Read more!
Read more!

Ano ang tunay na panalangin at ano ang maaari nitong magawa

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin.

Hinango mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihiling ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pinakamaliit na hinihiling ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sasabihin sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang tanggapin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahanap sa Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

At ano naman ang nilalaman ng panalangin? Dapat kang manalangin nang paisa-isang hakbang, alinsunod sa tunay na kalagayan ng puso mo at sa gawain ng Banal na Espiritu; nakakaniig mo ang Diyos alinsunod sa Kanyang kalooban at sa mga hinihingi Niya sa tao. Kapag nagsimula kang manalangin, ibigay mo muna ang puso mo sa Diyos. Huwag kang magtangkang unawain ang kalooban ng Diyos—subukan mo lamang sabihin sa Diyos ang nasa puso mo. Kapag humarap ka sa Diyos, ganito ang sabihin mo: “Diyos ko, ngayong araw ko lamang napagtanto na dati akong sumusuway sa Iyo. Totoong ako ay tiwali at kasuklam-suklam. Sinasayang ko lang ang buhay ko. Mula sa araw na ito mabubuhay ako para sa Iyo. Mamumuhay ako nang makabuluhan at palulugurin ko ang Iyong kalooban. Nawa’y gumawa palagi sa akin ang Iyong Espiritu, patuloy akong liwanagan at tanglawan. Hayaan akong matibay at matunog na magpatotoo sa Iyong harapan. Hayaang makita ni Satanas sa amin ang Iyong kaluwalhatian, ang Iyong patotoo, at ang katibayan ng Iyong tagumpay.” Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, ganap na mapapalaya ang puso mo. Sa pagdarasal sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang puso mo sa Diyos, at kung madalas kang makapagdarasal sa ganitong paraan, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung palagi kang tatawag sa Diyos sa ganitong paraan, at magpapasya ka sa Kanyang harapan, darating ang araw na magiging katanggap-tanggap ang iyong pagpapasya sa harap ng Diyos, na matatamo ng Diyos ang iyong puso at buong pagkatao, at sa bandang huli ay gagawin ka Niyang perpekto. Para sa inyo, napakahalaga ng panalangin. Kapag nanalangin ka at tinanggap mo ang gawain ng Banal na Espiritu, aantigin ng Diyos ang puso mo, at lalakas ang loob mo na mahalin ang Diyos. Kung hindi ka magdarasal nang taos sa puso mo, kung hindi mo bubuksan ang puso mo para makipagniig sa Diyos, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa iyo. Pagkatapos mong manalangin at masabi ang nasa puso mo, kung hindi pa nasimulan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala kang natanggap na inspirasyon, ipinapakita nito na hindi tapat ang puso mo, hindi totoo ang sinasabi mo, at hindi pa rin dalisay. Pagkatapos mong manalangin, kung nakadama ka ng kasiyahan, naging katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong mga panalangin at gumagawa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Bilang isang taong naglilingkod sa harap ng Diyos, hindi maaaring hindi ka manalangin. Kung tunay mong itinuturing na makabuluhan at mahalaga ang pakikipagniig sa Diyos, maaari mo bang talikdan ang panalangin? Walang sinumang maaaring mabuhay na walang pakikipagniig sa Diyos. Kung walang panalangin, nabubuhay ka sa laman, sa pagkaalipin kay Satanas; kung walang tunay na panalangin, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Umaasa Ako na nagagawa ninyo, mga kapatid, na tunay na manalangin sa bawat araw. Hindi ito tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi tungkol sa pagtatamo ng tiyak na resulta. Handa ka bang isakripisyo ang kaunting tulog at kasiyahan upang bumangon nang maaga para sa mga panalangin sa umaga at masiyahan sa mga salita ng Diyos? Kung nagdarasal ka na may dalisay na puso at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang gaya nito, lalo kang magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ginagawa mo ito tuwing umaga, kung araw-araw mong isinasagawa na ibigay ang puso mo sa Diyos, makipagniig at makipag-usap sa Kanya, siguradong madaragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, at mas mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos. Sinasabi mo: “Diyos ko! Handa akong gampanan ang aking tungkulin. Sa Iyo ko lamang sa Iyo ko lamang kayang ilaan ang aking buong pagkatao, upang Ikaw ay magtamo ng kaluwalhatian sa amin, upang matamasa Mo ang patotoong ibinabahagi ng grupo naming ito. Isinasamo ko na gumawa Ka sa amin, upang magawa kong tunay Kang mahalin at palugurin Ka at hanapin Ka bilang aking layunin.” Habang tinatanggap mo ang pasaning ito, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Hindi ka dapat manalangin para lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi dapat ka ring manalangin para masunod ang kalooban ng Diyos at para mahalin Siya. Ito ang pinakatunay na uri ng panalangin. Nagdarasal ka ba para masunod ang kalooban ng Diyos?

Noong araw, hindi ninyo alam kung paano manalangin, at kinaligtaan ninyo ang pagdarasal. Ngayon, kailangan ninyong gawin ang inyong makakaya para sanayin ang sarili ninyo na manalangin. Kung hindi mo kayang magkaroon ng lakas ng loob na mahalin ang Diyos, paano ka nagdarasal? Sinasabi mo: “Diyos ko, walang kakayahan ang puso ko na tunay Kang mahalin. Nais kong mahalin Ka, ngunit wala akong lakas. Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka.” Kapag nakasagupa mo ang isyung ito, manalangin ka nang ganito. Kung magdarasal ka nang ganito araw-araw, unti-unting mag-iibayo ang lakas mong mahalin ang Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maging matapat ka; manalangin ka sa Diyos na alisin ang panlilinlang sa puso mo. Dalisayin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng panalangin sa lahat ng oras, maantig ka ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at unti-unting magbabago ang iyong disposisyon. Ang tunay na espirituwal na buhay ay isang buhay ng panalangin—ito ay isang buhay na inaantig ng Banal na Espiritu. Ang proseso ng pag-antig ng Banal na Espiritu ay ang proseso ng pagbabago ng disposisyon ng tao. Ang buhay na hindi inaantig ng Banal na Espiritu ay hindi isang espirituwal na buhay, kundi isang buhay lamang ng relihiyosong ritwal. Yaon lamang mga madalas maantig ng Banal na Espiritu, at naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, ang nakapasok na sa espirituwal na buhay. Ang disposisyon ng tao ay patuloy na nagbabago habang siya ay nagdarasal. Kapag lalo siyang inaantig ng Espiritu ng Diyos, lalo siyang nagiging aktibo at masunurin. Kaya unti-unti ring madadalisay ang kanyang puso, at unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon. Ganyan ang epekto ng tunay na panalangin.

Hinango mula sa “Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang panalangin ay pangunahing tungkol sa pagsasalita nang tapat. “Diyos ko! Nababatid Mo ang katiwalian ng tao. Sa araw na ito ay nakagawa ako ng isa pang hindi makatwirang bagay. Nagkaroon ako ng layunin sa kalooban ko—ako ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ako kumilos alinsunod sa Iyong kalooban o sa katotohanan. Kumilos ako ayon sa aking sariling mga layunin, at sinubukang bigyang-katwiran ang aking sarili. Ngayon ay kinikilala ko ang aking katiwalian. Hinihiling ko sa Iyo na mas liwanagan Mo ako at tulutan akong maintindihan ang katotohanan, maisagawa ito, at iwaksi ang mga katiwaliang ito.” Magsalita sa ganitong paraan; magbigay ng makatotohanang salaysay ng mga makatotohanang bagay. Kadalasan, karamihan sa mga tao ay hindi naman tunay na nananalangin, nagbabalik-tanaw lamang sila, na may kaunting kaalaman sa kanilang mga isip at kagustuhang makapagsisi, subalit ni hindi nila pinagnilayan ni naarok ang katotohanan. Ang magnilay-nilay ng mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan habang nananalangin ay lalong mas malalim kaysa pag-alaala at kaalaman lamang. Ang kasiglahang hatid sa iyo ng gawain ng Banal na Espiritu at ang kaliwanagan at pagpapalinaw na itinutustos ng Kanyang gawain sa iyo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ay umaakay sa iyo sa totoong kaalaman at tunay na pagsisisi; higit na malalalim ang mga ito kaysa sa mga kaisipan at kaalaman ng tao. Isa itong bagay na dapat mong malaman nang lubusan. Kung mababaw at gulu-gulong pag-iisip at pagsusuri lamang ang ginagawa mo, wala kang naaakmang landas kung saan magsagawa, at kakaunting progreso lamang ang nagagawa mo tungo sa katotohanan, kung gayon ay mananatili kang walang kakayahang makapagbago. May mga sandali, halimbawa, kapag nagpapasya ang mga tao na gugulin ang kanilang sarili nang taimtim sa Diyos, at suklian ang Kanyang pagmamahal nang taimtim—subalit, sa ganitong hangarin, maaaring hindi ka gumugol ng maraming enerhiya, at maaaring hindi nakatali nang buo ang iyong puso sa gawain. Datapuwat, kung matapos manalangin at maantig, gumawa ka ng isang panata at sinabing, “O Diyos, handa akong magdusa ng kahirapan; handa akong tanggapin ang Iyong mga pagsubok; at handa akong ganap na magpasakop sa Iyo. Gaano man kabigat ang aking pagdurusa, handa akong suklian ang Iyong pagmamahal. Nasisiyahan ako sa Iyong dakilang pag-ibig, at itinaas Mo ako nang gayon—dahil dito, nagpapasalamat ako sa Iyo mula sa kaibuturan ng aking puso, at ibinibigay ko ang lahat ng kaluwalhatian sa Iyo,” matapos makapag-alay ng gayong panalangin, palalakasin ang buo mong katawan, at magkakaroon ka ng landas kung saan makapagsasagawa. Ito ang bisa ng panalangin. Pagkatapos manalangin ng isang tao, nagsisimula nang gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila, nililiwanagan, tinatanglawan, and ginagabayan sila, at binibigyan sila ng pananampalataya at tapang na kinakailangan upang maisagawa ang katotohanan. May mga tao na nagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw nang walang natatamong gayong resulta, bagaman, matapos mabasa ang mga ito, kapag sila ay nagbabahagi tungkol dito, lumiliwanag ang kanilang mga puso, at nakakahanap sila ng paraang sumulong. Bilang karagdagan, kung inaantig ka ng Banal na Espiritu nang bahagya at binibigyan ka ng kaunting patnubay, pati na ng kaunting pasanin, tiyak na magiging ibang-iba ang mga resulta. Kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos nang mag-isa, maaaring medyo maantig ka, at maaaring maiyak ka, subalit mawawala lang din kaagad ang iyong naramdaman pagkaraan ng ilang sandali. Datapuwat, kung naghahandog ka ng panalanging may pagluha, isang taimtim na panalangin, o isang panalanging totoo at taos sa puso, mabibigyan ka ng sigla na kayang umabot nang ilang araw. Ito ang bisa ng panalangin. Ang layunin ng panalangin ay para lumapit ang mga tao sa Diyos at tanggapin ang mga ibibigay Niya sa kanila. Kung madalas kang nananalangin, at madalas na lumalapit sa Diyos upang makipagniig sa Kanya, at magkaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya, laging maaantig ng Diyos ang kalooban mo, at lagi kang makakatanggap ng Kanyang mga pagtustos—at sinuman na laging nakakatanggap ng mga pagtustos mula sa Diyos ay nababago, at ang kanilang mga kalagayan ay bumubuti nang bumubuti. Lalo na, kapag sama-samang nananalangin ang mga kapatid, isang lalong malaking enerhiya ang pumapailanlang pagkaraan nito, at pakiramdam nila ay may malaking bagay silang natamo. Sa katotohanan, maaaring hindi naman sila gaanong nakapagbahagi sa panahong magkakasama sila; ang panalangin ang nakapagpasigla sa kanila, sa puntong hindi na sila makapaghintay pa na talikuran ang kanilang mga pamilya at ang mundo, at wala silang anupamang gusto, at sapat nang mayroon silang Diyos. Napakadakilang pananampalataya! Ang kapangyarihang ibinibigay sa tao ng gawain ng Banal na Espiritu ay matatamasa nang walang-katapusan! Hanggang saan ang mararating mo nang hindi umaasa sa kapangyarihang iyon, at sa halip ay inaalalayan ang iyong sarili at pinatitigas ang iyong leeg habang nagpapatuloy ka sa paglakad, o umaasa sa iyong sariling pagsisikap at kagustuhan? Mabubuwal ka sa hindi kalayuan at mapapahamak; habang naglalakad ka, mauubusan ka ng lakas. Dapat panatilihin ng mga tao ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos hanggang sa huli! Subalit ang tao, habang nagpapatuloy siya sa paglakad, ay lumilihis papalayo sa Diyos. Ang Diyos ay Diyos, ang tao ay tao, at bawat isa ay may sinusundang sariling landas; binibigkas ng Diyos ang mga salita ng Diyos, at tinatahak ng tao ang kanyang sariling landas, na hindi kapareho ng sa Diyos. Kapag ang tao ay nawawalan ng lakas ng pananalig sa Diyos, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin ng ilang mga salita at humihiram ng bahagyang lakas. Pagkatapos nilang makakuha ng kaunting enerhiya, muli silang umaalis. Sa ilang sandali, nauubusan sila ng lakas, at bumabalik sa Diyos para makakuha pa. Kapag kumikilos sa ganitong paraan, hindi ito mapapanatili ng tao sa mahabang panahon; kung iiwan ng tao ang Diyos, wala silang paraan para makasulong.

Hinango mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Paminsan-minsan, ang pananangan sa Diyos ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa Diyos na gawin ang isang bagay gamit ang tiyak na mga salita, o paghingi sa Kanya ng tiyak na paggabay o pag-iingat. Sa halip, ito ay yaong kapag nakakasagupa ang mga tao ng ilang usapin, nagagawa nilang tumawag sa Kanya nang taimtim. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos kapag tumatawag ang mga tao sa Kanya? Kapag ang puso ng isang tao ay naaantig at naiisip nila ito: “O Diyos, hindi ko ito magagawang mag-isa, hindi ko alam kung paano ito gagawin, at ako ay nanghihina at negatibo…,” kapag sumaisip nila ang mga bagay na ito, alam ba ito ng Diyos? Kapag naiisip ng mga tao ang ganito, ang mga puso ba nila ay taimtim? Kapag sila ay taimtim na tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, pumapayag ba ang Diyos na tulungan sila? Sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila nakapagsabi kahit isang salita, nagpapakita sila ng kataimtiman, at kaya sumasang-ayon ang Diyos na tulungan sila. Kapag ang isang tao ay nakakasagupa ng isang napakamasalimuot na paghihirap, kapag wala silang sinumang malalapitan, at kapag nadarama nila ang lalong kawalang-pag-asa, nagtitiwala sila sa Diyos bilang kanilang tanging pag-asa. Paano sila nananalangin? Ano ang kalagayan ng kanilang pag-iisip? Sila ba ay taimtim? Mayroon bang anumang di-dalisay sa panahong iyon? Kapag nagtitiwala ka sa Diyos na parang Siya ang huling hibla na makakapitan upang iligtas ang iyong buhay, umaasang tutulungan ka Niya, na taimtim ang iyong puso. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita, ang iyong puso ay naaantig na. Ibig sabihin, ibinibigay mo ang iyong taimtim na puso sa Diyos, at ang Diyos ay nakikinig. Kapag nakikinig ang Diyos, nakikita Niya ang iyong mga paghihirap, liliwanagan ka Niya, gagabayan ka, at tutulungan ka.

Hinango mula sa “Ang mga Mananampalataya ay Dapat Munang Makaaninag sa Masasamang Kalakaran ng Mundo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

May mga pagkakataon, kapag tinatamasa mo ang mga salita ng Diyos, ang iyong espiritu ay inaantig, at nadarama mo na hindi mo mapigilang ibigin ang Diyos, na mayroong matinding lakas sa kalooban mo, at na walang anumang bagay ang hindi mo maisasantabi. Kung ganito ang nadarama mo, ikaw ay naantig na ng Espiritu ng Diyos, at ang iyong puso ay nakabaling na nang ganap sa Diyos, at mananalangin ka sa Diyos at sasabihing: “O Diyos! Kami ay tunay na itinalaga at pinili Mo. Ang Iyong kaluwalhatian ay nagbibigay sa akin ng karangalan, at nakaluluwalhati para sa akin na maging isa sa Iyong mga tao. Gugugulin ko ang anumang bagay at ibibigay ang anumang bagay upang gawin ang Iyong kalooban, at ilalaan ko ang lahat ng aking mga taon, at ang habambuhay na pagsisikap, sa Iyo.” Kapag ikaw ay nananalangin sa ganitong paraan, magkakaroon ng walang-katapusang pag-ibig at tunay na pagsunod sa Diyos sa iyong puso. Nagkaroon ka na ba ng isang karanasang kagaya nito? Kung ang mga tao ay madalas antigin ng Espiritu ng Diyos, sila ay lalong nakahanda na ilaan ang kanilang mga sarili sa Diyos sa kanilang mga panalangin: “O Diyos! Nais kong makita ang Iyong araw ng kaluwalhatian, at nais kong mabuhay para sa Iyo—walang anuman ang higit na karapat-dapat o makahulugan kaysa sa mabuhay para sa Iyo, at wala akong taglay ni katiting na pagnanais na mabuhay para kay Satanas at sa laman. Itinataas Mo ako sa pamamagitan ng pagtutulot sa akin na mabuhay para sa Iyo sa kasalukuyan.” Kapag nanalangin ka na sa ganitong paraan, madarama mo na hindi mo mapigilang ibigay ang iyong puso sa Diyos, na dapat mong makamit ang Diyos, at kasusuklaman mong mamatay nang hindi nakakamit ang Diyos habang ikaw ay nabubuhay. Pagkasabi ng gayong panalangin, magkakaroon ng di-nauubos na lakas sa kalooban mo, at hindi mo malalaman kung saan ito nagmumula; sa iyong puso ay magkakaroon ng walang-hanggang kapangyarihan, at magkakaroon ng pakiramdam na ang Diyos ay labis na kaibig-ibig, at Siya ay nararapat ibigin. Ito ay kapag naantig ka na ng Diyos. Lahat niyaong nagkaroon na ng gayong karanasan ay naantig na ng Diyos. Para sa kanila na madalas antigin ng Diyos, ang mga pagbabago ay nangyayari sa kanilang mga buhay, nagagawa nilang gawin ang kanilang pagpapasya at nakahandang ganap na kamtin ang Diyos, ang pag-ibig para sa Diyos sa kanilang mga puso ay higit na malakas, ang kanilang mga puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, wala silang pagpapahalaga sa pamilya, sa mundo, sa mga kaugnayan, o sa kanilang kinabukasan, at nakahanda silang maglaan ng habambuhay na pagsisikap sa Diyos. Lahat niyaong naantig na ng Espiritu ng Diyos ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroong taglay na pag-asa na gagawing perpekto ng Diyos.

Hinango mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. Madalas siyang manalangin kay Jesus sa mga salitang: “Panginoong Jesucristo, minsan Kitang minahal, ngunit hindi Kita tunay na minahal. Bagama’t sinabi kong may pananampalataya ako sa Iyo, kailanma’y hindi Kita minahal nang taos-puso. Iginalang lamang Kita, sinamba Kita, at pinangulilahan Kita, ngunit hindi Kita minahal kailanman ni hindi ako talaga nagkaroon ng pananampalataya sa Iyo.” Palagi siyang nanalangin upang matibay siyang makapagpasiya, at palagi siyang nahikayat sa mga salita ni Jesus at naganyak siya mula sa mga iyon. Kalaunan, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, sinubok siya ni Jesus, na inuudyukan siyang manabik pang lalo sa Kanya. Sinabi niya: “Panginoong Jesucristo! Labis akong nangungulila sa Iyo, at nananabik akong masilayan Ka. Labis akong nagkukulang, at hindi ko matumbasan ang Iyong pagmamahal. Nagmamakaawa akong kunin Mo na ako kaagad. Kailan Mo ako kakailanganin? Kailan Mo ako kukunin? Kailan ko muling masisilayan ang Iyong mukha? Ayaw ko nang mabuhay sa katawang ito, upang patuloy na maging tiwali, ni hindi ko nais na maghimagsik pa. Handa akong ilaan sa Iyo ang lahat ng mayroon ako sa lalong madaling panahon, at ayaw kong palungkutin Ka pa.” Ganito siya nanalangin, ngunit hindi niya alam sa panahong ito kung ano ang gagawing perpekto ni Jesus sa kanya. Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: “Pedro, nais kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?” Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating sumpa na ibibigay niya ang kanyang buhay sa Diyos. Kaya nga, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin mula noon ay mas bumuti pa. Nanalangin siya, sinasabing: “Panginoong Jesucristo! Minsan Kitang tinalikuran, at minsan Mo rin akong tinalikuran. Gumugol tayo ng panahon na magkahiwalay, at ng panahon na magkasama. Subalit minahal Mo ako nang higit sa lahat. Paulit-ulit akong naghimagsik laban sa Iyo at paulit-ulit Kitang pinagdalamhati. Paano ko malilimutan ang gayong mga bagay? Lagi kong isinasaisip at hindi ko kinalilimutan ang gawaing nagawa mo sa akin at ang naipagkatiwala Mo sa akin. Nagawa ko ang lahat ng makakaya ko para sa gawaing nagawa Mo sa akin. Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong papel ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako. Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo ako inaalala sa mga paglabag na iyon at na hindi Mo ako tinatrato batay sa mga iyon. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong layon at gawin ang Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at narito ako upang pag-utusan Mo.”

Hinango mula sa “Paano Nakilala ni Pedro si Jesus” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Matuto nang higit pa sa pahina Panalangin:

Share