Kapag natatagpuan nating nakakulong tayo sa paghihirap na dulot ng kasalanan, ang tunay na pagsisisi ay nagbibigay sa atin ng sulyap ng bagong pag-asa. Tuklasin natin ang kahalagahan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan, na nagpapahintulot sa atin na makawala sa mga tanikala ng masasamang gawain at magsimula sa landas ng pagsisisi, kung saan maaari nating matuklasan ang panloob na kalayaan at kapayapaan.
1.“Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan” (1 Juan 1:9).
Sa buong buhay natin, lahat tayo ay hindi maiiwasang magkamali. Gayunpaman, hangga’t iniiwasan natin ang kasalanan ng paglapastangan sa Espiritu Santo, palaging may pagkakataon na mahanap ang panloob na kapayapaan at pagdadalisay sa pamamagitan ng pagsisisi at pagtatapat sa Diyos. Kapag tapat nating kinikilala ang ating mga pagkakamali at humihingi ng kapatawaran, ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang awa at dinadalisay tayo. Ang pagsisisi ay isang mahirap na gawain na nangangailangan ng lakas ng loob na harapin ang ating mga kasalanan at pagkukusang magbago. Kinapapalooban ito ng pagbitaw sa pagmamalaki at katigasan ng ulo, tunay na pagtatapat ng ating mga pagkakamali sa Diyos, at ang paghingi ng Kanyang kapatawaran at gabay. Nangangailangan ito ng taos-pusong katapatan, pagpapakumbaba, at malalim na pagninilay sa ating sariling mga kakulangan. Kapag lumalapit tayo sa pagsisisi nang may tapat na puso, ang ating tapat na Diyos ay magpapatawad sa ating mga kasalanan at lilinisin tayo mula sa kawalan ng katuwiran. Samakatwid, sa halip na manatili sa paninisi sa sarili at pagkanegatibo kapag nahaharap sa ating mga pagkakamali, buong tapang tayong tumindig, magptapat sa Diyos, at humingi ng Kanyang awa at kapatawaran. Ang tunay na pagsisisi lamang ang makapag-aakay sa atin sa landas ng panloob na pagdadalisay, magpapanumbalik ng ating relasyon sa Diyos, at magbibigay-daan sa atin na mamuhay ng isang tunay na makabuluhan at masayang buhay.
2.“Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: aking sinabi, aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.” (Awit 32:5).
Ang kasulatang ito ay nagsisilbing paalala na ang pagharap sa ating mga pagkakamali nang may katapatan at ang paghahanap ng pagsisisi ay isang mahalagang landas upang makuha ang kapatawaran ng Diyos at panloob na kapayapaan. Ang kasalanan ay madalas na nagpapakita bilang mga maling gawain, masakit na salita, at masasamang kaisipan na maaaring makaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Anuman ang anyo nito, ang kasalanan ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa ating ugnayan sa Diyos at sa iba, pati na rin sa ating pangkalahatang kabutihan. Gayunpaman, kapag pinili nating harapin nang tapat ang ating mga kasalanan sa halip na itago o ikubli ang mga ito, at kapag tayo ay nagtatapat at nagsisisi sa harap ng Diyos, ipinapaabot Niya ang Kanyang pagpapatawad sa atin. Ang kapatawarang ito ay hindi lamang kumakatawan sa pagpapatawad ng Diyos kundi nagdadala rin ng malalim na diwa ng panloob na paglaya at pagbabago. Ang pagsisisi ay higit pa sa simpleng pasalitang paghingi ng paumanhin; kinapapalooban ito ng isang tunay na pagbabago ng puso at pagbabago sa ating mga kilos. Nangangailangan ito ng tapat na pagninilay sa sarili, pagkilala sa ating mga pagkakamali, at aktibong paggawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pag-uulit ng parehong mga kasalanan. Ang pagsisisi ay kinapapalooban din ng paghingi ng tulong sa Diyos, na umaasa sa Kanyang lakas at karunungan upang gabayan tayo sa landas ng pagbabago.
Sa paglalakbay ng pagsisisi, harapin natin ang ating mga pagkakamali nang may katapatan at pagpapakumbaba,walang kapagurang magsikap na magsisi, at may matatag na pananampalataya, magsikap na tanggapin ang kapatawaran at paglilinis ng Diyos. Sa paggawa nito, muli nating makukuha ang panloob na kalinisan, mas mapapalapit sa Diyos, at mararanasan ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at awa.
3.“Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan ” (Kawikaan 28:13).
Sa paglalakbay ng buhay, lahat tayo ay nagkakamali at nagkakasala. Kung minsan, sinusubukan nating itago ang ating mga masasamang gawain, ibinabaon ang mga ito nang malalim, sa pag-asang mawawala o malilimutan ang mga ito. Gayunpaman, ipinapaalala sa atin ng kasulatang ito na ang pagtatago ng ating mga kasalanan ay hindi maiiwasang hahantong sa mga paghihirap, dahil ang kasalanan ay isang hindi maiiwasang bahagi ng ating buhay. Nag-iiwan ito ng masasakit na marka sa ating mga puso, binabaluktot ang ating mga kaisipan at emosyon, at sa huli ay nakaaapekto sa ating buhay at mga relasyon. Ngunit, kapag nagkaroon tayo ng lakas ng loob na harapin ang ating mga kasalanan, tapat na kilalanin ang mga ito, at tunay na magsisi, nararanasan natin ang malalim na pakiramdam ng panloob na paglaya at tumatanggap ng tunay na awa. Ang pag-amin sa ating mga pagkakamali ay hindi tanda ng kahinaan; sa halip, nagpapakita ito ng katapangan at karunungan. Nagpapahiwatig ito ng ating pagkukusa na harapin ang ating mga kapintasan at pagkakamali, at pagsisikap na baguhin ang ating sarili upang maging mas mabuting tao. Kapag taos-puso tayong nagtatapat ng ating mga kasalanan sa Diyos, hindi na umiiwas o nagtatago sa mga ito, at humihingi ng Kanyang kapatawaran, gabay, at buong pusong nagsisisi, tiyak na magpapakita Siya ng awa at bibigyan tayo ng bagong simula. Isantabi natin ang ating pagmamalaki at katigasan ng ulo, at harapin ang ating mga kasalanan nang may tapat na saloobin, na gumagawa ng mga matatapang na hakbang tungo sa pagsisisi. Doon lamang natin matatanggap ang awa ng Diyos, matatagpuan ang panloob na kapayapaan, at mararanasan ang tunay na kalayaan.
4.“Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako” (Gawa 17:30).
Ipinaaalala sa atin ng kasulatang ito na hindi ipinagsasawalang-bahala ng Diyos ang ating mga kasalanan; sa halip, taimtim Niya tayong tinatawag na magsisi at lumakad sa landas ng katuwiran. Ang kasalanan ay hindi lamang isang kilos; ito rin ay isang kaisipan, isang kalagayan ng pagsalungat sa Diyos na lumilikha ng paghihiwalay sa atin at sa Kanya. Kapag tayo ay nagkakasala, lumilihis tayo sa mga layunin ng Diyos at nilalabag ang Kanyang mga kinakailangan para sa atin. Ang kasalanan ay nagkakait sa atin ng pagkakataong maging malapit sa Diyos, na nag-iiwan sa atin sa gitna ng panloob na kaguluhan at kawalan ng pag-asa. Gayunpaman, hindi nais ng Diyos na mamuhay tayo habambuhay sa anino ng kasalanan. Taglay ang pag-ibig at awa, tinatawag Niya tayong bumalik sa Kanya. Ang pagsisisi ay ang susi sa pakikipagkasundo sa Diyos at ang unang hakbang sa muling pagbuo ng isang malapit na relasyon sa Kanya. Kapag tayo ay tunay na nagsisisi at tumatalikod sa landas ng kasalanan, pinapatawad ng Diyos ang ating mga pagsalangsang at tinatanggap tayong muli sa Kanyang yakap.
Sa mundong ito na puno ng laganap na masasamang gawain, ang landas ng pagsisisi mula sa kasalanan ay hindi madali, ngunit ito ay isang paglalakbay na dapat tahakin ng lahat. Huwag tayong manatili sa anino ng kasalanan kundi harapin ang ating mga pagkakamali nang may taos pusong pagsisisi, na naghahangad na magtatag ng isang malapit na relasyon sa Diyos. Sa paggawa nito, makakamit natin ang walang hanggang pagtubos at kapayapaan.
5.“At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa't isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo'y huwag mangamatay.” (Jonas 3:7–9).
Sa talatang ito, nagkakaroon tayo ng malalim na pag-unawa tungkol sa kasalanan at pagsisisi, na nagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng kasalanan at ng gawain ng pagsisisi. Ang mga tao sa Ninive ay dati nang nalulunod sa kasamaan, at ang kanilang mga gawa ay nagdulot ng poot ng Diyos sa kanila. Gayunpaman, nang marinig ang babala ng Diyos, hindi sila nagpatuloy sa kanilang mga makasalanang daan; sa halip, buong puso silang bumaling sa Diyos, tapat na nagsisisi at humihingi ng Kanyang awa at kapatawaran. Ang pagsisisi ng mga taga-Ninive ay hindi lamang isang mababaw na pagtatapat; ito ay nagmula sa kanilang mga puso. Sila ay nag-ayuno at nanalangin, nagsuot ng telang sako, taimtim na tumawag sa Diyos, tumalikod sa kanilang mga masasamang gawain at tinalikuran ang karahasan. Ang tunay na pagsisisi ng mga taga-Ninive ay nagkamit ng awa ng Diyos, gaya ng sinasabi sa kasulatan, “At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila'y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.” (Jonas 3:10). Mula sa kuwento ng pagsisisi ng mga taga-Ninive, paano natin dapat maunawaan ang kalooban ng Diyos?
Sabi ng Diyos: “Gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng kayong magaspang at naglagay ng mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Noong bago Niya ipinahayag sa kanila na wawasakin Niya ang bayan nila—ang sandali bago ang kanilang pagtatapat at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng sunod-sunod na mga kilos ng pagsisisi, ang galit ng Diyos tungo sa mga taga-Ninive ay unti-unting naging awa at pagpapatawad tungo sa kanila. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspekto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Ipinahayag at ibinunyag ng Diyos ang dalawang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa bago at pagkatapos magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at pagiging hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, bihira silang tunay na magsisi sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na tunay na magagawa ng tao na magsisi, at umaasa Siya na makita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, patuloy Niyang bukas-palad na ipagkakaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masasamang gawa ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at makakabitiw sa karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikdan ang kanilang karahasan, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II).
Mula sa mga pagbigkas ng Diyos, makikita natin na gaano man tayo kalalim na malubog sa masasamang gawain, hangga't tayo ay tapat na nagsisisi, tinatalikuran ang ating mga makasalanang daan, at bumalik sa Diyos, magpapakita Siya ng awa at patatawarin ang ating mga pagsalangsang, upang maiwasan ang ating pagkapahamak. Malinaw na ang tunay na pagsisisi ay isang landas na nagdadala sa habag at pagliligtas ng Diyos. Matuto tayo mula sa halimbawa ng mga taga-Ninive at patuloy na isagawa ang pagsisisi nang may pagpapakumbaba, upang tayo ay makapagtatag ng isang malapit na relasyon sa Diyos at makatanggap ng Kanyang biyaya at awa.
Konklusyon
Matapos basahin ang mga kasulatan at paliwanag sa itaas tungkol sa kasalanan at pagsisisi, nauunawaan natin na kapag tayo ay nagtatapat at nagsisisi sa harap ng Diyos para sa ating mga kasalanan, pinatatawad Niya tayo, at ipinagkakaloob sa atin ang karanasan ng Kanyang kapayapaan at kagalakan. Gayunpaman, maraming tao ang maaaring malito sa isang karaniwang tanong: “Kahit na nagtatapat at nagsisisi tayo sa Diyos para sa ating mga kasalanan, at pinatawad Niya tayo, bakit tila inuulit pa rin natin ang parehong mga pagkakamali? Paano tayo makakapagsisi sa paraang maiiwasan nating muling magkasala?” Naniniwala ako na ang alalahaning ito ay nararamdaman din ng mga tapat na mananampalataya. Kung naghahanap ka ng mga sagot sa mga tanong na ito, mangyaring huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng online chat window sa ibaba ng aming website. Ikalulugod naming magbahagi ng salita ng Diyos at makipag-ugnayan sa iyo online.