(1) Ang layunin at kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawaing ginawa ni Jehova sa mga Israelita ay itinatag sa sangkatauhan, ang panlupang lugar na pinagmulan ng Diyos, na siya ring sagradong lugar kung saan Siya naroroon. Itinuon Niya ang Kanyang gawain sa mga tao ng Israel. Noong una, hindi Siya gumawa sa labas ng Israel, ngunit sa halip, pumili Siya ng mga taong natagpuan Niyang angkop upang malimitahan ang nasasaklawan ng gawain Niya. Ang Israel ay ang lugar kung saan nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at ginawa ni Jehova ang tao mula sa alabok sa lugar na iyon; ang lugar na ito ang naging himpilan ng gawain Niya sa lupa. Ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at mga inapo rin ni Adan, ay ang mga pantaong saligan ng gawain ni Jehova sa lupa.
Sa panahong ito, ang kabuluhan, layunin, at mga hakbang ng gawain ni Jehova sa Israel ay upang simulan ang gawain Niya sa buong mundo, na ang Israel ang nasa sentro at unti-unting lumaganap sa mga bansang Gentil. Nakaayon sa prinsipyong ito ang paraan ng Kanyang paggawa sa buong sansinukob—upang magtatag ng huwaran at pagkatapos ay palawakin ito hanggang sa ang lahat ng tao sa sansinukob ay nakatanggap na ng ebanghelyo Niya. Ang unang mga Israelita ay ang mga inapo ni Noe. Ang mga taong ito ay pinagkalooban lamang ng hininga ni Jehova, at nakaunawa nang sapat upang asikasuhin ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit hindi nila alam kung anong uri ng Diyos si Jehova, o kung ano ang kalooban Niya para sa tao, lalo na kung paano nila dapat igalang ang Panginoon ng buong sangnilikha. Patungkol naman sa kung mayroong mga alituntunin at mga kautusan na dapat sundin,[a] o kung may isang tungkuling dapat gampanan ang mga nilalang para sa Lumikha, walang alam ang mga inapo ni Adan sa mga bagay na ito. Ang alam lamang nila ay na dapat magpawis at magsikap ang asawang lalaki upang matustusan ang pamilya niya, at na dapat magpasakop ang asawang babae sa kanyang asawang lalaki at ipagpatuloy ang lahi ng mga tao na nilikha ni Jehova. Sa madaling salita, ang gayong mga tao, na tanging nagkaroon lamang ng hininga ni Jehova at buhay Niya, ay hindi nalalaman kung paano sundin ang mga kautusan ng Diyos o kung paano bigyang-kasiyahan ang Panginoon ng buong sangnilikha. Lubhang napakaliit ang naunawaan nila. Kaya bagamat walang kabuktutan o panlilinlang sa mga puso nila at bihirang umusbong ang pagseselos at pagtatalo sa kanila, gayunman ay wala silang kaalaman o pagkaunawa kay Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha. Ang alam lamang ng mga ninunong ito ng tao ay ang kumain ng mga bagay ni Jehova, at tamasahin ang mga bagay ni Jehova, ngunit hindi nila alam kung paano igalang si Jehova; hindi nila alam na si Jehova ang Siyang dapat nilang sambahin nang nakaluhod. Kaya paano sila matatawag na mga nilalang Niya? Kung magkagayon, hindi ba ang mga salitang, “Si Jehova ay ang Panginoon ng buong sangnilikha” at “Nilikha Niya ang tao upang maipamalas Siya ng tao, luwalhatiin Siya, at katawanin Siya” ay nasabi nang walang katuturan? Paanong ang mga taong walang pagpitagan kay Jehova ay naging patotoo ng kaluwalhatian Niya? Paano sila naging pagpapamalas ng kaluwalhatian Niya? Hindi ba ang mga salita ni Jehova na “Nilikha Ko ang tao sa larawan Ko” kung gayon ay naging sandata sa mga kamay ni Satanas na masama? Hindi ba ang mga salitang ito kung gayon ay naging isang tatak ng kahihiyan sa paglikha ni Jehova sa tao? Upang gawing ganap ang yugtong iyon ng gawain, pagkaraang likhain ang sangkatauhan, si Jehova ay hindi sila tinagubilinan o ginabayan mula kay Adan hanggang kay Noe. Sa halip, pagkaraang wasakin ng baha ang daigdig Siya nagsimulang pormal na gabayan ang mga Israelita, na mga inapo ni Noe at gayundin ni Adan. Ang gawain at mga pagbigkas Niya sa Israel ay nagbigay ng patnubay sa lahat ng tao ng Israel habang namumuhay sila sa buong lupain ng Israel, na nagpakita sa sangkatauhan na si Jehova ay hindi lamang kayang humihip ng hininga sa tao, upang magkaroon siya ng buhay mula sa Kanya at bumangon mula sa alabok at maging nilikhang tao, kundi maaari rin Niyang sunugin ang sangkatauhan, at sumpain ang sangkatauhan, at gamitin ang pamalo Niya upang pamahalaan ang sangkatauhan. Kaya rin nakita nila na maaaring gabayan ni Jehova ang buhay ng tao sa lupa, at magsalita at gumawa sa gitna ng sangkatauhan ayon sa mga oras ng araw at ng gabi. Ang gawaing ginawa Niya ay tanging upang mabatid ng mga nilalang Niya na nagmula ang tao sa alabok na pinulot Niya, at bukod dito, na ginawa Niya ang tao. Hindi lamang iyan, kundi una Niyang ginawa ang gawain Niya sa Israel upang ang ibang mga tao at mga bansa (na sa katunayan ay hindi hiwalay mula sa Israel, bagkus ay nagsanga mula sa mga Israelita, gayon pa man nagmula pa rin kina Adan at Eba) ay maaaring tumanggap ng ebanghelyo ni Jehova mula sa Israel, upang ang lahat ng nilikha sa sansinukob ay maigagalang si Jehova at ituring Siyang dakila. Kung hindi sinimulan ni Jehova ang gawain Niya sa Israel, ngunit sa halip, sa paglikha sa sangkatauhan, ay hinayaan silang mamuhay sa lupa nang walang inaalala, sa usaping iyon, dahil sa pisikal na kalikasan ng tao (ang ibig sabihin ng kalikasan ay hindi kailanman malalaman ng tao ang mga bagay na hindi niya nakikita, na ang ibig sabihin ay hindi niya malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, at lalo na kung bakit Niya ginawa ito), hindi niya kailanman malalaman na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan o na Siya ang Panginoon ng buong sangnilikha. Kung nilikha ni Jehova ang tao at inilagay siya sa daigdig, at basta pinagpag ang alikabok mula sa mga kamay Niya at umalis, sa halip na manatili sa gitna ng sangkatauhan para bigyan sila ng patnubay sa loob ng ilang panahon, kung gayon ang sangkatauhan ay bumalik sana sa kawalan; maging ang langit at lupa at ang lahat ng di-mabilang na bagay na ginawa Niya, at ang buong sangkatauhan, ay bumalik sana sa kawalan at bukod dito ay niyurakan na ni Satanas. Sa ganitong paraan ang nais ni Jehova na “Sa lupa, iyon ay, sa gitna ng Kanyang nilikha, marapat Siyang magkaroon ng lugar na matitindigan, isang banal na lugar” ay nasira na. At kaya, matapos likhain ang sangkatauhan na sinamahan Niya upang gabayan sila sa mga buhay nila, at kausapin sila sa gitna nila—ang lahat ng ito ay upang mapagtanto ang hangad Niya, at makamtan ang plano Niya. Ang gawain na ginawa Niya sa Israel ay nilayon lamang na isakatuparan ang plano na ginawa Niya bago ang paglikha Niya ng lahat ng bagay, at samakatuwid ang paggawa Niya muna sa gitna ng mga Israelita at ang paglikha Niya ng lahat ng mga bagay ay hindi salungat sa isa’t isa, kundi kapwa ginawa para sa kapakanan ng pamamahala Niya, gawain Niya, at luwalhati Niya, at ginawa upang laliman ang kahulugan ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Ginabayan Niya ang buhay ng sangkatauhan sa lupa nang dalawang libong taon pagkatapos ni Noe, kung kailan ay tinuruan Niya ang sangkatauhan na unawain kung paano igalang si Jehova, ang Panginoon ng buong sangnilikha, kung paano pamamahalaan ang mga buhay nila, at kung paano magpatuloy sa pamumuhay, at higit sa lahat, kung paano kumilos bilang saksi para kay Jehova, magbigay sa Kanya ng pagsunod, at bigyan Siya ng pagpipitagan, maging ang purihin Siya sa pamamagitan ng musikang katulad ng ginawa ni David at ng mga pari niya.
Hinango mula sa “Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa pasimula, ang paggabay sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan ay kagaya ng paggabay sa pamumuhay ng isang bata. Ang pinakaunang sangkatauhan ay bagong silang kay Jehova; sila ang mga Israelita. Hindi nila naunawaan kung paano igalang ang Diyos o mabuhay sa lupa. Na ang ibig sabihin, nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, iyon ay, nilikha Niya si Adan at si Eba, ngunit hindi Niya sila binigyan ng kakayahan na maunawaan kung paano igalang si Jehova o kung paano sundin ang mga batas ni Jehova sa lupa. Kung wala ang tuwirang paggabay ni Jehova, walang sinuman ang makaaalam nito nang tuwiran, sapagkat sa pasimula hindi tinaglay ng tao ang gayong kakayahan. Alam lamang ng tao na si Jehova ay Diyos, pero ganap na walang ideya ang tao kung paano Siya igalang, kung anong uri ng pag-uugali ang matatawag na paggalang sa Kanya, kung sa anong uri ng kaisipan Siya igagalang, o kung ano ang ihahandog sa paggalang sa Kanya. Alam lamang ng tao kung paano tamasahin yaong maaaring tamasahin sa lahat ng bagay na nilikha ni Jehova, ngunit wala ni anumang kamalayan ang tao kung anong uri ng pamumuhay sa lupa ang karapat-dapat sa isang nilalang ng Diyos. Kung walang magtuturo sa kanila, kung walang gagabay sa kanila nang personal, ang sangkatauhang ito ay hindi sana kailanman namuhay ng isang buhay na naaangkop sa sangkatauhan, kundi mabibihag lamang nang palihim ni Satanas. Nilikha ni Jehova ang sangkatauhan, na ibig sabihin, nilikha Niya ang mga ninuno ng sangkatauhan, sina Eba at Adan, ngunit hindi Niya ipinagkaloob sa kanila ang anumang karagdagang talino o karunungan. Bagama’t sila ay naninirahan na sa lupa, halos wala silang anumang nauunawaan. At kaya, ang gawain ni Jehova sa paglikha sa sangkatauhan ay nangalahati pa lamang, at matagal pa bago matapos. Hinubog pa lamang Niya ang isang modelo ng tao mula sa putik at binigyan ito ng Kanyang hininga, nang hindi ipinagkakaloob sa tao ang sapat na kahandaan na igalang Siya. Sa pasimula, ang tao ay walang balak na igalang Siya, o matakot sa Kanya. Ang alam lamang ng tao ay kung paano makinig sa Kanyang mga salita ngunit mangmang ito sa pangunahing kaalaman para sa pamumuhay sa lupa at sa mga normal na patakaran sa pamumuhay ng tao. At kaya, bagama’t nilikha ni Jehova ang lalaki at babae at tinapos ang pitong araw ng proyekto, hindi Niya natapos likhain ang tao sa anumang paraan, sapagkat ang tao ay isa lamang ipa, at walang realidad ng pagiging tao. Ang alam lamang ng tao ay na si Jehova ang lumikha sa sangkatauhan, ngunit walang kamalayan ang tao kung paano sumunod sa mga salita at mga kautusan ni Jehova. At kaya, pagkatapos ng paglikha sa sangkatauhan, ang gawain ni Jehova ay matagal pa bago magtapos. Kinailangan pa Niyang lubusang gabayan ang sangkatauhan na lumapit sa harap Niya, upang magawa nilang mamuhay nang magkakasama sa lupa at igalang Siya, at upang magawa nila, sa tulong ng Kanyang paggabay, na makapasok sa tamang landas ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova; iyon ay, sa gayon lamang ganap na natapos ang gawain ni Jehova ng paglikha sa mundo. At kaya, yamang nilikha Niya ang sangkatauhan, kinailangan Niyang gabayan ang pamumuhay ng sangkatauhan sa lupa sa loob ng ilang libong taon, upang magawang sumunod ng sangkatauhan sa Kanyang mga atas at mga kautusan, at makibahagi sa lahat ng gawain ng isang normal na pamumuhay ng tao sa lupa. Saka lamang ganap nang natapos ang gawain ni Jehova.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nang nagsimula ang Diyos sa opisyal na gawain ng Kanyang planong pamamahala, naglatag Siya ng maraming alituntunin na dapat sundin ng tao. Ang mga alituntunin na ito ay hinayaan ang tao na magkaroon ng normal na buhay sa mundo, isang pangkaraniwang buhay ng tao na hindi maihihiwalay sa Diyos at sa Kanyang patnubay. Unang sinabi ng Diyos sa tao kung paano gumawa ng mga dambana, paano ilagay ang mga dambana. Pagkatapos, sinabi Niya sa tao kung paano gumawa ng mga handog, at itinatag kung paano dapat mabuhay ang tao—kung ano ang dapat niyang bigyang-pansin sa buhay, kung ano ang dapat niyang sundin, kung ano ang dapat at hindi niya dapat gawin. Ang ibinigay ng Diyos para sa tao ay sumasakop sa lahat, at sa mga kaugalian, alituntunin, at mga prinsipyo na ito ay nagbigay Siya ng mga pamantayan para sa pag-uugali ng mga tao, ginabayan Niya ang kanilang mga buhay, ginabayan ang kanilang pagtanggap sa mga kautusan ng Diyos, ginabayan sila sa paglapit sa harap ng dambana ng Diyos, pinatnubayan sila sa pagkakaroon ng buhay sa gitna ng lahat ng bagay na ginawa ng Diyos para sa tao nang may kaayusan, kapanayan, at pagka-katamtaman. Unang ginamit ng Diyos ang mga simpleng alituntunin at mga prinsipyo upang magtakda ng mga hangganan para sa tao, upang sa lupa ay magkaroon ang tao ng isang pangkaraniwang buhay na sumasamba sa Diyos, magkaroon ng pangkaraniwang buhay ng tao; ito ang tiyak na nilalaman ng panimula ng Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Ang mga alituntunin at mga panuntunan ay sumasakop sa napakalawak na nilalaman, ang mga ito ay mga detalye ng paggabay ng Diyos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan, sila ay kailangang tanggapin at parangalan ng mga tao na dumating bago pa man ang Kapanahunan ng Kautusan, ang mga ito ay isang talaan ng mga gawain na ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, at ang mga ito ay tunay na katibayan ng pamumuno at patnubay ng Diyos sa lahat ng sangkatauhan.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bago ang dalawang libong taon kung kailan ginawa ni Jehova ang gawain Niya, walang alam ang tao, at nahulog sa kabuktutan ang halos lahat ng sangkatauhan, hanggang, bago ang pagkawasak ng mundo sa pamamagitan ng baha, umabot sila sa isang kasukdulan ng kahalayan at katiwalian kung saan ang mga puso nila ay ganap na walang-walang Jehova at karagdagang pagnanais ng daan Niya. Hindi nila kailanman naunawaan ang gawaing gagawin ni Jehova; kulang sila sa katwiran, mayroong mas kaunting kaalaman, at, katulad ng mga makinang humihinga, ay lubos na mangmang sa tao, sa Diyos, sa daigdig, sa buhay, at iba pa. Sa lupa, nakilahok sila sa maraming mga pang-aakit, katulad ng ahas, at nagsalita ng maraming bagay na nakasakit kay Jehova, ngunit sapagkat mangmang sila, hindi sila kinastigo o dinisiplina ni Jehova. Tanging pagkatapos ng baha, noong si Noe ay 601 taong gulang, pormal na nagpakita si Jehova kay Noe at ginabayan siya at ang pamilya niya, nanguna sa mga ibon at mga hayop na nakaligtas sa baha kasama si Noe at ang mga inapo niya, hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, na tumagal ng 2,500 taon. Nasa gawain Siya sa Israel, iyon ay, pormal na nasa gawain, sa loob ng 2,000 taon sa kabuuan, at nasa gawain kapwa sa Israel at sa labas nito nang 500 taon, na kapag pinagsama ay 2,500 taon. Sa panahong ito, tinagubilinan Niya ang mga Israelita na upang maglingkod kay Jehova, dapat silang magtayo ng isang templo, magsuot ng mga pang-paring kasuotan, at lumakad nang nakayapak sa templo sa madaling araw, dahil baka dungisan ng mga sapatos nila ang templo at ang apoy ay ipadala pababa sa kanila mula sa tugatog ng templo at sunugin sila hanggang kamatayan. Isinakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin at nagpasakop sa mga plano ni Jehova. Nanalangin sila kay Jehova sa templo, at pagkatapos tumanggap ng paghahayag ni Jehova, iyon ay, pagkatapos magsalita ni Jehova, pinangunahan nila ang maraming tao at tinuruan sila na dapat silang magpakita ng pagpipitagan kay Jehova—ang Diyos nila. At sinabihan sila ni Jehova na dapat silang magtayo ng templo at ng dambana, at sa oras na itinakda ni Jehova, iyon ay sa Paskwa, dapat silang maghanda ng mga bagong silang na guya at mga cordero upang ilagay sa dambana bilang mga alay upang isakripisyo kay Jehova, upang pigilan sila at lagyan ng pagpipitagan para kay Jehova sa mga puso nila. Ang pagsunod nila sa kautusang ito ang naging sukatan ng katapatan nila kay Jehova. Itinalaga rin ni Jehova ang Araw ng Kapahingahan para sa kanila, ang ikapitong araw ng paglikha Niya. Kinabukasan pagkaraan ng Araw ng Kapahingahan, ginawa Niya ang unang araw, isang araw para purihin nila si Jehova, para mag-alay sa Kanya ng mga handog, at lumikha ng musika para sa Kanya. Sa araw na ito, kinalap ni Jehova ang lahat ng mga pari upang hatiin ang mga handog na nasa dambana para kainin ng mga tao, upang matamasa nila ang mga handog sa dambana ni Jehova. At sinabi ni Jehova na pinagpala sila, na nagbahagi sila ng isang putol sa Kanya, at na sila ang hinirang na mga tao Niya (na siyang tipan ni Jehova sa mga Israelita). Ito ang dahilan kaya hanggang sa araw na ito, sinasabi pa rin ng mga tao ng Israel na si Jehova ay Diyos lamang nila, at hindi Diyos ng mga Gentil.
Hinango mula sa “Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Noong Kapanahunan ng Kautusan, naglatag si Jehova ng maraming mga utos kay Moises upang ipasa sa mga Israelitang sumunod sa kanya palabas ng Ehipto. Ang mga utos na ito ay ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, at walang kaugnayan sa mga taga-Ehipto; nilayon ang mga ito upang pigilan ang mga Israelita, at ginamit Niya ang mga utos upang gumawa ng mga kahilingan sa kanila. Kung nangilin man sila sa Araw ng Kapahingahan, kung iginalang man nila ang kanilang mga magulang, kung sinamba man nila ang mga diyos-diyosan, at iba pa—ito ang mga prinsipyong ginagamit para hatulan silang makasalanan o matuwid. Sa kanila, mayroong ilang tinamaan ng apoy ni Jehova, mayroong ilang binato hanggang kamatayan, at mayroong ilang tumanggap ng pagpapala ni Jehova, at tinukoy ito ng pagsunod nila o hindi pagsunod sa mga utos na ito. Binato hanggang kamatayan yaong mga hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan. Ang mga paring hindi nangilin sa Araw ng Kapahingahan ay tinamaan ng apoy ni Jehova. Binato rin hanggang kamatayan ang mga hindi nagpakita ng paggalang sa mga magulang nila. Inihabilin ni Jehova ang lahat ng ito. Itinatag ni Jehova ang Kanyang mga kautusan at mga batas Niya upang, habang pinangungunahan Niya sila sa mga buhay nila, ang mga tao ay makikinig at susunod sa salita Niya at hindi maghihimagsik sa Kanya. Ginamit Niya ang mga kautusang ito upang mapanatili sa ilalim ng pagsupil ang bagong silang na sangkatauhan, upang mas mainam na mailatag ang sandigan para sa panghinaharap Niyang gawain. At kaya, batay sa gawain na ginawa ni Jehova, tinawag ang unang kapanahunan na Kapanahunan ng Kautusan. Bagaman gumawa ng maraming pagbigkas at maraming ginawang gawain si Jehova, ginabayan lamang Niya ang mga tao sa positibong paraan, tinuturuan ang mga mangmang na taong ito kung paano maging tao, kung paano mamuhay, kung paano maunawaan ang daan ni Jehova. Sa malaking bahagi, ang gawaing ginawa Niya ay upang ang mga tao ay tumalima sa daan Niya at sundin ang mga kautusan Niya. Ang gawain ay ginawa sa mga taong mababaw ang katiwalian; hindi umabot ang saklaw nito sa pagbabago ng kanilang disposisyon o pag-unlad sa buhay. Interesado lamang Siya sa paggamit ng mga kautusan para higpitan at supilin ang mga tao. Para sa mga Israelita sa panahong iyon, si Jehova ay isang Diyos lamang sa templo, isang Diyos sa kalangitan. Isa Siyang haliging ulap, isang haliging apoy. Ang kinakailangan lamang ni Jehova na gawin nila ay ang sumunod sa alam ng mga tao ngayon bilang mga batas at mga kautusan Niya—maaari pa ngang sabihin ng isang tao na mga alituntunin—sapagkat ang ginawa ni Jehova ay hindi nilayon para baguhin sila, kundi para bigyan sila ng mas maraming bagay na dapat magkaroon ang tao at para tagubilinan sila mula sa sarili Niyang bibig sapagkat, pagkaraang malikha, wala ang tao ng anumang dapat na tinataglay niya. At kaya, ibinigay ni Jehova sa mga tao ang mga bagay na dapat nilang tinataglay para sa mga buhay nila sa lupa, upang ang mga taong ito na Kanyang pinangunahan ay magawa na malampasan ang kanilang mga ninuno, sina Adan at Eba, sapagkat ang ibinigay ni Jehova sa kanila ay higit sa ibinigay Niya kina Adan at Eba sa simula. Anupaman, ang gawaing ginawa ni Jehova sa Israel ay upang gabayan lamang ang sangkatauhan at gawin ang sangkatauhan na kumikilala sa kanilang Lumikha. Hindi Niya sila nilupig o binago, kundi ginabayan lamang sila. Ito ang kabuuan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang konteksto, ang totoong kuwento, ang diwa ng gawain Niya sa buong lupain ng Israel, at ang simula ng anim na libong taong gawain Niya—ang panatilihin ang sangkatauhan sa ilalim ng pagsupil ng kamay ni Jehova. Mula rito ay isinilang ang mas marami pang gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala Niya.
Hinango mula sa “Ang Gawain sa Kapanahunan ng Kautusan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
(2) Ang layunin at kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao, at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya. Siya ay ipinako sa krus upang matapos ang gawain ng pagtubos, wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno,” ang “Handog para sa Kasalanan,” at ang “Manunubos.” Dahil dito, ang nilalaman ng gawain ni Jesus ay naiba sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon sa prinsipyo. Sinimulan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang batayan—ang pinagmulan—ng gawain ng Diyos sa lupa, at nagpalabas ng mga batas at kautusan. Ito ang dalawang bahagi ng gawain na Kanyang isinakatuparan, at kumakatawan ang mga ito sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga batas, kundi upang tuparin ang mga ito, sa gayong paraan ay pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang nanguna, na pumarito upang simulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwa’t ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain ay nasa pagtubos. Kaya nga ang Kanyang gawain ay may dalawa ring bahagi: pagsisimula ng isang bagong kapanahunan, at pagkumpleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus, na sinundan ng Kanyang paglisan. At mula noon ay nagwakas ang Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula ang Kapanahunan ng Biyaya.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensiya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa nabuhay sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Sabi nga ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, na pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bagama’t si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang pinanatag ang Kanyang mga disipulo, tinustusan sila, tinulungan sila, at sinuportahan sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa, o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humiling nang labis sa mga tao, kundi lagi Siyang mapagpasensya at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, kaya Siya magiliw na tinawag ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na “ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus.” Sa mga tao noong panahong iyon—sa lahat ng tao—kung ano ang mayroon si Jesus at kung ano Siya noon, ay awa at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga paglabag ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi kailanman batay sa kanilang mga paglabag. Dahil ibang kapanahunan iyon, kadalasa’y nagkaloob Siya ng saganang pagkain sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang alagad nang may kabaitan, na nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, bumubuhay ng mga patay. Upang maniwala sa Kanya ang mga tao at makita nila na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, binuhay pa Niya ang isang naaagnas na bangkay, na ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at isinagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanila. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At sa huli, ipinako Siya sa krus, na isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan sa sangkatauhan. Palagi Siyang mapagparaya sa sangkatauhan, hindi kailanman mapaghiganti, kundi pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan, pinayuhan silang magsisi, at tinuruan silang magpasensya, magtiis, at magmahal, sumunod sa Kanyang mga yapak at isakripisyo ang kanilang sarili alang-alang sa krus. Ang Kanyang pagmamahal para sa mga kapatid ay humigit pa sa pagmamahal Niya kay Maria. Ginawa Niyang prinsipyo sa gawaing Kanyang ginawa ang pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, lahat para sa kapakanan ng Kanyang pagtubos. Saanman Siya pumunta, pinakitunguhan Niya nang may kabaitan ang mga sumunod sa Kanya. Pinayaman Niya ang mahirap, pinalakad Niya ang pilay, binigyan Niya ng paningin ang bulag, at ng pandinig ang bingi. Inanyayahan pa Niya ang mga pinakaaba, ang mga pinakasalat, ang mga makasalanan, na saluhan Siyang kumain, at hindi Niya sila kailanman iwinaksi kundi palagi Siyang nagpasensya, na sinasabi pang: Kung ang isang pastol ay nawawalan ng isa sa isang daan niyang mga tupa, iiwanan niya ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang isang tupang nawawala, at kapag nakita niya ito ay labis siyang magagalak. Minahal Niya ang Kanyang mga alagad gaya ng pagmamahal ng isang inang tupa sa kanyang mga cordero. Bagama’t sila ay mga hangal at mangmang, at makasalanan sa Kanyang paningin, at bukod pa riyan ay mga pinakaaba sa lipunan, itinuring Niya ang mga makasalanang ito—mga taong hinamak ng iba—na pinaka-paborito Niya. Dahil paborito Niya sila, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila, gaya ng isang cordero na inialay sa altar. Lumibot Siya sa kanila na parang alipin nila, at hinayaan silang gamitin Siya at patayin Siya, at sumuko sa kanila nang walang pasubali. Sa Kanyang mga alagad Siya ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus, ngunit sa mga Fariseo, na nagsermon sa mga tao mula sa mataas na pedestal, hindi Siya nagpakita ng awa at kagandahang-loob, kundi ng pagkasuklam at galit. Hindi Siya gumawa ng maraming gawain sa mga Fariseo, paminsan-minsan lamang Niya sila pinangaralan at sinaway; hindi Niya ginawa sa kanila ang gawain ng pagtubos, ni hindi Siya nagpakita ng mga tanda at himala. Ipinagkaloob Niya ang Kanyang awa at kagandahang-loob sa Kanyang mga alagad, na nagtitiis para sa kapakanan ng mga makasalanang ito hanggang sa kahuli-hulihan, nang Siya ay ipako sa krus, at nagdanas ng bawat kahihiyan hanggang sa lubos Niyang natubos ang buong sangkatauhan. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kung wala ang pagtubos ni Jesus, nabuhay na sana ang sangkatauhan sa kasalanan magpakailanman at naging mga anak ng kasalanan, mga inapo ng mga demonyo. Kung nagpatuloy ito, naging lupain na sana ni Satanas ang buong mundo, ang lupaing tirahan nito. Gayunman, ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito maaaring tumanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay magkaroon ng karapatang magawang ganap at lubos na makamit ng Diyos. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, hindi na sana sumulong ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Kung hindi ipinako si Jesus sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi sana lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo’t kalahating taon na ginugol ni Jesus sa paggawa ng Kanyang gawain sa lupa, natapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos, sa pagpapapako sa Kanya sa krus at pagiging kawangis ng makasalanang laman, sa pagpapasa sa Kanya roon sa masama, natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus at napangibabawan ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos na ibigay Siya sa mga kamay ni Satanas, saka lamang Niya natubos ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at tinalikuran, maging hanggang sa punto na wala Siyang mahimlayan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpahingahan, at kalaunan ay ipinako Siya sa krus, pati na ang Kanyang buong pagkatao—isang banal at walang-salang katawan—ay ipinako sa krus. Tiniis Niya ang lahat ng klase ng pagdurusa. Tinuya Siya at nilatigo ng mga nasa kapangyarihan, at dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa mukha; datapuwa’t Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang wakas, na sumusunod nang walang pasubali hanggang kamatayan, pagkatapos niyon ay tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Noon lamang Siya tinulutang makapagpahinga. Ang gawaing ginawa ni Jesus ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na napagdaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
(3) Ang layunin at kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagkasuwail ng tao, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
Hinango mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang apihin ang tao, o hikayatin ang tao; hindi nito makakayang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na gawing malinaw ang realidad ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at patnubayan ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagkamasunurin ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pakikitungo, pagtatabas, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. … Dati Ko nang nasabi na natatamo mula sa Silangan ang isang pangkat ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na nagmumula sa gitna ng malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay ang mga taong ito na natamo na ay tunay lamang na sumunod matapos dumaan sa paghatol at pagkastigo, at pakikitungo at pagtatabas, at lahat ng uri ng pagpipino. Hindi malabo at mahirap unawain, bagkus ay tunay ang paniniwala ng mga ganoong tao. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nagsasalita ng malalabong titik at mga doktrina, o malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang tunay na kaalaman sa realidad ng Diyos. Ang ganoon bang grupo ay walang higit na kakayahang gawing malinaw ang kapangyarihan ng Diyos?
Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bakit ang gawaing panlulupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawa’t uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawa’t uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawaing panlulupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman. Ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay; ang katapusan ng tao ay maliwanag nang ipinakita sa kanyang mga mata, at ang lahat ng bagay ay papangkatin ayon sa uri. Paano, kung gayon, makatatakas ang mga tao sa dalamhati ng pagpapangkat ng bawa’t isa ayon sa uri? Ang katapusan ng bawa’t klase ng tao ay inihahayag kapag ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay, at ito ay ginagawa habang nasa gawain ng panlulupig sa buong sansinukob (kabilang ang lahat ng gawaing panlulupig, simula sa kasalukuyang gawain). Ang pagbubunyag ng katapusan ng buong sangkatauhan ay ginagawa sa harap ng luklukan ng paghatol, sa pagpapatuloy ng pagkastigo, at sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig sa mga huling araw. … Ang kahuli-hulihang yugto sa panlulupig ay naglalayong magligtas ng mga tao, at magbunyag din ng kanilang mga katapusan. Ito ay upang isiwalat ang pagpapakasama ng mga tao sa pamamagitan ng paghatol, sa gayon ay nagsasanhi sa kanila na magsisi, bumangon, at maghabol ng buhay at ng tamang landas ng buhay ng tao. Ito ay upang gisingin ang mga puso ng mga manhid at mapurol na tao at upang ipakita, sa pamamagitan ng paghatol, ang kanilang panloob na pagiging mapanghimagsik. Subali’t, kung ang mga tao ay hindi pa rin makayang magsisi, hindi pa rin makayang maghabol ng tamang landas ng buhay ng tao at hindi pa rin makayang itakwil ang mga katiwaliang ito, sila ay hindi na maililigtas, at lalamunin ni Satanas. Gayon ang kabuluhan ng panlulupig ng Diyos: upang iligtas ang mga tao, at upang ipakita rin ang kanilang mga katapusan. Magandang katapusan, masamang katapusan—itong lahat ay ibinubunyag ng gawaing panlulupig. Kung ang mga tao ay maliligtas o isusumpa ay ibinubunyag lahat sa panahon ng gawaing panlulupig.
Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri sa pamamagitan ng panlulupig. Ang panlulupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawa’t tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano mapagpapangkat-pangkat ang mga tao? Ang gawain ng pagpapangkat-pangkat na ginagawa sa inyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa buong sansinukob. Pagkatapos nito, yaong mga nasa lahat ng lupain at bayan ay isasailalim din sa gawaing panlulupig. Nangangahulugan ito na ang bawa’t tao sa sangnilikha ay pagpapangkat-pangkatin ayon sa uri, magpapasakop sa harap ng hukumang-luklukan upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi papangkat-pangkatin ayon sa uri; ang bawa’t tao ay pagsasama-samahin ayon sa klase, dahil ang katapusan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at lahat ng langit at lupa ay nakarating na sa wakas nito. Paano makatatakas ang tao sa mga huling araw ng pantaong pag-iral?
Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa sakop ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas–ang tao na nagawang tiwali ni Satanas–sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.
Hinango mula sa “Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya sa kalagitnaan nila. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang Gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.
Hinango mula sa “Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao