Genesis 17:4–6 Tungkol sa Akin, narito, ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagkat ikaw ay ginawa Kong ama ng maraming bansa. At ikaw ay Aking gagawing totoong palaanakin, at papanggagalingin Ko sa iyo ang mga bansa, at magbubuhat sa iyo ang mga hari.
Genesis 18:18–19 Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa. Sapagkat siya’y Aking kinilala, upang siya’y mag-utos sa kanyang mga anak at sa kanyang sambahayan pagkamatay niya, at dapat nilang maingatan ang daan ni Jehova, na gumawa ng makatarungan at kahatulan; upang padatnin ni Jehova kay Abraham ang Kanyang ipinangako tungkol sa kanya.
Genesis 22:16–18 Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, sabi ni Jehova, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak: Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.
Job 42:12 Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kaysa sa kanyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.
Marami ang nag-aasam na hanapin, at matamo, ang mga pagpapala ng Diyos, ngunit hindi lahat ay makakatamo ng mga pagpapalang ito, dahil may sariling mga prinsipyo ang Diyos, at pinagpapala ang tao sa Kanyang sariling paraan. Ang mga pangakong ginagawa ng Diyos sa tao, at ang dami ng biyaya na Kanyang ipinagkaloob sa tao, ay inilalaan batay sa mga kaisipan at pagkilos ng tao. Kaya, ano ang ipinakikita ng mga pagpapala ng Diyos? Ano ang nakikita ng mga tao sa mga ito? Sa puntong ito, isantabi natin ang pagtalakay tungkol sa kung anong uri ng mga tao ang pinagpapala ng Diyos, o sa mga prinsipyo ng pagpapala ng Diyos sa tao. Sa halip, tingnan natin ang pagpapala ng Diyos sa tao na may layunin na malaman ang awtoridad ng Diyos, mula sa pananaw ng pagkilala sa awtoridad ng Diyos.
Ang apat na talata ng kasulatan sa itaas ay mga nagtatalang lahat tungkol sa pagpapala ng Diyos sa tao. Nagbibigay ang mga ito ng detalyadong paglalarawan ng mga tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, tulad nina Abraham at Job, gayundin ng mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala, at kung ano ang mga nakapaloob sa mga pagpapalang ito. Ang tono at paraan ng mga pagbigkas ng Diyos, at ang pananaw at posisyon kung saan Niya nagsalita, ay nagpapahintulot sa mga tao na pahalagahan na Siyang nagkakaloob ng mga pagpapala at ang tumatanggap ng gayong mga pagpapala ay malinaw na magkaiba ang pagkakakilanlan, katayuan at diwa. Ang tono at paraan ng mga pagbigkas na ito, at ang posisyon kung saan binigkas ang mga iyon, ay bukod-tangi sa Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Lumikha. Mayroon Siyang awtoridad at lakas, pati na rin ang karangalan ng Lumikha, at pagiging maharlika na hindi nagpapahintulot ng pagdududa mula sa sinumang tao.
Una, tingnan natin ang Genesis 17:4–6: “Tungkol sa Akin, narito, ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagkat ikaw ay ginawa Kong ama ng maraming bansa. At ikaw ay Aking gagawing totoong palaanakin, at papanggagalingin Ko sa iyo ang mga bansa, at magbubuhat sa iyo ang mga hari.” Ang mga salitang ito ay ang kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, gayundin ay ang pagpapala ng Diyos kay Abraham: gagawin ng Diyos si Abraham na ama ng mga bansa, gagawin siyang labis na masagana, at uusbong ang mga bansa mula sa kanya, at magmumula ang mga hari sa kanya. Nakikita mo ba ang awtoridad ng Diyos sa mga salitang ito? At paano mo nakikita ang gayong awtoridad? Aling aspeto ng diwa ng awtoridad ng Diyos ang iyong nakikita? Mula sa masusing pagbabasa sa mga salitang ito, hindi naman mahirap matuklasan na ang awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos ay malinaw na nabubunyag sa mga salitang ginamit sa mga pagbigkas ng Diyos. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos “ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging … ikaw ay ginawa Kong … ikaw ay Aking gagawing…,” ang mga parirala na tulad ng “ikaw ang magiging” at “Aking gagawing,” kung saan ang mga salitang ginamit ay nagtataglay ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan at awtoridad ng Diyos, na sa isang aspeto, ay pagpapahiwatig ng katapatan ng Lumikha; sa isa pang aspeto, ang mga iyon ay mga espesyal na mga salita na ginamit ng Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Lumikha—gayundin bilang bahagi ng nakasanayang talasalitaan. Kung may sinumang nagsasabi na umaasa sila na ang isa pang tao ay magiging labis na masagana, na magmumula ang mga bansa sa kanya, at magmumula ang mga hari sa kanya, samakatuwid iyon ay walang-dudang isang uri ng pagnanais, at hindi isang pangako o isang pagpapala. Kaya, hindi nangangahas ang mga tao na sabihing “gagawin kitang ganito ganyan, ikaw ay magiging ganito at ganyan,” dahil alam nila na hindi sila nagtataglay ng ganyang kapangyarihan; hindi ito nakasalalay sa kanila, at kahit pa sabihin nila ang ganyang mga bagay, walang-kabuluhan ang kanilang mga salita, at walang-saysay, bunsod lamang ng kanilang pagnanasa at ambisyon. May nangangahas bang magsalita sa ganyan kadakilang tono kung sa tingin nila ay hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga inaasam? Ang lahat ay nag-aasam ng mabuti para sa kanilang mga inapo, at umaasa na sila ay mangunguna at magtatamasa ng malaking tagumpay. “Anong laking kapalaran ito kung ang isa sa kanila ay magiging emperador! Kung magiging gobernador ang isa, maganda rin iyon—basta maging mahalagang tao lamang sila!” Ang mga ito ang inaasam ng lahat ng tao, ngunit maaari lamang silang magnais ng mga biyaya sa kanilang mga inapo, at hindi nila kayang tuparin o gawing totoo ang anuman sa kanilang mga pangako. Sa kanilang mga puso, malinaw na alam ng lahat na wala silang taglay na kapangyarihan upang makamit ang naturang mga bagay, dahil hindi nila kontrolado ang lahat sa kanila, at kaya paano nila makokontrol ang kapalaran ng iba? Ang dahilan kung bakit masasabi ng Diyos ang mga salitang gaya ng mga ito ay dahil taglay ng Diyos ang naturang awtoridad, at may kakayahan na tuparin at isagawa ang lahat ng ipinangako Niya sa tao, at kaya Niyang gawin na magkatotoo ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa tao. Nilikha ng Diyos ang tao, at napakadali para sa Diyos na gawing labis na masagana ang isang tao; kailangan lamang ng isang salita mula sa Kanya para gawing masagana ang mga inapo ng isang tao. Hindi Niya kailanman kailangang magpawis para sa naturang bagay, o pagurin ang Kanyang isipan, o isuong ang sarili Niya sa kagipitan para sa gayong bagay; ito ang mismong kapangyarihan ng Diyos, ang mismong awtoridad ng Diyos.
Matapos basahin ang “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa” sa Genesis 18:18, nararamdaman ba ninyo ang awtoridad ng Diyos? Nadarama ba ninyo ang pagiging pambihira ng Lumikha? Nararamdaman ba ninyo ang pangingibabaw ng Lumikha? Ang mga salita ng Diyos ay tiyak. Sinasabi ng Diyos ang mga naturang salita hindi dahil sa Kanyang tiwala sa tagumpay o para katawanin iyon; sa halip, ang mga iyon ay katibayan ng awtoridad ng mga pagbigkas ng Diyos, at utos na tumutupad sa mga salita ng Diyos. May dalawang pagpapahayag na kailangan ninyong pagtuunan ng pansin dito. Kapag sinasabi ng Diyos na “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa,” may anumang elemento ba ng kalabuan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang elemento ng pag-aalala? Mayroon bang anumang elemento ng takot? Dahil sa mga salitang “tunay na” at “magiging” sa mga pagbigkas ng Diyos, ang mga elementong ito, na partikular sa tao at laging nakikita sa kanya, ay hindi kailanman nagkaroon ng kaugnayan sa Lumikha. Walang sinuman na mangangahas na gamitin ang ganitong mga salita kapag nagnanais ng mabuti sa iba, walang sinumang mangangahas na basbasan ang iba pa ng isang dakila at makapangyarihang bansa nang may gayong katiyakan, o mangako na ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan niya. Kapag mas tiyak ang mga salita ng Diyos, mas may pinatutunayang bagay ang mga iyon—at ano ang bagay na iyon? Pinatutunayan ng mga iyon na ang Diyos ay may gayong awtoridad, na kaya ng Kanyang awtoridad na tuparin ang mga bagay na ito, at hindi maiiwasan ang katuparan ng mga ito. Ang Diyos ay tiyak sa Kanyang puso, nang walang katiting na pag-aalinlangan, sa lahat ng Kanyang pagpapala kay Abraham. Dagdag pa rito, matutupad ang kabuuan nito alinsunod sa Kanyang mga salita, at walang kahit anong puwersa ang maaaring makapagpabago, humadlang, sumira, o gumambala sa katuparan nito. Kahit ano pa man ang nangyari, walang makakapagpawalang-bisa o makakaimpluwensiya sa katuparan at kaganapan ng mga salita ng Diyos. Ito ang mismong kapangyarihan ng mga salitang binigkas mula sa bibig ng Lumikha, at ang awtoridad ng Lumikha na hindi nagpapahintulot sa pagtatanggi ng tao! Matapos basahin ang mga salitang ito, nakakaramdam ka pa rin ba ng padududa? Binigkas ang mga salitang ito mula sa bibig ng Diyos, at may kapangyarihan, pagiging maharlika, at awtoridad sa mga salita ng Diyos. Ang gayong kapangyarihan at awtoridad, at ang di-maiiwasang katuparan ng katotohanan, ay hindi naaabot ng anumang nilikha o di-nilikha, at hindi nalalampasan ng anumang nilikha o di-nilikha. Tanging ang Lumikha lamang ang kayang makipag-usap sa sangkatauhan nang may gayong tono at intonasyon, at napatunayan na ng mga totoong impormasyon na ang Kanyang mga pangako ay hindi mga salitang walang laman, o mga walang kwentang kayabangan, kundi isang pagpapahayag ng natatanging awtoridad na di-nalalampasan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay.
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita na binibigkas ng Diyos at ng mga salita na binibigkas ng tao? Kapag binabasa mo ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos, dama mo ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ang awtoridad ng Diyos. Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mong sinasabi ng mga tao ang mga gayong salita? Sa tingin mo ba ay lubha silang mapagmataas at mayabang, at ipinagmamalaki ang kanilang mga sarili? Sapagkat wala sila ng kapangyarihang ito, hindi nila taglay ang gayong awtoridad, at kaya lubos na wala silang kakayahan na makamit ang gayong mga bagay. Ang pagiging labis nilang sigurado sa kanilang mga pangako ay nagpapakita lamang ng pagiging di-maingat sa kanilang mga pahayag. Kung may isang nagsasabi ng gayong mga salita, kung gayon ay walang-duda na magmamalaki sila at magkakaroon ng sobrang kumpiyansa sa sarili, at ibubunyag ang kanilang mga sarili bilang isang klasikong halimbawa ng disposisyon ng arkanghel. Ang mga salitang ito ay nagmula sa bibig ng Diyos; nakakadama ka ba rito ng anumang elemento ng pagmamataas? Nararamdaman mo ba na biro lamang ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ay awtoridad, ang mga salita ng Diyos ay totoo, at bago pa binibigkas ng Kanyang bibig ang mga salita, ibig sabihin, kapag nagpapasya Siya na gawin ang isang bagay, ang bagay na iyon ay natupad na. Masasabing ang lahat ng sinabi ng Diyos kay Abraham ay isang kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at isang pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Ang pangakong ito ay isang naitatag na katunayan, at gayundin ay isang natupad na katunayan, at ang mga katunayang ito ay unti-unting natupad sa mga iniisip ng Diyos ayon sa plano ng Diyos. Kaya, ang pagsasabi ng Diyos ng mga salitang iyon ay hindi nangangahulugang mayroon Siyang mapagmataas na disposisyon, dahil kayang makamit ng Diyos ang gayong mga bagay. Mayroon Siyang gayong kapangyarihan at awtoridad, at lubos na may kakayahan na maisakatuparan ang mga gawaing ito, at ang kaganapan ng mga iyon ay lubos na nasasakop ng Kanyang kakayahan. Kapag ang mga salitang gaya nito ay binibigkas mula sa bibig ng Diyos, ang mga iyon ay pagbubunyag at pagpapahayag ng totoong disposisyon ng Diyos, isang perpektong pagbubunyag at pagpapamalas ng diwa at awtoridad ng Diyos, at wala nang iba na mas angkop at akma bilang patunay ng pagkakakilanlan ng Lumikha. Ang paraan, tono, at mga salitang ginamit ng gayong mga pagbigkas ay tiyak na mga marka ng pagkakakilanlan ng Lumikha, at perpektong tumutugma sa pagpapahayag ng sariling pagkakakilanlan ng Diyos; at sa mga iyon ay walang pagkukunwari, o karumihan; ang mga iyon ay ang ganap at lubos na perpektong pagpapakita ng diwa at awtoridad ng Lumikha. Hinggil sa mga nilalang, hindi nila taglay ang awtoridad na ito, ni ang diwang ito, lalo nang wala sila ng kapangyarihang ibinibigay ng Diyos. Kung ipinapamalas ng tao ang naturang asal, kung gayon ito ay tiyak na magiging isang masidhing pagtutol ng kanyang tiwaling disposisyon, at nag-uugat ito sa epekto ng paghalo ng pagiging mapagmataas at malupit na ambisyon ng tao, at ng pagkalantad ng masasamang hangarin ng walang-iba kundi ang diyablong si Satanas na gustong manlinlang ng mga tao at akitin sila para itakwil ang Diyos. Ano ang palagay ng Diyos sa ibinubunyag ng gayong pananalita? Sasabihin ng Diyos na nais mong agawin ang Kanyang lugar at nais mo Siyang gayahin at palitan. Kapag ginagaya mo ang tono ng mga pagbigkas ng Diyos, ang intensyon mo ay palitan ang lugar ng Diyos sa puso ng mga tao, para kunin ang sangkatauhang talagang pagmamay-ari ng Diyos. Ito si Satanas, puro at payak; ito ang mga pagkilos ng mga inapo ng arkanghel, hindi matiis ng Kalangitan! Sa inyo, may sinuman bang gumaya na sa Diyos sa isang partikular na paraan sa pamamagitan ng pagbigkas ng ilang salita, nang may intensyon na ilayo o linlangin ang mga tao, at nagpaparamdam sa kanila na parang taglay ng mga salita at pagkilos ng taong ito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, na para bang ang diwa at pagkakakilanlan ng taong ito ay natatangi, at maging ang tono ng mga salita ng taong ito ay pareho sa Diyos? Nakagawa na ba kayo kailanman ng ganito? Sinubukan na ba ninyong gayahin ang tono ng Diyos sa inyong pananalita, nang may kilos na animo ay kumakatawan sa disposisyon ng Diyos, nang may iniisip mong kapangyarihan at awtoridad? Karamihan ba sa inyo ay madalas na kumikilos, o nagpaplanong kumilos, sa gayong paraan? Ngayon, kapag tunay ninyong nakikita, nararamdaman, at nakikilala ang awtoridad ng Lumikha, at magbalik-tanaw kayo sa ginawa ninyo noon, at sa ibunyag ninyo noon tungkol sa inyong mga sarili, sumasama ba ang inyong pakiramdam? Kinikilala ba ninyo ang inyong pagiging mababa at kahiya-hiya? Yamang nasuri na ang disposisyon at diwa ng gayong mga tao, masasabi bang sila ay isinumpang anak ng impiyerno? Masasabi ba na ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay ay nagdadala ng kahihiyan sa kanilang mga sarili? Nakikita ba ninyo ang kaseryosohan ng kalikasan nito? Gaano ba kaseryoso ito? Ang intensyon ng mga tao na kumikilos sa ganitong paraan ay upang gayahin ang Diyos. Gusto nilang maging Diyos, at pasambahin ang mga tao sa kanila bilang Diyos. Gusto nilang buwagin ang lugar ng Diyos sa puso ng mga tao, at alisin ang Diyos na gumagawa sa gitna ng tao, at ginagawa nila ito upang makamit ang layuning kontrolin ang mga tao, lamunin ang mga tao, at angkinin sila. Ang lahat ay may ganitong di-namamalayang mga pagnanasa at mga ambisyon, at ang lahat ay namumuhay sa ganitong uri ng tiwali at satanikong diwa at may satanikong kalikasan kaya sila ay salungat sa Diyos, ipinagkakanulo ang Diyos, at nagnanais na maging Diyos. Kasunod ng Aking pagbabahagi sa paksa ng awtoridad ng Diyos, ninanais o hinahangad pa rin ba ninyong magpanggap na Diyos o gayahin Siya? Ninanasa pa rin ba ninyong maging Diyos? Ninanais pa rin ba ninyong maging Diyos? Ang awtoridad ng Diyos ay hindi magagaya ng tao, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magagaya ng tao. Kahit na kaya mong gayahin ang tono ng Diyos sa pagsasalita, hindi mo magagaya ang diwa ng Diyos. Kahit na kaya mong tumayo sa lugar ng Diyos at gayahin ang Diyos, hindi mo kailanman kayang gawin kung ano ang nilalayon na gawin ng Diyos, at hindi mo kailanman makakayang maghari at mag-utos sa lahat ng bagay. Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging munting nilalang magpakailanman, at kahit pa gaano kagaling ang iyong mga kasanayan at abilidad, kahit pa gaano karaming kaloob ang mayroon ka, ang kabuuan mo ay nasa ilalim ng pamamahala ng Lumikha. Bagaman kaya mong magsalita ng ilang mapangahas na salita, hindi ito nagpapakita na mayroon ka ng diwa ng Lumikha, ni hindi ito kumatawan na ikaw ay nagtataglay ng awtoridad ng Lumikha. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay ang diwa ng Diyos Mismo. Hindi natutuhan ang mga ito, o idinagdag sa labas, kundi ang mga ito ay likas na diwa ng Diyos Mismo. At kaya ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang ay hindi kailanman mababago. Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I