Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagama’t hindi nagbabago ang layunin ng Kanyang gawain, palaging nagbabago ang pamamaraan ng Kanyang paggawa, na nangangahulugan na yaong mga sumusunod sa Diyos ay palagi ring nagbabago. Kapag mas marami ang gawaing ginagawa ng Diyos, mas lubos ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos. Nagbabago rin ang disposisyon ng tao kapag nagsisimula ang gawain ng Diyos. Gayunman, ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga kakatwang taong hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuro-kuro ng tao, sapagkat ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang lumang gawain, kundi sa halip ay sumusulong sa gawaing hindi pa nagawa noon. Dahil hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging hinuhusgahan ng tao ang kasalukuyang gawain ng Diyos batay sa gawaing Kanyang ginawa noong araw, naging napakahirap na isakatuparan ng Diyos ang bawat yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming problema ng tao! Masyado siyang makaluma sa kanyang pag-iisip! Walang sinumang nakakaalam sa gawain ng Diyos, subalit nililimitahan iyon ng lahat. Kapag tinatalikuran ng tao ang Diyos, nawawalan siya ng buhay, katotohanan, at mga pagpapala ng Diyos, subalit hindi rin siya tumatanggap ng buhay ni ng katotohanan, lalo na ng mas malalaking pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Nais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos, subalit hindi nila matanggap ang anumang mga pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, na nananatili itong nakatigil magpakailanman. Sa kanilang paniniwala, ang kailangan lamang para matamo ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sundin ang kautusan, at basta’t pinagsisisihan at ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, palaging malulugod ang kalooban ng Diyos. Akala nila, ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila, ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring lumampas sa Biblia. Ang mga pag-aakalang ito mismo ang nakagapos sa kanila nang mahigpit sa mga lumang kautusan at ipinako sila sa mga patay na panuntunan. Marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tapat” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang likas niyang pagkasuwail sa pagpapahalaga sa sarili at kahambugan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang mabuti ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, ugali niya ang manlait habang hinihintay niya ang mga paghahayag at patnubay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng mga naghihimagsik at lumalaban sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
Sabi ni Jesus, ang gawain ni Jehova ay napag-iwanan sa Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng sinasabi Ko ngayon, na ang gawain ni Jesus ay napag-iwanan rin. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi sana napako sa krus si Jesus at hindi natubos ang buong sangkatauhan. Kung nagkaroon lamang ng Kapanahunan ng Kautusan, umunlad kaya ang sangkatauhan na tulad ngayon? Sumusulong ang kasaysayan, at hindi ba likas na batas ng gawain ng Diyos ang kasaysayan? Hindi ba ito isang paglalarawan ng Kanyang pamamahala sa tao sa buong sansinukob? Sumusulong ang kasaysayan, pati na ang gawain ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay patuloy na nagbabago. Hindi Siya maaaring manatili sa iisang yugto ng gawain sa loob ng anim na libong taon, sapagkat tulad ng alam ng lahat, palaging bago ang Diyos at hindi kailanman luma, at hindi posibleng patuloy Niyang gawin ang gawaing tulad ng pagpapako sa krus, ang maipako sa krus nang isa, dalawa, tatlong beses.… Katawa-tawang isipin ang gayon. Hindi patuloy na ginagawa ng Diyos ang iisang gawain; ang Kanyang gawain ay palaging nagbabago at palaging bago, tulad ng kung paano Ako sumasambit ng mga bagong salita sa inyo at gumagawa ng bagong gawain bawat araw. Ito ang gawaing Aking ginagawa, at ang mahalaga rito ay ang mga salitang “bago” at “kamangha-mangha.” “Ang Diyos ay hindi nagbabago, at ang Diyos ay palaging magiging Diyos”: ang kasabihang ito ay talagang totoo; ang kakanyahan ng Diyos ay hindi nagbabago, ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya magiging Satanas kailanman, ngunit hindi nito pinatutunayan na ang Kanyang gawain ay palagian at hindi nagbabago na tulad ng Kanyang kakanyahan. Ipinapahayag mo na ang Diyos ay hindi nagbabago, ngunit paano mo maipaliliwanag, kung gayon, na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalaganap at palaging nagbabago, at ang Kanyang kalooban ay patuloy na ipinamamalas at ipinaaalam sa tao. Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, ang kanyang disposisyon ay patuloy na nagbabago, tulad ng kanyang kaalaman. Saan galing, kung gayon, ang pagbabagong ito? Hindi ba mula sa gawain ng Diyos na palaging nagbabago? Kung ang disposisyon ng tao ay maaaring magbago, bakit hindi matulutan ng tao na patuloy ring magbago ang Aking gawain at Aking mga salita? Kailangan ba Akong sumailalim sa mga paghihigpit ng tao? Dito, hindi ka ba gumagamit ng mga sapilitang argumento at maling pangangatwiran?
Kasunod ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, nagpakita si Jesus sa mga disipulo at nagsabi, “Ipadadala Ko sa inyo ang pangako ng Aking Ama, datapuwa’t magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.” Alam mo ba kung paano maipaliliwanag ang mga salitang ito? Nasasangkapan ka na ba ngayon ng Kanyang kapangyarihan? Nauunawaan mo ba kung ano ang tinatawag na “kapangyarihan”? Ipinahayag ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay ipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito na ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano nagpapahayag ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan lumilitaw at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Sa aklat ng propesiya ng propetang si Isaias, hindi binanggit kailanman na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan; nakasulat lamang na may isang sanggol na lalaking nagngangalang Emmanuel ang isisilang. Bakit hindi binanggit ang pangalang Jesus? Hindi lumilitaw ang pangalang ito kahit saan sa Lumang Tipan, kung gayon, bakit naniniwala ka pa rin kay Jesus? Siguradong hindi ka lamang nagsimulang maniwala kay Jesus matapos mo Siyang makita sa sarili mong mga mata, hindi ba? O nagsimula ka bang maniwala nang makatanggap ka ng isang paghahayag? Talaga bang pakikitaan ka ng Diyos ng gayong biyaya? Pagkakalooban ka ba Niya ng gayon kalalaking pagpapala? Ano ang batayan ng iyong paniniwala kay Jesus? Bakit hindi ka naniniwala na naging tao na ang Diyos ngayon? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng isang paghahayag sa iyo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagkatawang-tao sa laman? Kailangan bang magpaalam ang Diyos sa mga tao bago Niya simulan ang Kanyang gawain? Kailangan ba muna Niyang matanggap ang kanilang pagsang-ayon? Ipinahayag lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa isang sabsaban; hindi niya ipinropesiya kailanman na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Saan mo ba talaga ibinabatay ang iyong paniniwala na isisilang ni Maria si Jesus? Siguradong hindi magulo ang iyong paniniwala? Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Maaari bang hindi makagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon kay Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang napakakitid ng isipan ng mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Nangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Nangangahas ka bang igiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din sa huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan? Kung wala kang malinaw na pagkaunawa sa mga katotohanang ito, hindi ka lamang walang kakayahang ipangaral ang ebanghelyo, kundi hindi ka mismo makakapanindigan. Pagdating ng araw na nalulutas mo ang lahat ng hirap ng mga relihiyosong tao at napapabulaanan ang lahat ng kamalian nila, iyon ang magiging patunay na lubos kang nakatitiyak sa yugtong ito ng gawain at wala ka ni katiting na pagdududa. Kung hindi mo mapabulaanan ang kanilang mga kamalian, pararatangan ka nila at sisiraang-puri. Hindi ba nakakahiya iyon?
Nabasa ng lahat ng Judio ang Lumang Tipan at alam nila ang propesiya ni Isaias na may isang sanggol na lalaki na isisilang sa isang sabsaban. Kung gayon, bakit inusig pa rin nila si Jesus sa kabila ng lubos na pagkaalam sa propesiyang ito? Hindi ba dahil sa kanilang likas na pagkasuwail at kamangmangan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa panahong iyon, naniwala ang mga Fariseo na ang gawain ni Jesus ay naiiba sa alam nila tungkol sa ipinropesiyang sanggol na lalaki, at tinatanggihan ng mga tao ngayon ang Diyos dahil hindi sang-ayon sa Biblia ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba pareho ang diwa ng kanilang pagkasuwail sa Diyos? Matatanggap mo ba, nang walang pag-aalinlangan, ang buong gawain ng Banal na Espiritu? Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ang tamang daloy, at dapat mong tanggapin ito nang walang anumang mga pagdududa; hindi mo dapat piliin kung ano ang iyong tatanggapin. Kung magkamit ka ng mas maraming kabatiran sa Diyos at mas maingat ka sa Kanya, hindi ba ito kalabisan? Hindi mo kailangang humanap ng iba pang patunay mula sa Biblia; kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, kailangan mong tanggapin ito, sapagkat naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, at hindi mo Siya dapat siyasatin. Hindi ka dapat maghanap ng iba pang katibayan tungkol sa Akin upang patunayan na Ako ang iyong Diyos, kundi dapat mong mahiwatigan kung may pakinabang Ako sa iyo—ito ang pinakamahalaga. Kahit makakita ka ng maraming di-mapabulaanang patunay sa Biblia, hindi ka nito lubos na maihaharap sa Akin. Mamumuhay ka lamang sa loob ng sakop ng Biblia, at hindi sa Aking harapan; hindi ka matutulungan ng Biblia na makilala Ako, ni hindi nito mapapalalim ang pagmamahal mo sa Akin. Bagama’t ipinropesiya sa Biblia na isisilang ang isang sanggol na lalaki, walang sinumang makakaarok kung kanino matutupad ang propesiya, sapagkat hindi alam ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ang dahilan kaya nilabanan ng mga Fariseo si Jesus. Alam ng ilan na ang Aking gawain ay para sa interes ng tao, subalit patuloy silang naniniwala na si Jesus at Ako ay dalawang ganap na magkahiwalay, at hindi magkatugma. Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Biblia para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Biblia? Isa mang tagapaglahad ng Biblia o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at mahirap-unawaing pananampalataya. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap kailanman ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaon mga humihiling lamang na sambitin at isagawa nang tuwiran ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at ayaw tanggapin ang mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o tatanggap ng ganap na pagliligtas ng Diyos!