Sa araw na ito ay magbabahagi Ako sa inyo tungkol sa isang bagong paksa. Ano ang paksang ito? Ang pamagat nito ay: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay.” Hindi ba medyo napakalaki ng paksang ito? Para bang hindi ninyo ito kayang abutin? “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”—maaaring isipin ng mga tao na malayong mangyari ang paksang ito, ngunit kailangan itong maunawaan ng lahat ng sumusunod sa Diyos, dahil hindi ito maihihiwalay sa kaalaman ng bawat tao tungkol sa Diyos at sa kanilang kakayahang palugurin at katakutan Siya. Kaya nga Ako magbabahagi tungkol sa paksang ito. Medyo posible na may simple at naunang pagkaunawa ang mga tao sa paksang ito, o marahil ay batid nila ito kahit paano. Maaaring ang kaalaman o kamalayang ito, sa isipan ng ilang tao, ay may kalakip na isang simple o mababaw na antas ng pagkaunawa. Maaaring ang iba ay may ilang espesyal na karanasan sa kanilang puso na nag-akay sa kanila patungo sa malalim at personal na karanasan sa paksang ito. Ngunit ang naunang kaalamang iyon, malalim man o mababaw, ay may pinapanigan at hindi sapat ang katiyakan. Kaya, ito ang dahilan kaya Ko napili ang paksang ito para sa pagbabahagi: upang tulungan kayong magtamo ng mas malalim at mas tiyak na pagkaunawa. Gagamit Ako ng isang espesyal na paraan upang magbahagi sa inyo tungkol sa paksang ito, isang pamamaraang hindi pa natin nagamit noon, isang pamamaraan na maaari ninyong matagpuan na medyo hindi pangkaraniwan, o medyo hindi komportable. Malalaman ninyo ang ibig Kong sabihin pagkatapos. Mahilig ba kayo sa mga kuwento? (Oo.) Kung gayon, tila mabuti ang pasiya Kong magkuwento, yamang mahilig kayong lahat sa mga ito. Ngayon, magsimula na tayo. Hindi na ninyo kailangang magtala. Hinihiling Ko na maging kalmado kayo, at huwag malikot. Maaari kayong pumikit kung sa tingin ninyo’y maaari kayong magambala ng inyong kapaligiran o ng mga tao sa paligid ninyo. Mayroon Akong isang magandang kuwentong ilalahad sa inyo. Ito ay isang kuwento tungkol sa isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao. Sino ang mga pangunahing tauhan dito? (Isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao.) Isa ba ang Diyos sa kanila? (Hindi.) Gayon pa man, natitiyak Ko na magiginhawahan at masisiyahan kayo pagkatapos ninyong marinig ang kuwentong ito. Ngayon, mangyaring tahimik na makinig.
Nalaglag sa lupa ang isang maliit na binhi. Bumuhos ang napakalakas na ulan, at nagkaroon ng murang usbong ang binhi, habang ang mga ugat nito ay dahan-dahang sumiksik sa ilalim ng lupa. Lumago ang usbong sa paglipas ng panahon, na tinitiis ang malulupit na hangin at matitinding ulan, na sumasaksi sa pagpapalit ng mga panahon habang lumalaki at lumiliit ang buwan. Sa tag-araw, nagkaloob ng tubig ang lupa upang makayanan ng usbong ang nakakapasong init ng panahon. At dahil sa lupa, hindi natuyo sa init ang usbong, at sa gayon ay lumipas ang pinakamalalang init ng tag-araw. Pagsapit ng taglamig, binalot ng mainit na yakap ng lupa ang usbong, at kumapit nang mahigpit ang lupa at usbong sa isa’t isa. Binigyan ng lupa ng init ang usbong, at sa gayon ay nabuhay ito sa kabila ng masaklap na lamig ng panahon, at hindi napinsala ng malalamig na unos at bagyo ng niyebe. Kinakanlungan ng lupa, lumagong matapang at masaya ang usbong; pinagyaman ng lupa nang walang pag-iimbot, lumago ito nang malusog at matatag. Masaya itong lumago, umaawit sa ulan, sumasayaw at umiindayog sa ihip ng hangin. Umaasa ang usbong at ang lupa sa isa’t isa …
Lumipas ang mga taon, at lumago ang usbong at naging matayog na puno. Matatag itong tumayo sa ibabaw ng lupa, na may matatabang sanga na may napakaraming dahon. Ang mga ugat ng puno ay patuloy na nakabaon sa lupa tulad ng dati, at nakabaon na nang malalim sa lupa. Ang lupa, na minsang nagprotekta sa munting usbong, ang siya na ngayong pundasyon para sa isang napakalaking puno.
Isang sinag ng sikat ng araw ang kuminang sa puno. Inindayog ng puno ang katawan nito at iniunat nang husto ang mga sanga nito at sininghot nang malalim ang hanging naliliwanagan ng araw. Pagkatapos noon, umihip ang sariwang hangin mula sa mga sanga, at nanginig sa tuwa ang puno, na masiglang kumikislot-kislot. Umaasa ang puno at ang sikat ng araw sa isa’t isa …
Naupo ang mga tao sa malamig na lilim ng puno at nagpakasaya sa mabilis at mabangong hangin. Nilinis ng hangin ang kanilang puso’t mga baga, at nilinis nito ang dugong nananalaytay sa kanila, at hindi na matamlay o mabigat ang kanilang katawan. Umaasa ang mga tao at ang puno sa isa’t isa …
Dumapo ang isang kawan ng humuhuning mga ibon sa mga sanga ng puno. Marahil ay lumapag ang mga ito roon upang iwasan ang isang maninila, o upang magparami at palakihin ang kanilang mga inakay, o marahil ay nagpapahinga lang sila sandali. Umaasa ang mga ibon at ang puno sa isa’t isa …
Ang mga ugat ng puno, na baluktot at buhul-buhol, ay nakabaon nang malalim sa lupa. Gamit ang katawan nito, kinanlungan nito ang lupa mula sa hangin at ulan, at iniunat ang mga sanga nito upang protektahan ang lupa sa paanan nito. Ginawa iyon ng puno dahil ang lupa ang ina nito. Pinalalakas nila ang isa’t isa at umaasa sila sa isa’t isa, at hindi sila kailanman maghihiwalay …
Kaya, nagwawakas ang kuwentong ito. Ang ikinuwento Ko ay tungkol sa isang binhi, lupa, isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at tao. Iilang tagpo lamang iyon. Ano ang ipinadama nito sa inyo? Kapag nagsasalita Ako sa ganitong paraan, nauunawaan ba ninyo ang sinasabi Ko? (Nauunawaan namin.) Sabihin naman ninyo ang nadama ninyo. Ano ang nadama ninyo matapos marinig ang kuwentong ito? Dapat Ko munang sabihin sa inyo na lahat ng tauhan sa kuwento ay makikita at mahahawakan; totoo ang mga ito, hindi mga talinghaga. Nais Kong isaalang-alang ninyo ang Aking sinabi. Walang anumang malabo sa Aking kuwento, at maipapahayag ang mga pangunahing punto nito sa ilang pangungusap mula sa kuwento. (Maganda ang inilalarawan ng kuwentong narinig namin. Nabuhay ang isang binhi at habang ito ay lumalago, nararanasan nito ang apat na panahon ng taon: tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig. Pinagyaman ng lupa ang umuusbong na binhi na tulad ng gagawin ng isang ina. Binibigyan nito ang usbong ng init sa taglamig upang matagalan nito ang lamig. Nang maging puno na ang usbong, sinisinagan ng sikat ng araw ang mga sanga nito, na nagdudulot dito ng labis na kagalakan. Nakikita ko na sa lahat ng nilikha ng Diyos, buhay rin ang lupa, at na umaasa ito at ang puno sa isa’t isa. Nakikita ko rin ang matinding init na ipinagkakaloob ng sikat ng araw sa puno, at nakikita ko nakikitipon ang mga ibon, karaniwang nilalang man ang mga ito, sa puno at sa mga tao sa isang larawan ng lubos na pagkakaisa. Ito ang nadama ko sa puso ko nang pakinggan ko ang kuwentong ito; napagtanto ko na lahat ng bagay ay talagang buhay.) Magaling! May idaragdag pa ba ang sinuman? (Sa kuwentong ito ng isang binhing umuusbong at lumalago hanggang sa maging isang mataas na puno, nakikita ko ang pagiging kamangha-mangha ng likha ng Diyos. Nakikita ko na ginawa ng Diyos na lahat ng bagay ay nagpapatibay at umaasa sa isa’t isa, at na lahat ng bagay ay magkakaugnay at naglilingkod sa isa’t isa. Nakikita ko ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, at nakikita ko na Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.)
Lahat ng kasasabi Ko pa lang ay isang bagay na nakita na ninyo dati. Ang mga binhi, halimbawa—lumalago ang mga ito at nagiging mga puno, at bagama’t maaaring hindi mo kayang makita ang bawat detalye ng proseso, alam mo na nangyayari ito, hindi ba? Alam mo rin ang tungkol sa lupa at sa sikat ng araw. Ang imahe ng mga ibong nakadapo sa isang puno ay isang bagay na nakita na ng lahat, tama ba? At ang imahe ng mga taong nagpapalamig sa lilim ng isang puno—nakita na ninyong lahat ito, tama ba? (Oo.) Kung gayon, kapag nasa iisang imahe lamang ang lahat ng bagay na ito, ano ang ipinadarama ng imahe? (Damdamin ng pagkakaisa.) Nagmumula ba sa Diyos ang bawat isa sa mga bagay na nasa imaheng iyon? (Oo.) Dahil nagmumula sila sa Diyos, alam ng Diyos ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral sa mundo ng lahat ng iba’t ibang bagay na ito. Nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, nang planuhin at likhain Niya ang bawat bagay, ginawa Niya iyon nang may layon; at nang likhain Niya ang mga bagay na iyon, bawat isa ay puno ng buhay. Ang kapaligirang nilikha Niya para sa pag-iral ng sangkatauhan, tulad ng kalalarawan sa ating kuwento, ay isang kapaligiran kung saan umaasa ang mga binhi at ang lupa sa isa’t isa, kung saan mapagyayaman ng lupa ang mga binhi at nakabaon ang mga binhi sa lupa. Ang ugnayang ito ay itinalaga ng Diyos sa pinakasimula ng Kanyang paglikha. Ang tagpo ng isang puno, sikat ng araw, mga ibon, at mga tao ay isang paglalarawan ng buhay na kapaligirang nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan. Una, hindi maaiiwanan ng puno ang lupa, ni hindi ito maaaring mawalan ng sikat ng araw. Kung gayon, ano ang layunin ng Diyos sa paglikha ng puno? Masasabi ba natin na para lamang ito sa lupa? Masasabi ba natin na para lamang ito sa mga ibon? Masasabi ba natin na para lamang ito sa mga tao? (Hindi.) Ano ang kaugnayan sa pagitan nila? Ang kaugnayan sa pagitan nila ay pinalalakas nila ang isa’t isa, umaasa sila sa isa’t isa at hindi sila mapaghihiwalay. Ibig sabihin, ang lupa, ang puno, ang sikat ng araw, ang mga ibon, at ang mga tao ay umaasa sa isa’t isa para umiral at pangalagaan ang isa’t isa. Pinoprotektahan ng puno ang lupa, at pinagyayaman ng lupa ang puno; pinalalakas ng sikat ng araw ang puno, samantalang nakakakuha ng sariwang hangin ang puno mula sa sikat ng araw at binabawasan ang nakakapasong init ng araw sa lupa. Sino ang nakikinabang dito sa huli? Ang sangkatauhan, hindi ba? Ito ay isa sa mga prinsipyo sa likod ng kapaligirang tinitirhan ng sangkatauhan, na nilikha ng Diyos; ito ang nilayon ng Diyos noong una pa man. Kahit simple ang imaheng ito, makikita natin dito ang karunungan ng Diyos at ang Kanyang layon. Hindi mabubuhay ang sangkatauhan kung wala ang lupa, o wala ang mga puno, lalo na kung wala ang mga ibon at ang sikat ng araw. Hindi ba ganoon ito? Kahit ito ay isang kuwento lamang, ang ipinapakita nito ay isang munting paglalarawan ng paglikha ng Diyos sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay at sa Kanyang kaloob na isang kapaligiran kung saan maaaring mabuhay ang sangkatauhan.
Nilikha ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay para sa sangkatauhan, pati na ang isang kapaligiran upang tirhan. Una, ang pangunahing puntong tinalakay ng ating kuwento ay ang pagpapalakas sa isa’t isa, pag-asa sa isa’t isa, at ang pag-iral ng lahat ng bagay nang magkakasama. Sa ilalim ng prinsipyong ito, ang kapaligiran ng pag-iral ng sangkatauhan ay protektado; maaari itong umiral at mapanatili. Dahil dito, ang sangkatauhan ay maaaring umunlad at magparami. Ang imaheng nakita natin ay ang puno, ang lupa, sikat ng araw, mga ibon, at mga tao na magkakasama. Nasa imaheng ito ba ang Diyos? Hindi Siya nakita roon ninuman. Ngunit nakita nga ng isang tao ang panuntunan ng pagpapalakas at pag-asa sa isa’t isa sa pagitan ng mga bagay sa tagpong ito; sa panuntunang ito, nakikita ng isang tao ang pag-iral at dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang prinsipyong iyon at patakarang iyon upang ingatan ang buhay at pag-iral ng lahat ng bagay. Sa ganitong paraan, naglalaan Siya para sa lahat ng bagay at para sa sangkatauhan. May koneksyon ba ang kuwentong ito sa ating pangunahing tema? Sa tingin, parang wala, ngunit ang totoo, ang panuntunang ginamit ng Diyos sa paglikha ng lahat ng bagay at sa Kanyang kapamahalaan sa lahat ng bagay ay lubhang nauugnay sa Kanyang pagiging pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Ang mga katunayang ito ay hindi mapaghihiwalay. Ngayon ay nagsisimula na kayong matuto!
Ang Diyos ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa operasyon ng lahat ng bagay; Siya ang nag-uutos sa mga patakarang namamahala sa ikabubuhay ng lahat ng bagay; Siya ang nagkokontrol sa lahat ng bagay, at nagtatalaga sa mga ito na kapwa magpatibay at umasa sa isa’t isa, para hindi mapahamak o maglaho ang mga ito. Sa gayon lamang maaaring patuloy na mabuhay ang sangkatauhan; sa gayon lamang sila maaaring mabuhay sa ilalim ng patnubay ng Diyos sa gayong kapaligiran. Ang Diyos ang maestro ng mga patakarang ito ng operasyon, at walang sinuman ang maaaring makialam sa mga ito, ni hindi nila mababago ang mga ito. Tanging ang Diyos Mismo ang nakakaalam sa mga patakarang ito at Siya Mismo lamang ang nakapamamahala sa mga ito. Kung kailan uusbong ang mga puno, kung kailan uulan, gaano karaming tubig at gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng lupa sa mga halaman; sa anong panahon malalaglag ang mga dahon; sa anong panahon mamumunga ang mga puno; gaano karaming sustansiya ang ibibigay ng sikat ng araw sa mga puno; ano ang ihihingang palabas ng mga puno matapos mapakain ng sikat ng araw—ang lahat ng bagay na ito ay patiunang itinalaga ng Diyos nang likhain Niya ang lahat ng bagay, bilang mga patakaran na walang makasisira. Ang mga bagay na nilikha ng Diyos, maging sila ay buhay o lumilitaw na walang buhay sa mga mata ng tao, ay nasa kamay Niya, kung saan Niya sila kinokontrol at pinaghaharian. Walang sinuman ang makapagbabago o makasisira sa mga patakarang ito. Ibig sabihin, nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, patiunang itinakda Niya na kung wala ang lupa, ang puno ay hindi maaaring magkaugat, umusbong, at lumago; na kung ang lupa ay walang mga puno, ito ay matutuyo; na ang puno ang magiging tahanan ng mga ibon at ang lugar kung saan sila maaaring magkanlong mula sa malakas na hangin. Mabubuhay ba ang puno kung wala ang lupa? Hinding-hindi. Mabubuhay ba ito kung walang araw o ulan? Hindi rin. Ang lahat ng bagay na ito ay para sa sangkatauhan, para sa ikabubuhay ng sangkatauhan. Mula sa puno, nakatatanggap ang tao ng sariwang hangin, at nabubuhay sa ibabaw ng lupa, na pinangangalagaan ng puno. Hindi mabubuhay ang tao nang walang sikat ng araw o iba’t ibang mga bagay na nabubuhay. Bagaman kumplikado ang mga ugnayang ito, kailangan mong tandaan na nilikha ng Diyos ang mga patakaran na namamahala sa lahat ng bagay upang mapalakas ng mga ito ang isa’t isa, umasa ang mga ito sa isa’t isa, at sama-samang umiral. Sa madaling salita, bawa’t isang bagay na Kanyang nilikha ay may halaga at kabuluhan. Kung ang Diyos ay lumikha ng isang bagay na walang kabuluhan, paglalahuin ito ng Diyos. Ito ay isa sa mga pamamaraan na ginagamit ng Diyos upang maglaan para sa lahat ng bagay. Ano ang tinutukoy ng mga salitang “maglaan para sa” sa kuwentong ito? Dinidiligan ba ng Diyos ang puno araw-araw? Kailangan ba ng puno ang tulong ng Diyos para makahinga? (Hindi.) Ang “maglaan para sa” dito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay pagkatapos ng kanilang paglikha; sapat na para sa Diyos na pamahalaan ang mga ito matapos itatag ang mga patakarang namamahala sa kanila. Sa sandaling maitanim ang binhi sa lupa, ang puno ay lumalagong mag-isa. Ang mga kondisyon para sa paglago nito ay nilikha lahat ng Diyos. Ginawa ng Diyos ang sikat ng araw, ang tubig, ang lupa, ang hangin, at ang nakapaligid na kapaligiran; ginawa ng Diyos ang malakas na hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan at ang apat na panahon. Ito ang mga kondisyon na kinakailangan ng puno upang lumago, at ito ang mga bagay na inihanda ng Diyos. Kaya, ang Diyos ba ang pinagmumulan nitong buhay na kapaligiran? (Oo.) Kailangan bang bilangin ng Diyos ang bawa’t dahon sa mga puno araw-araw? Hindi! Ni hindi rin kailangan na tulungan ng Diyos ang puno na makahinga o gisingin araw-araw ang sikat ng araw, na nagsasabing, “Oras na upang magbigay ng liwanag sa mga puno ngayon.” Hindi Niya kailangang gawin iyon. Ang araw ay sumisikat nang kusa kapag oras na para sumikat ito, alinsunod sa mga patakaran; lumilitaw at nagliliwanag ito sa puno at sinisipsip ng puno ang sikat ng araw kapag kinakailangan, at kapag hindi, ang puno ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng mga patakaran. Maaaring hindi ninyo kayang ipaliwanag ang kababalaghang ito nang malinaw, nguni’t ito ay isang katunayan gayunpaman, na maaaring makita at kilalanin ng lahat. Ang dapat mo lang gawin ay tanggapin na ang mga patakarang namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay mula sa Diyos, at malaman na ang Diyos ay may kapangyarihan sa paglago at ikabubuhay ng lahat ng bagay.
Ngayon, naglalaman ba ang kuwentong ito ng tinutukoy ng mga tao na isang “metapora”? Ito ba ay isang personipikasyon? (Hindi.) Totoo ang naikuwento Ko. Lahat ng klase ng bagay na nabubuhay, lahat ng bagay na may buhay, ay pinamamahalaan ng Diyos; bawat bagay na nabubuhay ay pinuspos ng buhay ng Diyos nang likhain ito; ang buhay ng bawat bagay na nabubuhay ay nagmumula sa Diyos at sumusunod sa landas at mga batas na gumagabay rito. Hindi kinakailangan ng tao na baguhin ito, ni hindi nito kinakailangan ang tulong ng tao; ito ang isa sa mga paraan na naglalaan ang Diyos para sa lahat ng bagay. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Palagay ba ninyo kailangan itong kilalanin ng mga tao? (Oo.) Kaya, may kinalaman ba ang kuwentong ito sa biology? May kaugnayan ba ito kahit paano sa isang larangan ng kaalaman o isang sangay ng pag-aaral? Hindi biology ang tinatalakay natin, at tiyak na hindi tayo nagsasagawa ng pagsasaliksik sa biology. Ano ang pangunahing ideya ng ating pag-uusap? (Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.) Ano ang nakita ninyo sa lahat ng bagay na nilikha? Nakakita ba kayo ng mga puno? Nakita na ba ninyo ang lupa? (Oo.) Nakita na ninyo ang sikat ng araw, hindi ba? Nakakita na ba kayo ng mga ibong nakadapo sa mga puno? (Oo.) Masaya ba ang sangkatauhan na mamuhay sa gayong kapaligiran? (Oo.) Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang lahat ng bagay—ang mga bagay na Kanyang nilikha—upang mapanatili at maprotektahan ang tahanan ng sangkatauhan, ang kapaligiran ng kanilang buhay. Sa ganitong paraan, naglalaan ang Diyos para sa sangkatauhan at para sa lahat ng bagay.
Nagustuhan ba ninyo ang estilo ng pananalitang ito, ang paraan ng Aking pagbabahagi? (Madali itong maunawaan, at maraming halimbawa sa tunay na buhay.) Hindi hungkag ang mga salitang sinasabi Ko, hindi ba? Kailangan ba ng mga tao ang kuwentong ito upang maunawaan na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay? (Oo.) Kung gayon, magpatuloy tayo sa ating susunod na kuwento. Ang susunod na kuwento ay medyo naiiba ang nilalaman, at medyo iba rin ang tuon. Lahat ng lumilitaw sa kuwentong ito ay nakikita mismo ng mga tao sa mga nilikha ng Diyos. Ngayon, sisimulan Ko ang susunod Kong ikukuwento. Mangyari lamang na makinig kayo nang tahimik at tingnan ninyo kung mauunawaan ninyo ang ibig Kong sabihin. Pagkatapos Kong magkuwento, tatanungin Ko kayo ng ilang bagay upang makita kung gaano karami ang natutuhan ninyo. Ang mga tauhan sa kuwentong ito ay isang mataas na bundok, isang munting sapa, isang malakas na hangin, at isang napakalaking alon.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII