Sa pagdaranas ng gawain ng Diyos, kailangan ninyong basahing mabuti ang mga salita ng Diyos at sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan. Ngunit hinggil sa kung ano ang gusto ninyong gawin o kung paano ninyo gustong gawin iyon, hindi na kailangan ang inyong maalab na panalangin o pagsamo, at talagang walang silbi ang mga bagay na ito. Subalit sa ngayon, ang mga problemang kinakaharap ninyo sa kasalukuyan ay na hindi ninyo alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, at masyado kayong walang-kibo. Marami kayong alam na doktrina, ngunit wala kayong gaanong realidad. Hindi ba ito isang tanda ng pagkakamali? Maraming pagkakamali ang nakikita sa inyo, sa grupong ito. Ngayon, wala kayong kakayahang makamit ang gayong mga pagsubok bilang “mga tagasilbi,” at hindi ninyo kayang isipin o kamtin ang ibang mga pagsubok at pagpipinong nauugnay sa mga salita ng Diyos. Kailangan kayong maging tapat sa maraming bagay na dapat ninyong isagawa. Ibig sabihin, kailangang maging tapat ang mga tao sa maraming tungkuling dapat nilang gampanan. Ito ang dapat sundin ng mga tao, at ito ang kailangan nilang isakatuparan. Hayaang gawin ng Banal na Espiritu ang kailangang gawin ng Banal na Espiritu; hindi maaaring makialam ang tao rito. Dapat maging tapat ang tao sa nararapat gawin ng tao, na walang kaugnayan sa Banal na Espiritu. Ito ay walang iba kundi yaong nararapat gawin ng tao, at dapat sundin bilang isang utos, katulad ng pagsunod sa kautusan sa Lumang Tipan. Bagama’t hindi Kapanahunan ng Kautusan ngayon, marami pa ring mga salitang dapat sundin na kauri ng mga salitang sinambit sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga salitang ito ay hindi isinasakatuparan sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa pag-antig ng Banal na Espiritu, kundi sa halip, ang mga ito ay dapat sundin ng tao. Halimbawa: Huwag ninyong husgahan ang gawain ng praktikal na Diyos. Huwag ninyong kontrahin ang taong pinatotohanan ng Diyos. Sa harap ng Diyos, tumayo kayo sa inyong lugar at huwag maging pasaway. Dapat kayong maging mahinahon sa pagsasalita, at ang inyong mga salita at kilos ay kailangang sumunod sa mga plano ng taong pinatotohanan ng Diyos. Dapat kayong magpitagan sa patotoo ng Diyos. Huwag ninyong balewalain ang gawain ng Diyos at ang mga salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Huwag ninyong gayahin ang tono at mga layunin ng mga pahayag ng Diyos. Sa inyong mga kilos, huwag kayong gumawa ng anuman na hayagang kumokontra sa taong pinatotohanan ng Diyos. At iba pa. Ito ang mga bagay na dapat sundin ng bawat tao. Sa bawat kapanahunan, maraming panuntunang tinutukoy ang Diyos na may pagkakatulad sa mga kautusang dapat sundin ng tao. Sa pamamagitan nito, napipigilan Niya ang disposisyon ng tao at nasusubukan ang kanyang katapatan. Isipin ang mga salitang “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” sa kapanahunan ng Lumang Tipan, halimbawa. Hindi angkop ang mga salitang ito ngayon; sa panahong iyon, napigilan lamang ng mga ito ang ilan sa mga panlabas na disposisyon ng tao, nagamit upang ipamalas ang katapatan ng paniniwala ng tao sa Diyos, at naging isang tanda ng mga naniwala sa Diyos. Bagama’t Kapanahunan ng Kaharian ngayon, marami pa ring panuntunang kailangang sundin ang tao. Hindi angkop ang mga panuntunan noong araw, at ngayon ay marami pang mas akmang pagsasagawang isasakatuparan ang tao, na kinakailangan. Walang kinalaman dito ang gawain ng Banal na Espiritu at kailangan itong gawin ng tao.
Sa Kapanahunan ng Biyaya, marami sa mga pagsasagawa sa Kapanahunan ng Kautusan ang inalis dahil ang mga kautusang ito ay hindi epektibo lalo na para sa gawain noon. Matapos alisin ang mga ito, maraming pagsasagawa ang itinakda na naaangkop sa kapanahunan, at naging mga panuntunan na sa ngayon. Nang pumarito ang Diyos ng panahong ito, tinanggal ang mga panuntunang ito at hindi na kinailangang sundin, at maraming pagsasagawa ang itinakda na naaangkop sa gawain sa ngayon. Ngayon, ang mga pagsasagawang ito ay hindi mga panuntunan, kundi sa halip ay nilayong magkamit ng mga epekto; angkop ang mga ito para ngayon—bukas, marahil ay magiging mga panuntunan ang mga ito. Sa kabuuan, dapat mong sundin yaong mabunga para sa gawain ngayon. Huwag mong pansinin ang kinabukasan: Ang ginagawa ngayon ay para sa kapakanan ng ngayon. Kapag dumating siguro ang kinabukasan, magkakaroon ng mas mabubuting pagsasagawa na kakailanganin mong isakatuparan—ngunit huwag mong gaanong pansinin iyan. Sa halip, sundin yaong dapat sundin ngayon upang maiwasang kontrahin ang Diyos. Ngayon, wala nang mas mahalagang sundin ang tao kaysa sa mga sumusunod: Hindi mo dapat tangkaing manuyo sa Diyos na nakatayo sa iyong harapan, o magtago ng anuman sa Kanya. Huwag kang bumigkas ng karumihan o ng mayabang na pananalita sa harap ng Diyos na nasa iyong harapan. Huwag mong linlangin ang Diyos na nasa iyong harapan sa matatamis na salita at mabulaklak na mga pananalita upang makamit ang Kanyang tiwala. Huwag kang kumilos nang walang pagpipitagan sa harap ng Diyos. Sundin mo ang lahat ng lumalabas mula sa bibig ng Diyos, at huwag labanan, kontrahin, o tutulan ang Kanyang mga salita. Huwag mong ipakahulugan ayon sa inaakala mong angkop ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. Dapat mong ingatan ang iyong pananalita upang maiwasan mong mahulog sa bitag ng mapanlinlang na mga pakana ng masasama. Dapat mong ingatan ang iyong mga paghakbang upang maiwasang labagin ang mga hangganang itinakda ng Diyos para sa iyo. Kung lumabag ka, magiging dahilan ito upang tumayo ka sa posisyon ng Diyos at magsalita ng mga salitang mapagmataas at mapagmalaki, at sa gayon ay kamumuhian ka ng Diyos. Huwag mong ipalaganap nang walang ingat ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at baka kutyain ka ng iba at gawin kang tanga ng mga diyablo. Sundin mo ang buong gawain ng Diyos ng ngayon. Kahit hindi mo ito nauunawaan, huwag mo itong husgahan; ang tanging magagawa mo ay maghanap at makibahagi. Walang taong lalabag sa orihinal na lugar ng Diyos. Wala ka nang ibang magagawa kundi paglingkuran ang Diyos ng ngayon mula sa posisyon ng tao. Hindi mo maaaring turuan ang Diyos ng ngayon mula sa posisyon ng tao—hindi tamang gawin iyon. Walang sinumang maaaring pumalit sa lugar ng taong pinatotohanan ng Diyos; sa iyong mga salita, kilos, at saloobin, nakatayo ka sa posisyon ng tao. Dapat itong sundin, responsibilidad ito ng tao, walang sinuman na maaaring magbago rito; ang pagtatangkang gawin iyon ay lalabag sa mga atas administratibo. Dapat itong tandaan ng lahat.
Ang matagal na panahong nagugol ng Diyos sa pagsasalita at pagpapahayag ay naging sanhi upang isipin ng tao na gawing pangunahin niyang tungkulin ang pagbabasa at pagsasaulo ng mga salita ng Diyos. Walang sinumang pumapansin sa pagsasagawa, at kahit yaong nararapat ninyong sundin ay hindi ninyo sinusunod. Naghatid ito ng maraming hirap at problema sa inyong paglilingkod. Kung, bago mo isagawa ang mga salita ng Diyos, hindi mo nasunod yaong dapat mong sundin, isa ka sa mga kinamumuhian at inaayawan ng Diyos. Sa pagsunod sa mga pagsasagawang ito, dapat kang maging masigasig at tapat. Hindi mo dapat ituring ang mga ito na mga gapos, kundi sundin mo ang mga ito bilang mga utos. Ngayon, hindi mo dapat alalahanin kung anong mga epekto ang kailangang makamtan; sa madaling salita, ganito kung kumilos ang Banal na Espiritu, at sino man ang magkasala ay kailangang parusahan. Ang Banal na Espiritu ay walang damdamin, at walang pakialam sa kasalukuyan mong pagkaunawa. Kung nagkasala ka sa Diyos ngayon, parurusahan ka Niya. Kung nagkasala ka sa Kanya sa loob ng saklaw ng Kanyang awtoridad, hindi ka Niya palalagpasin. Wala Siyang pakialam kung gaano ka kaseryoso sa pagsunod mo sa mga salita ni Jesus. Kung lumabag ka sa mga utos ng Diyos ngayon, parurusahan ka Niya, at hahatulan ng kamatayan. Paano naging katanggap-tanggap sa iyo na huwag sundin ang mga ito? Kailangan mong sumunod, kahit nangangahulugan ito ng pagdurusa ng kaunting kirot! Anumang relihiyon, sektor, bansa, o denominasyon, sa hinaharap ay kailangan nilang sumunod na lahat sa mga pagsasagawang ito. Walang sinumang hindi saklaw nito, at walang palalagpasin! Dahil ang mga ito ang gagawin ng Banal na Espiritu ngayon, at walang sinumang maaaring lumabag sa mga ito. Bagama’t hindi ito malalaking bagay, kailangang gawin ito ng bawat tao at ito ang mga utos na itinakda ni Jesus, na nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit, para sa tao. Hindi ba sinasabi sa “Ang Landas … (7)” na ang pakahulugan ni Jesus kung ikaw ay matuwid o makasalanan ay ayon sa iyong saloobin sa Diyos ngayon? Walang sinumang maaaring hindi pumansin sa puntong ito. Sa Kapanahunan ng Kautusan, sunud-sunod na henerasyon ng mga Fariseo ang naniwala sa Diyos, ngunit sa pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila nakilala si Jesus, at kinontra nila Siya. Kaya nga lahat ng ginawa nila ay nawalan ng saysay at nawalan ng kabuluhan, at hindi tinanggap ng Diyos ang kanilang mga gawa. Kung matatalos mo ito, hindi ka madaling magkakasala. Naikumpara na, marahil, ng maraming tao ang kanilang sarili sa Diyos. Ano ang pakiramdam ng pagkontra sa Diyos? Mapait ba o matamis? Dapat mo itong maunawaan; huwag kang magkunwaring hindi mo alam. Sa kanilang puso, marahil, nananatiling hindi kumbinsido ang ilang tao. Subalit pinapayuhan kita na subukin mo ito at nang makita mo—tingnan mo kung ano ang pakiramdam nito. Pipigilan nito ang maraming tao na palaging maghinala tungkol dito. Maraming taong nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit lihim Siyang kinokontra sa kanilang puso. Matapos Siyang kontrahin nang ganito, hindi mo ba nararamdaman na parang may kutsilyong nakapilipit sa puso mo? Kung hindi ito kawalan ng pagkakaisa sa pamilya, ito ay kawalan ng pisikal na ginhawa, o pagdurusa ng mga anak. Bagama’t hindi namatay ang iyong katawan, hindi ka iiwanan ng kamay ng Diyos. Palagay mo ba ganoon lamang iyon kasimple? Lalo na, mas kailangan pa nga ng maraming malapit sa Diyos na magtuon dito. Sa paglipas ng panahon, malilimutan mo ito, at, hindi mo namamalayan, mahuhulog ka sa tukso at hindi mo mapapansin ang lahat, at ito ang magiging simula ng iyong pagkakasala. Mukha bang walang kuwenta ito para sa iyo? Kung kaya mong gawin ito nang maayos, mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto—na humarap sa Diyos at tumanggap ng Kanyang patnubay mula sa Kanyang sariling bibig. Kung wala kang ingat, magkakaroon ka ng problema—magiging suwail ka sa Diyos, magiging pasaway ang iyong mga salita at kilos, at sa malao’t madali ay matatangay ka ng malalaking unos at malalakas na alon. Dapat tandaan ng bawat isa sa inyo ang mga utos na ito. Kung lalabagin mo ang mga ito, bagama’t maaaring hindi ka sumpain ng taong pinatotohanan ng Diyos, hindi pa tapos sa iyo ang Espiritu ng Diyos, hindi ka Niya palalagpasin. Matitiis mo ba ang mga bunga ng iyong pagkakasala? Sa gayon, anuman ang sabihin ng Diyos, kailangan mong isagawa ang Kanyang mga salita, at kailangan mong sundin ang mga ito sa anumang paraang kaya mo. Hindi ito simpleng bagay!