Ang Biblia ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa Lumang Tipan ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Egipto at iligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa itaas ng mga pintuan, na sa pamamagitan nito’y nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na bayan ng Diyos, at silang lahat ay ililigtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na anak ng Egipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Walang tao o mga alagang hayop ng Egipto ang ililigtas ni Jehova; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na anak at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming aklat ng propesiya inihula na ang mga taga-Egipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na anak ng Egipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninais Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Simula noon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang magpakailanman. Mula sa labindalawang tribo ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, ilalatag Niya ang lahat ng Kanyang batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Nakipagkasundo si Jehova sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa Kanyang hinirang na bayan. Higit pa rito, pumili Siya ng naaangkop na saklaw at layon na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan na lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na nauna pa sa pagtatatag ng kasunduan, itinatala ng lahat ng iba pang mga aklat sa Lumang Tipan ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay tungkol sa mga Gentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang mga ito ay ipinangalan mula sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.
Ang Bagong Tipan ay ipinangalan mula sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at sa Kanyang kasunduan sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan dahil sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ay maliligtas sila, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat noong Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbigkas na nakapaloob dito. Hindi lumalagpas ang mga ito sa pagliligtas ng pagkapako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga aklat na ito ay ipinangalan din mula sa isang kasunduan: Tinatawag silang ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan. Kaya’t ang Biblia ay walang malaking gamit para sa mga tao ngayong mga huling araw. Masasabi lang na nagsisilbi ito bilang pansamantalang sanggunian, ngunit ito ay talagang walang gaanong halagang gamitin. Datapwa’t ito pa rin ang pinakaiingat-ingatan ng mga relihiyosong tao. Hindi nila alam ang Biblia; alam lamang nila kung paano ipaliwanag ang Biblia, ngunit walang malay sa mga pinagmulan nito. Ang kanilang saloobin sa Biblia ay: Lahat na nasa Biblia ay tama, wala itong nilalaman na mga di-kawastuan o mga pagkakamali. Dahil una na nilang napagpasyahan na ang Biblia ay tama at walang pagkakamali, pinag-aaralan nila at sinusuri ito nang may malaking interes. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay hindi inihula sa Biblia. Hindi kailanman nabanggit ang gawaing paglupig sa pinakamadilim na lugar, dahil ito ang pinakabagong gawain. Sapagkat ang kapanahunan ng gawain ay naiiba, kahit si Jesus Mismo ay hindi alam na ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa mga huling araw—kung magkagayon, paano mahahanap ng mga tao sa mga huling araw ang yugtong ito ng gawain sa Biblia sa pamamagitan ng pagsusuri rito?
Karamihan sa mga nagpapaliwanag sa Biblia ay gumagamit ng lohikal na hinuha, at walang aktwal na karanasan. Gumagamit lamang sila ng lohika upang maghinuha ng maraming bagay. Sa taun-taon, wala kahit isa ang nangahas na himay-himayin ang Biblia, o tumanggi sa Biblia, dahil ang aklat na ito ay ang “banal na aklat,” at sinasamba ito ng mga tao bilang Diyos. Ito ay nagpatuloy na sa loob ng ilang libong taon. Hindi ito pinansin ng Diyos, at walang sinuman ang nakatuklas sa kuwentong napapaloob sa Biblia. Sinasabi natin na ang pagpapahalaga sa Biblia ay pagsamba sa diyos-diyosan, gayunman ay wala sa mga taos-pusong mananampalataya ang naglalakas-loob na tingnan ito sa ganitong paraan, at kanilang sasabihin sa iyo: “Kapatid! Huwag mong sabihin iyan, iyan ay kakila-kilabot! Paano mo nagagawang lumapastangan laban sa Diyos?” Sunod, magpapakita sila na tila nasasaktan: “O maawaing Jesus, Panginoon ng kaligtasan, nakikiusap ako sa Iyo na patawarin ang kanyang mga kasalanan, sapagkat Ikaw ang Panginoon na nagmamahal sa tao, at lahat kami ay nagkasala, mangyaring ipakita sa amin ang dakilang pagkahabag, amen.” Ganyan sila “kabanal”; paano magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan? Ang pagsasabi mo niyan ay lubusang tatakot sa kanila. Wala kahit isa ang maglalakas-loob na isipin na ang Biblia ay maaaring nabahiran ng mga ideya ng tao at mga kuru-kuro ng tao, at walang sinuman ang makakakita sa depektong ito. Ang ilang nasa Biblia ay mga karanasan at kaalaman ng mga indibiduwal, ilan sa mga ito ay kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at mayroon ding pagkahalo ng talino at kaisipan ng tao. Ang Diyos ay hindi kailanman nanghimasok sa mga bagay na ito, ngunit may limitasyon: Hindi maaaring lumampas ang mga bagay na ito sa normal na kaisipan ng mga tao, at kung lumampas, ang mga ito ay nanghihimasok at gumagambala sa gawain ng Diyos. Yaong lumalampas sa normal na kaisipan ng mga tao ay gawain ni Satanas, dahil inaalis nito sa mga tao ang kanilang tungkulin, ito ay gawain ni Satanas, at pinangungunahan ni Satanas, at sa sandaling ito hindi ka pahihintulutan ng Banal na Espiritu na kumilos sa ganoong paraan. Kung minsan, ang ilang kapatid ay nagtatanong: “Puwede ba akong gumawa sa ganito-at-ganoong paraan?” Tinitingnan Ko ang kanilang tayog at sinasabi: “Puwede!” May ilang tao rin na nagsasabi: “Kung ako ay gumawa sa ganito-at-ganoong paraan, normal ba ang aking kalagayan?” At sinasabi Ko: “Oo! Ito ay normal, lalo nang normal!” Sinasabi ng iba: “Puwede ba akong gumawa sa ganitong paraan?” At sinasabi Ko: “Hindi!” Sinasabi nila: “Bakit puwede sa kanya at hindi sa akin?” At sinasabi Ko: “Dahil ang iyong ginagawa ay mula kay Satanas, ito ay isang paggambala, at ang pinagmulan ng iyong motibasyon ay nagiging mali.” May mga panahon din na ang gawain ay hindi sapat ang nararating, at hindi ito alam ng mga kapatid. Ang ilan ay nagtatanong sa Akin kung puwedeng gumawa sa isang paraan, at kapag nakita Ko na ang kanilang mga pagkilos ay hindi makakaabala sa gawain sa hinaharap, sinasabi Kong ayos lang iyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbibigay sa mga tao ng isang saklaw; ang mga tao ay hindi kailangang sundin ang mga kagustuhan ng Banal na Espiritu nang eksakto, dahil ang mga tao ay nagmamay-ari ng normal na kaisipan at kahinaan, at mayroon silang ilang makalamang pangangailangan, mayroon silang tunay na mga problema, at mayroong mga kaisipan sa kanilang mga utak na talagang hindi nila kayang kontrolin. Lahat ng Aking hinihingi sa mga tao ay may limitasyon. Ang ilan ay naniniwala na ang Aking mga salita ay malabo, na sinasabihan Ko sila na kumilos sa anumang paraan—iyon ay dahil hindi mo nauunawaan na mayroong isang angkop na saklaw sa Aking mga kinakailangan. Kung ito ay tulad ng iyong iniisip—kung ginawa Ko ang parehong mga kahilingan sa lahat ng tao nang walang pasubali, at hiningi sa kanilang lahat na abutin ang magkaparehong tayog—ito ay hindi uubra. Ito ay paghingi ng imposible, at ito ang prinsipyo ng gawain ng tao, hindi ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay isinasagawa ayon sa aktwal na mga kalagayan ng mga tao, at ito ay batay sa kanilang likas na kakayahan. Ito rin ang prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo: Dapat kang magpatuloy nang dahan-dahan, na hinahayaang mangyari nang natural ang nararapat, mauunawaan lang ng isang tao kapag malinaw mong sinasabi sa kanya ang katotohanan, at sa oras lamang na iyon nila magagawang isantabi ang Biblia. Kung hindi ginawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain, sino ang makakahiwalay sa kinaugalian? Sino ang makakagawa ng bagong gawain? Sino ang makakahanap ng isang bagong landas sa labas ng Biblia? Dahil ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng mga tao at ang pyudal na etika ay napakalubha, wala silang kakayahang alisin ang mga bagay na ito nang sila lang, at wala rin silang lakas ng loob na gawin ito. Huwag nang banggitin pa kung paanong ang mga tao ngayon ay nahawakan na ng ilang patay na salita sa Biblia, mga salitang inari na ang kanilang mga puso. Paano sila magiging handa na isuko ang Biblia? Paano nila madaling matatanggap ang isang paraang nasa labas ng Biblia? Iyon ay maliban kung malinaw mong maisasalaysay ang napapaloob na kuwento ng Biblia at ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, upang ang lahat ng tao ay lubusang mahikayat—na sukdulang kinakailangan. Ito ay dahil ang lahat ng tao sa loob ng relihiyon ay nagpipitagan sa Biblia, at sinasamba ito bilang Diyos, sinusubukan din nila na limitahan ang Diyos sa loob ng Biblia, at ang kalagayan pa nga ay na nakakamit lang nila ang kanilang mga layunin kapag muli na nilang naipako sa krus ang Diyos.