Read more!
Read more!

Sa Ilalim ng Awtoridad ng Lumikha, Perpekto ang Lahat ng Bagay

Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, kasama ang mga nakagagalaw at ang mga di-nakagagalaw, tulad ng mga ibon at isda, tulad ng mga puno at mga bulaklak, at kasama ang mga hayop sa bukid, mga insekto, at mababangis na hayop na ginawa noong pang-anim na araw—mabuti ang lahat ng ito sa mata ng Diyos, at, dagdag pa rito, sa mata ng Diyos, ang mga bagay na ito, alinsunod sa Kanyang plano, ay nakaabot lahat sa rurok ng pagkaperpekto at naabot na ang mga pamantayan na nais makamit ng Diyos. Sa paisa-isang hakbang, ginawa ng Lumikha ang gawaing Kanyang nilayong gawin ayon sa Kanyang plano. Sunud-sunod na lumitaw ang mga bagay na Kanyang hinangad na likhain, at ang paglitaw ng bawat isa ay isang salamin ng awtoridad ng Lumikha, isang pagbubuu-buo ng Kanyang awtoridad; dahil sa mga pagbubuu-buong ito, walang magagawa ang lahat ng nilalang kundi maging mapagpasalamat para sa biyaya at sa pagtustos ng Lumikha. Habang ipinamamalas ng mapaghimalang mga gawa ng Diyos ang kanilang mga sarili, lumobo ang mundong ito, nang paisa-isang piraso, dahil sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at nabago ito mula sa kaguluhan at kadiliman patungo sa kalinawan at kaliwanagan, mula sa patay na katahimikan patungo sa pagiging buhay na buhay at walang-hangganang kasiglahan. Sa lahat ng bagay ng sangnilikha, mula sa malaki hanggang sa maliit, mula sa maliit hanggang sa mikroskopiko, walang hindi nilikha sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at nagkaroon ng natatangi at likas na pangangailangan at halaga sa pag-iral ng bawat nilalang. Anuman ang mga pagkakaiba sa kanilang mga hugis at kayarian, kailangan silang magawa ng Lumikha para umiral sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha. Kung minsan ang mga tao ay makakakita ng insekto, isa na napakapangit, at sasabihin nila, “Ang insektong iyan ay nakakatakot, hindi mangyayari na ang gayong kapangit na bagay ay magagawa ng Diyos—hindi mangyayari na makakalikha Siya ng isang bagay na napakapangit.” Napakahangal na pananaw! Ang dapat nilang sabihin ay, “Kahit napakapangit ng insektong ito, ginawa ito ng Diyos, kaya tiyak na mayroon itong natatanging layunin.” Sa isipan ng Diyos, sinadya Niya na bigyan ng kani-kanilang itsura, at lahat ng uri ng mga tungkulin at mga paggagamitan, ang iba’t ibang mga bagay na may buhay na Kanyang nilikha, at kaya wala sa mga bagay na ginawa ng Diyos ang kinuha mula sa parehong hulmahan. Mula sa kanilang panlabas hanggang sa kanilang panloob na komposisyon, mula sa kanilang nakasanayang pamumuhay hanggang sa lugar na kanilang nasasakupan—magkakaiba ang bawat isa. Ang mga baka ay may itsura ng mga baka, ang mga buriko ay may itsura ng mga buriko, ang mga usa ay may itsura ng mga usa, at ang mga elepante ay may itsura ng mga elepante. Masasabi mo ba kung alin ang pinakamaganda, at alin ang pinakapangit? Masasabi mo ba kung alin ang pinakamahalaga, at aling pag-iral ang pinakahindi kailangan? May mga taong gusto ang itsura ng mga elepante, ngunit walang tao ang gumagamit ng mga elepante para magtanim sa mga bukid; may mga taong gusto ang itsura ng mga leon at tigre, dahil ang kanilang itsura ang pinakakahanga-hanga sa lahat ng bagay, ngunit kaya mo ba silang gawing alagang hayop? Sa madaling salita, pagdating sa di-mabibilang na mga bagay sa sangnilikha, kailangang umayon ang tao sa awtoridad ng Lumikha, na ang ibig sabihin ay umaayon sa kaayusan na itinakda ng Lumikha sa lahat ng bagay; ito ang pinakamatalinong saloobin. Tanging ang saloobin ng paghahanap, at pagsunod, sa orihinal na mga layunin ng Lumikha ang tunay na pagtanggap at katiyakan ng awtoridad ng Lumikha. Mabuti ito sa mata ng Diyos, kaya anong dahilan ang mayroon ang tao para maghanap ng kamalian?

Kaya, ang lahat ng bagay sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha ay tutugtog ng isang bagong simponya para sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, magsisimula ng isang maningning na pambungad para sa Kanyang gawain sa panibagong araw, at sa sandaling ito, ang Lumikha ay bubuklat din ng bagong pahina sa gawain ng Kanyang pamamahala! Ayon sa batas na itinakda ng Lumikha sa mga sariwang usbong sa tagsibol, sa pagpapahinog sa tag-init, sa pag-aani sa taglagas, at pag-iimbak sa taglamig, ang lahat ng bagay ay aayon sa plano ng pamamahala ng Lumikha, at kanilang sasalubungin ang kanilang sariling bagong araw, bagong simula, at bagong takbuhin ng buhay. Sila ay patuloy na mabubuhay at magpaparami nang sunud-sunod at walang katapusan para salubungin ang bawat araw sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Share