Read more!
Read more!

Sino ang Nag-iisang Tunay na Diyos?

Sa mga panahong ito, karamihan ng mga tao ay nananampalataya at naniniwalang mayroong Diyos. Naniniwala sila sa Diyos na nasa kanilang puso. Kaya sa paglipas ng panahon, ang mga tao sa iba’t ibang lugar ay naniwala sa napakaraming iba’t ibang Diyos, daan-daan o baka nga libo-libo pa. Marami nga kaya talaga? Siyempre hindi. Kung gayon, ilan ba talaga, at sino ang tunay na Diyos? Walang sikat o dakilang tao ang makapagbibigay ng malinaw na sagot dito, dahil walang sinumang tao ang maaaring makakita sa Diyos o direktang makipag-ugnayan sa Kanya. Bawat tao ay maigsi lang ang buhay, at napakalimitado ng kanyang nararanasan at nasasaksihan, kaya sinong malinaw na makapagpapatotoo sa Diyos? ’Yung mga may kakayahan ay bibihira. Kilala natin ang Biblia bilang ang pinakaklasiko at may pinakamataas na awtoridad na gawain na nagpapatotoo sa Diyos. Tinataglay nito ang patotoo na nilikha ng Diyos ang lahat, at simula nang likhain ang sangkatauhan, hindi Siya kailanman tumigil sa paggabay sa buhay ng mga tao sa lupa. Nagbigay Siya ng mga batas at kautusan para sa tao, at nagpapatotoo rin ito sa Diyos na nagkatawang tao, na ang Panginoong Jesus ay dumating para tubusin ang sangkatauhan. Ipinopropesiya nito ang pagbabalik ng Diyos sa mga huling araw para gawin ang gawain ng paghatol para lubusang iligtas ang sangkatauhan at dalhin ang tao sa isang magandang destinasyon. Kung gayon ay malinaw na ang Diyos na pinatototohanan ng Biblia ay ang Lumikha, ang nag-iisang tunay na Diyos. Matatag ang batayan nito. Tinatanong ng ilan, “Sino ba talaga ang Diyos na ito na pinatototohanan ng Biblia? Anong pangalan Niya? Anong itatawag natin sa Kanya?” Tinawag Siyang Jehovah, tapos nung nagkatawang-tao, tinawag Siyang Panginoong Jesus, at pagkatapos, ipinopropesiya ng Pahayag na darating ang Makapangyarihan sa lahat sa mga huling araw—ang Makapangyarihang Diyos. Ang Diyos na ito ay Siya na lumikha sa langit, lupa, lahat ng bahay, at sangkatauhan. Siya ang nag-iisang tunay na Diyos na palaging ginagabayan at inililigtas ang sangkatauhan. Siya’y walang hanggan, Siya’y kataas-taasang makapangyarihan sa lahat, at pinamumunuan ang lahat. Kaya sinuman maliban sa Lumikhang ito at nag-iisang tunay na Diyos na ito ay isang huwad na diyos. Si Satanas ay isang huwad na Diyos, at ’yung mga fallen angel na sumunod dito ay mga nagpapanggap na diyos para linlangin ang mga tao, walang pinipili. Halimbawa, sina Buddha, Guanyin, at ang Jade Emperor ng Daoismo ay lahat huwad na diyos. Marami pang ibang huwad na diyos, tulad no’ng mga inordinahan ng mga nakaraang emperador, at hindi na kailangang banggitin pa ang mga diyos ng ibang relihiyon. Kung gayon, bakit natin sinasabing sila ay mga huwad na Diyos? Dahil hindi nila nilikha ang lahat sa langit at sa lupa, o nilikha ang sangkatauhan. Ito ang pinakamatibay na katunayan. Lahat ng walang kakayahang lumikha ng lahat ng bagay, na mamuno sa lahat ng bagay, ay mga huwad na diyos. Sa palagay mo ba’y maglalakas-loob ang isang huwad na diyos na sabihing ang lahat ng bagay ay nilikha nito? Hindi. E ’yung mga tao? Hindi ito maglalakas-loob. Maglalakas-loob ba itong sabihing kaya nitong iligtas ang sangkatauhan mula kay Satanas? Talagang hindi. Kapag talagang dumating ang mga sakuna, kapag tumawag ka sa isang huwad na diyos, magpapakita ba ito? Hindi nito kaya—magtatago ito, ’di ba? Kaya makikita nating hindi kayang iligtas ng mga huwad na diyos ang sangkatauhan, at ang paniniwala sa kanila ay walang kabuluhang pananampalataya. Ang paniniwala sa kanila ay pagpapakamatay, at maaari lamang mauwi sa pagkawasak. Ito ang dahilan kung bakit ang kahalagahan ng pagtukoy kung sino ang tunay na Diyos, ang Panginoong lumikha ng lahat, ay labis na mahalaga.

Tingnan natin kung ano ang sinasabi sa Genesis 1:1. “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” Ito ang pinakaunang berso sa Biblia. Talagang may awtoridad ito at makahulugan. Ibinabahagi nito ang misteryo ng paglikha ng Diyos sa langit, lupa, at lahat ng bagay sa sangkatauhan. Isa ring tala ang Genesis ng paglikha ng Diyos sa liwanag at hangin gamit ang Kanyang mga salita, pati na sa lahat ng hayop at halaman, at paglikha sa tao gamit ang sarili Niyang mga kamay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at itinataguyod at tinutustusan ang lahat ng bagay. Ibinibigay Niya sa atin ang lahat para manatili tayong buhay. Ang sangkatauhan at lahat ng iba pang buhay na nilalang ay nananatiling buhay sa ilalim ng mga kautusang itinalaga ng Diyos. Ito ang kakaibang kapangyarihan at awtoridad ng Lumikha, at isang bagay na ’di kailanman makakamtan o makakamit ng tao, anghel, o masamang espiritu ni Satanas. Masasabi natin nang may katiyakan na ang Nag-iisang may kakayahang lumikha ng lahat ng bagay at ng sangkatauhan ay ang Lumikha, ang nag-iisang tunay na Diyos.

Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at nilikha Niya ang sangkatauhan; pinamumunuan Niya ang lahat ng bagay. Samantala, inaakay at inililigtas Niya ang buong sangkatauhan. Tingnan natin kung anong sinasabi sa Biblia. Sa simula, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at matapos matukso ni Satanas sina Adan at Eba, namuhay sa kasalanan ang tao. Ang mga inapo nina Adan at Eba ay dumami sa lupa, pero hindi nila alam kung paano mamuhay o kung paano sambahin ang tunay na Diyos. Batay sa Kanyang plano ng pamamahala, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ibinibigay ang mga batas at kautusan, tinuturuan ang sangkatauhan kung ano ang kasalanan, kung anong dapat nilang gawin at kung anong ’di nila dapat gawin, para alam nila kung paano mamuhay at paano sambahin ang Diyos na si Jehova. Ganito ginabayan ng Diyos ang sangkatauhan papunta sa tamang landas sa buhay. Sa bandang dulo ng Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay labis na nagawang tiwali ni Satanas na hindi nila masunod ang kautusan at lalo’t lalong nagkakasala. Ni wala ngang maibigay na sapat na handog para sa kasalanan. Ang buong sangkatauhan ay makokondena at parurusahan ng kamatayan sa ilalim ng batas kung nagpatuloy iyon. Para iligtas ang sangkatauhan, nagkatawang-tao ang Diyos bilang ang Panginoong Jesus. Siya Mismo ay ipinako sa krus para sa sangkatauhan bilang handog para sa kasalanan natin, inaako ang mga kasalanan ng tao. Pagkatapos noon, wala nang kailangang magbigay ng handog para sa kanilang mga kasalanan. Basta’t sila’y naniwala, nangumpisal, at nagsisi sa Panginoon, ang kanilang mga kasalanan ay pinatawad, at pwede silang lumapit sa Diyos para tamasahin ang lahat ng biyayang ibinigay Niya sa mga ito. Kung hindi naghandog para sa kasalanan ang Panginoong Jesus, nakondena sana ang lahat at pinarusahan ng kamatayan sa ilalim ng batas, at imposibleng narito pa rin tayo ngayon. Kaya alam natin na ang Panginoong Jesus ang Tagapagtubos ng buong sangkatauhan, ang pagpapakita ng nag-iisang tunay na Diyos. Ang Kanyang Espiritu ay ang Espiritu ng Diyos na si Jehova. Siya ang pagpapakita ng Diyos na si Jehova sa katawang-tao. Sa simpleng pananalita, dumating sa mundo ang Diyos na si Jehova bilang isang tao para tubusin ang sangkatauhan, at Siya ang nag-iisang tunay na Diyos.

Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, at lahat ng naniwala sa Panginoon ay napatawad sa kanilang mga kasalanan. Kahit na tinatamasa ang kapayapaan at kasiyahan ng kapatawaran ng mga kasalanan at lahat ng biyayang ibinibigay ng Diyos sa tao, hindi kailanman tumigil sa pagkakasala ang sangkatauhan. Namumuhay ang mga tao sa paulit-ulit na pagkakasala, pangungumpisal, at pagkakasalang muli. Hindi nila nakamit ang kabanalan o naging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Ipinangako ng Panginoong Jesus na darating Siyang muli sa mga huling araw para lubos na iligtas ang tao mula sa kasalanan at gawin siyang malinis, para madala Niya siya sa Kanyang kaharian. Tulad ng Kanyang ipinangako, ang Diyos ay personal na dumating ngayon sa lupa sa katawang-tao. Siya ang Makapangyarihang Diyos, na ipinapahayag ang katotohanan at ginagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Milyon-milyon na ang mga salitang binigkas ng Makapangyarihang Diyos, ibinubunyag ang mga misteryo ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at sinasabi sa sangkatauhan ang lahat ng tungkol sa ugat ng pagkakasala ng tao at paglaban sa Diyos, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, kung paanong paisa-isang hakbang na gumagawa ang Diyos para iligtas ang tao, kung paano isagawa ang pananampalataya para madalisay at makapasok sa Kanyang kaharian, kung paano makamit ang pagpapasakop at pagmamahal sa Diyos, pati na ang kalalabasan at panghuling destinasyon ng bawat uri ng tao. Mayroong napakaraming iba’t ibang uri ng mga katotohanan na binigkas ng Makapangyarihang Diyos—walang kulang. Dahil napakaraming katotohanan na ang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, makukumpirma nating Siya ang Panginoong Jesus na nagbalik, dahil ipinropesiya ng Panginoon, “Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:13). Hindi ba’t ang pagbubunyag ng Makapangyarihang Diyos ng napakaraming katotohanan ang katuparan ng propesiya ng Panginoong Jesus? Hindi ba’t pinatutunayan nito na Siya ang Espiritu ng Panginoong Jesus na nagbalik para gumawa sa katawang-tao? At sa gayon, ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay iisa ang Espiritu, at ang Makapangyarihang Diyos ang Tagapagligtas na dumating sa lupa para lubos na iligtas ang sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang makakapagpahayag ng katotohanan. Maliban sa Diyos, walang sinumang tao ang makakagawa nito. Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, walang sinumang tao ang nakapagpahayag ng mga katotohanan. Ang mga bagay na sinabi ng lahat ng sikat at malalaking personalidad na iyon, at ng mga demonyo at masasamang espiritu na iyon na nagpapanggap na mga diyos ay lahat maling paniniwala at nakalilinlang na mga kasinungalingan, walang kahit isang salita ng katotohanan. Tanging ang Diyos Mismo ang makakapagpahayag ng katotohanan at makapagliligtas sa sangkatauhan. Walang duda iyon.

Nilikha ng Diyos ang kalangitan, ang lupa, ang lahat ng bagay, at nilikha Niya ang sangkatauhan. Sa buong panahong ito, nagsasalita at gumagawa Siya para gabayan at iligtas ang sangkatauhan. May kumpiyansa nating masasabi na tanging ang Lumikha na nakalilikha ng langit, lupa, at lahat ng bagay, at naghahari sa kapalaran ng sangkatauhan ay ang nag-iisang tunay na Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at tanging ang Diyos ang nagmamalasakit sa kapalaran at pagsulong ng tao. Mula nang makumpleto ang gawain ng paglikha sa mundo, nakatuon na ang Diyos sa sangkatauhan, pinapastol tayo at tinutustusan tayo ng lahat ng kailangan natin, nagtutustos para sa atin nang may labis na kasaganaan. Hindi Siya lumayo sa atin at pinabayaan tayo pagkatapos tayong likhain. Nang magsimulang opisyal na mamuhay ang sangkatauhan sa lupa, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, naglalabas ng mga utos upang gabayan ang buhay ng tao sa lupa. Nang ang tao ay naging napakalalim na nagawang tiwali ni Satanas para sundin ang mga batas, ang lahat ay nahaharap sa pagkondena sa ilalim ng mga batas at nasa isang puntong wala nang balikan, kaya ang Diyos ay naging tao bilang ang Panginoong Jesus at personal na kinumpleto ang gawain ng pagtubos para patawarin ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan, tinutulutan silang matamasa ang biyaya at mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Nang matapos ang kapanahunan na iyon, muling nagkatawang-tao ang Diyos, sa pagkakataong ito bilang Makapangyarihang Diyos, para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang ganap na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at sa mga puwersa ni Satanas, para akayin ang sangkatauhan sa isang magandang destinasyon. Bagama’t bawat kapanahunan ng gawain ng Diyos ay may ibang pangalan at nakumpleto Niya ang ibang gawain, lahat ito’y ginawa ng isang Diyos. Mayroon lang Siyang isang Espiritu, at Siya ang nag-iisang tunay na Diyos. Hindi ito mapag-aalinlangan. Gaya ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang gawain ng buong plano ng pamamahala ng Diyos ay personal na ginagawa ng Diyos Mismo. Ang unang yugto—ang paglikha ng mundo—ay personal na ginawa ng Diyos Mismo, at kung hindi nangyari ito, walang sinumang may kakayahang likhain ang sangkatauhan; ang ikalawang yugto ay ang pagtubos sa buong sangkatauhan, at ito ay personal ding ginawa ng Diyos Mismo; ang ikatlong yugto ay malinaw: Mas malaki ang pangangailangan na ang Diyos Mismo ang tumapos sa Kanyang buong gawain. Ang gawain ng pagtubos, panlulupig, pagtamo, at pagpeperpekto sa buong sangkatauhan ay personal na isinasakatuparang lahat ng Diyos Mismo. Kung hindi Niya personal na ginawa ang gawaing ito, kung gayon ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi makakatawan ng tao, o magagawa ng tao ang Kanyang gawain. Upang talunin si Satanas, upang makamit ang sangkatauhan, at upang bigyan ang tao ng isang normal na buhay sa lupa, personal Niyang pinangungunahan ang tao at personal na gumagawa sa gitna ng tao; para sa kapakanan ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at para sa lahat ng Kanyang gawain, kailangang personal Niyang gawin ang gawaing ito(“Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain(“Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na mayroon lamang iisang Diyos, iisang Lumikha, tanging Diyos Mismo ang makalilikha ng lahat ng bagay, ang makapamumuno sa kapalaran ng buong sangkatauhan, makagagabay sa buhay ng sangkatauhan sa lupa, makapagliligtas sa tao, at makagagabay sa tao papunta sa isang magandang destinasyon. Gaya ng sinasabi sa Pahayag, “Ako ang Alpha at ang Omega, at ang Una at ang Huli, ang Pasimula at ang Wakas(Pahayag 22:13). Hindi kayang likhain ng mga huwad na diyos ang lahat ng bagay, lalo na ang iligtas ang sangkatauhan o tapusin ang isang kapanahunan. Hindi kailanman magagawa ng isang huwad na diyos ang gawaing ginagawa ng tunay na Diyos. Maaari lang magpakita ng ilang tanda o kababalaghan ang isang huwad na diyos, o magpakalat ng ilang erehiya at maling paniniwala para iligaw at gawing tiwali ang mga tao. Maaari silang magbigay ng ilang maliliit na pabor para makuha ang mga tao, at gawin ang mga taong magsunog ng insenso para sa kanila at sambahin sila bilang Diyos. Pero hindi kayang magpatawad ng mga kasalanan ang mga huwad na diyos o magpahayag ng mga katotohanan para linisin ang katiwalian ng mga tao. Lalo nang ’di nila kayang iligtas ang sangkatauhan mula sa mga pwersa ni Satanas. Ang mga huwad na diyos na naglalakas-loob na gayahin ang tunay na Diyos ay nagpapakitang sila ay masama at sagad na walang hiya, at sa huli, sila’y igagapos at itatapon sa walang hanggang hukay ng Diyos—sila’y parurusahan. Lahat ng kumakalaban sa Diyos ay buburahin Niya sa huli.

Kaya, para hanapin ang tunay na Diyos, dapat n’yong hanapin ang Siyang lumikha ng lahat ng bagay, na namumuno sa lahat ng bagay, ang Siyang kayang magpahayag ng katotohanan at gumawa para iligtas ang sangkatauhan. Ito ang susi. Tanging sa paniniwala at pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos na ito, pagtanggap sa mga katotohanang Kanyang ipinapahayag, at pagkamit ng katotohanan bilang iyong buhay ka maaaring mapalaya mula sa kasalanan, matanggap ang pagliligtas ng Diyos, at mapasok ang magandang destinasyon. Kung hindi mo kilala kung sino ang tunay na Diyos, kailangan mong maghanap at magsiyasat. Hindi natin pwedeng pagkamalan ang mga huwad na diyos bilang ang tunay na Diyos dahil lang nagpapakita sila ng ilang kababalaghan o nagpapagaling ng ilang karamdaman. Magiging bawal ito, dahil hindi sila ang tunay na Diyos. Ang pagsamba sa huwad na diyos ay kalapastanganan, ito’y paglaban sa Diyos at katumbas ng pagtataksil sa tunay na Diyos. Walang anumang paglabag ng tao ang palalampasin ng disposisyon ng Diyos, kaya lahat ng naniniwala sa isang huwad na diyos ay isusumpa at wawasakin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito: Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata(“Kabanata 26” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).

Share