Ang aking asawa at ako ay pareho nang higit sa 80 sa taong ito at nakatira sa isang burol sa bundok. Matapos maniwala sa Diyos, sa Kanyang biyaya at proteksyon, kaming dalawang may edad na ay nasa mabuting kalusugan. Upang gantihan ang pag-ibig ng Diyos, ginampanan namin ang tungkulin na pangalagaan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Upang maiwasang mabasa ang mga libro, inilagay ko ito sa isang tabla na 150 sentimetro ang taas sa lupa.
Sa pagtatapos ng Hulyo 2014, mahinang umuulan nang mahigit sa sampung araw. Sa simula, nagwiwisik lamang ito nang walang tubig na naiipon sa lupa, ngunit bandang 9 ng umaga noong Agosto 7, nagsimulang umulan nang malakas. Makalipas lamang ang kalahating oras, nagsimula nang maipon ang tubig sa lupa at dumaloy sa mga bitak sa mga sulok ng dingding papasok sa aming bahay. Sa sandaling iyon, nakaramdam ako ng sobrang kaba, iniisip na, “Ano ang dapat kong gawin? Kung magpapatuloy ito, hindi magiging ligtas ang aking bahay.” Balisa at hindi mapakali, naglakad ako nang pabalik-balik sa silid. “Ang aking sariling buhay ay walang halaga, ngunit ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay hindi maaaring mapinsala. Ano ang pwede kong gawin?” Nakatitig sa mga aklat ng mga salita ng Diyos, nasa kawalan ako, hindi alam kung ano ang gagawin. Nang maglaon, wala akong pagpipilian kundi ang maghanap ng ilang mga palanggana at timba para makapaglimas kami ng aking asawa. Sa oras ding iyon ay dumating ang aking pamangkin upang tulungan kami. (Ang patuloy na pag-ulan ay naging sanhi ng pagtulo ng bubong, kaya’t siya ay dumating upang ayusin ito para sa amin.) Gayunpaman, ang tubig sa labas, ay patuloy na dumadaloy sa aming bahay at ilang sandali pa, ang naipon na tubig sa loob ay may lalim na 10 sentimetro na. Dahil sa sitwasyong ito, naramdaman kong mas nabahala ang kalooban ko, hindi alam ang gagawin. Sa puntong ito, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos, “Ako ang iyong matibay na sandigan, kaya manalig sa Akin!” “Tama! Ang Diyos ang ating matibay na bato at ang ating tanging pag-asa. Paanong nakalimutan ko ang Diyos?” Pinakalma ang aking puso ng mga salita ng Diyos at nanalangin ako nang tahimik sa Diyos, “O Diyos! Malakas ang ulan sa labas at patuloy na tumataas ang tubig sa aming bahay. Maraming mga aklat ng mga salita ng Diyos sa aming bahay, ngunit kaming dalawang matatanda ay hindi mailipat ang mga ito o makahanap ng iba pang mga lugar upang itago ang mga ito. Ngayon maaari ko lamang ipagkatiwala ang mga ito sa Iyo. Nawa’y pangalagaan at protektahan mo ang mga aklat na ito.” Pagkalipas ng mahigit sa kalahating oras, ang tubig sa loob ay may lalim na 20 sentimetro na. Bandang alas-11 ng umaga, kulay abo ang langit, nagsimula itong bumuhos nang malakas, na labis na nakakatakot. Hindi nagtagal, ang tubig mula sa harap at likod na mga bundok ay nagsimulang dumaloy patungo sa aming bahay. Naharap sa sitwasyong ito, lalo akong kinabahan, “Kung magpapatuloy sa pag-ulan nang ganito, tiyak na guguho ang aking bahay na putik. Sa kasong iyon, ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay tiyak na masisira.” Hindi ako naglakas-loob na patuloy na mag-isip ng ganito at maaari lamang akong tumawag nang agaran sa Diyos sa aking puso at ipagkatiwala ang mga aklat na ito sa Diyos.
Marahas na nagpatuloy ang bagyo at tuluy-tuloy ang pagdaloy ng tubig sa aming bahay kaya’t ang tubig sa loob ay mas tumaas nang tumaas at hindi nagtagal, ito’y may lalim ng mahigit sa 40 sentimetro; ang mga sapatos, palanggana, mesa, at upuan—lumutang ang lahat ng bagay na ito sa aming bahay, at ang tubig ay mabilis na lumampas sa aming tuhod. Sa sandaling iyon, pagtingin sa mga aklat ng mga salita ng Diyos, ako at ang aking asawa ay sobrang nasindak at natakot na nanginginig na kami nang sobra. Pagkatapos sinabi sa amin ng aking pamangkin, “Hindi na tayo maaari pang manatili nang matagal sa loob; ang bahay na putik ay babagsak na anumang oras. Kung ganoon, mawawalan kayo ng buhay. Bilisan ninyo! Kunin ninyo ang inyong pera at mahahalagang bagay at pagkatapos ay tumakbo pataas sa bundok.” Naririnig ang kanyang mga salita, lalo akong nabagabag sa aking puso sa kaguluhan, iniisip na, “Paano kung gumuho talaga ang bahay? Pareho kaming 80 ng asawa ko, kaya hindi kami makakatakas kahit na gusto namin. Higit pa, ang mga aklat na ito ng mga salita ng Diyos ay narito pa rin sa aming bahay, kaya paano namin ito maiiwan?” Sa puntong ito, naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari….” “Oo! Hindi ba ang lahat ng bagay sa sansinukob ay nasa kamay ng Diyos? Kung babagsak ang bahay o hindi ay nasa kamay rin ng Diyos at napagpasyahan ng Diyos.” Sa pag-iisip na ito, sinabi ko sa pamangkin kong, “Saan pa tayo maaaring pumunta? Masyado na kaming matanda para tumakbo, kaya hindi kami aalis.” Pagkarinig nito, natigilan ang aking pamangkin at huminto sa pagkumbinsi. Nang makita na hindi kami umalis, hindi rin siya naglakas-loob na umalis; ngunit natatakot na ang bahay ay gumuho anumang oras, tumayo na lamang siya sa labas sa ilalim ng alulod na pinapanood kami.
Maya maya pa, umulan nang mas malakas, at patuloy na tumataas ang tubig sa aking bahay. Nang makita ito, muli akong nakaramdam ng kaba at patuloy lamang akong tumawag sa Diyos sa aking puso. Pagkatapos ay naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito.” Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng lakas. Naunawaan kong ginamit ng Diyos ang pangyayaring ito upang maperpekto ang aking pananampalataya sa Kanya. Ang aking buhay at kamatayan ay nasa kamay ng Diyos, kaya dapat akong magtiwala sa Diyos kahit na ibigay ko ang aking buhay. Sa pag-iisip nito, di-alintana ang panganib ay lumusong ako sa tubig papunta sa giikan na 20 metro ang layo mula sa aming bahay, at pagkatapos ay lumuhod sa lupa, malakas na nagdarasal sa Diyos, “O Diyos! Narito ang Iyong mabuting hangarin sa bagay na ito. Mabuhay man ako o mamatay ay nasa Iyong mga kamay. Handa akong sundin Ka kahit na anong gawin Mo. Ngunit ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay naroon pa rin sa aming bahay, at medyo nag-aalala ako na ang mga ito ay masira. O Diyos, ngayon wala akong magawa kundi ipagkatiwala ang mga ito sa Iyong mga kamay.”
Nang ako ay nakaluhod sa lupa at patuloy na tumatawag sa Diyos, ang aking pamangkin ay patuloy na sumisigaw, “Bumalik ka, tiyo! Bakit ka nakaluhod riyan? Napakalakas ng ulan, at magkakasakit ka.” Sa oras na iyon, wala akong pakialam sa kung ano ang sinasabi niya at nanatili lamang akong nananalangin sa Diyos, at ang aking asawa ay lumuhod rin sa tubig sa ilalim ng alulod upang manalangin sa Diyos. Matapos magdasal nang mahigit sa isang oras, bigla na lang, narinig ko ang tatlong tuloy-tuloy na kulog, sinundan ng isang kalabog mula sa likuran ng aming bahay. Nang tinignan ko, natagpuan ko na anim na metrong layo mula sa aking bahay ay isang puno ng tung ang napatumba ng tubig na rumaragasa mula sa bundok, na nag-iwan ng isang 160-sentimetrong-diyametro na butas sa lupa; kaya’t ang lahat ng tubig ay nagsimulang dumaloy sa butas. Malinaw kong alam na ito ay dahil pinakinggan ng Diyos ang aking panalangin. Patuloy akong nagpasalamat sa Diyos sa aking puso: Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat! Kung ang tubig ay patuloy na dumaloy sa bahay, tiyak na guguho ito. Natuklasan ko rin na isang kanal na may lapad na 3 metro ang nabuo sa harap ng aming bahay, at ang tubig ngayon ay dumadaloy sa kanal hanggang sa paanan ng bundok.
Nang makita ang eksenang ito, tuwang-tuwa ako, nararamdaman na ang Diyos ay nasa tabi ko palagi. Nang kami ay wala nang pag-asa at walang mapuntahan, ang Diyos ang nagbukas ng daan palabas para sa amin: Mayroong mga lugar para maubos ang tubig. Ito ang awa ng Diyos sa akin. Sa nakaraan, ako ay napaka-ignorante: Nasiyahan lamang ako sa pagkakaroon ng literal at doktrinal na pag-unawa sa mga salita ng Diyos, at hindi ko isinagawa ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan. Kaya, kapag nakakaranas ng isang isyu, na nauugnay sa aking personal na buhay o sa aking tungkulin sa iglesia, haharapin ko ito sa aking sariling pamamaraan. Ngunit ngayon ay personal ko nang nakita na ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa kamay ng Diyos at higit pa na ang mga sakuna ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ay talagang isang tunay at malinaw na Diyos. Nang umasa sa Diyos nang may tapat puso, nakita ko ang mga gawa ng Diyos at naranasan na ang lahat ng mga bagay sa mundo ay nagbabago ayon sa mga saloobin ng Diyos. Tulad ng sinabi ng mga salita ng Diyos, “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Maya maya unti-unting humupa ang bagyo at huminto ang tubig sa pag-agos sa bahay. Gayunpaman, nang makita na ang tubig, na higit sa 60 sentimetro ang lalim, ay nanatili pa rin sa bahay, nakaramdam ulit ako ng labis na pag-aalala dahil kung ang bahay na putik ay nababad sa tubig nang mahabang panahon, hindi pa rin ito ligtas. Kaya, ang aking asawa at ako ay nagmadali upang maglimas ng tubig sa mga palanggana; ngunit ang tubig ay napakalalim na talagang hindi namin alam kung kailan namin mauubos lahat. Sa pagkabahala at pagkabalisa, walang tigil akong nagsumamo sa Diyos sa aking kalooban, “O Diyos, kung ang tubig sa loob ay hindi maubos sa tamang oras, ang putik na bahay ay babagsak anumang oras matapos mababad sa tubig sa mahabang panahon. O Diyos, bagaman humupa na ang ulan, ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay nanganganib pa ring masira. Nawa’y magbukas Ka para sa amin ng isang daan.” Hindi nagtagal matapos ang aking pagdarasal, narinig ko ang tunog ng tubig na dumadaloy. Nagpunta ako upang tingnan at nalaman na ang dumadaloy na tubig ay gumawa ng isang butas na kasinlaki ng isang palanggana sa imbakan ng mga halamang-ugat sa gilid na silid (sa labas ng bodega ay isang matarik na dalisdis at ang bodega ay nabalutan ng mga piraso ng bato), kaya’t ang tubig ay dumadaloy palayo sa imbakan ng mga halamang-ugat. Sa puntong ito, nagka-ideya ako na maaari akong gumawa ng butas sa sulok upang ang tubig ay makadaloy palabas nang mabilis. Sa pag-iisip na ito, dali-dali akong nakakita ng isang bakal at pagkatapos ay tinanggal ang dalawang bato (ang tuntungan ng bahay ay gawa sa mga bato), kaya’t maya-maya ay dumaloy palayo ang tubig sa mga butas, at pagkatapos ay nalantad ang lupa. Nang makita ito, sa wakas ay nakaramdam din ako ng kapanatagan at patuloy na nagpapasalamat sa Diyos sa aking puso. Lahat ng ito ay kamangha-manghang mga gawa ng Diyos. Pagkatapos sinabi sa akin ng pamangkin kong lalaki, “Tiyo, Tiya, ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay talagang mabuti. Sa oras na iyon, bumubuhos sa labas at ang tubig ay patuloy na dumadaloy sa bahay at may lalim na higit sa 60 sentimetro. Sa ganoong sitwasyon, natakot ako nang sobra. Gayunman, dahil hindi kayo umalis, kailangan kong manatili kasama ninyo. Natatakot na maaari akong madaganan hanggang sa mamatay kapag bumagsak ang bahay, lumabas ako at tumayo sa ilalim ng alulod. Sa mga oras na iyon, pareho kayong nakaluhod sa tubig, nakatingala sa kalangitan at nagdarasal. Kamangha-mangha, ilang sandali pa, unti-unting humupa ang bagyo. Ang rumaragasang tubig mula sa likurang bundok ay nagpatumba sa puno ng tung at pagkatapos ay nabuo ang isang butas, kaya’t nagsimulang dumaloy ang tubig sa butas sa halip na sa bahay. Nabuhay ako ng higit sa 50 taon, ngunit hindi pa nakakakita ng isang himala. At higit na nakakagulat, pareho kayong 80 taong gulang, ngunit pagkatapos lumuhod sa tubig nang mahigit sa isang oras, hindi kayo sinipon at mayroon pa rin kayong lakas para maglimas ng tubig. Kamangha-mangha talaga ito.” Naririnig ang kanyang mga salita, kapwa kami nakangiting nagsabi ng aking asawa, “Tama! Lahat ng ito ay dahil sa proteksyon ng Diyos. Salamat sa Diyos!”
Pagkatapos, may sumigaw sa labas na ang dalawang bahay na katabi ng sa akin ay parehong bumagsak, at pagkatapos ay nag-iyakan ang mga kapitbahay. Naririnig ito, naisip ko, “Nakatira ako sa bahay na putik na ito mula pa noong maliit ako at ngayon ay napakatanda na nito. Ang mga bahay sa tabi ng akin ay nakatayo sa isang mas mataas na kinalalagyan, kaya’t ang tubig doon ay palaging umaagos patungo sa aming bahay. Ngunit ngayon ang kanilang mga bahay ay bumagsak habang ang akin ay hindi. Ito talaga ang dakilang kapangyarihan ng Diyos.”
Matapos ang bagyo, ang sekretarya at ang pinuno ng aming nayon ay dumating sa aming bahay. Nang makita na kami at ang aming bahay ay ligtas at maayos, sinabi nila ng nakangiti, “Napakaswerte ninyong dalawa. Ang Langit ang tumulong sa inyo!” Pagkatapos, matapos nilang pumunta sa likuran ng aming bahay at makita ang butas, sinabi nila, “Ang kanal sa likod ng iyong bahay ay naharangan ng putik at buhangin na dumadaloy mula sa bundok. Salamat sa butas, nakadaloy palabas ang tubig; kung hindi, ang inyong bahay ay tiyak na babagsak.” Maya-maya ay pumunta sila sa pintuan at nagulat ng makita ang kanal na may lapad na 3 metro. Manghang-mangha na sinabi ng sekretarya, “Talagang ang Langit ang tumulong sa inyo. Bagaman hindi binabaha ang aking mga bahay dahil sa kanilang mataas na kinalalagyan, ang dalawang bagong bahay na bato ay napinsala ng puno na natangay. Ngunit ang inyong bahay na putik ay talagang hindi nasira. Ang Langit ang nagprotekta sa inyo!” Narinig ang kanyang mga sinabi, patuloy kong pinasasalamatan ang Diyos sa aking puso. Dahil sa aming paniniwala sa Diyos, at sa aming pagtitiwala sa Kanya, kami at ang aming bahay ay parehong pinrotektahan ng Diyos. Ang mga hindi mananampalatayang iyon ay walang maaasahan at walang magawa sa harap ng mga sakuna. Mas nakumbinsi ako nito sa mga salita ng Diyos, “Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan.”
Ang Diyos ay Kataas-taasan ng lahat ng pag-iral at ang buhay ng lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos. Ang Diyos ang nangangalaga at nagtutustos sa atin; ang Diyos ang nagmamalasakit at nagpoprotekta sa atin sa lahat ng oras. Kung tayong mga tao ay iiwan ang Diyos, daranas tayo ng sakuna. Tanging kapag lumapit tayo sa harapan ng Diyos, umasa sa Diyos, at sumamba sa Diyos gamit ang ating totoong puso na magkakaroon tayo ng magandang kapalaran at patutunguhan. Naranasan ang bagyong ito, talagang naramdaman ko na sa harap ng mga sakuna, tayong mga tao ay maliliit at hindi makakaya ang pinakamahinang dagok. Hindi tayo maililigtas ng mga opisyal ng gobyerno, ni ng ating mga kamag-anak at kaibigan. Ang Diyos lamang ang ating Manunubos at ating kanlungan. Binabalaan tayo ng Diyos sa pamamagitan ng mga sakuna na pinahahalagahan Niya ang matuwid na kilos ng tao at kinapopootan ang masasamang gawa ng tao. Kunin bilang halimbawa si Lot. Handa niyang ihandog ang kanyang dalawang anak na babae bilang kapalit upang maprotektahan ang dalawang anghel. Dahil sa kanyang matuwid na kilos, nakamit ng kanyang pamilya ang kaligtasan ng Diyos nang wasakin ng Diyos ang Sodom. Gayundin, sa mga huling araw kung kailan madalas nangyayari ang mga sakuna, hindi lamang tayo dapat maniwala sa Diyos ngunit dapat ding maghanda ng lahat ng uri ng mabubuting gawa. Sa gayon lamang tayo mapoprotektahan ng Diyos sa mga sakuna.
Kaya’t nagpasiya ako: Sa aking landas ng paniniwala sa Diyos sa hinaharap, kailangan kong umasa sa Diyos nang higit pa, ipagkatiwala ang aking sarili sa Kanyang mga kamay, at hayaan Siyang kontrolin at sakupin ako; Kailangan kong basahin nang higit pa ang mga salita ng Diyos at gampanan ang aking tungkulin nang mabuti upang aliwin ang Kanyang puso. Ang lahat ng kaluwalhatian ay sa Diyos!