Job 42:7–9 At nangyari, na pagkatapos na masabi ni Jehova ang mga salitang ito kay Job, sinabi ni Jehova kay Eliphaz na Temanita, “Ang Aking poot ay nag-aalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagkat hindi kayo nangagsalita tungkol sa Akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng Aking lingkod na si Job. Kaya’t magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa Aking lingkod na si Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng Aking lingkod na si Job: sapagkat siya’y Aking tatanggapin, baka kayo’y Aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nangagsasalita tungkol sa Akin ng bagay na matuwid, na gaya ng Aking lingkod na si Job.” Sa gayo’y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jehova: at nilingap ni Jehova si Job.
Job 42:10 At inalis ni Jehova ang pagkabihag ni Job, nang kayang idalangin ang kanyang mga kaibigan; at binigyan ni Jehova si Job na makalawa ang higit ng dami kaysa sa tinatangkilik niya dati.
Job 42:12 Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kaysa sa kanyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.
Job 42:17 Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.
Sa Job 42:7–9, sinasabi ng Diyos na si Job ay Kanyang lingkod. Ang Kanyang paggamit ng salitang “lingkod” upang tukuyin si Job ay nagpapakita ng kahalagahan ni Job sa Kanyang puso; bagama’t hindi tinawag ng Diyos si Job gamit ang mas mataas na titulo, ang pangalang ito ay walang kinalaman sa kahalagahan ni Job sa loob ng puso ng Diyos. Ang “lingkod” dito ay palayaw ng Diyos para kay Job. Ang pagtukoy ng Diyos kay Job bilang “Aking lingkod na si Job” nang maraming beses ay nagpapakita ng Kanyang pagkalugod kay Job. Kahit hindi sinabi ng Diyos ang ibig sabihin ng salitang “lingkod,” ang kahulugan ng Diyos sa salitang “lingkod” ay makikita sa Kanyang mga salita sa siping ito na galing sa kasulatan. Unang sinabi ng Diyos kay Eliphaz na Temanita: “Ang Aking poot ay nag-aalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagkat hindi kayo nangagsalita tungkol sa Akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng Aking lingkod na si Job.” Ang mga salitang ito ay ang unang pagkakataon na ang Diyos ay lantarang nagsabi sa mga tao na tinanggap Niya ang lahat nang sinabi at ginawa ni Job matapos ang mga pagsubok sa kanya ng Diyos, at ang unang pagkakataon na Siya ay lantarang nagpatibay sa kawastuhan at katumpakan ng lahat ng ginawa at sinabi ni Job. Ang Diyos ay nagalit kay Eliphaz at sa iba dahil sa kanilang mali, at wala sa katwirang diskurso, dahil, gaya ni Job, hindi nila nakikita ang pagpapakita ng Diyos o naririnig ang mga salitang sinabi Niya sa kanilang buhay, subalit si Job ay may tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, samantalang sila ay bulag na nanghula lamang tungkol sa Diyos, lumalabag sa kalooban ng Diyos at sinusubukan ang Kanyang pasensya sa lahat ng kanilang ginawa. Dahil dito, kasabay ng pagtanggap sa lahat ng ginawa at sinabi ni Job, ang Diyos ay napoot sa iba, sapagkat wala Siyang nakita sa kanila na anumang realidad ng takot sa Diyos, at wala rin Siyang narinig tungkol sa takot sa Diyos sa kanilang mga sinabi. At dahil dito, ang sumunod na ginawa ng Diyos ay ang utusan sila: “Kaya’t magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa Aking lingkod na si Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng Aking lingkod na si Job: sapagkat siya’y Aking tatanggapin, baka kayo’y Aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan.” Sa siping ito, ang Diyos ay nagsabi kay Eliphaz at sa iba pa na gawin ang isang bagay na tutubos sa kanilang mga kasalanan, dahil ang kanilang kamangmangan ay isang kasalanan laban sa Diyos na si Jehova, at ganoon na nga, sila ay kailangang maghanda ng mga handog na susunugin upang malunasan ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga sinunog na handog ay mga kadalasan nang iniaalay sa Diyos, ngunit ang hindi pangkaraniwan tungkol sa mga sinunog na handog na ito ay ang pag-aalay ng mga ito kay Job. Si Job ay tinanggap ng Diyos dahil nagpatotoo siya sa Diyos sa panahon ng kanyang mga pagsubok. Samantala, ang mga kaibigan na ito ni Job, ay naibunyag sa panahon ng kanyang mga pagsubok; dahil sa kanilang kamangmangan, sila ay kinondena ng Diyos, at inudyok nila ang poot ng Diyos, at dapat silang parusahan ng Diyos—parusahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga handog na susunugin sa harap ni Job—pagkatapos nito, ipinanalangin sila ni Job upang ilayo sa kanila ang kaparusahan at poot ng Diyos. Ang layunin ng Diyos ay upang magdala ng kahihiyan sa kanila, sapagkat sila ay mga taong walang takot sa Diyos at hindi lumayo sa kasamaan, at kinondena nila ang katapatan ni Job. Sa isang banda, sinabi sa kanila ng Diyos na hindi Niya tinanggap ang kanilang mga kilos ngunit lubos Niyang tinanggap at ikinatuwa si Job; sa isa pa, sinabi sa kanila ng Diyos na ang pagtanggap ng Diyos sa tao ay pagtataas sa tao sa harap ng Diyos, na ang tao ay kinamumuhian ng Diyos dahil sa kanyang kamangmangan, at nagkakasala sa Diyos dahil dito, at mababa at marumi sa paningin ng Diyos. Ito ang mga kahulugan na ibinigay ng Diyos sa dalawang uri ng mga tao, ito ang mga saloobin ng Diyos sa dalawang uring ito ng mga tao, at ito ang mga salita ng Diyos tungkol sa halaga at katayuan ng dalawang uring ito ng mga tao. Kahit na tinawag ng Diyos si Job na Kanyang lingkod, sa mata ng Diyos ang lingkod na ito ay minamahal, at binigyan ng awtoridad na manalangin para sa iba at patawarin sila sa kanilang mga pagkakamali. Itong “lingkod” na ito ay maaaring makipag-usap at ganap na makalapit sa Diyos, at ang kanyang katayuan ay mas mataas at mas marangal kaysa sa iba. Ito ay ang tunay na kahulugan ng salitang “lingkod” na sinabi ng Diyos. Si Job ay binigyan nitong natatanging karangalan dahil sa kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, at ang dahilan kung bakit hindi tinawag ang iba na mga lingkod ng Diyos ay dahil hindi sila natakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang dalawang maliwanag na magkaibang uri ng mga saloobin ng Diyos ay ang Kanyang mga saloobin sa dalawang uri ng mga tao: Ang mga taong may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan ay tinatanggap ng Diyos, at nakikita bilang mahalaga sa Kanyang mga mata, habang ang mga taong hangal na hindi natatakot sa Diyos, ay hindi nakakayanang lumayo sa kasamaan, at hindi maaaring tumanggap ng pabor sa Diyos; sila ay madalas na kinapopootan at kinokondena ng Diyos, at mababa sa paningin ng Diyos.
Si Job ay nanalangin para sa kanyang mga kaibigan, at pagkatapos nito, dahil sa mga panalangin ni Job, hindi na sila pinakitunguhan ng Diyos ayon sa kanilang kamangmangan—hindi Niya sila pinarusahan o ginawan ng anumang pagganti. At bakit ganoon? Dahil umabot sa Kanyang tainga ang mga panalangin para sa kanila ng lingkod ng Diyos, na si Job; pinatawad sila ng Diyos dahil tinanggap Niya ang mga panalangin ni Job. At ano ang nakikita natin dito? Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, Siya ay nagbibigay sa kanila ng maraming gantimpala, at hindi lamang mga materyal na pagpapala: Ang Diyos ay nagbibigay rin sa kanila ng awtoridad, at ginagawa silang karapat-dapat na manalangin para sa iba, at kinakalimutan ng Diyos, at pinapalampas ang mga paglabag ng mga taong iyan dahil naririnig Niya ang mga panalanging ito. Ito mismo ang awtoridad na ibinigay ng Diyos kay Job. Sa pamamagitan ng mga panalangin ni Job upang ihinto ang pagkokondena sa kanila, nagdala ang Diyos na si Jehova ng kahihiyan sa hangal na mga taong ito—na, natural lamang, ay siya ring natatanging kaparusahan Niya para kay Eliphaz at sa iba pa.
Kabilang sa mga pabigkas ng Diyos na si Jehova ang mga salita na “hindi kayo nangagsalita tungkol sa Akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng Aking lingkod na si Job.” Ano itong sinabi ni Job? Ito ang dati na nating napag-usapan, pati na rin ang maraming pahina ng mga salita sa Aklat ni Job kung saan naitala na nangusap si Job. Sa lahat ng mga pahinang ito ng mga salita, hindi kailanman nagsabi si Job ng anumang reklamo o agam-agam tungkol sa Diyos. Hinintay lamang niya ang kalalabasan. Ang paghihintay na ito, na kanyang saloobin ng pagkamasunurin, ang nagbunga, at bilang resulta ng mga salitang sinabi niya sa Diyos, si Job ay tinanggap ng Diyos. Nang siya ay nagtiis sa mga pagsubok at dumanas ng paghihirap, ang Diyos ay nasa kanyang tabi, at kahit na ang kanyang paghihirap ay hindi nabawasan sa pamamagitan ng presensya ng Diyos, nakita ng Diyos kung ano ang nais Niyang makita, at narinig kung ano ang ibig Niyang marinig. Ang bawat isa sa mga kilos at salita ni Job ay umabot sa mga mata at tainga ng Diyos; narinig ng Diyos, at nakita Niya—at ito ang totoo. Ang kaalaman ni Job sa Diyos, at ang kanyang mga naiisip tungkol sa Diyos na palaging nasa kanyang puso, noong panahong iyon, ay hindi kasing tiyak ng mga naiisip ng tao sa panahon ngayon, ngunit sa konteksto ng oras, kinilala pa rin ng Diyos ang lahat ng kanyang mga sinabi, dahil ang kanyang pag-uugali at ang kanyang mga naiisip sa kanyang puso, at kung ano ang kanyang ipinahayag at ibinunyag, ay sapat na para sa Kanyang mga hinihingi. Noong mga panahon na si Job ay sumailalim sa mga pagsubok, ang naisip niya sa puso niya at ang pinagpasyahan niyang gawin ay nagpakita sa Diyos ng isang kalalabasan, na kasiya-siya sa Diyos, at pagkatapos ay inalis ng Diyos ang mga pagsubok ni Job, si Job ay nangibabaw mula sa kanyang mga problema, at ang kanyang mga pagsubok ay nawala at hindi na kailanman muling bumalik sa kanya. Dahil si Job ay napasailalim na sa mga pagsubok, at nakatayo nang matatag sa panahong ito ng mga pagsubok, at ganap na nagtagumpay laban kay Satanas, binigyan siya ng Diyos ng mga biyaya na karapat-dapat lamang sa kanya. Gaya ng nakasulat sa Job 42:10, 12, si Job ay pinagpalang muli, at pinagpala nang higit pa sa dati. Sa oras na ito si Satanas ay sumuko, at hindi na nagsalita o gumawa ng anumang bagay, at mula noon ay hindi na ginulo o inatake ni Satanas si Job, at si Satanas ay hindi na nagparatang laban sa mga pagpapala ng Diyos kay Job.
Kahit na ang Kanyang mga pagpapala nang panahong iyon ay limitado sa mga tupa, baka, kamelyo, materyal na mga ari-arian, at iba pa, ang mga pagpapalang nais ng Diyos na ipagkaloob kay Job sa Kanyang puso ay higit pa kaysa sa mga ito. Sa panahon na iyon may naitala ba kung anong uri ng walang hanggang mga pangako ang ninais na ibigay ng Diyos kay Job? Sa Kanyang mga pagpapala kay Job, ang Diyos ay hindi nagbanggit o nagsabi ng anumang tungkol sa katapusan ni Job, at anuman ang kahalagahan o posisyon na mayroon si Job sa puso ng Diyos, sa kabuuan, tumpak ang pagsukat ng Diyos sa Kanyang mga pagpapala. At hindi inihayag ng Diyos ang katapusan ni Job. Ano ang ibig sabihin nito? Sa pagkakataong ito, kapag ang plano ng Diyos ay hindi pa umaabot sa punto ng pagpapahayag ng katapusan ng tao, ang plano ay hindi pa pumapasok sa huling yugto ng Kanyang gawain, ang Diyos ay walang sinasabi tungkol sa katapusan, at nagbibigay lamang ng mga materyal na biyaya sa tao. Ibig sabihin nito, ang huling kalahating buhay ni Job ay ginugol niya sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, na siyang dahilan kung bakit siya naging kakaiba sa ibang tao—ngunit katulad nila siya ay tumanda, at tulad ng sinumang karaniwang tao, dumating din ang araw na siya ay nagpaalam sa mundo. Kaya ito naitala na “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ano ang ibig sabihin ng “namatay na puspos ng kaarawan” dito? Noong panahon bago ipinahayag ng Diyos ang katapusan ng tao, nagtakda na ang Diyos ng inaasahang haba ng buhay ni Job, at nang umabot na sa edad na iyon, hinayaan na Niya ang likas na paglisan ni Job sa daigdig na ito. Mula sa ikalawang pagpapala kay Job hanggang sa kanyang kamatayan, ang Diyos ay hindi na nagdagdag pa ng anumang paghihirap. Para sa Diyos, ang pagkamatay ni Job ay likas lamang, at kinakailangan din; ito ay isang bagay na napaka-karaniwan, at hindi isang paghatol o pagkokondena. Habang siya ay nabubuhay pa, sumamba si Job at nanatiling may takot sa Diyos; patungkol sa kung anong uri ng katapusan mayroon siya kasunod ng kanyang kamatayan, walang sinabi ang Diyos, at hindi Siya gumawa ng anumang komento tungkol dito. Lubos na ginagawang angkop ng Diyos ang Kanyang sinasabi at ginagawa, at ang nilalaman at mga prinsipyo ng Kanyang mga salita at mga kilos ay ayon sa yugto ng Kanyang gawain at sa panahon kung kailan Siya gumagawa. Anong uri ng katapusan ang mayroon ang isang tao na gaya ni Job sa puso ng Diyos? Nagkaroon ba ang Diyos ng anumang uri ng desisyon sa Kanyang puso? Natural na mayroon! Ito ay hindi na lamang ipinaalam sa tao; hindi na ito nais pang sabihin ng Diyos sa tao, at wala rin Siyang anumang balak na sabihin ito sa tao. Dahil dito, sa madaling salita, si Job ay pumanaw na puspos ng mga taon, at ganito ang buhay ni Job.
Nabuhay ba si Job nang may kabuluhan? Nasaan ang kabuluhan? Bakit sinabi na nabuhay siya nang may kabuluhan? Sa tao, ano ang kanyang halaga? Mula sa paningin ng tao, kinatawan niya ang sangkatauhan na nais iligtas ng Diyos, at nagdadala ng isang maugong na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas at ng mga tao sa mundo. Tinupad niya ang tungkulin na dapat na tuparin ng isang nilalang ng Diyos, nagtakda ng isang mabuting halimbawa, at kumilos bilang isang huwaran, para sa lahat ng nais iligtas ng Diyos, na nagpahintulot sa mga tao upang makita na maaaring magtagumpay nang ganap laban kay Satanas sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos. Ano ang kanyang halaga sa Diyos? Sa Diyos, ang halaga ng buhay ni Job ay nasa kanyang kakayahan na magkaroon ng takot sa Diyos, sumamba sa Diyos, magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, at purihin ang mga gawa ng Diyos, na nagdadala ng kaginhawahan sa Diyos at isang bagay na kasiya-siya; sa Diyos, ang halaga ng buhay ni Job ay makikita rin sa kung paano, bago ang kanyang kamatayan, naranasan ni Job ang mga pagsubok at nagtagumpay laban kay Satanas, at nagkaroon ng umuugong na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas at ng mga tao ng daigdig, upang magtamo ng kaluwalhatian ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan, inaaliw ang Kanyang puso, at pinahihintulutan ang Kanyang sabik na puso na masdan ang isang kinalabasan at makita ang pag-asa. Ang kanyang patotoo ay nagtakda ng isang maaaring pamarisan para sa kakayahan na maging matatag sa patotoo ng tao sa Diyos, at nagpadala ng kahihiyan kay Satanas sa ngalan ng Diyos, sa gawain ng Diyos na pamahalaan ang sangkatauhan. Hindi ba ito ang halaga ng buhay ni Job? Si Job ay nagdulot ng kaginhawahan sa puso ng Diyos, ibinigay niya sa Diyos ang patikim sa saya ng pagtatamo ng kaluwalhatian, at nagbigay ng isang kahanga-hangang simula para sa plano ng pamamahala ng Diyos. Mula sa puntong ito, ang pangalan na Job ay naging isang simbolo ng pagtatamo ng kaluwalhatian ng Diyos, at isang tanda ng pagtatagumpay ng sangkatauhan laban kay Satanas. Ang isinabuhay ni Job buong buhay niya at ang kanyang kapansin-pansin na tagumpay laban kay Satanas ay itatangi ng Diyos magpakailanman, at ang kanyang pagka-perpekto at pagkamatuwid, at takot sa Diyos ay igagalang at tutularan ng mga henerasyon na darating. Siya ay itatangi ng Diyos magpakailanman tulad ng isang walang-kapintasan at makinang na perlas, at dahil dito siya ay karapat-dapat na pahalagahan din ng tao!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II