Genesis 9:11–13 At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”
Alam ng karamihan sa mga tao kung ano ang bahaghari at nakarinig na sila ng ilang kuwento na may kaugnayan sa mga bahaghari. Tungkol sa kuwento ng bahaghari sa Bibliya, may ilang tao na naniniwala rito at may ilan na itinuturing itong alamat, habang ang iba ay hindi talaga naniniwala rito. Ano pa man, ang lahat ng nangyaring may kaugnayan sa bahaghari ay gawain ng Diyos, at naganap sa proseso ng pamamahala ng Diyos sa tao. Ang mga pangyayaring ito ay naitala nang eksakto sa Bibliya. Hindi sinasabi sa atin ng mga naitalang ito kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos sa panahong iyon o ang mga layunin na nasa likod ng mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Higit pa rito, walang makapagpahalaga sa nararamdaman ng Diyos noong sinabi Niya ang mga ito. Subalit ang kalagayan ng isip ng Diyos tungkol sa buong pangyayaring ito ay naihayag sa nakatagong kahulugan ng teksto. Para bang ang Kanyang mga kaisipan ay tumatalon mula sa pahina sa pamamagitan ng bawat salita at parirala ng salita ng Diyos.
Ang mga kaisipan ng Diyos ang dapat na binibigyang-pansin ng mga tao at dapat nilang sinusubukang malaman nang higit sa lahat. Ito ay dahil ang mga naiisip ng Diyos ay malapit na kaugnay sa pagkaunawa ng tao sa Diyos, at ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay isang dugtong na hindi maaaring mawala sa buhay pagpasok ng tao. Kaya, ano ang iniisip ng Diyos noong panahong nangyari ang mga ito?
Sa simula, sa mata ng Diyos lumikha Siya ng sangkatauhan na napakabuti at malapit sa Kanya, ngunit sila ay nilipol sa pamamagitan ng baha matapos maghimagsik laban sa Kanya. Nasaktan ba ang Diyos na ang ganoong sangkatauhan ay agad naglaho nang ganoon na lamang? Siyempre, masakit iyon! Kaya ano ang pagpapahayag Niya ng sakit na ito? Paano ito naitala sa Bibliya? Naitala ito sa Bibliya sa mga salitang ito: “At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.” Ang simpleng pangungusap na ito ay nagpapahayag ng mga kaisipan ng Diyos. Lubhang napakasakit sa Kanya itong pagkagunaw ng mundo. Sa mga salita ng tao, Siya ay napakalungkot. Maaari nating gunitain: Ano ang anyo ng daigdig na minsan ay puno ng buhay pagkatapos itong ginunaw ng baha? Ano ang hitsura ng daigdig, na minsan ay puno ng mga tao, noong panahong iyon? Walang tahanan na para sa tao, walang mga buhay na nilikha, may tubig kahit saan at isang lubos na pagkawasak sa ibabaw ng tubig. Ang ganito bang eksena ang talagang layunin ng Diyos noong nilikha Niya ang mundo? Siyempre hindi! Ang talagang layunin ng Diyos ay makakita ng buhay sa buong kalupaan, ang makita ang mga taong Kanyang nilikha na sumasamba sa Kanya, hindi para si Noe lang ang nag-iisang sumasamba sa Kanya o ang nag-iisang maaaring tumugon sa Kanyang panawagan na tapusin ang ipinagkatiwala sa kanya. Noong naglaho ang sangkatauhan, nakita ng Diyos ang lubos na kabaligtaran ng talagang nilayon Niya. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Kaya noong ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyon at ipinahihiwatig ang Kanyang mga damdamin, nagpasya ang Diyos. Anong uri ng pasya ang Kanyang ginawa? Ang gumawa ng arko sa ulap (iyon ay ang mga bahagharing nakikita natin) bilang isang tipan sa tao, isang pangako na hindi na muling lilipulin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng baha. Kasabay nito, ito ay para sabihin din sa mga tao na ginunaw ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, upang magpakailanman ay maipaalala sa sangkatauhan kung bakit ginawa ng Diyos ang ganoon.
Ang pagkagunaw ba ng mundo noong panahong iyon ay kagustuhan ng Diyos? Tiyak na hindi ito ang gusto ng Diyos. Maaari nating gunitain ang maliit na bahagi ng kaawa-awang anyo ng daigdig matapos ang pagkagunaw ng mundo, ngunit hindi natin magugunita nang sapat kung ano ang anyo ng eksenang ito sa panahong iyon sa mata ng Diyos. Masasabi natin, kung ito man ay mga tao ngayon o noon, walang makagugunita o makapagpapahalaga kung ano ang nararamdaman ng Diyos noong nakita Niya ang eksenang iyon, ang anyong iyon ng mundo pagkatapos itong magunaw sa pamamagitan ng baha. Napilitan ang Diyos na gawin ito dahil sa pagsuway ng tao, ngunit ang sakit na pinagdusahan ng puso ng Diyos mula sa pagkagunaw na ito ng mundo sa pamamagitan ng baha ay isang realidad na walang makakaarok o makakapagpahalaga. Kaya gumawa na ang Diyos ng isang tipan sa tao, at nilayon Niya sa pamamagitan nito na sabihin sa mga tao na alalahanin na minsan ay may ginawa ang Diyos na tulad nito, at upang manumpa sa kanila na hindi na kailanman gugunawing muli ng Diyos ang mundo sa ganoong paraan. Sa tipang ito makikita natin ang puso ng Diyos—makikita natin na ang puso ng Diyos ay nakaramdam ng sakit noong nilipol Niya ang sangkatauhang ito. Sa wika ng tao, noong nilipol ng Diyos ang sangkatauhan at nakitang naglalaho ang sangkatauhan, ang Kanyang puso ay umiiyak at nagdurugo. Hindi ba iyan ang pinakamainam na paraan para mailarawan ito? Ang mga salitang ito ang ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang mga damdamin ng tao, ngunit dahil ang wika ng tao ay masyadong kapos, ang gamitin ang mga ito upang ilarawan ang mga nararamdaman at damdamin ng Diyos ay hindi na gaanong masama para sa Akin, at ni hindi rin naman gaanong lumalabis ang mga ito. Kahit paano binigyan kayo ng napakatingkad, napakaangkop na pagkaunawa sa kung ano ang lagay ng damdamin ng Diyos noong panahong iyon. Ano na ang iisipin ninyo ngayon kapag may nakita kayo ulit na bahaghari? Kahit paano, maaalala ninyo kung paano nagdalamhati nang minsan ang Diyos dahil sa pagkakagunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha. Maaalala ninyo kung paano, bagama’t kinapootan ng Diyos ang mundong ito at kinamuhian ang sangkatauhang ito, noong nilipol Niya ang mga taong nilikha Niya ng sarili Niyang mga kamay, na ang puso Niya ay nasasaktan, nagpupumilit bumitaw, nag-aatubili, at nahihirapang magtiis. Ang tangi Niyang kinaaliwan ay ang pamilya ni Noe na walong katao. Ang pakikipagtulungan ni Noe ang nagtulot na hindi mawalang-saysay ang Kanyang mga napakaingat na pagsisikap sa paglikha ng lahat ng bagay. Sa panahong nagdurusa ang Diyos, ito lamang ang pampawi sa Kanyang nararamdaman na sakit. Mula noon, inilagay ng Diyos ang lahat ng Kanyang inaasahan sa sangkatauhan sa pamilya ni Noe, umaasang mabubuhay sila sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala at hindi sa Kanyang sumpa, umaasang hindi nila kailanman muling makikitang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, at umaasa ring hindi sila magugunaw.
Anong bahagi ng disposisyon ng Diyos ang dapat nating matutunan mula rito? Kinamuhian ng Diyos ang tao dahil ang tao ay kumakalaban sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng katiwalian at naging suwail sa Diyos hanggang sa isang nakapanghihinang punto, kinailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhan, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang tubusin ang sangkatauhan nang makapagpatuloy silang mabuhay. Gayunman, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ipagkaloob sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, naghihintay na baliktarin ng tao ang kanyang direksiyon. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may partikular na panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa pagsisimula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso upang bigyang-kakayahan ang tao na baliktarin ang kanyang direksiyon, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi bukang-bibig lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, marumi, mapandaya o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na larawan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, o ipangalandakan ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng disposisyon ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais Ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang pagiging kaibig-ibig ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Tiyak na hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa—lahat ng detalye ng bawat isa sa iba’t ibang aspeto ng disposisyon at diwa ng Diyos ay nakakakita ng praktikal na pagpapahayag tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ay nakapaloob sa Kanyang kalooban para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man dati ito o hindi pa, inaalagaan ng Diyos ang bawat tao sa bawat posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba’t ibang kaparaanan upang mapainit ang puso ng bawat tao, at magising ang espiritu ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan. Gaano man karaming tao ang nakaupo rito, ang bawat tao ay nagkaroon na ng iba’t ibang mga karanasan at mga damdamin sa pagpaparaya, pagpapasensya, at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Ang mga karanasang ito sa Diyos at ang mga nadarama o pananaw na ito sa Kanya—sa madaling salita, ang lahat ng positibong bagay na ito ay mula sa Diyos. Kaya sa pagsasama-sama ng mga karanasan at kaalaman ng lahat sa Diyos at sa pagsama sa mga ito sa mga binasa natin sa araw na ito na mga pahayag mula sa Bibliya, may mas totoo at tamang kaunawaan na ba kayo ngayon sa Diyos?
Matapos mabasa ang kuwentong ito at maunawaan nang kaunti ang disposisyon ng Diyos na naipahayag sa pamamagitan ng kaganapang ito, anong uri ng bagong kaalaman ang mayroon kayo tungkol sa Diyos? Nakapagbigay ba ito sa inyo ng mas malalim na pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang puso? Iba na ba ngayon ang nadarama ninyo kapag muli ninyong tinitingnan ang kuwento ni Noe? Sa inyong opinyon, hindi na ba kailangang magbahagian tungkol sa mga bersikulong ito sa Bibliya? Ngayong napagbahagian na natin ang mga ito, sa palagay ba ninyo ay hindi ito kinakailangan? Tiyak na kailangan ito! Kahit na ang binasa natin ay isang kuwento, isa itong tunay na tala ng gawaing isinakatuparan ng Diyos. Ang layunin Ko ay hindi upang maipaintindi sa inyo ang mga detalye ng mga kuwentong ito o ng tauhang ito, ni hindi rin upang mapag-aralan ninyo ang karakter na ito, at tiyak na hindi upang bumalik kayo at pag-aralang muli ang Bibliya. Naiintindihan ba ninyo? Kaya nakatulong ba ang mga kuwentong ito sa inyong kaalaman sa Diyos? Ano ang naidagdag ng kuwentong ito sa inyong pagkaunawa sa Diyos? Sabihin ninyo sa amin, mga kapatirang lalaki at babae mula sa mga iglesia sa Hong Kong. (Nakita namin na ang pag-ibig ng Diyos ay isang bagay na walang sinuman sa ating mga tiwaling tao ang may taglay.) Sabihin ninyo sa amin, mga kapatirang lalaki at babae mula sa mga iglesia sa Timog Korea. (Ang pag-ibig ng Diyos para sa tao ay totoo. Ang pag-ibig ng Diyos para sa tao ay nagtataglay ng Kanyang disposisyon at nagtataglay ng Kanyang kadakilaan, kabanalan, pangingibabaw, at ng Kanyang pagpaparaya. Sulit na subukan nating magtamo ng mas malalim na pagkaunawa dito.) (Sa pamamagitan ng pagbabahagian kanina lamang, sa isang dako nakikita ko ang matuwid at banal na disposisyon ng Diyos, at nakikita ko rin ang malasakit na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhan, ang awa ng Diyos para sa sangkatauhan, at na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at bawat naiisip at ideya na mayroon Siya ay nagbubunyag ng Kanyang pag-ibig at malasakit para sa sangkatauhan.) (Ang dating pagkaunawa ko ay ginamit lamang ng Diyos ang baha upang gunawin ang mundo dahil ang sangkatauhan ay naging masama na hanggang sa isang nakapanghihinang punto, at para bang nilipol ng Diyos ang sangkatauhang ito dahil kinasuklaman Niya sila. Nang matapos magsalita ang Diyos sa araw na ito tungkol sa kuwento ni Noe at sabihing nagdurugo ang puso ng Diyos ay saka ko lamang natanto na tunay palang nag-aatubili ang Diyos na bitawan ang sangkatauhang ito. Dahil lamang masyadong suwail ang sangkatauhan kaya walang nagawa ang Diyos kundi lipulin sila. Sa katunayan, ang puso ng Diyos sa panahong ito ay napakalungkot. Mula rito, nakikita ko sa disposisyon ng Diyos ang Kanyang pag-aalaga at malasakit para sa sangkatauhan. Ito ay isang bagay na hindi ko alam dati.) Napakabuti! Maaari kayong sumunod. (Apektadong-apektado ako matapos makinig. Nabasa ko na ang Bibliya noon, ngunit hindi pa ako kailanman nagkaroon ng karanasang tulad ng sa araw na ito kung saan hinihimay nang direkta ng Diyos ang mga bagay na ito upang makilala natin Siya. Ang pagsama sa atin ng Diyos na tulad nito upang makita natin ang Bibliya ang nagpaalam sa akin na ang diwa ng Diyos sa harap ng katiwalian ng tao ay pag-ibig at pag-aaruga sa sangkatauhan. Mula sa panahong naging tiwali ang tao hanggang sa mga nalalabing araw sa kasalukuyan, kahit na ang Diyos ay mayroong matuwid na disposisyon, ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay nananatiling walang pagbabago. Ipinakikita nito na ang diwa ng pag-ibig ng Diyos, mula sa paglikha hanggang ngayon, naging tiwali man ang tao, ay hindi kailanman nagbabago.) (Nakita ko sa araw na ito na ang diwa ng Diyos ay hindi magbabago dahil sa pagbabago ng panahon o lugar ng Kanyang gawain. Nakita ko rin na, nililikha man ng Diyos ang mundo o ginugunaw ito matapos maging tiwali ang tao, ang lahat ng ginagawa Niya ay may kabuluhan at taglay ang Kanyang disposisyon. Sa ganoon, nakita ko na ang pag-ibig ng Diyos ay walang-hanggan at hindi masusukat, at nakita ko rin, tulad ng nabanggit ng ibang kapatirang lalaki at babae, ang pagkalinga at awa ng Diyos para sa sangkatauhan noong ginunaw Niya ang mundo.) (Ito ay mga bagay na talagang hindi ko alam noon. Matapos makinig sa araw na ito, pakiramdam ko na ang Diyos ay tunay na kapani-paniwala, tunay na mapagkakatiwalaan, karapat-dapat paniwalaan, at talagang umiiral Siya. Tunay kong napahahalagahan sa puso ko na ang disposisyon at pag-ibig ng Diyos ay talagang ganito katotoo. Ito ang nararamdaman ko matapos makinig sa araw na ito.) Napakagaling! Mukhang isinapuso ninyong lahat ang inyong narinig.
May napansin ba kayong isang bagay mula sa lahat ng bersikulo sa Bibliya, kasama na ang lahat ng kuwento sa Bibliya na pinagbahaginan natin sa araw na ito? Ginamit ba kailanman ng Diyos ang Kanyang sariling wika upang ipahayag ang Kanyang sariling mga kaisipan o ipaliwanag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan? May naitala ba tungkol sa Kanya na gumagamit Siya ng karaniwang wika upang sabihin kung gaano Siya nagmamalasakit o umiibig sa sangkatauhan? Hindi. Hindi ba tama iyan? Napakarami sa inyo ang nakabasa na ng Bibliya o mga librong bukod pa sa Bibliya. Mayroon bang sinuman sa inyo ang nakakita ng mga salitang ganoon? Ang sagot ay tiyak na wala! Ibig sabihin, sa mga tala ng Bibliya, kasama na ang mga salita ng Diyos o ang pagsasa-dokumento ng Kanyang gawain, hindi kailanman sa anumang kapanahunan o anumang sakop na panahon ginamit ng Diyos ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ilarawan ang Kanyang mga damdamin o ipahayag ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa sangkatauhan, ni hindi rin kailanman gumamit ang Diyos ng pananalita o anumang mga kilos upang ipahiwatig ang Kanyang mga nararamdaman at mga emosyon—hindi ba iyan ay isang katunayan? Bakit Ko sinasabi iyon? Bakit Ko kailangang banggitin ito? Dahil ito rin ay nagtataglay ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ng Kanyang disposisyon.
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang tiwali o sumusunod sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga pinakaitinatangi Niyang minamahal—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya—at hindi bilang mga laruan Niya. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa katayuan, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip o sinusubukan ng Diyos na angkinin ang papuri. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man ito o hindi sa Bibliya o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o ipinahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga bagay na ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, na may layunin na magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lamang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa kabaligtaran, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad ng lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman hinahangad ng Diyos na ang anuman sa mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay palitan ng pagkilala ng utang na loob o mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga nakasusunod sa Kanya—ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang imahinasyon, at higit rin sa anumang mabibigyang-katwiran ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o ng halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sumusubok na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang sagot ay isang mariing hindi! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? Kaya ba ng sinuman na pahalagahan kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o sa pagkakaiba ng kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa anumang mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos—na hindi kailangan ng Diyos ang mga tao na nagmamalasakit sa Kanya, upang unawain Siya o pakitaan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; hindi Siya malulungkot, hindi Siya nakadarama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa ilang pagkakataon, kung gayon ay kaya Niyang makaagapay nang mag-isa at hindi Siya mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa kabaligtaran, ang mga mahihina, isip-batang mga tao ang nangangailangan ng pampalubag-loob ng Diyos, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aaliw Niya sa kanilang mga damdamin sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar. Ang ganoong kaisipan ay nakakubli sa kaibuturan ng mga puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat, at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos na, makapangyarihan Siya sa lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.
Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pagbubunyag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Ngunit sa kabaligtaran, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng bawat tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawat tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at iniilawan sila. Sa ngalan ng lahat ng bagay na nagawa ng Diyos sa sangkatauhan at lahat ng halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Bibliya o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing hihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Wala! Sa kabaligtaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa daan ng Diyos para maabot nila ang magandang hantungan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Ngunit hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lamang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na mauunawaan ng sangkatauhan.
Bakit Ko sinasabi rito ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na nasabi Ko? Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na napakadaling hindi mapansin, isang bagay na kung ano ang mayroon ang Diyos lamang at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanman nakikipagbaratan o nakikipagtawaran sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Ngunit walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa lahat ng bagay, sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, at sa Kanyang gawain. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit Ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong “hindi makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing iyan sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Ang mismong dahilan nito ay ang pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya patuloy Niyang tinutustusan ang tao. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo ito nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi at kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo sa mga salitang ito?
Alam Kong lubhang hindi kayo bihasa sa mga paksang ito at nangangailangan ng kaunting panahon para matanto ang mga ito bago ninyo tunay na maunawaan. Habang mas hindi kayo bihasa sa mga usapin at mga paksang ito, mas napatutunayan na ang mga paksang ito ay wala sa inyong puso. Kung hindi Ko kailanman babanggitin ang mga paksang ito, may sinuman ba sa inyong makaaalam ng kahit na ano tungkol sa mga ito? Sa palagay Ko hindi ninyo kailanman malalaman ang mga ito. Tiyak iyan. Gaano man karami ang kayang maabot ng inyong isipan o maunawaan, sa madaling salita, ang mga paksang ito na tinatalakay Ko ang pinakakulang sa mga tao at dapat nilang malaman nang higit sa lahat. Ang mga paksang ito ay napakahalaga para sa lahat—ang mga ito ay itinatangi at ang mga ito ay buhay, at ito ang mga bagay na dapat ninyong taglayin para sa hinaharap na paglalakbay. Kapag wala ang mga salitang ito bilang gabay, kapag wala ang iyong pagkaunawa sa disposisyon at diwa ng Diyos, lagi ka lamang may dala-dalang katanungan pagdating sa Diyos. Paano ka makakapaniwala sa Diyos nang maayos kung hindi mo man lamang Siya nauunawaan? Wala kang alam tungkol sa damdamin ng Diyos, sa Kanyang kalooban, sa lagay ng Kanyang isip, sa kung ano ang Kanyang iniisip, kung ano ang nagpapalungkot sa Kanya, at kung ano ang nagpapasaya sa Kanya, kaya paano ka magiging mapagsaalang-alang sa puso ng Diyos?
Kapag ang Diyos ay nababalisa, hinaharap Niya ang isang sangkatauhan na hindi man lamang nagbibigay sa Kanya ng anumang pansin, isang sangkatauhan na sumusunod sa Kanya at nagsasabing mahal Siya ngunit lubusang hindi pinapansin ang Kanyang mga nararamdaman. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Sa gawaing pamamahala ng Diyos, tapat Siyang nagsasakatuparan ng Kanyang gawain at nangungusap sa bawat tao, at hinaharap Niya sila nang walang pasubali o itinatago, ngunit sa kabaligtaran, ang bawat taong sumusunod sa Kanya ay sarado sa Kanya, at walang sinumang may gustong mas mapalapit sa Kanya, maunawaan ang Kanyang puso, o magbigay-pansin sa Kanyang mga nararamdaman. Kahit ang mga nagnanais na maging malapit sa Diyos ay ayaw mapalapit sa Kanya, maging mapagsaalang-alang sa Kanyang puso, o subukang maunawaan Siya. Kapag ang Diyos ay nagagalak at masaya, walang sinumang makababahagi sa Kanyang kasayahan. Kapag mali ang pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos, walang sinumang makapagbibigay-aliw sa Kanyang sugatang puso. Kapag nasasaktan ang Kanyang puso, wala ni isang tao ang may gustong makinig sa Kanyang pagbubukas-loob sa kanila. Sa nagdaang ilang libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, walang sinumang nakauunawa sa mga damdamin ng Diyos, walang sinumang nakaiintindi o nakapagpapahalaga sa mga ito, at mas lalong walang sinumang nakatatayo sa tabi ng Diyos upang makibahagi sa Kanyang mga kagalakan at mga kapighatian. Ang Diyos ay namamanglaw. Siya ay namamanglaw! Namamanglaw ang Diyos hindi lamang dahil lumalaban sa Kanya ang natiwaling sangkatauhan, kundi lalong dahil sa kanila na nagsisikap na maging espirituwal, dahil sa kanila na nagnanais na makilala ang Diyos at maunawaan Siya, at maging ang mga gustong mag-alay ng kanilang buong buhay sa Kanya ay hindi rin alam ang Kanyang mga iniisip at hindi nauunawaan ang Kanyang disposisyon at Kanyang mga damdamin.
Sa katapusan ng kuwento ni Noe, nakikita nating gumamit ang Diyos ng di-karaniwang paraan upang ipahayag ang Kanyang mga damdamin sa panahong iyon. Ang paraang ito ay lubhang natatangi: ang gumawa ng tipan sa tao na nagpapahayag ng katapusan sa paggamit ng Diyos sa baha upang gunawin ang mundo. Sa panlabas, ang paggawa ng isang tipan ay para bang napakapangkaraniwang bagay. Walang ginagawa dito kundi gumamit ng mga salita upang bigkisin ang magkabilang partido at pigilan sila sa paglabag ng kanilang napagkasuduan para mapangalagaan ang mga kapakanan ng magkabilang panig. Sa anyo, ito ay isang napakapangkaraniwang bagay, ngunit ang nasa likod na mga dahilan at layunin ng paggawa ng Diyos ng bagay na ito ay isang tunay na pagbubunyag ng disposisyon at lagay ng isipan ng Diyos. Kung isasantabi mo lamang ang mga salitang ito at hindi papansinin, kung hindi Ko kailanman sabihin sa inyo ang katotohanan ng mga bagay-bagay, hindi talaga kailanman malalaman ng sangkatauhan ang pag-iisip ng Diyos. Marahil sa iyong imahinasyon ay nakangiti ang Diyos nang ginawa Niya ang tipang ito, o marahil ay seryoso ang mukha Niya, ngunit ano man ang pinakakaraniwang pagpapahayag ng Diyos sa mga imahinasyon ng mga tao, walang sinuman ang makakakita sa puso ng Diyos o sa Kanyang nadaramang sakit, at lalo na ng Kanyang pamamanglaw. Walang makagagawang pagkatiwalaan sila ng Diyos o maging karapat-dapat sa tiwala ng Diyos, o maging isang taong mapagpapahayagan ng Kanyang mga iniisip o mapagbubuksan Niya ng nadarama Niyang sakit. Iyan ang dahilan kung bakit walang ibang maaaring gawin ang Diyos kundi ang gawin ang ganoong bagay. Sa pang-ibabaw, madaling bagay ang ginawa ng Diyos na pagpapaalam sa naunang sangkatauhan, pagsasaayos sa nakaraan at ganap na pagtatapos ng paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha. Subalit ibinaon ng Diyos ang sakit mula sa sandaling ito sa kaibuturan ng Kanyang puso. Sa panahong walang sinumang mapagbubuksang-loob ang Diyos, gumawa Siya ng tipan sa sangkatauhan, sinasabi sa kanilang hindi na ulit Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kapag lumilitaw ang bahaghari, ito ay upang ipaalala sa mga tao na minsan ay naganap ang ganoong pangyayari at upang magbabala sa kanila na huwag gumawa ng kasamaan. Kahit na sa ganoong kasakit na kalagayan, hindi kinalimutan ng Diyos ang sangkatauhan at nagpakita pa rin ng napakalaking malasakit para sa kanila. Hindi ba ito ang pag-ibig at pagiging hindi makasarili ng Diyos? Ngunit ano ang iniisip ng mga tao kapag sila ay nagdurusa? Hindi ba’t ito ang panahong pinakakailangan nila ang Diyos? Sa mga panahong tulad nito, laging kinakaladkad ng mga tao ang Diyos palapit sa kanila upang mabigyan Niya sila ng kaginhawahan. Kailanman, hinding-hindi bibiguin ng Diyos ang mga tao, at lagi Niyang bibigyang-kakayahan ang mga tao na makaahon mula sa kanilang mga mabibigat na suliranin at mabuhay sa liwanag. Bagama’t tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan, sa puso ng tao, ang Diyos ay isa lamang pildoras na pampalakas-loob, isang gamot na nakapagpapaginhawa. Kapag ang Diyos ay nagdurusa, kapag sugatan ang Kanyang puso, ang pagkakaroon ng isang nilikha o sinumang taong sasamahan Siya o pagiginhawahin Siya ay walang-dudang isang marangyang pagnanais lamang para sa Diyos. Hindi kailanman pinapansin ng tao ang mga damdamin ng Diyos, kaya hindi kailanman humihingi ang Diyos ni umaasa na mayroong sinumang makaaaliw sa Kanya. Ginagamit lamang Niya ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ipahayag ang lagay ng Kanyang damdamin. Hindi iniisip ng mga tao na malaking paghihirap para sa Diyos ang dumaan sa ilang pagdurusa, ngunit kapag talagang sinubukan mo lamang na maunawaan ang Diyos, kapag totoong napahahalagahan mo ang mga taimtim na hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, madarama mo ang kadakilaan ng Diyos at ang Kanyang pagiging hindi makasarili. Bagama’t gumawa ang Diyos ng isang tipan sa sangkatauhan gamit ang bahaghari, hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kanino kung bakit Niya ginawa ito—bakit Niya itinatag ang tipan na ito—nangangahulugang hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kaninuman ang Kanyang totoong mga kaisipan. Ito ay dahil walang sinumang nakaiintindi sa lalim ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, at wala ring sinumang makapagpapahalaga kung gaano talaga kasakit ang pinagdusahan ng Kanyang puso noong nilipol Niya ang sangkatauhan. Kaya kahit sabihin Niya sa mga tao kung ano ang nadarama Niya, hindi nila kayang isagawa ang pagkakatiwalang ito. Kahit nasasaktan Siya, nagpapatuloy pa rin Siya sa susunod na hakbang ng gawain Niya. Laging ibinibigay ng Diyos ang pinakamahusay na panig Niya at ang mga pinakamahusay na bagay sa sangkatauhan habang tahimik na dinadala Niya Mismo ang lahat ng pagdurusa. Hindi kailanman lantarang ipinahahayag ng Diyos ang mga pagdurusang ito. Sa halip, tinitiis Niya ang mga ito at tahimik na naghihintay. Ang pagtitiis ng Diyos ay hindi malamig, manhid, o walang-magawa, ni hindi ito tanda ng kahinaan. Bagkus, ang pag-ibig at diwa ng Diyos ay palaging hindi makasarili. Ito ay isang likas na pagbubunyag ng Kanyang diwa at disposisyon, at isang totoong pagsasakatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang tunay na Lumikha.
Sa pagsasabi Ko nito, maaaring may ilang tao ang magkamali sa pagpakahulugan sa ibig Kong sabihin, at isipin, “Ang paglalarawan ba sa damdamin ng Diyos nang ganoon kadetalye, nang may malaking kagilalasan, ay sinasadya upang makadama ng pagdaramdam ang mga tao para sa Diyos?” Iyon ba ang layunin nito? (Hindi.) Ang tanging layunin Ko sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay upang mas makilala ninyo ang Diyos, upang maunawaan ang hindi mabilang na aspeto Niya, maunawaan ang Kanyang mga damdamin, upang mapahalagahan na ang diwa at disposisyon ng Diyos ay, nang tunay at unti-unti, ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang gawain, na kabaligtaran ng ipinapakita ng hungkag na mga salita ng tao, ng mga salita at doktrina nila, o mga imahinasyon nila. Ang ibig sabihin, ang Diyos at ang diwa ng Diyos ay talagang umiiral—hindi sila mga ipininta, hindi mga haka-haka, hindi binuo ng tao, at tiyak na hindi ginawa ng tao. Nakikita na ba ninyo ito ngayon? Kung talagang nakikita ninyo ito, nakamit nga ng mga salita Ko sa araw na ito ang kanilang layunin.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I