Naniniwala akong pamilyar tayong lahat sa salitang “Kristo.” Sa Biblia, ito ay naitala, “Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Kristo, Ang anak ng Dios na buhay. At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:15–17). Maraming tao ang nakakakita sa mga bersikulong ito at sinasabi nang hindi nag-iisip, “Si Kristo ang nagkatawang-taong Panginoong Jesus” o “Si Kristo ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos,” at sinasabi ng iba, “Si Kristo ang Anak ng tao” “Ibig sabihin ng Kristo ang Isang hinirang.” Pero nang maharap sa mga pahayag na ito, ilang tao ang nalito: Ang mga propeta, mga hari, at mga saserdote ng Lumang Tipan, hinirang silang lahat, kaya bakit hindi sila tinawag na Kristo kundi ang Panginoong Jesus lamang ang tinawag na Kristo?
Para tugunan ang tanong na ’yon, tingnan muna natin ang dalawang sipi ng salita ng Diyos, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Kristo, at ang Kristo ay ang katawang pinasukan ng Espiritu ng Diyos. Ang katawang ito ay hindi katulad ng sinumang taong may katawan. Ang pagkakaibang ito ay dahil si Kristo ay hindi nagmula sa laman at dugo kundi pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi taglay ng sinumang tao. Ang Kanyang normal na katauhan ang sumusuporta sa lahat ng Kanyang normal na mga gawain sa katawang-tao, samantalang ang Kanyang pagka-Diyos ang nagsasakatuparan ng gawain ng Diyos Mismo.” “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Kristo, at ang Kristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito…. Ang Kristo ay hindi lang ang pagpapakita ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular na katawang-tao ring tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Ang katawang-taong ito ay hindi kayang palitan ng kahit na sinong tao lang, kundi ng isang taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at maaaring katawanin nang husto ang Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao.” Ibinubunyag ng dalawang siping ito ang mga aspeto ng katotohanan tungkol sa nagkatawang-taong Diyos. Si Kristo ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, ’yon ay, ang katuparan ng Espiritu ng Diyos sa isang pang-lupang katawan na may normal na pagkatao at normal na pag-iisip. Siya ay nagiging karaniwang normal na tao para gumawa at magsalita sa mundo ng tao. Sa Kanyang panlabas na anyo, si Kristo ay isang karaniwan at normal na Anak ng tao, ngunit malaki ang Kanyang ipinagkaiba sa alinmang nilikhang nilalang. Ang taong nilikha ay mayroon lamang pagkatao, wala siya ni kaunting bakas ng banal na diwa. Gayunman, si Kristo ay hindi lamang mayroong normal na pagkatao; Mas mahalaga, Siya ay may ganap na pagka-Diyos. mayroon Siyang diwa ng Diyos, kaya Niyang katawanin ang Diyos nang lubusan, ipinapahayag ang lahat ng katotohanan bilang Diyos Mismo, ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, at pinagkakalooban ang tao ng katotohanan, daan, at buhay. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Si Kristo ang pagpapakita ng Diyos sa lupa. Dalawang libong taon na ang nakakaraan, pumunta sa lupa ang Panginoong Jesus para gumawa, tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, nagpahayag ng mga katotohanang kailangan para sa gawain ng pagtubos, nagturo sa mga tao na ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, magsisi, mahalin ang iba gaya ng pagmamahal nila sa kanilang sarili, at nagsagawa ng lahat ng uri ng mga himala, gaya ng pagpapagaling sa may sakit, pagpapalayas sa mga demonyo, pagpapagaling sa bulag, pagpapalakad sa lumpo, pagpapagaling sa mga leproso, pagbuhay sa patay, pagpapakain sa 5,000 tao mula sa limang pirasong tinapay at dalawang isda, pagpapakalma sa hangin at dagat sa isang salita, at iba pa. Ang lahat ng gawaing ito ay direktang pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, at isa ring pagpapakita ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, Ito ang mga bagay na hindi tataglayin o makakamit ng sino mang tao. Ito ay dahil ipinapahayag ni Kristo ang Kanyang banal na gawain sa isang pang-lupang katawan na may normal na pagkatao, at kayang magpahayag ng katotohanan sa ano mang oras at saan mang lugar, nagtutustos, nagdidilig, at nagpapastol sa tao, gumagabay sa lahat ng sangkatauhan na masasabi nating Siya si Kristo, ang nagkatawang-taong Diyos Mismo.
Kaya, bakit hindi matatawag na Kristo ang mga propeta o yung mga ginamit ng Diyos? Meron talagang katotohanang dapat hanapin dito. Basahin natin ang ilan sa mga sipi ng salita ng Diyos, “Sina Isaias, Ezekiel, Moises, David, Abraham, at Daniel ay mga pinuno o mga propeta sa hinirang na mga tao sa Israel. Bakit hindi sila tinawag na Diyos? Bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu sa kanila? Bakit nagpatotoo ang Banal na Espiritu kay Jesus nang sandaling nagsimula Siya ng gawain at nagsimulang magpahayag ng Kanyang mga salita? At bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu para sa iba? Sila, mga taong mula sa laman, lahat ay tinawag na ‘Panginoon.’ Hindi alintana kung ano ang tawag sa kanila, ang kanilang gawain ay kumakatawan sa kanilang diwa at pagkatao, at ang kanilang pagkatao at diwa ay kumakatawan sa kanilang pagkakakilanlan. Ang kanilang diwa ay walang kaugnayan sa kanilang katawagan; ito ay kumakatawan sa kung ano ang kanilang ipinahayag, at kung ano ang kanilang isinasabuhay. Sa Lumang Tipan, walang hindi pangkaraniwan kung ikaw ay tatawaging Panginoon, at ang isang tao ay maaaring tawagin sa kahit na anong paraan, ngunit ang kanyang diwa at likas na pagkakakilanlan ay hindi nagbabago.” “Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan, gumagabay sa buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at nagpapakita sa tao ng direksyong pasulong sa isang bagong kapanahunan. Ang kaliwanagan na natamo ng tao ay isa lamang simpleng pagsasagawa o kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang hiwaga ng Diyos Mismo. Ang Diyos, matapos ang lahat, ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao.” Mula sa mga siping ito, madali nating makikita na ang diwa ng Panginoong Hesukristo ay Diyos, na kaya niyang direktang gawin ang sariling gawain ng Diyos, ipahayag ang lahat na mayroon at ano ang Diyos, at ibigay sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Walang ibang maaaring makagawa nito sa Kanyang lugar, o maaaring makagawa nito sa ano mang paraan. Ang mga pinasama ni Satanas ay nagtataglay lang ng katauhan, hindi nakakapagpahayag ng katotohanan, at hindi nakakagawa ng gawain ng Diyos. Gaya ng sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, maraming mga sinaunang propeta gaya ni Moises, Daniel, at Isaias ang nanguna sa mga tao sa pagsunod sa mga utos at mga salita ng Diyos sa batayan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, pagpapakalat ng mga propesiya sa mga Israelita gaya ng inatas ng Diyos, o paghahatid ng mga salita ng Diyos, gaya ng mga paalala at mga babala, sa mga Israelita, at iba pa, na lubos na bumabagsak sa ilalim ng mga tungkulin ng tao. Kung wala ang mga utos ng Diyos, matitigil ang papel nila sa paghahatid ng mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nito na ang mga propeta mismo ay walang katotohanan o daan ng buhay. Mga tao lamang sila na ginamit ng Diyos at tumulong sa gawain ng Banal na Espiritu. Kahit tinawag silang mga pinili, hindi sila mga Kristo. Samakatuwid, ang Diyos ay may diwa ng Diyos, ang tao ay may diwa ng tao. Ang pagtukoy kung ang isang tao ay Kristo ay nangangailangan ng pag-alam kung siya ba ay may diwa ng Diyos, kung kaya niyang ipahayag ang katotohanan, at kung kaya niyang gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi sa pangalan kung saan siya tinawag. Kahit ano ang tawag sa kanila, ang mga nilikhang nilalang ay laging mga tao, hindi Kristo. Samakatuwid, mauunawaan natin si Kristo bilang ang nagkatawang-taong Espiritu ng Diyos. Ang diwa ni Kristo ay ang kombinasyon ng normal na pagkatao at kumpletong kabanalan, at Siya ay ang Diyos Mismo sa lupa.
Sa pagbabahaging ito, naniniwala akong meron na tayong ilang pag-unawa sa kung ano si Kristo. Para maunawaan nang mas malinaw ang aspetong ito ng katotohanan, kailangan din nating mas maghanap at mas magnilay, dahil ito ay malaki ang maitutulong sa atin sa pagsalubong sa pagbabalik ng Panginoon. Ipinopropesiya sa Biblia, “Sapagka’t gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao” (Mateo 24:27). “Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito” (Lukas 17:24–25). Binanggit ng mga propesiyang ito “ang pagparito ng Anak ng tao,” at alam nating lahat na ang nagkatawang-taong Panginoong Jesus ay tinawag na Anak ng tao at Kristo. Kaya, ang “ang pagparito ng Anak ng tao” na binanggit ng Panginoong Jesus ay maaaring tumutukoy sa Diyos na bumabalik bilang katawang-tao sa mga huling araw. Kung paano natin nauunawaan ang nagkatawang-taong Diyos at kung paano natin nauunawaan ang Kristo ng mga huling araw ay direktang nauugnay sa bagay na kung makakamit ba natin ang kaligtasan ng Diyos, kaya dapat maingat nating hanapin ang gawain at mga salita ng Diyos, pati na ang pakikinig sa tinig ng Diyos, kung tatanggapin natin ang pagpapakita ng Panginoon.