling tao mula sa impluwensya ni Satanas, ngunit hindi makakayang tuwirang gawin ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito; sa halip, makakaya lamang itong gawin ng katawang-tao na suot ng Espiritu ng Diyos, ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Tao at Diyos din ang katawang-tao na ito, isang tao na nagtataglay ng normal na pagkatao at Diyos din na nagtataglay ng buong pagkaDiyos. At sa gayon, bagama’t ang katawang-taong ito ay hindi ang Espiritu ng Diyos, at lubos na naiiba sa Espiritu, ito pa rin ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao na nagliligtas sa tao, ang Espiritu at ang katawang-tao rin. Anuman ang tawag sa Kanya, sa huli ay ito pa rin ang Diyos Mismo na nagliligtas sa sangkatauhan. Sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay hindi mapaghihiwalay mula sa katawang-tao, at ang gawain ng katawang-tao ay ang gawain din ng Espiritu ng Diyos; nangyari lamang na ang gawaing ito ay hindi ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng Espiritu, bagkus ay ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng katawang-tao. Ang gawain na kailangang tuwirang gawin ng Espiritu ay hindi nangangailangan ng pagkakatawang-tao, at ang gawain na kailangang gawin ng katawang-tao ay hindi maaaring gawin nang tuwiran ng Espiritu, at maaari lamang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang hinihingi para sa gawaing ito, at ito ang hinihingi ng tiwaling sangkatauhan. Sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, isang yugto lamang ang tuwirang natupad ng Espiritu, at ipinatutupad ng Diyos na nagkatawang-tao ang natitirang dalawang yugto, at hindi tuwiran ng Espiritu. Hindi kabilang ang pagbabago ng tiwaling disposisyon ng tao sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan na ginawa ng Espiritu, at wala rin itong kaugnayan sa kaalaman ng tao sa Diyos. Gayunman, ang gawain ng katawang-tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kaharian ay kinatatampukan ng tiwaling disposisyon ng tao at ng kanyang kaalaman tungkol sa Diyos, at isang mahalaga at maselang bahagi ng gawain ng pagliligtas. Samakatuwid, higit na kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao, at higit na nangangailangan ng tuwirang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Kinakailangan ng sangkatauhan ang Diyos na nagkatawang-tao upang patnubayan siya, alalayan siya, diligin siya, pakainin siya, hatulan at kastiguhin siya, at nangangailangan siya ng higit na biyaya at lalong higit na pagtubos mula sa Diyos na nagkatawang-tao. Tanging ang Diyos sa katawang-tao ang makakayang maging katiwalang-loob ng tao, ang pastol ng tao, ang laging handang pagsaklolo sa tao, at ang lahat ng ito ay ang pangangailangan ng pagkakatawang-tao ngayon at sa mga lumipas na panahon.
Nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao at siya ang pinakamataas sa lahat ng nilalang ng Diyos, kaya nangangailangan ang tao ng pagliligtas ng Diyos. Tao, hindi si Satanas, ang pakay ng pagliligtas ng Diyos, at ang maliligtas ay ang laman ng tao, at ang kaluluwa ng tao, at hindi ang demonyo. Si Satanas ang layon ng paglipol ng Diyos, ang tao ang layon ng pagliligtas ng Diyos, at nagawa nang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, kaya’t ang laman ng tao ang unang dapat na ililigtas. Malalimang nagawang tiwali ang laman ng tao, at naging isang bagay ito na lumalaban sa Diyos, kung kaya’t lantaran pa nga itong sumasalungat at nagtatatwa sa pag-iral ng Diyos. Sadyang napakahirap nang mapaamo ang tiwaling laman na ito, at wala nang higit na mahirap pakitunguhan o baguhin kaysa sa tiwaling disposisyon ng laman. Pumapaloob si Satanas sa laman ng tao upang magpasimula ng mga kaguluhan, at ginagamit nito ang laman ng tao upang gambalain ang gawain ng Diyos, at pinsalain ang plano ng Diyos, at sa gayon ay naging si Satanas ang tao, at naging kaaway ng Diyos. Upang mailigtas ang tao, dapat muna siyang malupig. Ito ang dahilan kung bakit humaharap sa hamon ang Diyos at nagsasakatawang-tao upang gawin ang gawain na nilalayon Niyang gawin, at upang labanan si Satanas. Ang Kanyang layunin ay ang kaligtasan ng tao, na naging tiwali, at ang pagkagapi at pagkalipol ni Satanas, na naghihimagsik laban sa Kanya. Nagagapi Niya si Satanas sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng panlulupig sa tao, at kasabay na inililigtas ang tiwaling sangkatauhan. Kaya’t isang gawain ito na sabay nakakamit ang dalawang layunin. Kumikilos Siya sa katawang-tao, at nagsasalita sa katawang-tao, at isinasagawa ang lahat ng gawain sa katawang-tao upang higit na mahusay na makisali sa tao, at higit na mahusay na malupig ang tao. Sa huling pagkakataon na nagkakatawang-tao ang Diyos, ang Kanyang gawain sa mga huling araw ay matatapos sa katawang-tao. Pagbubukud-bukurin Niya ang lahat ng tao ayon sa uri, tatapusin ang Kanyang buong pamamahala, at tatapusin din ang lahat ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Pagkaraang matapos ang lahat ng Kanyang gawain sa lupa, ganap na Siyang matagumpay. Sa paggawa sa katawang-tao, ganap na malulupig ng Diyos ang sangkatauhan, at ganap na makakamit ang sangkatauhan. Hindi ba ito nangangahulugan na parating na sa katapusan ang Kanyang buong pamamahala? Kapag winakasan na ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao, dahil lubos na Niyang nagapi si Satanas at naging matagumpay, mawawalan na ng pagkakataon si Satanas na gawing tiwali ang tao. Ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang pagtubos at kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. Ito ngayon ang gawain ng panlulupig at ganap na pagkakamit ng sangkatauhan, upang hindi na magkaroon ng anumang mga paraan si Satanas upang gawin ang gawain nito, at ganap nang magapi, at magiging ganap na matagumpay ang Diyos. Ito ang gawain ng katawang-tao, at ang gawain na ginawa ng Diyos Mismo. Ang paunang gawain ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay tuwirang ginawa ng Espiritu, at hindi ng katawang-tao. Gayunman, ang huling gawain ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi tuwiran ng Espiritu. Ang gawain ng pagtubos sa namamagitang yugto ay ginawa din ng Diyos sa katawang-tao. Sa buong gawain ng pamamahala, ang pinakamahalagang gawain ay ang mailigtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Ang pinakamahalagang gawain ay ang ganap na paglupig sa tiwaling tao, sa gayon ay mapanunumbalik ang naunang paggalang sa Diyos sa puso ng nalupig na tao, at matutulutan siyang makamit ang isang normal na buhay, na ang ibig sabihin ay ang normal na buhay ng isang nilikha ng Diyos. Mahalaga ang gawaing ito, at ito ang ubod ng gawain ng pamamahala. Sa tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas, ang unang yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan ay malayo sa ubod ng gawain ng pamamahala; may bahagyang pagpapakita lamang ito ng gawain ng pagliligtas, at hindi ang simula ng gawain ng pagliligtas ng Diyos sa tao mula sa sakop ni Satanas. Tuwirang ginawa ng Espiritu ang unang yugto ng gawain dahil, sa ilalim ng kautusan, pagsunod sa kautusan ang tanging alam ng tao, at hindi nagkaroon ng higit na maraming katotohanan ang tao, at sapagka’t halos hindi nasangkutan ng mga pagbabago ng disposisyon ng tao ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, lalong hindi ito nagsaalang-alang sa gawain kung paano maliligtas ang tao mula sa sakop ni Satanas. Kung kaya ginawang ganap ng Espiritu ng Diyos itong sukdulang payak na yugto ng gawain na walang kinalaman sa tiwaling disposisyon ng tao. May maliit na kaugnayan lamang ang bahaging ito ng gawain sa ubod ng pamamahala, at walang malaking ugnayan sa opisyal na gawain ng pagliligtas sa tao, at sa gayon ay hindi kinailangan ng Diyos na maging katawang-tao upang personal na gawin ang Kanyang gawain. Mapagpahiwatig at di maarok ang gawain na ginagawa ng Espiritu, at ito ay kakila-kilabot at hindi malapitan ng tao; hindi naangkop ang Espiritu sa tuwirang paggawa ng gawain ng pagliligtas, at hindi angkop sa tuwirang pagbibigay-buhay sa tao. Ang pinakaangkop para sa tao ay ang pagbabagong-anyo ng gawain ng Espiritu sa isang paraang malapit sa tao, na ang ibig sabihin, kung ano ang pinakaangkop para sa tao ay maging isang ordinaryo, karaniwang katauhan ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain. Nangangailangan ito na magkatawang-tao ang Diyos upang halinhan ang Espiritu sa Kanyang gawain, at para sa tao, wala nang higit na angkop na paraan upang gumawa ang Diyos. Sa tatlong yugto ng gawain, dalawang yugto ang tinutupad ng katawang-tao, at ang dalawang yugtong ito ang mahahalagang bahagi ng gawain ng pamamahala. Tumutulong sa isa’t isa ang dalawang pagkakatawang-tao at buong-buo ang pagtutulungan ng isa’t isa. Ang unang yugto ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang naglatag ng pundasyon para sa ikalawang yugto, at masasabi na ang dalawang anyo ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay bumubuo ng isang kabuuan, at hindi nagsasalungatan sa isa’t isa. Isinasagawa ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang katawang-tao ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos dahil napakahalaga ng mga ito sa buong gawain ng pamamahala. Halos masasabi na kung wala ang gawain ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mahihinto ang buong gawain ng pamamahala, at magiging walang anuman kundi walang saysay na salita ang gawain ng pagliligtas ng sangkatauhan. Nakabatay sa mga pangangailangan ng sangkatauhan kung mahalaga o hindi ang gawain na ito, at sa realidad ng kabuktutan ng sangkatauhan, at sa kalubhaan ng pagsuway ni Satanas at sa panggugulo nito sa gawain. Ang tamang tao para sa gawain ay nakasalalay sa kalikasan ng gawaing ginagampanan ng manggagawa, at ang kahalagahan ng gawain. Pagdating sa kahalagahan ng gawaing ito, sa kung anong paraan ng gawain ang gagamitin—gawaing tuwirang ginawa ng Espiritu ng Diyos, o gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, o gawaing tinapos sa pamamagitan ng tao—ang unang aalisin ay ang gawain na ginampanan sa pamamagitan ng tao, at, batay sa kalikasan ng gawain, at sa kalikasan ng gawain ng Espiritu laban sa yaong sa katawang-tao, napagpasyahan sa huli na higit na kapaki-pakinabang para sa tao ang gawaing ginawa sa katawang-tao kaysa sa gawain na tuwirang ginawa ng Espiritu, at nag-aalok ito ng higit na mga pakinabang. Ito ang kaisipan ng Diyos sa oras na nagpapasya Siya kung ang gawain ay gagawin ng Espiritu o ng katawang-tao. May isang kabuluhan at isang batayan sa bawat yugto ng gawain. Hindi paglalarawan sa isip nang walang batayan ang mga ito, at isinasagawa nang walang pakundangan; may tiyak na karunungan sa mga ito. Gayon ang totoong kalagayan sa likod ng lahat ng gawain ng Diyos. Sa partikular, may higit pa sa plano ng Diyos sa gayong kadakilang gawain kung saan personal na gumagawa sa gitna ng tao ang Diyos na nagkatawang-tao. Samakatwid, ang karunungan ng Diyos at ang kabuuan ng Kanyang pagiging Diyos ay nasasalamin sa bawat kilos, pag-iisip, at ideya sa Kanyang gawain; ito ang higit na kongkreto at sistematikong pagiging Diyos ng Diyos. Napakahirap para sa tao na ilarawan sa isip ang mga banayad na saloobin at ideya, at mahirap para sa tao na paniwalaan, at, higit pa rito, mahirap para sa tao na malaman. Ginagawa ang gawaing ginawa ng tao ayon sa pangkalahatang prinsipyo, na, para sa tao, ay lubos na kasiya-siya. Ngunit kung ihahambing sa gawain ng Diyos, may sadyang napakalaking pagkakaiba; bagama’t dakila ang mga gawa ng Diyos at nasa isang kagila-gilalas na antas ang gawa ng Diyos, maraming mumunti at eksaktong mga plano at mga pagsasaayos sa likod ng mga ito na hindi mailarawan ng isip ng tao. Hindi lamang ayon sa prinsipyo ang bawat yugto ng Kanyang gawain, ngunit naglalaman din ng maraming bagay na hindi makakayang masabi nang maliwanag sa pamamagitan ng wika ng tao, at ang mga ito ay ang mga bagay na hindi nakikita ng tao. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, naglalaman ang bawat isa ng mga plano ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa nang walang batayan, at hindi Siya gumagawa ng walang-kabuluhang gawain. Kapag tuwirang gumagawa ang Espiritu, ito ay sa Kanyang mga layunin, at kapag Siya ay nagiging tao (na ang ibig sabihin, kapag nagbabagong-anyo ang Kanyang panlabas na kaanyuan) upang gumawa, ito ay higit pa sa Kanyang layunin. Bakit pa Niya kaagad na babaguhin ang Kanyang pagkakakilanlan? Bakit pa kaagad Siyang magiging isang tao na ang turing ay hamak at pinag-uusig?
May sukdulang kabuluhan ang Kanyang gawain sa katawang-tao, na sinasabi tungkol sa gawain, at ang Siya na sa huli ay tumatapos sa gawain ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at hindi ang Espiritu. Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang di pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi paisa-isang hinahatulan ng Diyos ang mga tao, at hindi paisa-isang sinusubukan ang tao; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng sangkatauhan? Ang hinuhusgahan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga walang kapararakan at walang kabuluhang kasiraan ng tao. Mapagkatawan ang gawain ng paghatol, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, upang unti-unting ipalaganap pagkaraan. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na pangkat ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o kawalang-galang ng tao sa Kanya, o paggambala sa gawain ng Diyos, at kung ano-ano pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay siyang-siyang paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang Kanyang gawain, Kanyang salita, at Kanyang buong disposisyon ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng Kanyang gawain, at hindi tuwirang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang tuwirang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, at pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng gawaing saklaw ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang palalawakin ang gawaing ito sa buong sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap sa buong sansinukob ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito ayon sa Kanyang gawain, at hindi natutukoy ayon sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga kadahilanan. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuro-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil rito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Wala itong katuturan, dahil ang gawaing ito ay maaaring lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Dahil nagawa nang ganap ang gawaing ito, kasunod ng gawaing ito, hindi lilitaw sa pangalawang pagkakataon ang gawain ng paghatol ng Diyos sa tao; natapos na ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang lahat ng gawain ng buong pamamahala, at wala nang magiging ikaapat na yugto ng gawain ng Diyos. Sapagkat ang tao ang siyang hinahatulan, ang tao ng laman at naging tiwali, at hindi ang espiritu ni Satanas ang tuwirang hinahatulan, ang gawain ng paghatol, kung gayon, ay hindi tinutupad sa espirituwal na daigdig, kundi sa gitna ng tao. Walang sinumang higit na angkop, at karapat-dapat, kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng laman ng tao. Kung ang paghatol ay tuwirang isinagawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon, hindi ito sasaklaw sa lahat. Bukod dito, magiging mahirap para sa tao na tanggapin ang gayong gawain, sapagkat hindi magagawa ng Espiritu na lumapit nang harap-harapan sa tao, at dahil dito, hindi magiging agaran ang mga bisa, hindi makikita ng tao nang lalong malinaw ang di-naaagrabyadong na disposisyon ng Diyos. Lubusang magagapi lamang si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Dahil tulad sa tao na nagtataglay ng normal na pagkatao, maaaring tuwirang hatulan ng Diyos sa katawang-tao ang di pagiging matuwid ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Tanging ang Diyos ang karapat-dapat, at nasa katayuan na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan, at pagiging matuwid, kaya nga nagagawa Niyang hatulan ang tao. Yaong mga walang katotohanan at katuwiran ay hindi nababagay na hatulan ang iba. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito, kung gayon ay hindi ito mangangahulugan ng tagumpay laban kay Satanas. Likas na higit na mabunyi ang Espiritu kaysa mga mortal na nilalang, at likas na banal ang Espiritu ng Diyos, at napagtatagumpayan ang laman. Kung tuwirang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng pagsuway ng tao at hindi makakayang ibunyag ang lahat ng di-pagkamatuwid ng tao. Sapagka’t natutupad din ang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng mga kuro-kuro ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga kuro-kuro sa Espiritu, at sa gayon ay hindi kaya ng Espiritu ang higit na mainam na paghahayag sa di-pagkamatuwid ng tao, lalong hindi kaya ang ganap na paghahayag ng gayong di-pagkamatuwid. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kaaway ng lahat ng tao na hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga kuro-kuro ng tao at pagsalungat sa Kanya, isinisiwalat Niya ang lahat ng pagsuway ng sangkatauhan. Higit na malinaw ang mga bisa ng Kanyang gawain sa katawang-tao kaysa sa mga gawain ng Espiritu. At kaya, hindi tuwirang natutupad ng Espiritu ang paghatol ng lahat ng sangkatauhan, bagkus ay ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Makakayang makita at mahawakan ng tao ang Diyos sa katawang-tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay makakayang ganap na lupigin ang tao. Sa kanyang kaugnayan sa Diyos sa katawang-tao, umuusad ang tao mula sa pagsalungat patungo sa pagsunod, mula sa pag-uusig patungo sa pagtanggap, mula sa kuro-kuro patungo sa kaalaman, at mula sa pagtanggi patungo sa pagmamahal—ito ang mga bisa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Naliligtas lamang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol, unti-unti lamang na nakikilala Siya ng tao sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang bibig, nalulupig Niya ang tao sa panahon ng pagsalungat nito sa Kanya, at tumatanggap siya ng panustos ng buhay mula sa Kanya sa panahon ng pagtanggap ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ang gawain ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Espiritu. Ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang pinakadakilang gawain, at ang pinakamasidhing gawain, at ang pinakamahalagang bahagi ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay ang dalawang yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao. Isang malaking balakid ang matinding katiwalian ng tao sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa partikular, lubhang napakahirap na gawain ang natupad sa mga tao sa mga huling araw, at mapanlaban ang kapaligiran, at may kahinaan ang kakayahan ng bawat uri ng tao. Ngunit sa katapusan ng gawain na ito, makakamit pa rin nito ang tamang bisa, nang walang mga anumang kapintasan; ito ay ang bisa ng gawain ng katawang-tao, at higit na mapanghikayat ang bisang ito kaysa sa gawain ng Espiritu. Tatapusin sa katawang-tao ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at dapat tapusin ang mga ito ng Diyos na nagkatawang-tao. Ginagawa sa katawang-tao ang pinakamahalaga at pinakamaselang gawain, at dapat personal na tuparin ng Diyos sa katawang-tao ang kaligtasan ng tao. Bagama’t nararamdaman ng lahat ng sangkatauhan na tila walang kaugnayan sa tao ang Diyos sa katawang-tao, sa katunayan ay nauukol sa kapalaran at pag-iral ng buong sangkatauhan ang katawang-tao na ito.
Ipinatutupad ang bawat yugto ng gawain ng Diyos para sa kapakanan ng lahat ng sangkatauhan, at nakatuon sa buong sangkatauhan. Bagama’t gawain Niya ito sa katawang-tao, nakatuon pa rin ito sa lahat ng sangkatauhan; Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan, at Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha at di-nilikhang nilalang. Bagama’t nakapaloob sa isang limitadong saklaw ang Kanyang gawain sa katawang-tao, at may hangganan din ang layunin ng gawaing ito, sa tuwing nagiging katawang-tao Siya upang gawin ang Kanyang gawain, pumipili Siya ng isang layon ng Kanyang gawain na kumakatawan nang higit sa lahat; hindi Siya pumipili ng isang pangkat ng mga payak at karaniwang mga tao na Kanyang gagawaan, bagkus ay pumipili ng isang pangkat ng mga tao bilang layon ng Kanyang gawain na may kakayahang maging mga kinatawan ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Pinipili ang pangkat na ito ng mga tao dahil may hangganan ang saklaw ng Kanyang gawain sa katawang-tao, at tanging inihahanda para sa Kanyang nagkatawang-taong laman, at tanging pinipili para sa Kanyang gawain sa katawang-tao. Ang pagpili ng Diyos sa mga layon ng Kanyang gawain ay hindi walang saligan, bagkus ay isinasagawa ayon sa mga prinsipyo: Ang layunin ng gawain ay dapat may pakinabang sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at dapat na magawang kumatawan sa buong sangkatauhan. Halimbawa, nagawa ng mga Judio na kumatawan sa buong sangkatauhan sa pagtanggap ng personal na pagtubos ni Jesus, at ang mga Tsino ay nagagawang kumatawan sa buong sangkatauhan sa pagtanggap ng personal na paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao. May isang batayan sa pagkatawan ng mga Judio sa buong sangkatauhan, at may isang batayan din sa pagkatawan ng mga mamamayang Tsino sa buong sangkatauhan sa pagtanggap ng personal na paglupig ng Diyos. Walang higit na naghahayag ng kahalagahan ng pagtubos maliban sa mga gawain ng pagtubos na ginawa sa gitna ng mga Judio, at walang higit na naghahayag sa kalubusan at tagumpay ng gawain ng paglupig maliban sa gawain ng paglupig na ginagawa sa mga mamamayang Tsino. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay tila nakatutok lamang sa isang maliit na pangkat ng mga tao, ngunit sa katunayan, ang Kanyang gawain sa gitna ng maliit na pangkat na ito ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang Kanyang salita ay nakatuon sa buong sangkatauhan. Pagkaraang umabot na sa katapusan ang Kanyang gawain sa katawang-tao, magsisimulang palaganapin ng mga taong sumusunod sa Kanya ang gawain na Kanyang nagawa na sa gitna nila. Ang pinakamainam na bagay tungkol sa Kanyang gawain sa katawang-tao ay maaari Siyang mag-iwan ng tumpak na mga salita at mga pangaral, at ang Kanyang tiyak na kalooban para sa sangkatauhan patungkol sa mga taong sumusunod sa Kanya, sa gayon pagkatapos, ang Kanyang mga tagasunod ay maaaring higit na tumpak at higit na konkretong maipasa ang lahat ng Kanyang mga gawain sa katawang-tao, at ang Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan, sa mga tumatanggap sa ganitong daan. Tanging ang gawain ng Diyos sa katawang-tao sa gitna ng tao ang tunay na nagsasakatuparan sa katunayan ng pakikisama ng Diyos at pamumuhay kasama ng tao. Tanging ang gawaing ito ang nagsasakatuparan sa mithiin ng tao na mamasdan ang mukha ng Diyos, masaksihan ang gawain ng Diyos, at marinig ang personal na salita ng Diyos. Winawakasan ng Diyos na nagkatawang-tao ang kapanahunan na likod lamang ni Jehova ang nagpakita sa sangkatauhan, at tinatapos din Niya ang kapanahunan ng paniniwala ng sangkatauhan sa malabong Diyos. Lalo na, dinadala ng gawain ng huling Diyos na nagkatawang-tao ang buong sangkatauhan sa isang kapanahunan na higit na makatotohanan, higit na praktikal, at higit na maganda. Hindi lamang Niya tinatapos ang kapanahunan ng kautusan at doktrina ngunit ang higit na mahalaga, inihahayag Niya sa sangkatauhan ang isang Diyos na tunay at normal, na matuwid at banal, na nagbubukas sa gawain ng plano ng pamamahala at nagpapamalas ng mga hiwaga at hantungan ng sangkatauhan, na lumikha sa sangkatauhan at winawakasan ang gawaing pamamahala, at nanatiling nakatago nang libu-libong taon. Winawakasan Niya nang lubusan ang kapanahunan ng kalabuan, tinatapos Niya ang kapanahunan na ang ninais ng buong sangkatauhan na hanapin ang mukha ng Diyos ngunit hindi nila nagawa, winawakasan Niya ang kapanahunan kung kailan nagsilbi kay Satanas ang buong sangkatauhan, at inaakay Niya ang buong sangkatauhan tungo sa isang ganap na bagong panahon. Lahat ng ito ay bunga ng gawain ng Diyos sa katawang-tao sa halip ng Espiritu ng Diyos. Kapag gumagawa ang Diyos sa Kanyang katawang-tao, ang mga taong sumusunod sa Kanya ay hindi na naghahanap at nag-aapuhap ng mga mga bagay na tila kapwa umiiral at di-umiiral, at tumitigil sila sa paghula sa kalooban ng malabong Diyos. Kapag pinalalaganap ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao, ipapasa ng mga sumusunod sa Kanya ang gawain na Kanyang ginawa sa katawang-tao sa lahat ng mga relihiyon at denominasyon, at kanilang ipagtatalastasan ang lahat ng Kanyang mga salita sa mga pandinig ng buong sangkatauhan. Ang lahat na naririnig ng mga yaong tumatanggap sa Kanyang ebanghelyo ay magiging mga katunayan ng Kanyang gawain, magiging mga bagay na personal na nakikita at naririnig ng tao, at magiging mga katunayan at hindi sabi-sabi. Ang mga katunayang ito ay ang katibayan na Kanyang pinalalaganap ang gawain, at ito rin ang mga kasangkapan na ginagamit Niya sa pagpapalaganap ng gawain. Kung wala ang pag-iral ng mga katunayan, ang Kanyang ebanghelyo ay hindi lalaganap sa lahat ng bansa at sa lahat ng lugar; kapag walang katunayan bagkus ay sa mga guni-guni lamang ng tao, Hindi Niya kailanman magagawa ang gawain ng panlulupig sa buong sansinukob. Ang Espiritu ay hindi nasasalat ng tao, at di-nakikita ng tao, at ang gawain ng Espiritu ay hindi kayang mag-iwan ng anumang karagdagang katibayan o mga katunayan ng gawain ng Diyos para sa tao. Hindi kailanman makikita ng tao ang tunay na mukha ng Diyos, at palagi siyang maniniwala sa isang malabong Diyos na hindi umiiral. Hindi kailanman makikita ng tao ang tunay na mukha ng Diyos, o hindi rin kailanman maririnig ng tao ang mga salita na personal na sinabi ng Diyos. Sadyang wala namang laman ang mga ginuguni-guni ng tao, at hindi mapapalitan ang tunay na mukha ng Diyos; ang likas na disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos Mismo ay hindi magagaya ng tao. Ang di-nakikitang Diyos sa langit at ang Kanyang gawain ay maaari lamang dalhin sa lupa ng Diyos na nagkatawang-tao na personal na ginagawa ang Kanyang gawain sa mga tao. Ito ang pinakamainam na paraan para makapagpakita ang Diyos sa tao, kung saan nakikita ng tao ang Diyos at nakikilala ang tunay na mukha ng Diyos, at hindi ito matatamo ng isang Diyos na hindi nagkatawang-tao. Dahil naisagawa na ng Diyos ang Kanyang gawain sa yugtong ito, nakamit na ng gawain ng Diyos ang pinakamainam na bisa, at naging isang ganap na tagumpay. Ganap nang natapos ng personal na gawain ng Diyos sa katawang-tao ang siyamnapung porsiyento ng mga gawain ng Kanyang buong pamamahala. Nagkaloob na ang katawang-tao na ito ng isang mas mahusay na pasimula sa lahat ng Kanyang gawain, at isang buod para sa lahat ng Kanyang gawain, at napagtibay na ang lahat ng Kanyang gawain, at ginawa ang huling masusing pagpapanauli sa lahat ng gawaing ito. Simula ngayon, hindi na magkakaroon ng isa pang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang ikaapat na yugto ng gawain ng Diyos, at hindi na rin magkakaroon kailanman ng mga nakamamanghang gawain ng ikatlong pagkakatawang-tao ng Diyos.
Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos sa katawang-tao ay kumakatawan sa Kanyang gawain ng buong kapanahunan, at hindi kumakatawan sa isang tiyak na panahon, tulad ng gawain ng tao. At kaya ang katapusan ng gawain ng Kanyang huling pagkakatawang-tao ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang gawain ay umabot na sa ganap na katapusan, dahil ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay kumakatawan sa buong kapanahunan, at hindi lamang kumakatawan sa yugto na gumagawa Siya ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Nangyari lamang na tinatapos na Niya ang Kanyang gawain sa buong kapanahunan sa panahon na Siya ay nasa katawang-tao, pagkaraan ay lalaganap ito sa lahat ng dako. Pagkaraang matupad ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, ipagkakatiwala Niya ang Kanyang gawain sa hinaharap sa mga yaong sumusunod sa Kanya. Sa ganitong paraan, maipagpapatuloy nang walang patid ang Kanyang gawain sa buong kapanahunan. Maituturing lamang na ganap ang gawain ng buong kapanahunan ng pagkakatawang-tao sa sandaling naipalaganap na ito sa buong sansinukob. Sinisimulan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ang isang bagong panahon, at ang mga tao na ginagamit Niya ang nagpapatuloy sa Kanyang gawain. Napapaloob sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain na ginawa ng tao, at wala itong kakayahang lumampas sa ganitong saklaw. Kung hindi dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, hindi magagawa ng tao na dalhin ang lumang kapanahunan sa katapusan, at hindi magagawang maghatid ng isang bagong panahon. Ang gawain na ginawa ng tao ay nasa saklaw lamang ng kanyang tungkulin na kaya lamang ng tao, at hindi ito kumakatawan sa gawain ng Diyos. Tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang maaaring dumating at tapusin ang gawain na dapat Niyang gawin, at bukod sa Kanya, walang sinuman ang makakayang gawin ang gawaing ito sa ngalan Niya. Mangyari pa, ang tinutukoy Ko ay ang tungkol sa gawain ng pagkakatawang-tao. Unang nagsasagawa itong Diyos na nagkatawang-tao ng isang hakbang ng gawain na hindi umaayon sa mga kuro-kuro ng tao, pagkatapos noon ay gumagawa pa Siya ng higit na maraming gawain na hindi umaayon sa mga kuro-kuro ng tao. Ang layunin ng gawain ay ang paglupig sa tao. Sa isang pagtingin, hindi sumusunod sa mga kuro-kuro ng tao ang pagkakatawang-tao ng Diyos, bukod diyan ay gumagawa Siya ng higit pang gawain bilang karagdagan na hindi umaayon sa mga kuro-kuro ng tao, at sa gayon bumubuo pa ng mas kritikal na mga pananaw ang tao tungkol sa Kanya. Ginagawa lamang Niya ang gawain ng paglupig sa gitna ng mga tao na may napakaraming kuro-kuro sa Kanya. Kung paano man nila tinatrato Siya, kapag nakamit na Niya ang Kanyang ministeryo, magiging sakop ng Kanyang kapamahalaan ang lahat ng tao. Hindi lamang inilalarawan ang katunayan ng gawaing ito sa mga mamamayang Tsino, ngunit kinakatawan din nito kung paano lulupigin ang buong sangkatauhan. Ang mga bisa na nakakamit sa mga taong ito ay isang tagapagpauna sa mga bisa na makakamit sa kabuuan ng sangkatauhan, at ang mga bisa ng mga gawain na ginagawa Niya sa hinaharap ay lubusang lalampasan nang unti-unti ang mga bisa sa mga taong ito. Ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay hindi kinasasangkutan ng mabusising pagpaparangal, o napuputungan ng kawalang-halaga. Tunay at aktwal ito, at gawain ito na katumbas ng dalawa ang isa at isa. Hindi ito nakatago sa sinuman, o hindi nito nililinlang ang sinuman. Ang nakikita ng mga tao ay tunay at totoong mga bagay, at ang nakakamit ng tao ay ang tunay na katotohanan at kaalaman. Kapag natapos na ang gawain, magkakaroon ang tao ng isang bagong pagkakilala sa Kanya, at hindi na magkakaroon ng anumang mga kuro-kuro sa Kanya yaong mga taong tunay na naghahangad sa Diyos. Hindi lamang ito ang bisa ng Kanyang gawain sa mga mamamayang Tsino, ngunit kinakatawan din nito ang bisa ng Kanyang gawain ng panlulupig sa buong sangkatauhan, dahil walang higit na kapaki-pakinabang sa gawain ng panlulupig sa buong sangkatauhan maliban sa katawang-tao na ito, at ang gawain ng katawang-tao na ito, at lahat ng bagay sa katawang-taong ito. Kapaki-pakinabang ang mga ito sa Kanyang gawain ngayon, at kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain sa hinaharap. Lulupigin ng katawang-taong ito ang buong sangkatauhan at makakamit ang buong sangkatauhan. Walang higit na mahusay na gawain na kung saan makikita ng buong sangkatauhan ang Diyos, at susundin ang Diyos, at makikilala ang Diyos. Kumakatawan lamang sa isang limitadong saklaw ang gawain na ginawa ng tao, at kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya nagsasalita sa isang tiyak na tao, ngunit nagsasalita sa buong sangkatauhan, at sa lahat ng taong tumatanggap ng Kanyang mga salita. Ang katapusan na Kanyang ipinapahayag ay ang katapusan ng lahat ng tao, hindi lamang ang katapusan ng isang tiyak na tao. Hindi Siya nagbibigay ng anupamang natatanging pakikitungo sa sinuman, o hindi Siya nambibiktima sa sinuman, at gumagawa Siya para sa, at nagsasalita sa, buong sangkatauhan. Napagbukod-bukod na nitong Diyos na nagkatawang-tao ang buong sangkatauhan ayon sa uri, nahatulan na ang buong sangkatauhan, at naisaayos na ang isang angkop na hantungan para sa buong sangkatauhan. Bagama’t ginagawa lamang ng Diyos ang Kanyang gawain sa Tsina, sa katunayan ay nalutas na Niya ang gawain ng buong sansinukob. Hindi Siya makakapaghintay hanggang naipalaganap na sa buong sangkatauhan ang Kanyang gawain bago gawin ang Kanyang mga pagbigkas at mga pagsasaayos nang paisa-isang hakbang. Iyan ba ay hindi pa huli? Ganap na Niyang natapos ang hinaharap na gawain bago pa ang lahat. Dahil ang gumagawa ay ang Diyos sa katawang-tao, gumagawa Siya ng walang hanggang gawain sa loob ng isang saklawna may hangganan, at pagkaraan ay pagagawain Niya ang tao ng tungkulin na dapat gampanan ng tao; ito ang prinsipyo ng Kanyang gawain. Makakaya lamang Niyang mabuhay kasama ang tao sa isang panahon, at hindi makakayang samahan ang tao hanggang matapos ang gawain sa buong panahon. Dahil Siya ay Diyos kaya naihahayag Niya nang patiuna ang Kanyang gawain sa hinaharap. Pagkaraan, pagbubukurin Niya ang buong sangkatauhan ayon sa uri sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at papasok ang sangkatauhan sa Kanyang hakbang-hakbang na gawain alinsunod sa Kanyang mga salita. Walang sinumang makatatakas, at dapat magsagawa ang lahat ayon dito. Kaya sa hinaharap, gagabayan ang kapanahunan ng Kanyang mga salita, at hindi gagabayan ng Espiritu.
Ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay dapat magawa sa katawang-tao. Kung tuwiran itong ginawa ng Espiritu ng Diyos, wala itong bisang ibubunga. Ginawa man ito ng Espiritu, walang magiging malaking kabuluhan ang gawain, at sa huli ay hindi makahihikayat. Nais ng lahat ng nilalang na malaman kung may kabuluhan ba ang gawain ng Lumikha, at kung ano ang kinakatawan nito, at sa anong kapakanan ginagawa ito, at kung puno ba ng awtoridad at karunungan ang gawain ng Diyos, at kung ito ba ay may sukdulang kahalagahan at kabuluhan. Ang gawain na ginagawa Niya ay para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan, alang-alang sa paggapi kay Satanas, at para sa pagpapatotoo ng Kanyang sarili sa lahat ng bagay. Dahil diyan, dapat na may malaking kabuluhan ang gawain na ginagawa Niya. Nagawa nang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, at lubusan na itong binulag, at matinding pininsala. Ang pinakapangunahing dahilan kung bakit gumagawa ang Diyos nang personal sa katawang-tao ay dahil ang tao, na mula sa laman, ang layon ng Kanyang pagliligtas, at dahil ginagamit din ni Satanas ang laman ng tao upang gambalain ang gawain ng Diyos. Ang pakikipaglaban kay Satanas ang talagang gawain ng panlulupig sa tao, at kasabay nito, ang tao rin ang layon ng pagliligtas ng Diyos. Sa ganitong paraan, napakahalaga ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ginawang tiwali ni Satanas ang laman ng tao, at naging sagisag ni Satanas ang tao, at naging layon na gagapiin ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang gawain ng pakikipaglaban kay Satanas at pagliligtas sa buong sangkatauhan ay nagaganap sa lupa, at dapat maging tao ang Diyos upang makipaglaban kay Satanas. Ito ang gawain na sukdulang praktikal. Kapag gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, tunay Siyang nakikipaglaban kay Satanas sa katawang-tao. Kung gumagawa Siya sa katawang-tao, ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa espirituwal na dako, at ginagawa Niyang tunay sa lupa ang kabuuan ng Kanyang gawain sa espirituwal na dako. Tao ang nalulupig, tao na hindi masunurin sa Kanya, at ang nagagapi ay ang pinakalarawan ni Satanas (mangyari pa, ito ay tao rin), na nakikipag-alitan sa Kanya, at tao rin ang naliligtas sa dakong huli. Sa ganitong paraan, higit pang kinakailangan para sa Diyos na maging isang tao na may panlabas na anyo ng isang nilalang, upang magawa Niya ang tunay na pakikipaglaban kay Satanas, upang malupig ang tao, na mapanghimagsik sa Kanya at nag-aangkin ng panlabas na kaanyuan na katulad ng sa Kanya, at upang mailigtas ang tao, na may panlabas na kaanyuan na tulad Niya at napinsala na ni Satanas. Tao ang Kanyang kaaway, tao ang pakay ng Kanyang paglupig, at tao, na nilikha Niya, ang layon ng Kanyang pagliligtas. Kaya’t dapat Siyang maging tao, at sa ganitong paraan, nagiging higit na madali ang Kanyang gawain. Nagagawa Niyang gapiin si Satanas at lupigin ang sangkatauhan, at, higit pa rito, nagagawang iligtas ang sangkatauhan. Bagama’t karaniwan at tunay ang katawang-tao na ito, hindi Siya pangkaraniwang katawang-tao: Hindi Siya katawang-tao na tao lamang, ngunit katawang-tao na kapwa sa tao at sa Diyos. Ito ang pagkakaiba Niya sa tao, at ito ang tatak ng pagkakakilanlan ng Diyos. Tanging katawang-tao na tulad nito ang makakayang gumawa ng mga gawaing ninanais Niyang gawin, at matupad ang ministeryo ng Diyos sa katawang-tao, at ganap na makumpleto ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Kung hindi ito ganoon, laging magiging hungkag at may kapintasan ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Bagama’t makakaya ng Diyos na makipaglaban sa espiritu ni Satanas at lumitaw na matagumpay, hindi malulutas kailanman ang lumang kalikasan ng tiwaling tao, at yaong mga hindi masunurin sa Kanya at sumasalungat sa Kanya ay hindi kailanman totoong magiging sakop ng Kanyang kapamahalaan, na ang ibig sabihin, hindi Niya kailanman makakayang lupigin ang sangkatauhan, at hindi kailanman makakayang kamtin ang buong sangkatauhan. Kung hindi makakayang lutasin ang Kanyang gawain sa lupa, kung ganoon ay hindi kailanman matatapos ang Kanyang pamamahala, at hindi magagawa ng buong sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan. Kung hindi makakaya ng Diyos na pumasok sa kapahingahan kasama ang lahat ng Kanyang mga nilikha, kung ganoon ay walang kalalabasan kailanman sa ganoong gawain ng pamamahala, at kasunod na mawawala ang kaluwalhatian ng Diyos. Bagama’t walang awtoridad ang Kanyang katawang-tao, makakamit na ang bisa ng gawain na Kanyang ginagawa. Ito ang di-maiiwasang tunguhin ng Kanyang gawain. Nagtataglay man o hindi ng awtoridad ang Kanyang katawang-tao, hangga’t kaya Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, Siya ay ang Diyos Mismo. Gaano man kakaraniwan o kaordinaryo ang katawang-tao na ito, makakaya Niyang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, dahil Diyos at hindi tao lamang ang katawang-tao na ito. Ang dahilan na magagawa ng katawang-taong ito ang gawain na hindi kaya ng tao ay sapagkat ang Kanyang panloob na diwa ay hindi katulad ng sa sinumang tao, at ang dahilan na kaya Niyang iligtas ang tao ay sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay naiiba sa sinumang tao. Napakahalaga sa sangkatauhan ng katawang-tao na ito sapagkat Siya ay tao at lalong higit ay Diyos, sapagka’t nakakaya Niyang gawin ang mga gawain na hindi kaya ng karaniwang katawan ng tao, at dahil nakakaya Niyang magligtas ng tiwaling tao, na namumuhay kasama Niya sa lupa. Bagama’t Siya ay kawangis ng tao, ang Diyos na nagkatawang-tao ay higit na mahalaga sa sangkatauhan kaysa sa sinumang tao na may halaga, dahil nakakaya Niya ang gawain na hindi makakayang gawin ng Espiritu ng Diyos, higit na may kakayahan kaysa sa Espiritu ng Diyos na magpatotoo sa Diyos Mismo, at higit na may kakayahan kaysa sa Espiritu ng Diyos na lubos na makamtan ang sangkatauhan. Bilang bunga, bagama’t karaniwan at ordinaryo ang katawang-tao na ito, ang ambag Niya sa sangkatauhan at ang kahalagahan Niya sa pag-iral ng sangkatauhan ay lubos na ginagawa Siyang napakahalaga, at hindi masusukat ng sinumang tao ang tunay na halaga at kabuluhan ng katawang-tao na ito. Bagama’t hindi makakayang tuwirang puksain si Satanas ng katawang-tao na ito, makakaya Niyang gamitin ang Kanyang gawain upang lupigin ang sangkatauhan at gapiin si Satanas, at gawin si Satanas na lubos na magpasakop sa Kanyang kapamahalaan. Dahil ang Diyos ay nagkatawang-tao na kaya’t makakaya Niyang talunin si Satanas at magagawang iligtas ang sangkatauhan. Hindi Niya tuwirang pinupuksa si Satanas, bagkus ay nagkakatawang-tao upang gawin ang gawain na lupigin ang sangkatauhan, na nagawang tiwali ni Satanas. Sa ganitong paraan, higit na mahusay Niyang magagawang magpatotoo sa Sarili Niya sa gitna ng Kanyang mga nilalang, at higit na mahusay na magagawang iligtas ang tiwaling tao. Ang paglupig kay Satanas ng Diyos na nagkatawang-tao ay magdudulot ng higit na malaking patotoo, at higit na mapanghikayat, kaysa sa tuwirang pagpuksa ng Espiritu ng Diyos kay Satanas. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay higit na magagawang tumulong sa tao para kilalanin ang Lumikha, at higit na magagawang magpatotoo sa Sarili Niya sa gitna ng mga nilalang Niya.