Read more!
Read more!

Paano Pinamamahalaan at Pinangangasiwaan ng Diyos ang Espirituwal na Mundo: Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng Iba-ibang Taong May Pananampalataya

Katatalakay pa lamang natin sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga tao sa unang kategorya, ang mga hindi mananampalataya. Ngayon, talakayin natin yaong nasa pangalawang kategorya, ang iba-ibang taong may pananampalataya. “Ang siklo ng buhay at kamatayan ng iba-ibang taong may pananampalataya” ay isa pang napakahalagang paksa, at kailangang-kailangan ninyong magkaroon ng ilang pagkaunawa tungkol dito. Una, pag-usapan natin kung aling mga pananampalataya ang tinutukoy ng “pananampalataya” sa “mga taong may pananampalataya”: ang limang pangunahing relihiyon na Hudaismo, Kristiyanismo, Katoliko, Islam, at Budismo. Dagdag pa sa mga hindi mananampalataya, ang mga taong naniniwala sa limang relihiyong ito ang sumasakop sa malaking bahagi ng populasyon ng mundo. Sa limang relihiyong ito, kakaunti yaong mga nagawa nang propesyon ang kanilang pananampalataya, subalit maraming kapanalig ang mga relihiyong ito. Pupunta sila sa ibang lugar pagkamatay nila. “Iba” kaysa kanino? Kaysa sa mga hindi mananampalataya—sa mga taong walang pananampalataya—na pinag-uusapan pa lamang natin. Pagkamatay nila, napupunta sa ibang lugar ang mga naniniwala sa limang relihiyong ito, isang lugar na iba kaysa sa mga hindi mananampalataya. Gayunman, pareho pa rin ang proseso; hahatulan din sila ng espirituwal na mundo batay sa lahat ng kanilang ginawa bago sila namatay, pagkatapos ay ipoproseso sila ayon dito. Gayunman, bakit ipinadadala ang mga taong ito sa ibang lokasyon para iproseso? May isang mahalagang dahilan para dito. Ano iyon? Ipaliliwanag Ko iyon sa inyo sa isang halimbawa. Gayunman, bago Ko gawin iyon, iniisip ninyo siguro sa inyong sarili: “Siguro dahil kakatiting ang paniniwala nila sa Diyos! Hindi sila ganap na mga hindi mananampalataya.” Gayunman, hindi ito ang dahilan. May napakahalagang dahilan kaya sila hinihiwalay sa iba.

Ipaghalimbawa natin ang Budismo. Sasabihin Ko sa inyo ang isang katotohanan. Ang isang Budista, una, ay isang taong umanib sa Budismo, at ito ay isang taong nakakaalam kung ano ang kanilang paniniwala. Kapag ginupit ng mga Budista ang kanilang buhok at naging mga monghe o madre, nangangahulugan ito na naihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa sekular na mundo, at nilisan ang ingay ng mundo ng tao. Araw-araw, binibigkas nila ang mga sutra at inaawit ang mga pangalan ni Buddha, hindi sila kumakain ng karne, matipid silang mamuhay, at pinalilipas nila ang kanilang mga araw na ang kasama lamang ay ang malamig at banayad na ilaw ng gasera. Ginugugol nila ang kanilang buong buhay nang ganito. Kapag nagwakas ang pisikal na buhay ng isang Budista, gagawa sila ng isang buod ng kanilang buhay, ngunit sa kanilang puso ay hindi nila malalaman kung saan sila pupunta pagkatapos nilang mamatay, sino ang kanilang makikilala, o ano ang kahihinatnan nila: Sa kanilang kaibuturan, hindi sila magkakaroon ng malinaw na ideya tungkol sa gayong mga bagay. Wala na silang ibang magagawa kundi pikit-matang dalhin ang isang uri ng pananampalataya sa buong buhay nila, pagkatapos ay lilisan sila mula sa mundo ng tao kasama ang kanilang bulag na mga pag-asam at pangarap. Gayon ang pagtatapos ng pisikal na buhay ng isang Budista, kung kailan nililisan nila ang mundo ng mga buhay; pagkatapos noon, bumabalik sila sa orihinal nilang lugar sa espirituwal na mundo. Magkaroon mang muli ng katawan ang taong ito para bumalik sa lupa at magpatuloy sa kanilang sariling paglilinang ay nakasalalay sa kanilang pag-uugali at gawi bago pa sila namatay. Kung wala silang ginawang mali noong nabubuhay sila, agad silang magkakaroong muli ng katawan at ibabalik na muli sa lupa, kung saan ang taong ito ay minsan pang magiging monghe o madre. Ibig sabihin, nagsasagawa sila ng paglilinang sa sarili sa panahon ng kanilang pisikal na buhay ayon sa kung paano nila isinagawa ang paglilinang sa sarili sa unang pagkakataon, at pagkatapos ay babalik sa espirituwal na dako kapag natapos na ang kanilang pisikal na buhay, kung saan sila ay susuriin. Pagkatapos noon, kung walang natagpuang mga problema, maaari silang minsan pang bumalik sa mundo ng tao at muling umanib sa Budismo, sa gayon ay maipagpatuloy nila ang kanilang pagsasagawa. Pagkatapos nilang magkaroong muli ng katawan nang tatlo hanggang pitong beses, minsan pa silang babalik sa espirituwal na mundo, kung saan sila pupunta kapag natapos na ang bawat pisikal na buhay nila. Kung ang kanilang iba-ibang katangian at ugali sa mundo ng tao ay naging kaayon ng makalangit na mga utos ng espirituwal na mundo, mula sa puntong ito, mananatili sila roon; hindi na sila magkakaroong muli ng katawan bilang tao, ni hindi sila manganganib na maparusahan dahil sa paggawa ng masama sa lupa. Hindi na nila kailangang pagdaanang muli ang prosesong ito kailanman. Sa halip, batay sa kanilang sitwasyon, gaganap sila sa isang katungkulan sa espirituwal na dako. Ito ang tinatawag ng mga Budista na “pagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha.” Ang pagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaganapan bilang isang opisyal ng espirituwal na mundo at, pagkatapos noon, hindi na siya magkakaroong muli ng katawan o manganganib na maparusahan. Bukod pa riyan, nangangahulugan ito na hindi na siya daranas ng mga pagdurusa ng pagiging tao pagkatapos na magkaroong muli ng katawan. Kaya, posible pa bang magkaroon silang muli ng katawan bilang hayop? (Hindi.) Nangangahulugan ito na mananatili sila upang gumanap sa isang papel sa espirituwal na mundo at hindi na sila magkakaroong muli ng katawan. Isang halimbawa ito ng pagtatamo ng kaganapan ng kaliwanagan bilang isang Buddha sa Budismo. Para naman sa mga hindi nagtatamo ng kaganapan, pagbalik nila sa espirituwal na mundo, napapailalim sila sa pagsusuri at pagpapatunay ng kaukulang opisyal, na matutuklasan na noong nabubuhay pa, hindi nila masigasig na nilinang ang kanilang sarili o naging matapat sa pagbigkas ng mga sutra at pag-awit ng mga pangalan ni Buddha ayon sa iniuutos ng Budismo, at sa halip ay nakagawa sila ng maraming kasamaan at maraming ginawang masama. Pagkatapos, sa espirituwal na mundo, isang paghatol ang ginagawa tungkol sa kanilang masasamang gawain, at kasunod noon, tiyak na parurusahan sila. Dito, walang mga eksepsyon. Sa gayon, kailan magtatamo ng kaganapan ang gayong tao? Sa isang panahon ng buhay na hindi sila gumagawa ng masama—kung kailan, matapos bumalik sa espirituwal na mundo, nakita na wala silang ginawang mali bago sila namatay. Pagkatapos ay patuloy silang magkakaroong muli ng katawan, patuloy nilang bibigkasin ang mga sutra at aawitin ang mga pangalan ni Buddha, palilipasin ang kanilang mga araw sa malamig at banayad na liwanag ng gasera, iiwasang pumatay ng anumang bagay na may buhay o kumain ng anumang karne. Hindi sila nakikibahagi sa mundo ng tao, na tinatalikuran nang husto ang mga kaguluhan dito at hindi nakikipagtalo sa iba. Sa prosesong ito, kung wala silang nagawang masama, matapos silang bumalik sa espirituwal na mundo at nasuri na ang lahat ng kanilang kilos at ugali, minsan pa silang ipadadala sa dako ng tao, sa isang siklong nagpapatuloy nang tatlo hanggang pitong beses. Kung walang ginawang masamang asal sa panahong ito, mananatiling hindi apektado ang pagtatamo nila ng kaliwanagan bilang isang Buddha, at hindi maaantala. Ito ay isang katangian ng siklo ng buhay at kamatayan ng lahat ng taong may pananampalataya: Nagagawa nilang “magtamo ng kaganapan,” at gumanap sa isang katungkulan sa espirituwal na mundo; ito ang dahilan kaya sila naiiba sa mga hindi mananampalataya. Una, habang nabubuhay pa sila sa mundo, paano kumikilos yaong mga nagkakaroon ng katungkulan sa espirituwal na mundo? Kailangan nilang tiyakin na hindi man lamang sila makagawa ng anumang kasamaan: Hindi sila dapat pumatay, manunog, manggahasa, o magnakaw; kung sila ay gumagawa ng panloloko, panlilinlang, pagnanakaw, o panloloob, hindi sila magtatamo ng kaganapan. Sa madaling salita, kung mayroon silang anumang koneksyon o kaugnayan sa anumang masamang gawain, hindi nila matatakasan ang kaparusahang ipapataw sa kanila ng espirituwal na mundo. Ang espirituwal na mundo ay gumagawa ng angkop na mga plano para sa mga Budista na nagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha: Maaari silang italagang mangasiwa sa mga yaon na mukhang naniniwala sa Budismo, at sa Matandang Lalaki sa Langit—maaari silang bigyan ng awtoridad. Maaari din silang pamahalain sa mga hindi mananampalataya o magkaroon ng katungkulan sa napakaliliit na tungkulin. Ang gayong pagbibigay ng awtoridad ay nangyayari ayon sa iba-ibang likas na katangian ng kanilang kaluluwa. Ito ay isang halimbawa ng Budismo.

Sa limang relihiyon na ating napag-usapan, ang Kristiyanismo ang medyo espesyal. Ano ang espesyal sa mga Kristiyano? Sila ang mga taong naniniwala sa tunay na Diyos. Paano maililista rito ang mga naniniwala sa tunay na Diyos? Sa pagsasabi na ang Kristiyanismo ay isang klase ng pananampalataya, walang dudang may kinalaman lamang ito sa pananampalataya; magiging isang uri lamang ito ng seremonya, isang uri ng relihiyon, at isang bagay na lubos na naiiba sa pananampalataya ng mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kaya Ko nailista ang Kristiyanismo sa limang pangunahing relihiyon ay dahil ibinaba na ito sa antas na kapareho ng Hudaismo, Budismo, at Islam. Karamihan sa mga tao rito ay hindi naniniwala na may isang Diyos, o na Siya ang namumuno sa lahat ng bagay; lalong hindi sila naniniwala sa Kanyang pag-iral. Sa halip, ginagamit lamang nila ang mga Kasulatan upang talakayin ang teolohiya at gamitin ang teolohiya upang ituro sa mga tao na maging mabait, magtiis ng pagdurusa, at gumawa ng mabubuting bagay. Ganyan ang klaseng nakahinatnan ng relihiyong Kristiyanismo: Nakatuon lamang ito sa mga teolohikal na teorya, na walang anumang kaugnayan sa gawain ng Diyos sa pamamahala at pagliligtas sa tao. Ito na ang naging relihiyon ng mga taong sumusunod sa Diyos ngunit hindi talaga kinikilala ng Diyos. Gayunman, may prinsipyo rin ang Diyos sa Kanyang pakikitungo sa gayong mga tao. Hindi Niya sila basta-basta hinaharap o pinakikitunguhan kung kailan Niya gusto tulad ng Kanyang ginagawa sa mga hindi mananampalataya. Tinatrato Niya sila sa parehong paraan ng pagtrato Niya sa mga Budista: Kung, habang nabubuhay, makakayang disiplinahin ng isang Kristiyano ang kanyang sarili, mahigpit na susundin ang Sampung Utos at hihigpitan ang sarili nilang pag-uugali alinsunod sa mga batas at kautusan, at maninindigan sa mga ito sa buong buhay nila, kailangan din nilang gumugol ng parehong haba ng panahon sa pagdaan sa mga siklo ng buhay at kamatayan bago sila tunay na magtamo ng tinatawag na “pagdadala.” Pagkatapos makamit ang pagdadalang ito, mananatili sila sa espirituwal na mundo, kung saan gaganap sila sa isang katungkulan at magiging isa sa mga opisyal doon. Gayundin, kung nakagawa sila ng kasamaan sa lupa—kung napakamakasalanan nila at nakakagawa sila ng napakaraming kasalanan—hindi nila maiiwasang maparusahan at madisiplina sa iba-ibang kasidhian. Sa Budismo, ang pagtatamo ng kaganapan ay nangangahulugan ng pagpasok sa Dalisay na Lupain ng Sukdulang Kaligayahan, ngunit ano ang tawag nila roon sa Kristiyanismo? Tinatawag itong “pagpasok sa langit” at pagiging “nadala.” Yaong mga tunay na nadala ay nagdaraan din sa siklo ng buhay at kamatayan nang tatlo hanggang pitong beses, pagkatapos noon, pagkamatay nila, dumarating sila sa espirituwal na mundo, na para bang nakatulog sila. Kung papasa sila sa pamantayan, maaari silang manatili roon upang gumanap sa isang katungkulan at, hindi kagaya ng mga tao sa lupa, hindi sila magkakaroong muli ng katawan sa isang simpleng paraan o ayon sa nakagawian.

Sa lahat ng relihiyong ito, ang katapusang sinasabi at pinagsusumikapan nila ay kapareho ng pagtatamo ng kaganapan sa Budismo; kaya lamang ay nakakamit itong “kaganapan” sa iba’t ibang kaparaanan. Pare-pareho lamang silang lahat. Para sa bahaging ito ng mga kapanalig ng mga relihiyong ito, na mahigpit na nakakasunod sa mga relihiyosong tuntunin sa kanilang pag-uugali, nagbibigay ang Diyos ng isang angkop na patutunguhan, isang angkop na lugar na pupuntahan, at pinangangasiwaan sila nang angkop. Lahat ng ito ay makatwiran, ngunit hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao. Ngayon, nang marinig ninyo kung ano ang nangyayari sa mga tao sa Kristiyanismo, ano ang pakiramdam ninyo? Pakiramdam ba ninyo hindi makatarungan ang nangyayari sa kanila? Nakikisimpatiya ba kayo sa kanila? (Kaunti.) Wala nang magagawa pa; sarili lamang nila ang kanilang masisisi. Bakit Ko sinasabi ito? Ang gawain ng Diyos ay totoo; Siya ay buhay at totoo, at ang Kanyang gawain ay nakatuon sa buong sangkatauhan at sa bawat indibiduwal. Kung gayon, bakit hindi nila ito tinatanggap? Bakit nila parang hibang na nilalabanan at inuusig ang Diyos? Dapat nilang isipin na masuwerte sila dahil ganito ang kanilang kinalabasan, kaya bakit kayo naaawa sa kanila? Ang matrato sila sa ganitong paraan ay nagpapakita ng malaking pagpaparaya. Batay sa lawak ng kanilang paglaban sa Diyos, dapat silang lipulin, subalit hindi ito ginagawa ng Diyos; sa halip ay tinatanggap lamang Niya ang Kristiyanismo tulad ng anumang ordinaryong relihiyon. Sa gayon, kailangan pa bang magdetalye tungkol sa iba pang mga relihiyon? Ang kakaibang paniniwala ng lahat ng relihiyong ito ay para magdanas ang mga tao ng mas maraming hirap, huwag gumawa ng masama, gumawa ng mabuti, huwag murahin ang iba, huwag husgahan kaagad ang iba, ilayo ang kanilang sarili sa mga pagtatalo, maging mabubuting tao—ganito ang karamihan sa mga relihiyosong turo. Samakatuwid, kung nagagawa ng mga taong ito na may pananampalataya—ng mga kapanalig na ito ng iba-ibang relihiyon at denominasyon—na mahigpit na sumunod sa kanilang mga relihiyosong tuntunin, hindi sila makakagawa ng malalaking pagkakamali o kasalanan sa panahong sila ay nasa lupa; at, matapos magkaroong muli ng katawan nang tatlo hanggang pitong beses, ang mga taong ito—yaong mga nagagawang sumunod sa mga relihiyosong tuntunin—kung tutuusin, ay mananatiling gumaganap sa isang katungkulan sa espirituwal na mundo. Marami bang gayong mga tao? (Wala, kakaunti lamang.) Saan mo ibinabatay ang sagot mo? Hindi madaling gumawa ng mabuti at sumunod sa relihiyosong mga panuntunan at batas. Hindi pinapayagan ng Budismo ang mga tao na kumain ng karne—kaya mo bang gawin iyon? Kung kailanganin mong isuot ang mga abuhing kasuotan at bigkasin ang mga sutra at awitin ang mga pangalan ni Buddha sa isang templo ng mga Budista sa buong maghapon, kaya mo bang gawin iyon? Hindi ito magiging madali. Ang Kristiyanismo ay may Sampung Utos, ang mga kautusan at batas; madali bang sundin ang mga ito? Hindi madali, hindi ba? Ipaghalimbawa natin ang huwag murahin ang iba: Wala talagang kakayahan ang mga tao na sumunod sa panuntunang ito. Hindi mapigilan ang kanilang sarili, nagmumura sila—at pagkatapos magmura, hindi na nila mabawi ang mga salitang iyon, kaya ano ang ginagawa nila? Sa gabi, ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan. Kung minsan pagkatapos nilang murahin ang iba, may pagkamuhi pa rin sa puso nila, at nagpaplano pa sila kung kailan pa nila masasaktang muli ang mga taong iyon. Sa madaling salita, para sa mga nabubuhay sa gitna ng patay na doktrinang ito, hindi madaling umiwas na magkasala o gumawa ng masama. Samakatuwid, sa bawat relihiyon, iilang tao lamang ang nagagawa talagang magtamo ng kaganapan. Ipinapalagay mo ba na dahil napakaraming taong sumusunod sa mga relihiyong ito, marami ang magagawang manatili sa pagganap sa isang tungkulin sa espirituwal na dako? Hindi sila ganoon karami; iilan lamang ang talagang nagagawang magtamo nito. Iyan na ang lahat para sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga taong may pananampalataya. Ang ipinagkaiba nila ay na maaari silang magtamo ng kaganapan, at ito ang ipinagkaiba nila sa mga hindi mananampalataya.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

Share