Temperatura ang ikalawang bagay na ating tatalakayin. Alam ng lahat kung ano ang temperatura. Ang temperatura ay isang bagay na kinakailangan sa isang kapaligirang angkop para sa kaligtasan ng buhay ng tao. Kung masyadong mataas ang temperatura—halimbawa, ipagpalagay nang mas mataas kaysa 40 digri Celsius ang temperatura—hindi ba masyadong nakasasaid ito para sa mga tao? Hindi ba magiging nakapapagod para sa mga tao na manirahan sa gayong mga kalagayan? At paano naman kung masyadong mababa ang temperatura? Ipagpalagay nang aabot sa negatibong 40 digri Celcius ang temperatura—hindi rin ito matatagalan ng mga tao. Samakatuwid, naging napakapartikular ng Diyos sa pagtatakda ng saklaw ng mga temperatura, yamang iyon ang saklaw ng temperatura kung saan kayang umangkop ng katawan ng tao, na pumapatak, nang humigit-kumulang, sa pagitan ng negatibong 30 digri Celsius at 40 digri Celsius. Sadyang pumapatak sa loob ng saklaw na ito ang mga temperatura sa mga kalupaan mula sa hilaga hanggang sa timog. Sa malalamig na rehiyon, maaaring bumagsak ang mga temperatura sa marahil ay negatibong 50 o 60 digri Celsius. Hindi patitirahan ng Diyos sa mga tao ang gayong mga rehiyon. Kung gayon, bakit umiiral ang ganitong nagyeyelong mga rehiyon? May sariling karunungan ang Diyos, at may sarili Siyang mga intensyon para rito. Hindi ka Niya palalapitin sa mga lugar na iyon. Iniingatan ng Diyos ang mga lugar na masyadong mainit at masyadong malamig, nangangahulugang hindi Niya pinanukala na manirahan ang tao roon. Hindi para sa sangkatauhan ang mga lugar na ito. Subali’t bakit paiiralin ng Diyos ang mga lugar na iyon sa mundo? Kung hindi pahihintulutan ng Diyos ang tao na manirahan o makaligtas man lang sa mga lugar na ito, bakit pa lilikhain ng Diyos ang mga ito? Diyan nakapaloob ang karunungan ng Diyos. Ibig sabihin, makatuwirang isinaayos na ng Diyos ang temperatura ng kapaligiran kung saan nabubuhay ang mga tao. Mayroon ding isang natural na batas na gumagawa rito. Lumikha ang Diyos ng ilang bagay upang mapanatili at makontrol ang temperatura. Ano ang mga ito? Una, nakapagdadala ng init ang araw sa mga tao, nguni’t matitiis kaya ng mga tao ang init na ito kapag masyado itong matindi? Mayroon bang sinumang nangangahas na lumapit sa araw? Mayroon bang anumang siyentipikong instrumento sa mundo na kayang lumapit sa araw? (Wala.) Bakit wala? Masyadong mainit ang araw. Matutunaw ang anumang bagay na masyadong lumalapit. Samakatuwid, partikular na gumawa ang Diyos upang itakda ang taas at ang distansiya ng araw mula sa sangkatauhan alinsunod sa Kanyang metikulosong mga kalkulasyon at sa Kanyang mga pamantayan. Pagkatapos, nariyan ang dalawang polo ng mundo, timog at hilaga. Lubos na nagyeyelo at pang-gleysyer ang mga rehiyong ito. Kaya bang manirahan ng tao sa mga pang-gleysyer na mga rehiyon? Angkop ba para sa kaligtasan ng buhay ng tao ang mga lugar na iyon? Hindi, kaya hindi pumupunta ang mga tao sa mga lugar na ito. Yamang hindi pumupunta ang mga tao sa Polong Timog at Hilaga, napangangalagaan ang mga gleysyer nito at patuloy na nagagampanan ang kanilang layunin, na kontrolin ang temperatura. Nauunawaan ba, oo? Kung wala ang Polong Timog at wala rin ang Polong Hilaga, mamamatay ang mga tao sa lupa nang dahil sa patuloy na init ng araw. Sa pamamagitan lamang ba ng dalawang bagay na ito napananatili ng Diyos ang temperatura sa loob ng saklaw na angkop para sa kaligtasan ng buhay ng tao? Hindi. Mayroon ding lahat ng klase ng mga bagay na may buhay, gaya ng damo sa mga parang, iba’t ibang uri ng mga puno, at lahat ng klase ng mga halaman sa mga kagubatan na sumisipsip sa init ng araw at, sa paggawa nito, iniibsan ang mainit na enerhiya ng araw sa paraang isinasaayos ang temperatura ng kapaligirang pinaninirahan ng mga tao. Mayroon ding mga pinagmumulan ng tubig, gaya ng mga ilog at mga lawa. Walang makapagpapasya sa sakop na lugar ng mga ilog at mga lawa. Walang sinuman ang kayang kontrolin kung gaano karaming tubig ang mayroon sa mundo, ni kung saan dumadaloy ang tubig na iyon, ang direksyon ng agos nito, ang dami nito, o ang bilis nito. Ang Diyos lang ang nakaaalam. Itong iba’t ibang pinagmumulan ng tubig, mula sa tubig sa ilalim ng lupa hanggang sa mga nakikitang ilog at mga lawa sa ibabaw ng lupa, ay kaya ring isaayos ang temperatura ng kapaligiran na pinaninirahan ng mga tao. Bukod sa mga pinagmumulan ng tubig, mayroon ding lahat ng klase ng mga pormasyong heograpikal, gaya ng mga bundok, mga kapatagan, mga libis, at mga latian, na lahat ay nagsasaayos ng mga temperatura hanggang sa punto na kasukat ng kanilang heograpikal na saklaw at lugar. Halimbawa, kung ang isang bundok ay may sirkumperensiya na isang daang kilometro, mag-aambag ng isang daang kilometrong halaga ng kapakinabangan ang isang daang kilometrong iyon. Tungkol naman sa kung gaano karami lang ang gayong mga bulubundukin at mga libis na nilikha na ng Diyos sa mundo, ito ay isang numero na isinaalang-alang na ng Diyos. Sa madaling salita, sa likod ng pag-iral ng bawa’t isang bagay na nilikha ng Diyos, mayroong kuwento, at naglalaman ang bawa’t bagay ng karunungan at mga plano ng Diyos. Isaalang-alang, halimbawa, ang mga kagubatan at ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga pananim—hindi kayang kontrolin ng kahit na sinong tao ang saklaw at ang lawak ng lugar kung saan umiiral at lumalago ang mga ito, at walang may karapatan sa mga bagay na ito. Gayundin, walang taong kayang kontrolin kung gaano karaming tubig ang nasisipsip ng mga ito, ni gaano karaming mainit na enerhiya mula sa araw ang nasisipsip ng mga ito. Lahat ng mga bagay na ito ay napapaloob sa saklaw ng plano na ginawa ng Diyos nang nilikha Niya ang lahat ng bagay.
Tanging dahil sa maingat na pagpaplano, pagsasaalang-alang, at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng aspeto kaya nakapaninirahan ang tao sa isang kapaligiran na may gayong angkop na temperatura. Samakatuwid, bawa’t isang bagay na nakikita ng tao gamit ang kanyang mga mata, gaya ng araw, ang Polong Timog at Hilaga na madalas na naririnig ng mga tao, pati na rin ang iba’t ibang bagay na may buhay sa ibabaw at sa ilalim ng lupa at sa tubig, at ang lawak ng lugar na nasasakupan ng mga kagubatan at iba pang uri ng mga pananim, at mga pinagmumulan ng tubig, ang iba’t ibang uri ng anyong tubig, napakaraming tubig-alat at tubig-tabang, at iba’t ibang mga kapaligirang heograpikal—ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay na ito upang mapanatili ang normal na mga temperatura para sa kaligtasan ng buhay ng tao. Ito ay tiyak. Tanging dahil sa napag-isipan na nang mabuti ng Diyos ang tungkol sa lahat ng ito kaya nakapaninirahan ang tao sa isang kapaligirang may gayong angkop na mga temperatura. Hindi ito dapat maging masyadong malamig o masyadong mainit: Ang mga lugar na masyadong mainit, kung saan lumalampas ang mga temperatura sa kung ano lamang ang kayang pakibagayan ng katawan ng tao ay tiyak na hindi itinabi para sa iyo ng Diyos. Ang mga lugar na masyadong malamig, kung saan ang mga temperatura ay masyadong mababa, kung saan, pagkatapos makarating doon, lubusang maninigas ang mga tao sa loob lamang ng ilang minuto, na anupa’t hindi sila nakapagsasalita, nagyeyelo ang kanilang mga utak, hindi sila nakapag-iisip, at hindi magtatagal ay mahihirapang huminga—hindi rin itinabi ng Diyos ang gayong mga lugar para sa sangkatauhan. Anumang uri ng pananaliksik ang gustuhing isagawa ng mga tao, kahit gusto nilang magpabago o magpumilit na pasukin ang gayong mga limitasyon—anuman ang mga kaisipang mayroon ang mga tao, hindi nila kailanman malalampasan ang mga hangganan ng kung ano ang kayang pakibagayan ng katawan ng tao. Hindi nila kailanman maiwawaksi ang mga limitasyong ito na nilikha ng Diyos para sa tao. Ito ay dahil nilikha ng Diyos ang mga tao, at ang Diyos ang pinaka-nakaaalam kung ano ang mga temperatura na kayang pakibagayan ng katawan ng tao. Subali’t hindi alam ng mga tao mismo. Bakit Ko sinasabing hindi alam ng mga tao? Anong mga kahangalan ang nagawa na ng mga tao? Hindi ba maraming tao na ang patuloy na nagtatangkang hamunin ang Polong Hilaga at Timog? Palaging nais ng gayong mga tao na pumunta sa mga lugar na iyon upang sakupin ang lupain, nang makapanirahan sila roon. Magiging isang pagkilos ng kahangalan ito. Kahit pa lubusan mong nasaliksik na ang mga polo, pagkatapos ay ano na? Kahit na kaya mong makibagay sa mga temperatura at kayang mamuhay roon, magiging kapaki-pakinabang kaya sa sangkatauhan sa anumang paraan kung iyong “pahuhusayin” ang kasalukuyang kapaligiran para sa buhay ng mga Polong Timog at Hilaga? Mayroong kapaligiran ang sangkatauhan kung saan sila ay maaaring mabuhay, subali’t hindi nananatili roon ang mga tao nang tahimik at malugod, bagkus ay nagpupumilit na makipagsapalaran sa mga lugar kung saan hindi sila mabubuhay. Ano ang ibig sabihin nito? Nainip na sila at nawalan na ng pasensya sa buhay na ito na may angkop na temperatura, at nagtamasa na ng masyadong maraming pagpapala. Isa pa, halos ganap nang nasira ng sangkatauhan itong karaniwang kapaligiran ng buhay, kaya ngayon ay iniisip nila na kung ganoon din lamang ay mas mabuti pang pumunta sila sa mga Polong Timog at Hilaga upang gumawa ng higit pang pinsala o magtaguyod ng kung anong “layunin,” nang makapaghanap sila ng isang paraan ng “pagbubukas ng isang bagong daan.” Hindi ba ito kahangalan? Ibig sabihin, sa ilalim ng pamumuno ng kanilang ninunong si Satanas, patuloy na gumagawa ang sangkatauhang ito ng isang kakatwang bagay matapos ang isa pa, walang ingat at walang habas na winawasak ang magandang tahanang nilikha ng Diyos para sa kanila. Ito ang paggawa ni Satanas. Bukod dito, yamang nakikita na ang kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan sa mundo ay tila nanganganib, maraming tao ang naghahanap ng mga paraan upang makabisita sa buwan, ninanais na magtatag ng paraan upang mabuhay roon. Subali’t sa katapusan, walang oxygen sa buwan. Kaya bang mabuhay ng mga tao nang walang oxygen? Sapagka’t walang oxygen ang buwan, hindi ito isang lugar na makapamamalagi ang tao, gayunman ay nagpupumilit ang tao sa kanyang kagustuhan na pumunta roon. Ano ang dapat itawag sa pag-uugaling ito? Pagpapatiwakal din ito. Isang lugar na walang hangin ang buwan, at hindi angkop ang temperatura nito sa kaligtasan ng buhay ng tao—samakatuwid, hindi ito isang lugar na itinabi ng Diyos para sa tao.
Ang paksa natin ngayon-ngayon lang, ang temperatura, ay isang bagay na nakahaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Isang bagay ang temperatura na kayang madama ng lahat ng katawan ng tao, nguni’t walang sinuman ang nag-iisip ng tungkol sa kung paano nagkaroon ng temperatura, o kung sino ang namamahala nito at kumokontrol nito na anupa’t angkop ito sa kaligtasan ng buhay ng tao. Ito ang pinag-aaralan natin ngayon. Napapaloob ba dito ang karunungan ng Diyos? Napapaloob ba dito ang pagkilos ng Diyos? (Oo.) Isinasaalang-alang na lumikha ang Diyos ng isang kapaligiran na may temperatura na angkop sa kaligtasan ng buhay ng tao, isa ba ito sa mga paraan kung paano nagtutustos ang Diyos sa lahat ng bagay? Ganoon nga.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII