Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, magpitagan sa isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay totoo. Bakit Ko nilikha ang mundo? Bakit, matapos maging tiwali ang mga tao, hindi Ko sila tuluyang nilipol? Bakit nabubuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng mga kalamidad? Ano ang Aking layunin sa pagkakatawang-tao? Kapag ginagampanan Ko ang Aking gawain, natitikman ng sangkatauhan hindi lamang ang pait, kundi maging ang tamis.
Hinango mula sa “Kabanata 10” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa yugtong ito ng gawain, dahil nais ng Diyos na ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa sa buong daigdig upang bumalik ang lahat ng taong nagkanulo sa Kanya para magpasakop sa harap ng Kanyang luklukan, maglalaman pa rin ng Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan ang paghatol ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga kasalukuyang kaganapan sa buong mundo bilang mga pagkakataon upang maging dahilan para mataranta ang mga tao, na magtutulak sa kanila na hanapin ang Diyos upang bumalik sila sa Kanyang harapan. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal.”
Hinango mula sa “Kabanata 10” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa mga yugto ng gawain ng Diyos, ang pagliligtas ay nasa anyo pa rin ng iba-ibang sakuna, at walang sinumang tiyak na mapapahamak ang makakatakas sa mga ito. Sa huli lamang magiging posible na makamit ang isang sitwasyon sa lupa na “kasing-payapa ng ikatlong langit: Dito, ang mga bagay na may buhay, malaki man o maliit, ay sama-samang umiiral nang magkakasundo, na hindi nakikisangkot kailanman sa ‘mga pagtatalo ng bibig at dila.’” Ang isang aspeto ng gawain ng Diyos ay lupigin ang buong sangkatauhan at maangkin ang mga taong hinirang sa pamamagitan ng Kanyang mga salita; ang isa pa ay lupigin ang lahat ng anak na suwail sa pamamagitan ng iba’t ibang sakuna. Isang bahagi ito ng malawakang gawain ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang lubusang makakamtan ang kaharian sa lupa na nais ng Diyos, at ito ang bahagi ng Kanyang gawain na lantay na ginto.
Hinango mula sa “Kabanata 17” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Darating ang lahat ng uri ng sakuna, sunud-sunod; daranas ng mga kalamidad ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang nangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga iyon sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga iyon sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang kababalaghan ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa lahat ng bansa at mga bayan. Aking mga anak-na-lalaki! Hindi ninyo dapat pagdusahan ang sakit o ang paghihirap na dulot ng mga sakuna. Inaasam Kong dumating na kayo sa tamang gulang at, sa lalong madaling panahon, akuin ang pasanin na nakaatang sa Aking mga balikat. Bakit hindi ninyo nauunawaan ang Aking kalooban? Ang gawain sa hinaharap ay magiging pabigat nang pabigat. Napakatigas ba ng inyong mga puso para hayaan ninyo Akong abalang-abala, na kailangang mag-isang nagpapagal nang labis? Mas lilinawan Ko pa ang Aking sinasabi: Yaong gugulang ang mga buhay ay papasok sa kanlungan, at hindi magdurusa ng sakit o paghihirap; yaong hindi gugulang ang mga buhay ay dapat magdusa ng sakit at kapahamakan. Malinaw ang Aking mga salita, hindi ba?
Dapat umabot ang Aking pangalan sa lahat ng direksiyon at lahat ng dako, upang maaaring malaman ng bawat isa ang Aking banal na pangalan at makilala Ako. Mga tao sa lahat ng antas ng pamumuhay sa Estados Unidos, Japan, Canada, Singapore, sa Soviet Union, Macau, Hong Kong at iba pang mga bansa ay agad na magsisiksikan sa Tsina, naghahanap sa totoong daan. Ang Aking pangalan ay napatotohanan na sa kanila; ang natitira na lamang ay ang gumulang kayo sa lalong madaling panahon, upang maaari ninyo silang akayin at pangunahan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na mas marami pang higit na gawain na kailangang gawin. Malawak na lalaganap ang pangalan Ko pagkatapos ng mga sakuna, at kung hindi kayo maingat, mawawala sa inyo ang bahagi na para sa inyo. Hindi ba kayo natatakot? Umaabot ang Aking pangalan sa lahat ng relihiyon, lahat ng antas ng pamumuhay, lahat ng bansa at lahat ng denominasyon. Ito ang paggawa ng Aking gawain sa isang maayos na paraan, nang malapit na magkakaugnay; nangyayari ang lahat ng ito ayon sa Aking marunong na pagsasaayos. Ang inaasam Ko lamang ay na kaya ninyong sumulong sa bawat hakbang, nang malapit na sinusundan ang Aking mga yapak.
Hinango mula sa “Kabanata 65” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at na ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay mawawalan ng lakas na takasan ang Aking pagkastigo, sapagkat nakatingin Ako sa lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking mga tao ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, siguradong magbubuhos sila ng papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!
Hinango mula sa “Kabanata 28” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Masasabi na lahat ng binigkas ngayon ay nagpopropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap; ang mga pahayag na ito ay ang paraan ng Diyos sa pagsasaayos para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Halos tapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao ng iglesia, at pagkatapos ay magpapakita Siya sa lahat ng tao nang may galit. Sabi nga ng Diyos, “Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at mapapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng ‘hukuman,’ upang ang mga iyon ay kilalanin ng mga tao sa buong daigdig, na magsisisukong lahat.” May nakita ba kayong anuman sa mga salitang ito? Narito ang buod ng susunod na bahagi ng gawain ng Diyos. Una, papangyarihin ng Diyos na lubos na makumbinsi ang lahat ng asong bantay na may-kapangyarihan sa pulitika at paaatrasin sila nang may pagkukusa mula sa yugto ng kasaysayan, upang hindi na muling makipag-agawan kailanman para sa katayuan, at hindi na muling mag-abala kailanman sa mga pakana at intriga. Ang gawaing ito ay kailangang isakatuparan sa pamamagitan ng Diyos, sa pamamagitan ng pagpapadala ng iba-ibang kalamidad sa lupa. Ngunit hindi talaga sa ganitong sitwasyon magpapakita ang Diyos. Sa panahong ito, ang bansa ng malaking pulang dragon ay magiging lupain pa rin ng karumihan, at samakatuwid ay hindi magpapakita ang Diyos, kundi lalabas lamang sa pamamagitan ng pagkastigo. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi matatakasan ninuman. Sa panahong ito, lahat ng nananahan sa bansa ng malaking pulang dragon ay daranas ng kalamidad, na natural lamang na kasama ang kaharian sa lupa (ang iglesia). Ito ang mismong panahon kung kailan lalabas ang mga katunayan, kaya nga mararanasan ito ng lahat ng tao, at walang sinumang makakatakas. Itinalaga na ito ng Diyos. Dahil mismo sa hakbang na ito ng gawain kaya sinasabi ng Diyos, “Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano.” Dahil, sa hinaharap, wala nang iglesia sa lupa, at dahil sa pagdating ng matinding kapahamakan, ang makakaya lamang isipin ng mga tao ay ang nasa harapan nila, at kaliligtaan na nila ang iba pa, at magiging mahirap para sa kanila na matamasa ang Diyos sa gitna ng matinding kapahamakan. Sa gayon, hinihiling sa mga tao na buong-puso nilang mahalin ang Diyos sa kamangha-manghang panahong ito, upang hindi sila malagpasan ng pagkakataon. Kapag lumipas na ang katunayang ito, lubusan nang natalo ng Diyos ang malaking pulang dragon, at sa gayon ay nagwakas na ang gawain ng patotoo ng mga tao ng Diyos; pagkatapos, sisimulan ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain, ang pagwasak sa bansa ng malaking pulang dragon, at sa kahuli-hulihan ay ipapako sa krus nang pabaligtad ang lahat ng tao sa buong sansinukob, at pagkatapos ay lilipulin Niya ang buong sangkatauhan—ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa hinaharap.
Hinango mula sa “Kabanata 42” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding galit, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna dahil dito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa itaas sa langit, makikita na sa lupa, lahat ng uri ng kalamidad ay dumarating sa buong sangkatauhan, papalapit bawat araw. Habang nakatingin sa ibaba mula sa itaas, nagpapakita ang daigdig ng sari-saring mga tagpo na gaya noong bago dumating ang isang lindol. Hindi mapigil ang pagkalat ng likidong apoy, dumadaloy nang malaya ang kumukulong putik, nagbabago ang mga bundok, at kumikislap ang malamig na liwanag sa lahat. Nasadlak na sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang galit, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng mayroong laman at dugo ay hindi makakatakas. Sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo; sa halip, ang mundo ay “sadyang masisiyahan sa sarili nito” sa loob ng duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang makakatakas; bawat tao ay kailangang magdaan sa pagsubok na ito, nang isa-isa. Pagkatapos niyon, ang buong sansinukob ay muling kikislap sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay muling magsisimula ng isang bagong buhay. At mamamahinga ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw.
Hinango mula sa “Kabanata 18” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kapag pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan nang magkasama, nangangahulugan itong nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, at ganap nang natapos ang gawain ng Diyos sa tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain sa mga tao, at sila ay hindi na mamumuhay sa ilalim ng pamamahala ni Satanas. Samakatuwid, hindi na magiging abala ang Diyos, at ang mga tao ay hindi na palaging aligaga. Ang Diyos at ang sangkatauhan ay magkasabay na papasok sa pahinga. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang mga hantungan kung saan maninirahan ang Diyos at ang mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. … Matapos pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, hindi na iiral pa si Satanas. Gayundin, titigil na rin sa pag-iral ang mga makasalanang taong ito. Bago magpahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, ang mga makasalanang tao na minsang umusig sa Diyos sa lupa, pati na rin ang mga kaaway na sumuway sa Kanya doon, ay nawasak na rin. Napuksa na sila ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Sa sandaling lubusang mapuksa ang mga makasalanang taong ito, hindi na kailanman muling mababatid ng lupa ang panliligalig ni Satanas. Doon lamang makakukuha ang sangkatauhan ng ganap na kaligtasan, at lubusang matatapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga paunang kinakailangan upang makapasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan.
Hinango mula sa “Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng kasamaan, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong gantihan Ko sila, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna.
Hinango mula sa “Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao