Kapag iniisip natin ang pangalan ng Panginoong Jesus, madalas nating naiisip ang mga bersikulo sa Biblia na, "Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man" (Mga Hebreo 13:8). "At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas" (Mga Gawa 4:12). Pinaniniwala ng mga bersikulong ito ang marami na hindi kailanman magbabago ang pangalan ng Panginoong Jesus, at na kapag nagbalik Siya sa mga huling araw, at hindi Jesus ang pangalan Niya, dapat hindi natin Siya paniwalaan o sundin.
Ngunit tinatanong ng ilang mga kapatid: Kahit na ang mga salitang "Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man" (Mga Hebreo 13:8) ay tunay ngang nakatala sa Biblia, tinataglay din ng Pahayag ang propesiyang ito, "Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan" (Pahayag 3:12). Malinaw na sinasabi ng mga salita ng Diyos na kapag nagbalik Siya sa mga huling araw, gagawin Niyang perpekto ang isang grupo ng mga mananagumpay, gayundin ang pagkakaroon ng bagong pangalan. Dahil magkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos sa mga huling araw, pipiliin pa rin ba Niyang gamitin ang pangalang Jesus? Kung ganoon, hindi tayo dapat magmadaling ideklara na hindi magbabago kailanman ang pangalan ng Diyos.
Kaya, may kakayahan bang magbago ang pangalan ng Diyos? Tatawagin pa rin bang Jesus ang Diyos sa mga huling araw? Ngayong araw, pag-uusapan natin ang mga tanong na ito. Nawa ay gabayan tayo ng Panginoon.
Ang totoo, alam ng lahat ng pamilyar sa Biblia na bago inutusan ng Diyos si Moises na pangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, wala Siyang pangalan. Nang manalangin sa Kanya ang mga tao ng panahong iyon, nanalangin sila sa "Ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob." Ang pangalang "Jehova" ay ang pangalang ginamit ng Diyos nang pangunahan Niya palabas ng Ehipto ang mga Israelita at nag-umpisa ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Gaya ng nakatala sa Biblia: "At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila? At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA. At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni Jehova, ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi" (Exodo 3:13–15).
Ito ang pinagmulan ng pangalang Jehova. Matapos gamitin ng Diyos ang pangalang Jehova, inumpisahan Niyang gawin ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, pinangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, ipinahayag ang mga batas at kautusan, tinuruan ang mga tao kung paano Siya sambahin, paano magtayo ng mga altas, at kung paano mabuhay sa lupa, atbp. Sinuman ang lumabag sa Kanyang mga kautusan ay susunugin o babatuhin hanggang sa mamatay, at sa ilalim ng mga kautusan, sinamba ng lahat ang Diyos na Jehova, itinaas ang Kanyang ngalan sa lahat, at naghandog ng sakripisyo sa Kanyang altar hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ipinahayag ng Diyos na Jehova ang disposisyon ng pagsusunog at sumpa, at ginawa ang gawain ng paggabay sa buhay ng mga tao sa lupa, at pinili ng Diyos ang pangalang Jehova base sa gawain na ginawa Niya at ang disposisyong Kanyang ipinakita. Ito ang dahilan kung bakit naging permanenteng pangalan ng Diyos ang "Jehova" sa Kapanahunan ng Kautusan.
Sa huli ng Kapanahunan ng Kautusan, lalo pang lumalim at dumami ang mga kasalanan ng mga tao, lalo pang maraming batas at kautusan ang hindi nasunod, hindi na sapat pa ang mga inalay ng mga tao upang tubusin ang kanilang mga kasalanan, at naharap ang sangkatauhan sa pagkondena sa kamatayan ng mga kautusan. Upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, tinapos ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan, kung saan Siya pinangalanang Jehova. At sa ilalim ng pangalang Jesus ay nag-umpisa ng gawain ng pagtubos gamit ang Kanyang nakaraang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan bilang pundasyon. Nagpahayag Siya ng mapagmahal, maawaing disposisyon, nagsagawa ng maraming banal na himala, ipinangaral ang doktrina ng pagsisisi, at sa huli ay ipinako sa krus upang tubusin ang sangkatauhan bilang alay para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan, sa gayon ay kinukumpleto ang kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Mula rito, makikita natin na base sa antas ng katiwalian ng sangkatauhan, ang plano Niya para mailigtas ang sangkatauhan, ang gawain na gagawin Niya, at ang disposisyong ipapakita Niya, iba't ibang pangalan ang ginagamit ng Diyos.
Idagdag pa, nakasulat din sa Biblia na ang pangalan ng Diyos ay limitado lamang sa ilang panahon. Sa Kapanahunan ng Kautusan, sinabi ng Diyos na Jehova, "ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi" (Exodo 3:15) ang tinutukoy ng "magpakailan man" ay ang katotohanan na sa Kapanahunan ng Kautusan, ang pangalang Jehova ay hindi magbabago, ngunit ang pangalan na iyon ay hindi nababagay sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagbago ang pangalan ng Diyos at maililigtas lamang ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pangalang Panginoong Jesus. Gaya ng nakatala sa Biblia: "At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas" (Mga Gawa 4:12), na nangangahulugan na sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi magbabago ang pangalan ng Diyos. Ang bawat pangalang ginagamit ng Diyos ay kumakatawan sa magkakaibang panahon ng gawain ng Diyos. Kapag nagbago ang gawain ng Diyos, ganoon din ang Kanyang pangalan. Ngunit kahit paano pa magbago ang pangalan ng Diyos, palagi pa ring mananatiling Panginoon ng paglikha ang Diyos, at ang awtoridad Niya, kapangyarihan, makatuwirang disposisyon, banal na diwa, at kagustuhang iligtas ang mga tao ay hindi magbabago. Kaya, ang pangalang Jehova ay kumakatawan sa Diyos Mismo, ganoon din ang pangalang Jesus, at ang bagong pangalang gagamitin ng Diyos sa mga huling araw ay kumakatawan din sa Diyos Mismo. Nagbabago ang pangalan ng Diyos, ngunit ang diwa ng Diyos ay hindi kailanman nagbabago. Ang Diyos ay ang Diyos pa rin natin, ngunit hindi natin dapat limitahan ang pangalan ng Diyos, o hindi natin maiisip ang kahihinatnan.
Marahil ay sasabihin ng ilang mga kapatid, "Ano kaya ang masamang kahihinatnan na ito?"
Isipin nating muli ang huling Kapanahunan ng Kautusan, tinapos ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan at nag-umpisa ng Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan sa ilalim ng pangalang Jesus. Nang nakita ng mga Fariseo, pinunong mga pari, at mga eskriba na ang Diyos ay tinawag na Jesus, hindi Mesiyas, at na mukha Siyang napaka-ordinaryo, nagmula sa mahirap na pamilya, at hindi sila pinamunuan sa pagpapatalsik ng pamumuno ng mga Romano, at na ang gawain at pangangaral ng Panginoong Jesus ay hindi naaayon sa kanilang mga iniisip o sa kanilang paulit-ulit na pag-intindi sa propesiya, hayagang hinusgahan, siniraan at hinatulan ng mga Fariseo ang Panginoong Jesus. Kalaunan ay pinatay ang maawaing Tagapagligtas, ang Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus. Kailanman ay hindi nila naisip na ang Panginoong Jesus ang nagpakitang Diyos na Jehova, ang Diyos Mismo. Sa huli, pinarusahan sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagpatay sa kanilang bayan!
Kaya, hindi natin dapat walang ingat na limitahan ang pangalan ng Diyos. Ang totoo ay hindi tayo nararapat na magsalita o maglimita kung ano ang pangalang pipiliing gamitin ng Diyos habang inililigtas Niya ang sangkatauhan. Bilang mga nilikhang nilalang, dapat ay mayroon tayong ganoong diwa. Kahit paano pa gumawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, ang Diyos ay mananatiling Diyos natin. Ang pangalan Niya ay maaaring magbago, ngunit hindi nito naiimpluwensiyahan ang katotohanan na dapat nating sundin ang Diyos at matamasa ng Diyos. Kaya, anong uri ng pangalan ang gagamitin ng Diyos sa mga huling araw?
Ang totoo, matagal na panahon nang ibinigay ng Diyos ang sagot sa Biblia. Sinasabi ng Diyos, "Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat" (Pahayag 1:8). "At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat" (Pahayag 19:6). "At ang apat na nilalang na buhay, na may anim na pakpak bawa't isa sa kanila, ay mga puno ng mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang pahinga araw at gabi, na nagsasabi, Banal, banal, banal, ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabuhay at nabubuhay at siyang darating' (Pahayag 4:8). "Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari" (Pahayag 11:17). Sa mga bersikulong ito, ang pangalang ang Makapangyarihan sa lahat ay nabanggit. Nahanap din iyon sa iba pang mga bersikulo, gaya ng Pahayag 15:3, 16:7, 16:14, 21:22, atbp., lahat ay binabanggit ang ang Makapangyarihan sa lahat. Ang mga propesiyang ito ay hinahayaan tayong maintindihan na kapag nagbalik ang Panginoon upang mamuno bilang hari, ang Kanyang pangalan ay magiging ang Makapangyarihan sa lahat. Personal na pinatunayan ng Banal na Espiritu na kapag dumating ang Panginoon sa mga huling araw, malamang na ang pangalan Niya ay ang Makapangyarihan sa lahat.
Salamat sa paggabay ng Diyos, matapos maghanap ay naunawaan natin sa wakas na ang pangalan ng Panginoong Jesus ay mapapalitan sa mga huling araw. Ngayon nagtatapos ang pagbabahagi natin sa katotohanan tungkol sa pangalan ng Diyos. Lahat ng kaluwalhatian ay sa Panginoon!