Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagsuot ng magaspang na damit at umupo sa mga abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na walang sinuman sa lungsod ang papayagang tumikim ng anuman, at walang mga tupa, baka, o ano pa mang mga hayop, ang papayagang kumain o uminom ng tubig. Kapwa tao at hayop ay magdadamit ng kayong magaspang; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na ang bawat isa sa kanila ay tatalikuran na ang kanilang masasamang gawi at ang karahasan sa kanilang mga kamay. Batay sa magkakasunod na mga gawaing ito, tunay ang naging pagsisisi ng hari ng Ninive sa kanyang puso. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghuhubad ng kanyang balabal ng pagkahari, pagdadamit ng kayong magaspang at pag-upo sa mga abo—ay nagsasabi sa mga tao na isinasantabi ng hari ng Ninive ang kanyang katayuan bilang hari at nagdadamit ng kayong magaspang kasama ang mga karaniwang mamamayan. Sinasabi nito na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang babala mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nasasakupan ng Diyos. Bukod pa rito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa rito, may tiyak siyang plano kung paano ito isasagawa, tulad ng makikita sa mga kasulatan: “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: … at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.” Bilang pinuno ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na katayuan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang babala ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o mangumpisal na lamang at magsisi sa kanyang mga kasalanan nang mag-isa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod na magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang lahat ang bagay na ito. Ngunit hindi ito kailanman ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng kayong magaspang at naupo sa mga abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng tao at mga hayop sa buong lungsod na gawin din iyon. Inutusan pa niya ang mga tao na “manangis sila nang malakas sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga magkakasunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive iyong dapat gawin ng isang pinuno. Ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin para sa sinumang hari sa kasaysayan ng tao, at wala ngang ibang hari ang nakagawa ng mga bagay na ito. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa sa kasaysayan ng sangkatauhan; karapat-dapat ang mga ito na kapwa gunitain at tularan ng sangkatauhan. Buhat noong pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan sa pagtanggi at paglaban sa Diyos. Walang sinuman ang nanguna sa kanyang mga nasasakupan sa pagsusumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang masamang mga gawi at iwan na ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Bukod pa rito, nagawa rin niyang isantabi ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nakadama ng pagsisisi ang Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang poot, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang mga ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao, at huwarang halimbawa pa nga ng tiwaling sangkatauhan na nangumpisal at nagsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.
Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang ginawa? Sa mga mata ng Diyos, tapat silang nagsisisi, hindi lamang dahil nagsumamo sila sa Diyos at ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Kumilos sila sa ganitong paraan dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng magaspang at pag-upo sa mga abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang kahandaang baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, at nanalangin sila sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, nagsusumamo sa Kanya na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Kung susuriin natin ang lahat ng kanilang inasal, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at makikita rin natin na naunawaan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Ito ang dahilan kung bakit ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali at hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing labis na kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa rito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang pakitunguhan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling makisangkot sa kasamaan at kikilos na sila ayon sa mga tagubilin ng Diyos na si Jehova, kung maaari lamang ba na hindi na nila kailanman muling mapasiklab ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.
Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa hari hanggang sa mga karaniwang tao, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, malinaw at lantad na nakita ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga sumunod na pagkilos at ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili nila. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang kundisyon ng pag-iisip ng Diyos noong mga sandaling iyon? Masasagot ng Bibliya ang tanong na iyan para sa iyo. Nakatala ang mga sumusunod na salita sa mga kasulatan: “At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa” (Jonas 3:10). Bagaman nagbago ang isip ng Diyos, walang anumang magulo sa kundisyon ng Kanyang kaisipan. Mula sa pagpapahayag ng Kanyang galit ay pinakalma lamang Niya ang Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malaking kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito—ang iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malaking kapahamakan—ng Diyos nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya kung ano ang pinanghahawakan nila mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na kabatiran kung paanong ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at ang naidulot na takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang kanilang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na nagsusumamo sa Kanya na huwag nang magalit sa kanila upang makaiwas sila sa paparating na malaking kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit noon, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya’t hindi Niya makayang dalhin ang malaking kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang pinalawig ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.
Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o anumang hindi tiyak o malabo. Sa halip, isa itong pagbabago mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, lubos na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; noong panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa saloobin ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Nagpapahayag man ang Diyos ng poot o awa at mapagmahal na kabaitan, ang asal, pag-uugali at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipinahahayag sa pamamagitan ng paghahayag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.
Ang maikling kwentong ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, makita ang pagiging totoo ng Kanyang diwa, makita na ang Kanyang galit at ang mga pagbabago sa Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay puno ng poot at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos tungo sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang isa pang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang pagiging totoo ng awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos at upang makita ang tunay na paghahayag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon, at ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo—tunay nga na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at Kanyang poot? Siyempre wala! Ito ay sapagkat may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos noong pagkakataong iyon. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ay ang ibinigay sa Bibliya: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanyang mga kamay.”
Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang “Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa ng mga bagay, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga layunin, binawi ang Kanyang pasya at hindi na sila pinarusahan o nilipol man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saang punto binawi din ng Diyos ang Kanyang poot.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Rekomendasyon: