Read more!
Read more!

Sa Pang-anim na Araw, Nagsalita ang Lumikha, at ang Bawat Uri ng Buhay na Nilalang sa Kanyang Isipan ay Lumitaw nang Isa-isa

Hindi mamamalayan na nagpatuloy ang paggawa ng Lumikha sa lahat ng bagay nang limang araw, kasunod agad na sinalubong ng Lumikha ang pang-anim na araw ng Kanyang paglikha ng lahat ng bagay. Isa na namang bagong pasimula ang araw na ito, at isa muling pambihirang araw. Ano kaya ang plano ng Lumikha sa bisperas ng bagong araw na ito? Anong mga bagong nilalang ang Kanyang ilalabas, ang lilikhain Niya? Makinig, iyan ang boses ng Lumikha …

“At sinabi ng Diyos, ‘Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kanyang uri, ng bakahan at ng mga nilikha na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kanyang uri:’ at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kanyang uri, at ang bakahan ayon sa kanyang uri, at ang bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti” (Genesis 1:24–25). Anong mga buhay na nilalang ang kasama rito? Sinasabi ng Kasulatan: mga baka, at mga gumagapang na nilalang, at mga hayop ng lupa ayon sa kanyang uri. Ibig sabihin, sa araw na ito, hindi lamang mayroong iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa lupa, kundi napagsama-sama silang lahat ayon sa uri, at gayon din naman, “nakita ng Diyos na ito ay mabuti.”

Tulad ng nakaraang limang araw, sa parehong tono, sa pang-anim na araw ay iniutos ng Lumikha ang pagsilang ng mga gusto Niyang mga buhay na nilalang, at lumitaw ang mga ito sa lupa, ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Kapag ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad, wala sa Kanyang mga salita ang nabibigkas nang walang saysay, at kaya, sa pang-anim na araw, ang bawat buhay na nilalang na nilayon Niyang likhain ay lumitaw sa itinakdang sandali. Tulad ng sinabi ng Lumikha, “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kanyang uri,” agad na napuno ng sigla ang mundo, at sa ibabaw ng lupain ay biglang naglitawan ang hininga ng lahat ng uri ng mga buhay na nilalang…. Sa madamong berdeng kaparangan, ang matatabang baka, na ikinakawag ang kanilang mga buntot nang paroon at parito, ay isa-isang lumitaw, ang mga umuungang tupa ay nagtipun-tipon tungo sa mga kawan, at ang humahalinghing na mga kabayo ay nagsimulang magsikabig…. Sa isang iglap, napuno ng sigla ang malaking kalawakan ng tahimik na damuhan…. Ang paglitaw ng sari-saring uri ng mga hayop na ito ay isang magandang tanawin sa payapang damuhan, at nagdulot ito ng walang hangganang kasiglahan…. Sila ang magiging mga kasama ng mga damuhan, at ang mga panginoon ng mga damuhan, bawat isa ay nakadepende sa isa’t isa; gayon din sila ang magiging tagabantay at tagapangalaga ng mga lupaing ito, na siyang magiging permanenteng tirahan nila, at siyang magbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila at pagmumulan ng walang-hanggang pagkain para sa kanilang pag-iral …

Sa parehong araw na nabuhay ang iba’t ibang mga hayop na ito, sa pamamagitan ng salita ng Lumikha ay isa-isa ring lumitaw ang maraming insekto. Kahit na sila ang pinakamaliliit sa mga bagay na may buhay sa gitna ng lahat ng nilalang, ang puwersa ng kanilang buhay ay mahimalang paglikha pa rin ng Lumikha, at hindi sila dumating nang napakahuli…. Ikinampay ng iba ang kanilang maliliit na pakpak, habang ang mga iba ay dahan-dahang gumapang; ang iba ay tumalon at tumalbog, ang ilan ay sumuray-suray; ang ilan ay gumulong pasulong, habang ang iba ay mabilis na umurong; ang iba ay gumalaw nang patagilid, ang iba naman ay tumalon nang pataas at paibaba…. Abala ang lahat sa paghahanap ng mga tahanan para sa kanilang mga sarili: Ang ilan ay sumuot sa damuhan, ang ilan ay nagsimulang maghukay ng mga butas sa lupa, ang ilan ay lumipad pataas tungo sa mga puno at nakatago sa mga kagubatan…. Kahit na maliit, hindi nila gustong tiisin ang hirap kapag walang laman ang tiyan, at matapos makakita ng kanilang sariling mga matitirahan, nagmadali silang maghanap ng pagkain para pakainin ang kanilang mga sarili. Ang iba ay umakyat sa damo para kainin ang mga malalambot nitong dahon, ang iba ay umukab sa lupa at nilunok ito patungo sa kanilang mga tiyan, sarap na sarap at siyang-siya habang kumakain (para sa kanila, kahit ang lupa ay masarap na pagkain); ang ilan ay nakatago sa mga kagubatan, ngunit hindi huminto ang mga ito para magpahinga, dahil ang dagta sa loob ng makikintab at matitingkad na berdeng dahon ay nagkaloob ng napakasarap na pagkain…. Matapos magsawa ang mga ito, hindi pa rin huminto sa kanilang mga gawain ang mga insekto; bagama’t mababa ang katayuan, may taglay na napakatinding kalakasan at walang-limitasyong kasiglahan ang mga ito, at kaya sa lahat ng nilalang, ang mga ito ang pinakamaliliksi at pinakamasisipag. Hindi sila kailanman naging tamad, at kailanman ay hindi nagpasasa sa pamamahinga. Sa sandaling magsawa sa kakakain, nagtatrabaho pa rin ang mga ito alang-alang sa kanilang hinaharap, abala sila at nagmamadali para sa kanilang kinabukasan, para sa pagpapatuloy ng kanilang buhay…. Marahan silang humuni ng mga awitin na may sari-saring himig at ritmo para palakasin at himukin ang kanilang mga sarili na magpatuloy. Nagdulot din sila ng kasiyahan sa damuhan, mga puno, at sa bawat pulgada ng lupa, ginagawa ang bawat araw, at ang bawat taon, na natatangi…. Sa kanilang sariling mga wika at sa kanilang sariling mga paraan, nagdala ng kabatiran ang mga ito sa lahat ng bagay na may buhay sa kalupaan. Gamit ang kanilang sariling espesyal na pamumuhay, minarkahan nila ang lahat ng bagay, kung saan nag-iwan sila ng mga bakas…. Malapit ang relasyon nila sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan, at nagdulot sila ng kalakasan at kasiglahan sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan. Dinala ng mga ito ang mga pangaral at pagbati ng Lumikha sa lahat ng bagay na nabubuhay …

Tinitigan ng Lumikha ang lahat ng bagay na Kanyang nalikha, at sa sandaling ito ang Kanyang mata ay sandaling napako sa mga kagubatan at kabundukan habang umiikot ang isipan Niya. Habang ang Kanyang mga salita ay binigkas, sa makakapal na kagubatan, at sa ibabaw ng mga kabundukan, may lumitaw na isang uri ng nilalang na di-tulad ng ibang dati nang dumating: Ang mga iyon ay ang mababangis na hayop na binigkas ng bibig ng Diyos. Dapat sana ay noon pa, iniling-iling nila ang kanilang mga ulo at iwinasi-wasiwas ang kanilang mga buntot, bawat isa ay may kani-kanilang natatanging itsura. May mabalahibo, mayroong may kalasag, may naglabas ng mga pangil, may nakangisi, may mahaba ang leeg, may maikli ang buntot, mayroong mabangis ang tingin, may mahiyaing tingin, may nakayukong kumakain ng damo, mayroong may dugo sa kanilang mga bibig, may lumuluksu-lukso sa dalawang paa, may naglalakad gamit ang apat na malalaking paa, may nakatanaw sa malayo sa itaas ng mga puno, may naghihintay sa mga kagubatan, may mga naghahanap ng mga kweba para mamahinga, may masasayang nagtatakbuhan sa mga kapatagan, may mga umaali-aligid sa mga kagubatan…; may mga umuungol, may mga umaalulong, may mga tumatahol, may mga umiiyak…; may mga soprano, may mga baritono, may mga malagong, may mga malinaw at malambing…; may mga mabagsik, may mga maganda, may mga nakakadiri, may mga nakatutuwa, may mga nakakatakot, may mga walang-muwang na kaakit-akit…. Isa-isa silang naglabasan. Tingnan kung gaano sila kataas at kalakas, malaya, medyo mailap sa isa’t isa, hindi man lamang sumusulyap sa isa’t isa…. Bawat isa ay taglay ang partikular na buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at ang kanilang sariling kabangisan, at kalupitan, lumitaw sila sa mga kagubatan at sa mga kabundukan. Hinahamak ang lahat, ganap na nangingibabaw—sila nga talaga ay mga tunay na amo ng mga kabundukan at kagubatan. Mula sa sandaling itinalaga ng Lumikha ang kanilang mga hitsura, “inangkin” na nila ang mga kagubatan at ang mga kabundukan, dahil isinara na ng Lumikha ang kanilang mga hangganan at tinukoy na ang sakop ng kanilang pag-iral. Sila lamang ang totoong mga panginoon ng mga kabundukan at kagubatan, at kaya napakabangis nila, napakasuwail. Tinawag silang “mababangis na hayop” sa tanging kadahilanan na, sa lahat ng nilalang, sila ang siyang tunay na mabangis, malupit, at hindi mapaamo. Hindi sila mapapaamo, kaya hindi sila maaalagaan, at hindi makakapamuhay nang kaayon ng sangkatauhan o magtrabaho para sa sangkatauhan. Ito ay dahil hindi sila maaalagaan, hindi makakagawa ang mga ito para sa sangkatauhan, na kailangang mamuhay ang mga ito nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malalapitan ang mga ito ng tao. Bunga nito, dahil namuhay sila nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malapitan ng tao, kaya nagawang tuparin ng mga ito ang responsibilidad na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha: ang pagbabantay sa mga kabundukan at sa mga kagubatan. Pinangalagaan ng kabangisan ng mga ito ang mga kabundukan at binantayan ang mga kagubatan, at ang pinakamahusay na pag-iingat at kasiguruhan ng kanilang pag-iral at pagpaparami. Kasabay nito, pinanatili at siniguro ng kabangisan ng mga ito ang pagiging balanse ng lahat ng bagay. Ang kanilang pagdating ay nagbigay ng suporta at kanlungan sa mga kabundukan at mga kagubatan; ang pagdating ng mga ito ay nagdala ng walang-hangganang kalakasan at kasiglahan sa tahimik at walang-buhay na mga kabundukan at mga kagubatan. Mula sa puntong ito, naging permanenteng tirahan na nila ang mga kabundukan at mga kagubatan, at kailanman ay hindi mawawala sa kanila ang kanilang tirahan, dahil lumitaw at umiral ang mga kabundukan at mga kagubatan para sa kanila; tutuparin ng mababangis na hayop ang kanilang mga tungkulin at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para bantayan ang mga iyon. Kaya, gayundin, ang mababangis na hayop ay mahigpit na susunod sa mga tagubilin ng Lumikha na panghawakan ang kanilang mga teritoryo, at patuloy na gamitin ang kanilang mababangis na kalikasan para panatilihin ang pagiging balanse ng lahat ng bagay na itinatag ng Lumikha, at ipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Share