Read more!
Read more!

9 na Mga Talata sa Bibliya Tungkol sa Awa ng Diyos: Paano Humiling sa Diyos ng Awa

Noong 2020, ang pandaigdigang pagsiklab ng mga salot ay ipinapasabuhay ang pangamba sa lahat ng sangkatauhan. Hindi lamang ito, ngunit ang mga sakuna tulad ng mga lindol, taggutom, sunog, at mga salot na insekto ay madalas na nagaganap. Ang sangkatauhan ay walang magawa at nawawalan ng pag-asa sa harap ng mga sakuna. Maraming tao ang masidhing nananalangin sa Diyos na humihingi ng Kanyang awa at proteksyon. Ngunit alam mo ba kung ano ang awa ng Diyos? Anong uri ng mga tao ang pinapakitaan ng Diyos ng Kanyang awa? Paano natin matatamo ang awa ng Diyos? Basahin ang sumusunod na mga talata sa Bibliya tungkol sa awa at mga kaugnay na nilalaman upang malaman ang higit pa tungkol sa awa ng Diyos at mahanap ang paraan upang matamo ang awa ng Diyos.

Quick Navigation
1. Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Awa ng Diyos? Ano ang Awa ng Diyos?
2. Paano Ka Humihingi ng Awa sa Diyos?

1. Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Awa ng Diyos? Ano ang Awa ng Diyos?

Isaias 49:10

Sila’y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka’t siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga’y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.

Isaias 49:13

Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo’y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka’t inaliw ni Jehova ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.

Isaias 49:15

Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito’y makalilimot, nguni’t hindi kita kalilimutan.

Isaias 54:8

Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; nguni’t kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ni Jehova, na iyong Manunubos.

Isaias 54:10

Sapagka’t ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni’t ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ni Jehova na naaawa sa iyo.

Jonas 4:10–11

At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Bagaman pinagkatiwalaan si Jonas upang ipahayag ang salita ng Diyos na si Jehova sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang intensyon ng Diyos na si Jehova, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan para sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa para sa bawat tao; dala-dala ng bawat tao ang mga pag-asa ng Diyos; tinatamasa ng bawat tao ang tustos na buhay ng Diyos; para sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng isang malaking halaga. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagpaalala rin kay Jonas na pinapahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, ang gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad ng pagpapahalaga ni Jonas sa halaman. Hindi sila basta iiwanan ng Diyos sa anumang paraan hanggang sa huling sandali; lalo na, napakaraming bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga batang ito at sa mga inosenteng nilalang ng Diyos, na hindi man lamang alam ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi kayang tapusin ng Diyos ang kanilang buhay at alamin ang kanilang kalalabasan sa gayong madaliang paraan. Umasa ang Diyos na makita silang lumaki; umasa Siya na hindi sila lalakad sa landas na parehong nilakaran ng kanilang mga matatanda, na hindi na nila kailangang muling marinig ang babala ng Diyos na si Jehova, at sasaksi sila sa nakaraan ng Ninive. Lalong higit pa rito, umasa ang Diyos na makita ang mga taga-Ninive pagkatapos nilang magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive matapos ang kanilang pagsisisi, at higit na mahalaga, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Kaya, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi alam ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang papasan sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagpasan sa mahalagang tungkulin ng pagiging saksi sa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehova. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na nararamdaman, iniharap ng Diyos na si Jehova ang awa ng Lumikha para sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan. Ipinakita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Lumikha” ay hindi isang walang-laman na parirala, ni isang hungkag na pangako; mayroon itong matibay na mga prinsipyo, mga pamamaraan at layunin. Siya ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong paraang ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkakaloob sa buong sangkatauhan sa bawat panahon at kapanahunan. Gayunpaman, hanggang sa mismong araw na ito, ang pakikipag-usap ng Lumikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag ng Diyos kung bakit nagpapakita Siya ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpapakita ng awa sa sangkatauhan, gaano Siya nagpaparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan. Ang maikli ngunit malinaw na pakikipag-usap ng Diyos na si Jehova ay nagpapahayag ng Kanyang kumpletong mga kaisipan para sa sangkatauhan; ito ay isang tunay na pagpapahayag ng saloobin ng Kanyang puso tungo sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkakaloob sa nakatatandang mga henerasyon ng sangkatauhan; ito ay ipinagkakaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kagaya lamang ng dati, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang poot ng Diyos ay madalas dumarating sa ilang lugar at ilang panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman huminto. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinangungunahan Niya ang isang henerasyon ng Kanyang nilikha pagkatapos ng sumunod, tinutustusan at pinagpapala ang isang henerasyon ng nilikha pagkatapos ng sumunod, sapagkat ang Kanyang tunay na nararamdaman tungo sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehova: “At hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive…?” Lagi Niyang pinapahalagahan ang Kanyang sariling sangnilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Lumikha, at ito rin ang dalisay na pagiging natatangi ng Lumikha!

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Tanging ang Lumikha ang naaawa sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng lambing at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makakapagkaloob ng kaawaan sa sangkatauhang ito at umiibig sa Kanyang buong sangnilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano at kung anong mayroon Siya ay lubos na ipinahahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat himaymay ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinakaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Kanya Mismong nilikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng kung anong mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang kagantihan. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na mananatili ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang tustos ng buhay; ginagawa lamang Niya ito upang maaaring isang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang Isa na nag-aalaga sa pag-iral ng tao at nagtutustos ng buhay ng buong sangnilikha.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kinasuklaman ng Diyos ang tao dahil ang tao ay may poot sa Kanya, nguni’t sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay nanatiling hindi nagbabago. Kahit noong nilipol Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay napuno ng katiwalian at naging suwail sa Diyos hanggang sa isang nakapanghihinang punto, kinailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhan, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga panuntunan, na lipulin ang sangkatauhang ito. Nguni’t dahil sa diwa ng Diyos, kinaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnais pang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang tubusin ang sangkatauhan upang makapagpatuloy silang mabuhay. Sa halip, nilabanan ng tao ang Diyos, nagpatuloy na sumuway sa Diyos, at tinanggihan na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, na ang ibig sabihin, tinanggihan na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin. Kahit paano man sila tinawag ng Diyos, pinaalalahanan, tinustusan, tinulungan, o pinagbigyan, hindi ito naunawaan o pinahalagahan ng tao, at ni hindi rin sila nagbigay-pansin. Sa kabila ng sakit Niyang nadama, hindi pa rin kinalimutan ng Diyos na ibigay sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, sa paghihintay na manumbalik ang tao. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling sabi, may nakatakdang panahon at proseso mula sa sandaling binalak ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa opisyal na simula ng Kanyang gawain na paglipol sa sangkatauhan. Umiral ang ganitong proseso sa layuning mapanumbalik ang tao, at ito ang huling pagkakataon na ibinigay ng Diyos sa tao. Kaya ano ang ginawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming pagpapaalala at masidhing paghihikayat ang ginawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi bukang-bibig lamang. Ito ay tunay, nadarama at may halaga, hindi huwad, may halo, mapandaya o mapagkunwari.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Inirerekomenda para sa iyo:

Ang Awa ng Diyos sa Tao Kailanma'y Hindi Tumigil

Umaasa ang Diyos na ang Sangkatauha'y Patuloy na Mabuhay

2. Paano Ka Humihingi ng Awa sa Diyos?

Kawikaan 28:13

Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni’t ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.

Isaias 55:7

Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya kay Jehova, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.

Jonas 3:7–9

At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang nagawa? Sa mata ng Diyos, matapat ang kanilang pagsisisi, hindi lamang dahil buong sikap silang nagsumamo sa Diyos at nangumpisal sa kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang masamang pag-uugali. Ginawa nila ang ganito dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang pagpayag na baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, upang manalangin sa Diyos na si Jehova na pigilin ang Kanyang galit, upang magsumamo sa Diyos na si Jehova na bawiin ang Kanyang pasya, gayundin ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Sa pamamagitan ng pagsiyasat sa lahat ng kanilang pag-uugali, makikita natin na naunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehova at naunawan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Dahil sa mga katwirangf ito, ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali ni hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing kinamumuhian ng Diyos na si Jehova. Dagdag pa dito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehova na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang parusahan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na kailanman muling mamumuhay sa kasamaan at gagawa na sila ayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos na si Jehova, hindi na nila kailanman muling pasisiklabin ang galit ng Diyos na si Jehova. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.

Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa kataas-taasang hari hanggang sa kanyang mga nasasakupan, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehova, ang bawat isa sa kanilang mga gagawin, ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili ay malinaw at lantad sa paningin ng Diyos. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang nasa isip ng Diyos ng mga sandaling iyon? Kayang sagutin ng Biblia ang tanong na iyan para sa iyo. Ayon sa nakatala sa Kasulatan: “At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Diyos sa kasamaan, na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.” Bagaman binago ng Diyos ang Kanyang isip, walang bagay na magulo tungkol sa kalagayan ng Kanyang kaisipan. Binago lamang Niya ang kalagayan mula sa paghahayag ng Kanyang galit tungo sa pagpapakalma ng Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malupit na kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito ng Diyos—na iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malupit na kapahamakan—nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya ang kanilang itinatago mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na pakiramdam kung paano na ang kanilang masasamang gawa ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at nagdulot ng takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehova. At gayundin naman, narinig din ng Diyos na si Jehova ang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na taimtim na nakiusap na pigilin Niya ang Kanyang galit laban sa kanila upang makaiwas sila sa parating na kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit sa nakaraan, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya’t hindi Niya makayang dalhin ang kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang ipinadama ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II”

Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi ang masamang pinagmumulan sa likod ng pag-uugali ng mga tao. “Ang paglayo sa kanyang masamang gawi” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling mamumuhay sa masamang gawing ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling babalikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na kalagayan ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi nang walang pag-aalinlangan sa puso ng mga taga-Ninive, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, umatras sa Kanyang pagpapasya at hindi na sila parurusahan o lilipulin man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saan iniatras din ng Diyos ang Kanyang poot.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II”

Kahit gaano man ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng sako at naupo sa abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang baguhin ang Kanyang puso. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Nang dumaan sila sa serye ng mga pagsisisi, unti-unting humupa ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive at napalitan ng awa at pagpaparaya sa kanila. Walang anumang salungatan tungkol sa magkaparehong pahayag ng dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang dalawang magkatapat na bahaging ito ng mga diwa nang magsisi ang mga taga-Ninive, upang makita ng mga tao ang pagiging totoo at pagka-di-napupuno ng diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Ito ay hindi dahil kinukunsinti ng Diyos ang mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ng mga tao ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi nang tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, na dahil dito, buong laya Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang ugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, at kung saan ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at maiiwan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay malinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit; hinihingi Niya sa isa ang tunay na pagsisisi. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin sa kanila.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Tala ng Patnugot:

Mula sa itaas na nilalaman, madali nating malalaman na ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay totoong umiiral at hindi kailanman nakahiwalay mula sa atin, ngunit kung makakamit natin ang awa ng Diyos ay nakasalalay kung mayroon tayong totoong pananampalataya sa Kanya at tunay na pagsisisi. Nakaharap sa mga sakuna ngayon, paano tayo dapat tunay na magsisi tulad ng mga taga-Nineve upang makatamo ng awa at pagpaparaya ng Diyos at ng Kanyang proteksyon? Malugod mong basahin ang mga sumusunod na nauugnay na artikulo tungkol sa tunay na pagsisisi o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng Live Chat. Narito ang aming mga nakatuon na kinatawan sa online para sa iyo.

Share