Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga halimbawang ito ng pananalita, kaisipan at mga kilos ng Diyos, makakaya mo kayang unawain ang matuwid na disposisyon ng Diyos, isang disposisyon na hindi magpapahintulot na malabag ng tao? Sa maikling sabi, gaano man ang kayang unawain ng tao tungkol dito, ito ay isang aspeto ng disposisyon ng Diyos Mismo, at ito ay natatangi sa Kanya. Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagpapakita ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nababago ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinadadala ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya unti-unting nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay lumalabag sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos—at sa mga panahong iyon kung kailan laganap ang kasalanan—ang poot ng Diyos ay likas na magpapahayag at magpapakita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng kalabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula kay Satanas at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na masama, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.
Bagaman ang pagbuhos ng poot ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong hindi padalus-dalos sa pagpili kung sino ang layon nito, ni hindi rin ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi talaga madaling magalit ang Diyos, at hindi rin Niya ibinubunyag ang Kanyang poot at pagiging maharlika nang gayun-gayon lang. Dagdag pa rito, ang poot ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi talaga ito maikukumpara sa kung paanong ang tao ay nakasanayang magpuyos sa matinding galit o magbulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Bibliya. Ang mga salita ng ilan sa mga indibiduwal na tao na kabilang sa mga usapan ay mabababaw, ignorante, at parang pambata, ngunit hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni kinondena man. Isang halimbawa ay noong panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehova ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Kinondena Niya ba sila? Napoot ba Siya sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabihan Niya si Job na magmakaawa sa kanilang ngalan, at na ipanalangin sila; at ang Diyos Mismo ay hindi dinamdam ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing pinanggagalingan ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, tiwali at mangmang man ito. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng poot ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o pagpapalabas ng lagay ng Kanyang loob, o isang paraan Niya ng pagbubulalas ng Kanyang galit. Salungat sa maling pagkakaunawa ng tao, ang poot ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng Kanyang matinding galit. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang poot dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa punto ng pagkulo at kailangan nang mailabas. Bagkus, ang Kanyang poot ay pagpapakita at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; at isa itong simbolikong pagpapahayag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay poot, at hindi Niya kinukunsinti ang pagkakasala—hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay walang prinsipyo o hindi kumikilala sa pagkakaiba-iba ng mga layunin; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo at walang-pinipiling pagbulalas ng matinding galit. Ang galit na ito ay ang klase ng galit na hindi nakakikilala ng kaibhan sa pagitan ng mga layunin. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pagkayamot at ilabas ang kanyang mga nadarama; madalas siyang magpupuyos sa matinding galit nang walang malinaw na dahilan, nang sa gayon ay maihayag ang kanyang kakayahan at maipaalam sa ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang mga pansariling kapakanan. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas nilang nailalabas ang kanilang mga nararamdaman at naibubunyag ang kanilang mapagmataas na kalikasan. Ang tao ay magpupuyos sa galit at ilalabas ang kanyang mga nadarama upang maipagtanggol at mapagtibay ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan kung paano ipinahahayag ng tao ang kanyang pagkayamot; puno ang mga ito ng karumihan, ng mga pakana at mga intriga, ng katiwalian at kasamaan ng tao; at higit sa lahat, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nakipagsagupaan ang katarungan sa kasamaan, hindi sisiklab ang galit ng tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan o upang pagtibayin ito; bagkus, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganganib, inuusig at inaatake, ang ginagawa ng tao ay ang di-pagpansin, pag-iwas o paglayo. Subalit, kapag humaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang ginagawa ng tao ay ang pagpapaunlak, at labis na pagyuko. Samakatuwid, ang pagbubulalas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi mapigilang masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, gayon pa man, lahat ng puwersa ng kasamaan ay mapahihinto, lahat ng kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapipigilan, lahat ng mapanlabang puwersa na humahadlang sa gawain ng Diyos ay maipakikita, ihihiwalay at susumpain; at lahat ng kasabwat ni Satanas na lumalaban sa Diyos ay parurusahan at aalisin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano ng Diyos sa pamamahala ay magpapatuloy sa unti-unting pag-unlad ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at panlilinlang ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos; at yaong mga sumusunod sa Diyos ay masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa tahimik at mapayapang kapaligiran. Ang poot ng Diyos ay isang pananggalang na pumipigil sa lahat ng masasamang puwersa mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong pananggalang na nangangalaga sa pag-iral at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay, at walang-hanggang nag-aadya sa kanila sa pagkasupil at pagkawasak.
Nakikita ba ninyo ang diwa ng poot ng Diyos sa Kanyang pagwasak sa Sodoma? May iba pa bang nakahalo sa Kanyang matinding galit? Ang sobra bang pagkagalit ng Diyos ay dalisay? Sa pananalita nga ng tao, wala bang halo ang poot ng Diyos? Mayroon bang anumang panlilinlang sa likod ng Kanyang poot? Mayroon bang anumang sabwatan? Mayroon bang mga masasamang lihim? Mariin at taimtim Kong masasabi sa inyo: Walang bahagi sa poot ng Diyos na makapagdudulot sa isang tao na magduda. Ang Kanyang galit ay isang ganap at walang halong galit na hindi nagkikimkim ng ibang layunin o tunguhin. Ang mga dahilan ng Kanyang galit ay dalisay, hindi mapananagot at hindi mapipintasan. Isa itong likas na pahayag at pagpapakita ng Kanyang banal na diwa; isa itong bagay na walang sinuman sa mga nilikha ang nagtataglay. Bahagi ito ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ay isa ring kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng kinauukulang mga diwa ng Lumikha at ng Kanyang nilikha.
Hindi alintana kung magalit man ang isang tao sa harapan ng iba o sa kanilang likuran, ang lahat ay may iba’t ibang intensyon at dahilan sa kanilang galit. Marahil ay pinagaganda nila ang kanilang reputasyon, o maaaring ipinagtatanggol nila ang kanilang pansariling mga kagustuhan, pinananatili ang kanilang imahe o pinangangalagaan ang kanilang dangal. May ilang nagpipigil ng kanilang galit, samantalang ang iba naman ay mas walang hinahon at hinahayaang sumiklab ang kanilang matinding galit sa tuwing nais nila nang walang kahit katiting na pagpipigil. Sa madaling salita, ang galit ng tao ay nagmumula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ano man ang layunin nito, nagmumula ito sa laman at sa kalikasan; wala itong kinalaman sa katarungan o kawalang-katarungan sapagkat walang anuman sa kalikasang diwa ng tao ang tumutugma sa katotohanan. Samakatuwid, ang lagay ng kalooban ng tiwaling sangkatauhan at ang poot ng Diyos ay hindi dapat banggitin sa parehong sukatan. Walang pagtatanging ang asal ng isang tao na ginawang tiwali ni Satanas ay nagsisimula sa pagnanais na pangalagaan ang katiwalian, at ito nga ay batay sa katiwalian; ito ang dahilan kung bakit ang galit ng tao ay hindi maaaring banggitin kasabay ng poot ng Diyos, kahit gaano man katama ang galit ng tao sa teorya. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kasamaan at nawawasak ang mga masasamang bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at masasamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang mithiin ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pahayag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na hangarin sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kasamaan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, naramdaman na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pakahulugan at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag at mapusok; tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga hindi karaniwang kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na matuwid, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikhang nilalang ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marurumi at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamatuwid na mga layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
Ngayon na may pagkaunawa na kayo sa diwa ng poot ng Diyos, tiyak na kailangan ninyong magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa kung paano makikilala ang kasamaan ni Satanas!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II