Mayroong maraming talata ng Bibliya tungkol sa paghuhukom ng Diyos sa nga huling araw, kaya paano matutupad ang mga ito? Bakit gagawin ng Diyos ang gawain ng paghuhukom sa mga huling araw? Ang paghuhukom ba ng Diyos sa mga huling araw ay pangkaligtasan o pagkondena at kaparusahan? Ano ang ugnayan sa pagitan ng paghuhukom at ang ating pagtakas sa kasalanan at pagpasok sa kaharian ng langit? Ang mga sumusunod na nilalaman ay maghahayag sa inyo ng kasagutan.
At aking lalapitan kayo sa kahatulan; ...sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Sa harap ng Panginoon; sapagka't siya'y dumarating: sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.
Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.
At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.
Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.
At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao.
Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios.
Isang mabangis na sigalbo ay lumabas at nagmula sa harap niya: mga libo libo ang naglilingkod sa kaniya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nagsitayo sa harap niya: ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.
At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.
At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.
At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon. At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem. At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.
At mangyayari, na sa buong lupain, sabi ng Panginoon, dalawang bahagi ay mahihiwalay at mamamatay; nguni't ang ikatlo ay maiiwan. At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila'y dadalisayin ko na parang pilak na dalisay, at sila'y susubukin ko na parang pagsubok sa ginto. Sila'y magsisitawag sa aking pangalan, at akin silang didinggin: aking sasabihin, Siya'y bayan ko; at kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay aking Dios.
At sinabi niya, Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagka't ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay; nguni't ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama na makakaunawa; nguni't silang pantas ay mangakakaunawa.
Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.
At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.
At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari magpakailan kailan man.
Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano sa pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakárátíng na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng mga nakásúnód sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.
...
...Pagdating sa salitang “paghatol,” maiisip mo ang mga salitang sinalita ni Jehova sa lahat ng mga dako at ang mga salita ng pagsaway na sinalita ni Jesus sa mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinalita ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, magkakaibang tagpo; ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinalita ni Cristo habang hinahatulan Niya ang tao sa mga huling araw. Sa mga huling araw, Si Cristo ay gumagamit ng sari-saring mga katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at mga gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t-ibang mga katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Lalung-lalo na, yaong mga salitang naglalantad kung papaanong tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinalita patungkol sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas at isang pwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa pamamagitan ng ilang mga salita; inilalantad Niya, pinakikitunguhan, at pinupungusan ito nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhinan ng mga ordinaryong salita kundi ng katotohanan na hindi tinataglay ng tao kailanman. Ang ganitong uri ng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at higit pa ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagiging-mapanghimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na makatamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwaga na hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin ay matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagka’t ang diwa ng ganitong gawain ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginawa ng Diyos.
Ang mga taong nakakatayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—iyon ay, sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ay mga tao na papasok sa pangwakas na kapahingahan kasama ang Diyos; samakatuwid, ang mga taong pumapasok sa kapahingahan ay lahat nakawala na sa impluwensya ni Satanas at natamo na ng Diyos pagkatapos lang sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito na lubusang natamo na ng Diyos ay papasok sa huling kapahingahan. Ang kakanyahan ng gawain ng Diyos na pagkastigo at paghatol ay upang linisin ang sangkatauhan, at ito ay para sa araw ng huling kapahingahan. Kung hindi, ang buong sangkatauhan ay hindi makakasunod sa kanilang sariling uri o makapapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng Diyos na paglilinis ang lilinis sa sangkatauhan sa kanilang di-pagkamakatuwiran, at tanging ang Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol ang magbibigay-liwanag sa mga masuwaying bagay sa sangkatauhan, sa gayon ay inihihiwalay yaong mga maaaring maligtas mula roon sa mga hindi, at yaong mga mananatili mula roon sa mga hindi. Kapag natapos ang Kanyang gawain, yaong mga tao na nananatili ay lilinisin at magtatamasa ng isang mas kahanga-hangang ikalawang buhay ng tao sa lupa habang sila ay pumapasok sa isang mas mataas na dako ng sangkatauhan; sa ibang salita, sila ay papasok sa araw ng kapahingahan ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ng Diyos. Pagkatapos na sumailalim sa pagkastigo at paghatol yaong mga hindi maaaring manatili, ang kanilang orihinal na mga anyo ay ganap na mabubunyag; pagkatapos nito silang lahat ay wawasakin at, gaya ni Satanas, hindi na papayagang manatiling buhay sa ibabaw ng lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng alinman sa ganitong uri ng mga tao; ang mga taong ito ay hindi angkop na pumasok sa lupain ng sukdulang kapahingahan, ni naaangkop man sila na pumasok sa araw ng kapahingahan na pagsasaluhan ng Diyos at ng tao, sapagka’t sila ang puntirya ng kaparusahan at ang masasama, at sila ay hindi matutuwid na tao. Sila ay minsan nang tinubos, at sila rin ay hinatulan at kinastigo; sila ay minsan ding naglingkod sa Diyos, ngunit pagdating ng huling araw, sila pa rin ay aalisin at wawasakin dahil sa kanilang sariling kasamaan at dahil sa kanilang sariling pagsuway at pagka-di-matutubos. Sila ay hindi na iiral sa mundo ng hinaharap, at sila ay hindi na iiral sa gitna ng mga lahi ng tao sa hinaharap. ...Ang Kanyang panghuling gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti ay ganap na natatapos upang lubos na dalisayin ang lahat ng sangkatauhan, sa gayon ay maaari Niyang dalhin ang isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay ang pinakamaselan Niyang gawain. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawaing pamamahala. Kung hindi pinuksa ng Diyos ang masasama at sa halip ay pinababayaan Niya silang manatili, kung gayon ang buong sangkatauhan ay hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan; at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting dako. Ang ganitong uri ng gawain ay hindi ganap na matatapos. Kapag natapos Niya ang Kanyang gawain, ang buong sangkatauhan ay magiging ganap na banal. Sa ganitong paraan lang maaaring matiwasay na mamuhay ang Diyos sa kapahingahan.