Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa.
Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katotohanan ang pinakatunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Sapagkat hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong “talinghaga ng buhay”. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na banggit mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang binibigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na “pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.”
Hinango mula sa “Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapakita ng disposisyon ng Diyos at ng kung anong mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung anong mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung anong mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao habang pumapasok siya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.
Hinango mula sa “Pagkilala sa Diyos ang Landas tungo sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng mga positibong bagay. Maaari itong maging buhay ng tao at direksyon kung saan siya naglalakbay; maaari nitong akayin ang tao na itakwil ang kanilang tiwaling disposisyon, matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, maging taong sumusunod sa Diyos at isang marapat na nilikha, isang taong iniibig ng Diyos at nakasusumpong sa Kanyang pabor. Dahil sa kahalagahan nito, ano dapat ang pag-uugali at pananaw na mayroon ang tao patungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Ito ay lubhang malinaw: Para sa mga tunay na naniniwala sa Diyos at mayroong pusong may paggalang sa Kanya, ang Kanyang mga salita ang kanilang buhay. Dapat na pakaingatan ng tao ang mga salita ng Diyos, at kumain at uminom ng mga ito, at tamasahin ang mga ito, at tanggapin ang mga ito bilang kanyang buhay, bilang direksyon kung saan siya tumutungo, bilang kanyang handang saklolo at panustos; dapat na mamuhay, magsagawa, at makaranas ang tao alinsunod sa mga ipinapahayag at hinihingi ng katotohanan, at magpasakop sa mga hinihingi nito sa kanya, sa bawat isa sa mga ipinapahayag at hinihingi sa kanya ng katotohanan, sa halip na isailalim ito sa pag-aaral, pagsusuri, pagpapalagay, at pag-aalinlangan. Dahil ang katotohanan ang handang saklolo ng tao, ang kanyang handang panustos, at maaaring maging buhay niya, dapat na tratuhin ng tao ang katotohanan bilang pinakamahalagang bagay, sapagkat dapat siyang magtiwala sa katotohanan upang mabuhay, upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, matakot sa Kanya at maiwasan ang kasamaan, at upang mahanap sa kanyang pang-araw-araw na buhay ang landas kung saan makapagsasagawa, mauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at matatamo ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat ding magtiwala sa katotohanan ang tao upang maitakwil ang kanyang tiwaling disposisyon, upang maging isang taong nailigtas at isang marapat na nilikha.
Hinango mula sa “Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Garapal na Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Bahay ng Diyos (VII)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at diwa; ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi nababatay sa mga buod ng sangkatauhan sa iba’t-ibang positibong bagay at mga pananalita na kinikilala ng sangkatauhan. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ang mga ito ang pundasyon at ang batas kung saan dapat umiral ang sangkatauhan, at yaong diumano’y mga doktrinang nagmumula sa sangkatauhan ay kinokondena ng Diyos. Hindi nakakamit ng mga ito ang Kanyang pagsang-ayon, at lalo nang hindi ang mga ito ang pinagmulan o batayan ng Kanyang mga pagbigkas. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Lahat ng salitang inilabas ng pagpapahayag ng Diyos ay katotohanan, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan ay hindi nagbabago, gaano man inilalagay o ipinapakahulugan ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, ni kung paano nila ipinapalagay o inuunawa ang mga ito. Ilang salita man ng Diyos ang nasambit na, at gaano man kinokondena at tinatanggihan nitong tiwali at makasalanang sangkatauhan ang mga ito, nananatili ang isang katunayan na hindi mababago: Maging sa mga sitwasyong ito, ang diumano’y kultura at mga tradisyon na pinahahalagahan ng sangkatauhan ay hindi magiging mga positibong bagay, at hindi magiging katotohanan. Hindi mababago iyan. Ang tradisyonal na kultura at paraan ng pag-iral ng sangkatauhan ay hindi magiging katotohanan dahil sa mga pagbabago o paglipas ng panahon, at hindi rin magiging mga salita ng tao ang mga salita ng Diyos dahil sa pagkondena o pagiging malilimutin ng sangkatauhan. Hindi magbabago ang diwang ito kailanman; ang katotohanan ay palaging katotohanan. Anong katotohanan ang umiiral dito? Lahat ng kasabihang iyon na ibinuod ng sangkatauhan ay nagmumula kay Satanas—iyon ay mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na nagmumula pa nga sa pagiging mainitin ng dugo ng tao, at ni wala man lang kinalaman sa mga positibong bagay. Ang mga salita ng Diyos, sa kabilang dako, ay mga pagpapahayag ng diwa at katayuan ng Diyos. Para sa anong dahilan ang Kanyang pagpapahayag ng mga salitang ito? Bakit Ko sinasabing katotohanan ang mga ito? Ito ay dahil namumuno ang Diyos sa lahat ng batas, prinsipyo, ugat, diwa, aktwalidad, at hiwaga ng lahat ng bagay, at hawak ng kamay Niya ang mga ito, at ang Diyos lamang ang nakakaalam ng pinagmulan ng mga ito at kung ano talaga ang mga pinag-ugatan nito. Samakatuwid, ang mga pakahulugan lamang ng lahat ng bagay na binanggit sa mga salita ng Diyos ang pinakatumpak, at ang mga kinakailangang gawin ng sangkatauhan na napapaloob sa mga salita ng Diyos ang tanging pamantayan para sa sangkatauhan—ang tanging sukatan na dapat pagbatayan ng pag-iral ng sangkatauhan.
Hinango mula sa “Kung Ano ba ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Yaong mga nasa relihiyon na naniniwala sa Panginoon ay nakatuon sa pagsasaulo ng ilang kilalang sipi mula sa Biblia; habang mas maraming naisasaulo ang mga tao, mas nagiging espirituwal sila, at mas hinahangaan sila ng lahat. Sila ay prestihiyoso at may mataas na posisyon. Sa totoo lang, sa tunay na buhay, ang kanilang pananaw sa mundo, sa sangkatauhan at sa lahat ng iba’t ibang uri ng mga tao ay katulad ng pananaw ng mga makasanlibutang tao—hindi ito nagbago. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Iyong mga sipi na kanilang isinaulo ay hindi talagang naging kanilang buhay; malinaw na ang mga ito ay mga teorya at panrelihiyong doktrina lamang, at hindi binago ang kanilang buhay. Kung ang landas na inyong sinusundan ay katulad ng sinusundan ng mga relihiyosong tao, nangangahulugan iyan na mananampalataya kayo sa Kristiyanismo; hindi kayo naniniwala sa Diyos at hindi nakararanas ng Kanyang gawain. Ang ilang matagal na hindi naniwala sa Diyos ay hinahangaan iyong mga naniniwala, na ang pananalita ay batay sa katwiran. Nakikita nila ang gayong mga tao na nakaupo at maalwang nakapagsasalita nang dalawa o tatlong oras. Nag-uumpisa silang matuto mula sa kanila—mga espirituwal na kataga at pagpapahayag, gayundin kung paano magsalita at umasal ang isang tao. Pagkatapos ay isasaulo nila ang ilang sipi ng mga espirituwal na salita, at magpapatuloy sila hanggang, isang araw, ang mga taon ng kanilang paniniwala ay sapat na sa bilang upang sila ay umupo at magpaliwanag nang walang hanggan, may kahusayan, at may kahabaan. Ngunit kung pakikinggan nang malapitan, walang kapararakan ang lahat ng ito, mga hungkag na salita, mga titik at doktrina lamang; at malinaw na sila ay mga mandarayang relihiyoso, dinadaya kapwa ang mga sarili nila at ang iba pa. Napakalungkot na bagay! Hindi kayo dapat sumunod sa landas na iyan, na sa sandaling tahakin, ay nagdudulot ng pagkasira, at mahirap nang talikuran. Upang pahalagahan ang gayong mga bagay, upang tanggapin ang mga ito bilang buhay, at upang gamitin ang mga ito para sukatin ang sarili laban sa iba saanman siya magpunta; upang magkaroon ng ilang espirituwal na teorya, at mga sangkap ng pagkukunwari, sa kabila ng tiwaling, malademonyong disposisyon—hindi lamang nakasusuklam ang taong ito, kundi sukdulang nakasusuklam, nakasusuka at walanghiya, at hindi kaya ng iba na tingnan sila. Samakatuwid, ang denominasyon ng mga minsang sumunod sa Panginoon ay tinatawag ngayong Kristiyanismo. Ito ay isang denominasyon, at sa kanilang paniniwala sa Diyos, wala silang ibang ginagawa maliban sa istriktong pagkapit sa pormalidad. Wala man lang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at hindi sila mga tao na naghahangad ng katotohanan; ang pinagsusumikapan nilang makamit ay hindi ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nagmumula sa Diyos, kundi sa halip ay hinahangad nilang maging mga Fariseo, at salungat sa Diyos—ito ang pangkat ng mga tao ngayon na tinutukoy bilang Kristiyanismo.
Hinango mula sa “Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Paanong bumaba sa “Kristiyanismo” na lamang ang mga relihiyosong tao na naniniwala sa Panginoon? Bakit ngayon, itinuturing silang isang relihiyosong grupo, sa halip na ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia ng Diyos, ang pakay ng gawain ng Diyos? Mayroon silang doktrina, tinitipon nila ang gawaing ginawa ng Diyos, at ang mga salitang Kanyang sinambit, sa isang aklat, sa mga materyal sa pagtuturo, at pagkatapos ay nagbubukas ng mga paaralan upang papasukin at sanayin ang lahat ng uri ng mga teologo. Pinag-aaralan ba ng mga teologong ito ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang pinag-aaralan nila? Pinag-aaralan nila ang kaalamang teolohiko, na walang kinalaman sa gawain ng Diyos o sa mga katotohanang sinasambit ng Diyos. At sa paggawa nito, ibinababa nila ang kanilang mga sarili sa Kristiyanismo na lamang. Ano ang tinatangkilik ng Kristiyanismo? Kung pupunta ka sa isang iglesia, tatanungin ka ng mga tao kung gaano katagal ka nang naniniwala sa Diyos, at kapag sinabi mong kasisimula mo pa lamang, hindi ka nila papansinin. Ngunit kung papasok kang may hawak na Biblia, at sasabihin mong “Katatapos ko pa lamang sa ganito-at-ganoong Seminaryong Teolohiko,” hihingin nila sa iyong maupo sa luklok ng karangalan. Ito ang Kristiyanismo. Lahat ng nakatayo sa pulpito ay nakapag-aral ng teolohiya, sinanay sa seminaryo, may angking teolohikong kaalaman at teorya—sila talaga ang sandigan ng Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang gayong mga tao na mangaral sa pulpito, lumibot para magturo ng ebanghelyo at magtrabaho. Iniisip nila na ang halaga ng Kristiyanismo ay nakasalalay sa gayong mga taong may kakayahan tulad ng mga estudyante ng teolohiya, ng mga pastor at teologong ito na nangangaral ng mga sermon; sila ang kanilang puhunan. Kung ang pastor ng isang iglesia ay nagtapos sa isang seminaryo, mahusay magpaliwanag ng Banal na Kasulatan, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at mahusay magsalita, umuunlad ang iglesia, at mas maganda ang reputasyon nito kaysa ibang mga iglesia. Ano ang tinatangkilik ng mga taong ito sa Kristiyanismo? Kaalaman. At saan nagmumula ang kaalamang ito? Ipinasa ito mula sa sinaunang panahon. Sa sinaunang panahon may Banal na Kasulatan, na ipinasa-pasa sa sunud-sunod na henerasyon, bawat henerasyon ay binabasa at inaaral iyon, hanggang sa ngayon. Hinati-hati ng tao ang Biblia sa iba’t ibang bahagi at lumikha ng sari-saring edisyon para basahin at pag-aralan ng mga tao. Ngunit ang natututuhan nila ay hindi kung paano unawain ang katotohanan at kilalanin ang Diyos, o kung paano unawain ang kalooban ng Diyos at magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan; sa halip, pinag-aaralan nilang mabuti ang kaalamang nakapaloob sa mga ito. Ang sukdulan na ay sinisiyasat nila ang mga hiwagang nakapaloob doon, tinitingnan nila kung aling mga propesiya sa Aklat ng Pahayag ang natupad sa isang partikular na panahon, kung kailan darating ang malalaking kalamidad, kung kailan darating ang milenyo—ito ang mga bagay na pinag-aaralan nila. At may kaugnayan ba sa katotohanan ang pinag-aaralan nila? Wala. Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan? Habang mas pinag-aaralan nila ang mga ito, mas iniisip nila na nauunawaan nila, at mas sinasangkapan nila ang kanilang sarili ng mga titik at doktrina. Lumalago rin ang kanilang puhunan. Kapag mas mataas ang kanilang mga kwalipikasyon, iniisip nila na mas may kakayahan sila, naniniwala sila na mas malakas ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at iniisip nila na mas malamang na maligtas sila at makapasok sa kaharian ng langit.
Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (III)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Pag-isipan ninyo ang mga bagay na karaniwang sinasamba ng mga anticristo. Ano ang kanilang sinasamba? Mga diumano ay pilosopiya at teorya na matayog, hungkag, at malabo. Ang mga pilosopiya at mga teoryang ito ay napakahalaga sa kanila, mga bagay na matindi nilang pinahahalagahan. Sa sandaling marinig nilang mabanggit ang mga ito, at sa sandaling makakapit sila sa mga ito, matamo nila ang mga ito, at maunawaan nila ang mga ito ay ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para mapatimo ang mga bagay na ito sa kanilang mga puso at gawing kanilang buong buhay, kanilang personal na kayamanan. Ginagawa nila ang mga itong motibasyon at direksyon sa buhay. Lingid sa kaalaman nila, sa totoo ay itutulak sila ng mga bagay na ito na siyasatin ang mga salita ng Diyos, ang mga katotohanan na ipinapahayag ng Diyos. Sinasamba at hinahangad nila ang mga bagay na ito, kung kaya sa tuwing magpapahayag ang Diyos ng mga salita, sa tuwing magsasalita ang Diyos, talagang hindi nila mapipigilan ang kanilang mga sarili sa pagsusuri sa sinabi ng Diyos mula sa perspektibo ng kaalaman, ginagamit ang mga intelektuwal na pananaw at pag-iisip. Pinupuna pa nga ng ibang tao ang mga pahayag ng Diyos, sinasabing, “Masyadong mahaba ang mga salita ng Diyos at ang ilan sa mga bagay na sinasabi Niya ay hindi makatuwiran. Ang ilan ay hindi tama ang balarila, at ang ilan sa mga salitang ginagamit ay ni hindi maintindihan.” Nabubuhay sila sa kanilang mga isipan, kanilang mga ideya, ginagamit ang kaalaman at edukasyong taglay nila upang suriin at siyasatin ang mga salita ng Diyos. Marami pa nga ang sumusubok, batay sa sarili nilang karanasan, na hanapin sa mga salita ng Diyos at alamin ang mga huling hantungan ng Diyos para sa ibang tao, o kung paano binibigyang-kahulugan ang ilang mga tao, at pagkatapos ay nagsusuri sila. Pero naramdaman na ba ninyo na mayroong bagay na karaniwang nangyayari kapag sinisiyasat mo ang Diyos, kapag sinisiyasat mo ang Kanyang mga salita at gawa mula sa perspektibo ng kaalaman? (Ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa.) Tama iyon—ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa. Malayo sa iyo ang Banal na Espiritu. Saan nanggagaling ang kaalaman at kabatirang iyan? Ano’ng ipinakikita niyan? Si Satanas. Ano ang bumubuo sa lahat ng kaalamang ito? Binubuo ito ng lohika at katuwiran, mga kuru-kuro at guni-guni, at mga karanasan. Binubuo rin ito ng etika at moralidad, mga lumang kasabihan, mga lumang batas, at mga lumang kautusan. Ang mga ito ang bumubuo rito. Kapag ginagamit ng mga tao ang mga bagay na ito upang sukatin ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, umaalis ang Banal na Espiritu, at itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha.
Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (III)” sa Paglalantad sa mga Anticristo