Read more!
Read more!

Ang Paghatol ba ng Diyos ay para sa Paglilinis at Pagliligtas, o para sa Pagkokondena at Paglipol?

Habang lumalaganap ang mga sakuna sa buong mundo, ang mga mananampalataya ng Panginoon ay buong pananabik na naghihintay sa pagparito ng Panginoong Jesus na sakay ng isang ulap at dalhin sila sa alapaap para makatagpo Siya at makatakas sa mga sakuna. Gayunman, hindi pa rin nila nakikitang pumaparito ang Panginoong Jesus na sakay ng isang ulap, at sa halip, palaging nagpapatotoo ang Kidlat ng Silanganan na bumalik na Siya bilang nagkatawang-taong Makapangyarihang Diyos, nagpapahayag ng mga katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang linisin at lubos na iligtas ang tao. Kamangha-mangha ito para sa maraming tao. Iniisip nila, “Dapat ay dalhin muna ng Panginoon ang mga mananampalataya sa alapaap. Mahalagang iligtas muna tayo mula sa mga sakuna. Bakit nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanan para magawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? Lahat tayo’y napatawad na sa ating mga kasalanan at itinuring nang matuwid ng Diyos, kaya bakit kailangan pa ng paghatol ng Diyos?” Ang karamihan sa mga tao ay naniniwala na sa mga huling araw, ang pupuntiryahin ng paghatol ng Diyos ay ang mga hindi mananampalataya, na ang paghatol ay pagkondena at pagkawasak, at tayo na napatawad na sa mga kasalanan ay hindi na kailangang mahatulan. Kung gayon, ang paghatol ba ng Diyos sa sangkatauhan ay para sa paglilinis at pagliligtas, o para ba ito sa pagkondena at paglipol? Pag-usapan natin ang tungkol diyan ngayon.

Pero bago natin talakayin iyan, pag-usapan natin kung batay ba sa Biblia ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Sa katunayan, nabanggit iyon sa maraming propesiya sa Biblia, at ang pinakamahalaga, sa mga propesiya na mula mismo sa bibig ng Panginoon: “Ang nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). “Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol. … At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagka’t Siya’y Anak ng tao(Juan 5:22, 27). “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). “Pakabanalin Mo sila sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan(Juan 17:17). “At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may walang-hanggang ebanghelyo upang ipangaral sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa, at angkan, at wika, at bayan. Sinasabi niya nang may malakas na tinig, ‘Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagka’t dumarating ang panahon ng Kanyang paghatol’(Pahayag 14:6–7). Napakalinaw ng mga ito, hindi ba? Nagbabalik ang Panginoon sa katawang-tao bilang ang Anak ng tao, nagpapahayag ng mga katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Walang duda dito. Binabanggit sa mga propesiyang ito na “ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” at “papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan,” para malinaw na makita ng mga tao na ginagamit ng Diyos ang katotohanan para hatulan at linisin ang tao sa mga huling araw, para akayin tayo sa lahat ng katotohanan, na nagpapahintulot sa sangkatauhan na makatakas sa kasalanan at lubusang maligtas ng Diyos. Sinasabi sa 1 Pedro 4:17, “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos.” Nangangahulugan ito na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol na nagsisimula sa Kanyang sambahayan, na magsisimula ito sa lahat ng tumanggap na ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ito ang kahulugan ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos ay dapat tanggapin ang paghatol ng mga salita ng Diyos, at makapapasok lamang sa Kanyang kaharian kapag sila’y nalinis na. Ang mga nagsasabing tinatanggap nila ang Makapangyarihang Diyos, ngunit hindi nalinis sa pamamagitan ng paghatol ay maaalis at wawasakin sa mga sakuna sa huli. Ang mga hindi mananampalataya ay iwawasto sa pamamagitan ng mga sakuna dahil ang mga tumatanggi sa paghatol ng Diyos ay hindi kailanman malilinis o makakamit ang kaligtasan. Sila’y kokondenahin at pagkatapos ay wawasakin. Makikita natin rito na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang iligtas ang tao hangga’t maaari. Nananalig man sila sa Panginoon o hindi, basta’t tinatanggap nila ang paghatol ng Makapangyarihang Diyos at sila’y nalinis, sila ang mga lubos na ililigtas ng Diyos. Ang lahat ng tumatanggi sa gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay kokondenahin at aalisin, at masasadlak lamang sa mga sakuna. Nakikita ang kinalabasan ng gawain ng paghatol ng Diyos, tama ba na itumbas ito sa pagkondena at paglipol? Isang malaking pagkakamali iyon. Ang gawain ng Diyos na dalhin ang mga mananampalataya sa kaharian ay ginagawa sa pamamagitan ng lubos na pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at paglilinis. Hindi ba’t labis na makahulugan ito? Kung gayon ay bakit hindi ito nakikita ng napakaraming tao? Kung ang paghatol ng Diyos ay para ikondena at parusahan ang mga tao, ano ang magiging kabuluhan ng gawaing iyon? Maaari namang direktang magpaulan na lang ng mga sakuna ang Diyos at lipulin ang mga tao. Bakit pa Siya nagpapakahirap? Maraming tao ang nakakarinig ng tungkol sa gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos at hindi man lang ito sinisiyasat, kundi direkta itong hinuhusgahan at kinokondena. Hindi ba’t pagmamataas iyon? Ang mga mananampalataya ng Panginoon ay sumasambang lahat sa Biblia at ibinabatay ang lahat doon. Bakit hindi nila makita na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay lubos na nakaayon doon? Napakaraming propesiya sa Biblia ang tungkol sa paggawa ng Diyos ng gawain ng paghatol sa mga huling araw. Bakit hindi nila napapansin ang mga propesiyang iyon? Sa anumang anggulo mo ito tingnan, ang sinumang hindi kumikilala sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay bulag at hangal at hindi nauunawaan ang Biblia. Silang lahat ay mapagmataas at wala sa katwiran. Hindi pa nila tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nawalan na sila ng pagkakataon na marapture bago ang mga sakuna. Tinutupad nito ang propesiya ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ang bawa’t mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng kasaganaan: nguni’t ang wala, pati pa ang nasa kanya ay aalisin sa kanya. At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: doo’y may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin(Mateo 25:29–30).

Bakit kailangang sumailalim ng mga mananampalataya sa paghatol at pagkastigo ng Diyos? Iyon ay isa pang misteryo na hindi nauunawaan ng karamihan, kaya tingnan natin ang sinasabi ng Makapangyarihang Diyos tungkol doon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon(“Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Malinaw ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, na tumatapos sa unang kalahati lamang ng Kanyang gawain ng pagliligtas. Ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Panginoon ay napatawad na ang mga kasalanan ng mga tao at hindi sila ikokondena sa ilalim ng batas, at pinahihintulutan sila na lumapit sa harapan ng Panginoon para magdasal at makipagniig sa Kanya, para matamasa ang Kanyang biyaya at mga pagpapala. Ito ang naisakatuparan ng gawain ng pagtubos. Ngunit kahit napatawad na ang mga kasalanan nila, hindi mapigilan ng mga tao na patuloy na magsinungaling at magkasala, makipaglaban para sa personal na pakinabang, magkaroon ng inggit at pakikipagtalo, maging mapanghusga at napopoot. Gusto nilang isagawa ang mga salita ng Panginoon, pero hindi nila ito magawa. Nabubuhay sila sa malupit na siklo ng pagkakasala, pagtatapat, at muli na namang pagkakasala, at lubos na hindi magawang makatakas. Ipinapakita nito na kahit na pinatawad ng Panginoon ang mga kasalanan ng tao, nananatili sa atin ang ating makasalanang kalikasan. Ito ang ating satanikong kalikasan at disposisyon na nagtutulak sa atin na magkasala. Kung hindi masusugpo ang ugat ng kasalanan, gaano man karaming beses napatawad ang mga kasalanan ng isang tao, hindi siya kailanman makakatakas sa kasalanan at magiging banal. Hindi niya mapigilang magkasala at kalabanin ang Diyos. Isipin ang mga Fariseo. Sinamba nila ang Diyos sa templo at palagi silang naghahandog ng mga alay, pero ayaw nilang tanggapin ang Panginoong Jesus noong Siya ay nagpakita at gumawa. Nahihibang nila Siyang nilabanan at kinondena, at ipinapako pa nga Siya, gumagawa ng karumal-dumal na kasalanan. Ano ang ipinapakita nito sa atin? Dahil sa ating satanikong kalikasan, gaano man karaming mga handog para sa kasalanan ang gawin ng isang tao para sa kapatawaran, patuloy pa rin siyang gumagawa ng kasamaan. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpakita na at nagpahayag na ng milyun-milyong salita ng katotohanan, gumagawa ng gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Nakumpleto na Niya ang isang grupo ng mga mananagumpay bago ang mga sakuna, lubos na nagpapakita ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, at niyayanig ang buong mundo. Napakaraming relihiyosong tao ang hindi talaga naghahanap o nagsisiyasat, at sa halip ay kumakapit sa kanilang mga haka-haka, ginagawa ang lahat ng makakaya nila para kondenahin, labanan, at lapastanganin ang bagong gawain ng Diyos, hindi lang makapaghintay na ipako ang Cristo na muli na namang nagpapahayag ng katotohanan. Ipinapakita nito na kahit na napatawad na ang mga kasalanan ng tao, dahil sa kanyang satanikong kalikasan, nahihibang pa rin niyang nilalabanan ang Diyos at itinuturing Siyang isang kaaway at hindi katugma. Ang matuwid at banal na disposisyon ng Diyos ay hindi magpapalampas ng anumang pagkakasala, kung gayon dadalhin Niya kaya sa Kanyang kaharian ang sinumang napawalang-sala na, ngunit patuloy pa ring nagkakasala at lumalaban sa Kanya? Hinding-hindi talaga. Tulad nga ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawa’t nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman(Juan 8:34–35). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). “Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan(Mga Hebreo 10:26). Ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag. Ang mga lumalaban sa Diyos ay parurusahan at wawasakin, at hindi kailanman papapasukin sa kaharian ng Diyos. Kaya nga, nang ipangako ng Panginoong Jesus na babalik Siya sa mga huling araw, hindi ito para dalhin tayo sa langit, at hindi ito para direktang kondenahin at wasakin ang mga hindi mananampalataya sa mga sakuna. Ito ay para magpahayag ng katotohanan at magawa ang gawain ng paghatol sa satanikong kalikasan at disposisyon ng tao, upang iligtas muna ang sangkatauhan mula sa kasamaan at mga puwersa ni Satanas, upang lubusan tayong bumaling sa Diyos at makamit Niya, at pagkatapos ay madala sa Kanyang kaharian. Pagkaraan nito’y matatapos ang gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kung ang paghatol ng Diyos ay para lamang kondenahin at wasakin ang sangkatauhan gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao, kung gayon ay sino ang matitira sa tiwaling sangkatauhan? Hindi ba’t ang lahat ay hahantong lamang sa paglipol ng Diyos dahil sa pagkakasala at paglaban sa Kanya? Kung iyan ang kaso, hindi ba’t mababalewala ang plano ng Diyos para sa pagliligtas ng tao? Kaya muling nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw ayon sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan. Mapagpakumbabang nagkubli ang Makapangyarihang Diyos sa gitna ng tao at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos para dalisayin at iligtas ang lahat ng tumatanggap ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ito’y upang tayo’y makatakas sa kasamaan at malinis, upang maging marapat na madala sa kaharian ng Diyos. Talagang hindi tungkol sa pagkondena at pagwasak ng mga tao ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, kundi lubos na tungkol sa paglilinis at pagliligtas. Mahalagang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw para sa pagliligtas ng tao ay ang Kanyang pinakamahalagang hakbang, at ang pagtanggap ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay ang tanging paraan para tayo’y makatakas sa katiwalian, malinis, at maligtas mula sa mga sakuna.

Maaaring may magtanong nito: Paano dinadalisay at inililigtas ng Makapangyarihang Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng paghatol? Maaari nating mahanap ang mga sagot sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(“Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Sa pamamagitan ng ano isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, kamahalan, paghatol, at sumpa, at ang Kanyang pagperpekto sa tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, ‘Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?’ Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang pagsuway ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at wala ni katiting na pagkasensitibo, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa pagsunod sa harap ng Diyos(“Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan(“Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, mas malinaw na ba sa atin kung paano isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol? Marami ang hindi nakakaunawa sa gawain ng Diyos, kaya kapag nakikita nila ang mga salitang paghatol at pagkastigo, iniisip nila ang pagkondena at pagparusa ng Diyos. Maling-mali talaga ito. Sa ilalim ng batas, ang paghatol ay pagpigil lamang sa pag-uugali sa pamamagitan ng kaparusahan, pero hindi nito nilulutas ang makasalanang kalikasan ng mga tao. Ngunit ang paghatol ng Diyos ay tungkol talaga sa pagpapahayag ng katotohanan para mahatulan at maihayag ang nasa loob na satanikong kalikasan at disposisyon natin, at pagkatapos ay ginagamit ang lahat ng uri ng pamamaraan, tulad ng pagwawasto, pagdidisiplina, at pagsubok sa atin para ilantad tayo. Ito’y upang tunay nating makita ang ating tiwaling diwa, ang realidad ng ating katiwalian, at pagkatapos ay kinamumuhian natin ang ating sarili, tinatalikuran ang laman, nagsasagawa ng katotohanan, at tunay na nagsisisi. Tumpak na ibinubunyag ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga pagpapamalas ng satanikong disposisyon ng tao, ang ating mga napakasamang motibo, mga tiwaling karumihan, at mga katawa-tawang pananaw. Nahaharap sa paghatol ng mga salita ng Diyos, nakikita natin na gutom lang tayo sa mga pagpapala sa ating pananampalataya at walang anumang sinseridad sa Diyos. Nagsasakripisyo tayo nang kaunti, nagbabayad ng kaunting halaga at iniisip na natin na may karapatan tayong mabiyayaan ng Diyos at makapasok sa kaharian. Ngunit kapag naharap sa mga pagsubok, sinisisi natin ang Diyos at nangangatwiran tayo sa Kanya, at umaayaw pa ngang magtrabaho para sa Kanya. Hindi talaga natin Siya sinusunod. Malinaw na wala talaga tayong realidad ng katotohanan, kundi patuloy lang na nagsasalita tungkol sa mga doktrina para magyabang at hangaan. Palagi nating pinoprotektahan ang ating reputasyon at katayuan, at tumatangging sumang-ayon sa iba kahit na alam nating naaayon sa katotohanan ang kanilang mga pananaw. Tayo’y mayabang, matigas ang ulo, at lubos na walang pagkatao at katwiran. Sa pamamagitan ng paghatol ng mga salita ng Diyos, nakikita natin kung gaano kalalim na tayong nagawang tiwali ni Satanas, na tayo’y mayabang, tuso, at masama, at tayo’y mga buhay na pagpapamalas ng diyablo. Tayo’y wala nang matataguan at nahihiya. Puno ng pagsisisi, nagdarasal tayo at isinusumpa ang ating sarili, at nagnanais nang huminto sa pamumuhay na may satanikong katiwalian. Nararanasan din natin ang pagiging matuwid at kabanalan ng Diyos, na sisiyasatin at ilalantad ng Diyos ang anumang katiwalian na maaaring mayroon tayo, na ang Kanyang disposisyon ay hindi nalalabag, at tiyak na mapaparusahan tayo kung hindi tayo magsisisi at magbabago. Pagkatapos ay nagkakaroon tayo ng paggalang sa Diyos. Matapos mahatulan, makastigo, matabasan, maiwasto, masubok, at mapino nang maraming ulit, ang ating mga tiwaling disposisyon ay unti-unting nalilinis at nababago. Tayo ay nagiging mas mapagpakumbaba, mas makatwiran sa salita at gawa. Tayo’y tumatanggap at nagpapasakop sa anumang naaayon sa katotohanan, kahit kanino pa ito nanggagaling at higit na mas kaunti na ang ating mga karumihan sa ating tungkulin. May mga pagpapala man ng Diyos o wala, at anuman ang ating kalabasan sa huli at kahantungan, tayo’y masayang nagpapasakop sa Diyos at gumagawa ng tungkulin ng isang nilikha. Sa pamamagitan ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos, makakalaya na tayo sa wakas mula sa kasalanan, maisasabuhay ang isang tunay na wangis ng tao, at magtatamo ng tunay na kalayaan. Talagang ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay ang Kanyang pinakadakilang pagmamahal at pagliligtas para sa sangkatauhan! Kung wala nito, hindi natin kailanman makikilala ang ating sarili, at hindi natin kailanman makikita ang katotohanan ng ating katiwalian. Patuloy tayong mabubuhay sa ating mga pangarap, iniisip na mayroon tayong karapatan sa kaharian dahil napatawad na ang ating mga kasalanan, naghihintay sa Panginoon na i-rapture tayo para magpasasa sa Kanyang mga pagpapala. Kamangmangan at kawalan ng kahihiyan talaga iyon. Tunay nating naranasan na ang paghatol at pagkastigo ng Makapangyarihang Diyos ay ang tanging paraan para maiwaksi ang katiwalian, malinis, at makapasok sa kaharian. Maaari mong sabihin na ang paghatol ng Makapangyarihang Diyos ay ang tangi nating landas para mapalaya mula sa kasalanan, lubos na maligtas ng Diyos, at pagkatapos ay makapasok sa kaharian. Tulad ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao(“Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Tatlong dekada na mula nang magsimula sa gawain ng paghatol sa mga huling araw ang Makapangyarihang Diyos. Marami sa hinirang na mga tao ng Diyos ang sumasailalim dito, unti-unting napapalaya mula sa katiwalian at nalilinis, at nakumpleto na ang isang grupo ng mga mananagumpay bago ang mga sakuna. Mayroon silang magandang patotoo tungkol sa pagtakas sa kasalanan at pagiging naligtas, tulad ng pagtalo kay Satanas sa pamamagitan ng pag-uusig at paghihirap, tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat, pagpapasakop sa Diyos sa mga pagsubok at pagpipino, at iba pa. Ang mga patotoong ito ay ginawa nang mga video na mapapanood online, nagpapatotoo sa mundo tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, upang mabuksan ng lahat ang kanilang mga mata at lubos silang makumbinsi. Parami nang parami ang mga tao na nagmamahal sa katotohanan mula sa bawat bansa at denominasyon ang nakakakilala sa tinig ng Diyos sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pumupunta sa harapan ng trono ng Diyos. Ang ebanghelyo ng kaharian ay naglalakbay na sa buong mundo at malapit nang magbunga sa kagila-gilalas na paraan. Malinaw na natutupad na ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Bumubuhos na ang mga sakuna, at makikita ng sinumang may bukas na mga mata na ang malalaking sakuna ay nagsimula na. Ang mga tumatanggap sa paghatol ng Makapangyarihang Diyos at nalinis na sa kanilang katiwalian ay mapoprotektahan sa mga sakuna at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga nag-iisip lamang ng mga pagpapala at pagpasok sa kaharian nang hindi tumatanggap ng katotohanan, at paghatol o paglilinis ng Diyos, ay mga mapanirang damo, mga walang pananalig na inilantad ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kinondena na sila ng Diyos, at sila’y bababa sa impiyerno at parurusahan sa pagdating ng mga sakuna. Tinutupad nito ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri?(“Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. … Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala(“Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Share
Tags: Gospel Reflection for Today Tagalog Kahulugan ng Paghuhukom