Pagpapaalam sa Pakikipagpalit ng Buhay Para sa Pera
- Tala ng Patnugot:
-
Pinagpapalit niya noon ang buhay niya para sa pera, at pagkatapos ay ginamit niya ang pera niya para bumili ng buhay, at namuhay siya sa matinding sakit. Matapos siyang magsimulang maniwala sa Diyos, sa pagbabasa lang ng mga salita ng Diyos niya naunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay, at nagawa niyang talikuran ang pakikipagpalit ng buhay niya para sa pera at magsimula ng panibago niyang buhay!
Kamakailan, nakita ko online ang dalawang kasabihan na kilalang-kilala ngayon: “Mabuhay para sa pera, mamatay para sa pera, habulin ang pera habang-buhay; matalo dahil sa pera, madaya dahil sa pera, mabuhay at mamatay para sa pera” at “Sikaping kumita ng pera sa lahat ng bagay at pakapalin ang balumbon mo ng pera.” Sa lipunan natin ngayon na nakatuon sa pera, ang pagkakaro’n ng maraming pera ang layunin na pinagsisikapan ng mga tao sa ngayon, at ang “Una ang pera,” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” at “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” ang lalo pang naging gabay sa mga landas natin sa buhay. Hindi natin kinukuwestiyon ang mga pahayag na ito at hindi natin ito binibitawan. At siyempre, isa rin ako sa gano’n!
Ang Dati Kong Buhay ng Pakikipagpalit ng Buhay Para sa Pera
Halos hindi ko na maalala ang pagiging isang masigasig na labing-siyam na taong gulang. Para mabilis akong kumita ng maraming pera, nag-aral akong mabuti para matuto nung nag-aaral pa lang ako kasama ang isang electrical installation team. Matapos akong magsimula ng sarili kong pamilya, mas lalo kong ibinuhos ang lahat ng lakas ko sa trabaho ko at inuwi ko ang pinakamalaking sweldo sa lahat ng mga baguhan buwan-buwan. Hindi nagtagal, nagtrabaho ako araw at gabi para makasweldo ng 400 yuan bawat araw. Madalas, nakakatanggap ako ng tawag sa telepono sa gabi, at kakailanganin kong iwan ang higaan ko na nagsisimula pa lang uminit. Hindi ko makakalimutan ang malungkot na karanasan ko habang nagtatrabaho sa Japan. Nagtatrabaho ako ng kulang-kulang labindalawang oras maghapon, walang ano mang bakasyon o pahinga; napakahirap ng trabaho at dumanas ako ng matinding panggigipit, na naging dahilan ng pagkakaro’n ko ng sakit sa puso at pagkalagas ng karamihan sa buhok ko. Gayunpaman, payag pa rin akong tiisin ang lahat ng paghihirap na ito, para kumita ng pera. Gaya ng makina ng isang orasan, itinuloy ko ang desperadong pagtatrabaho sa paghahangad na kumita ng pera. Matapos ang dalawang taon, pumunta ako sa Estados Unidos. Nagsikap akong magtrabaho nang ilang taon, mula sa paggawa ng mabababang-uring trabaho sa pagiging tagaluto sa isang restawran, at sigurado akong hindi ko na kailangang sabihin sa inyo ang lahat ng hirap na pinagdaanan ko. Pero nang makita kong dahan-dahan nang kumakapal ang balumbon ng mga dolyares sa kamay ko, nawala sa isip ko ang lahat ng pagsisikap na binigay ko kitain lang ang perang ‘yon.
Pagkatapos, dahil matagal na panahon na akong nagtatrabaho nang sobra-sobra, nagpakita ng babala ang katawan ko nang magkaro’n ako ng mga matinding problema sa sikmura, cervical spondylosis, isang lumbar disc herniation at arthritis sa mga kasukasuan ko sa balikat. Nang magsimulang sumakit ang tiyan ko, pinagpawisan nang malamig ang buong katawan ko at naging matamlay ako. Nang sumumpong ang cervical spondylosis ko, hindi nadadaluyan ng sapat na dugo ang utak ko at lagi akong nahihilo at masama ang pakiramdam…. Kaya madalas akong kailangang sumugod sa ospital. Naging patas na kapalit ang pagod kong katawan at ang mga dolyares na kinita ko. Bigla akong nakaramdam ng lungkot: Sa mahigit sampung taon ng matinding pagtatrabaho, nagnanais lang na magtrabaho at hindi mabuhay, nakaipon ako ng makapal na balumbon ng pera sa pitaka ko, pero nasira ang kalusugan ko—bakit pa ako nag-abala? Sinayang ko ang kalahati ng buhay ko sa pakikipagpalit ng buhay ko sa pera, at ngayon ginagamit ko ang pera ko para mabawi ang buhay ko. Naging sulit nga ba ang lahat ng ‘yon?
Bigla kong inalala ang lahat at naisip kong hindi nga ako nagkaro’n ng panahon para tamasahin ang tanawin sa daan, at tahimik na lumipas ang kalahati ng buhay ko. Habang maingat kong binibilang ang lahat ng mga araw na ginugol ko sa pagtatrabaho para sa pera, napuno ng kahinaan ang puso ko: Maaari kayang ang buhay ng isang tao ay para lang isang makina na lalamon sa kanya, nabubuhay para lang kumita ng pera at namamatay para lang kumita ng pera? Bakit puno ng pagdurusa ang buhay?
Ang Dahilan Kung Bakit ang Buhay ay Puno ng Pagdurusa
Isang araw, pinalad ako na mabasa ang mga salita ng Diyos, at nahanap ko ang sagot na aking hinahanap.
Sinasabi ng Diyos, “‘Pera ang nagpapaikot sa mundo’; ito ba ay isang kalakaran? Hindi ba ito mas masahol pa kumpara sa mga kalakaran sa moda at masasarap na pagkain na inyong binanggit? ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ ito ay pilosopiya ni Satanas at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Kaya naman matapos gamitin ni Satanas ang kalakarang ito upang gawing tiwali ang mga tao, paano ito nakikita sa kanila? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang mamuhay sa mundong ito nang walang salapi, na kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at katapatan sa paghahanap ng mas maraming salapi? Higit pa rito, hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa kapakanan ng salapi? Hindi ba ito kawalan para sa mga tao? (Oo.) Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao nang gayon? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? … Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas para labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ginagawa ni Satanas na tanggapin mo ang mga kaisipan nito, mga pananaw nito, at ang mga masamang bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na wala kang alam at kapag wala kang pagkilala sa kung ano ang nangyayari sa iyo. Buong tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ito ang paraan kung paano lumalalim nang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.”
Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mga ideolohiya at mga pananaw gaya ng “Una ang pera,” “Hindi kalahatan ang pera, ngunit kapag wala ito, wala kang magagawa,” at “Mamamatay ang tao para sa pera; mamamatay ang ibon para sa pagkain,” ay mula kay Satanas. Ginagamit ‘yon ni Satanas para linlangin at igapos tayo, at para isipin natin na ang pagkakaro’n ng pera ang lahat, at ang pagkakaro’n ng pera ay ang pagtingala at paghanga sa atin ng iba, na ang pagkakaroon ng pera ay ang pamumuhay ng isang kahanga-hanga, magarang buhay, at tanging ang gano’ng uri ng buhay lang ang buhay na may halaga at kabuluhan. Ang kakatuwang mga kaisipang ito ni Satanas ang naging buhay natin, at hindi na tayo natatakot sa pagbabayad ng ano mang halaga sa ating paghahanap ng mga yaman. Sa pag-alaala sa kung paano ako pinangibabawan ng mga ideolohiya at pananaw na ito ni Satanas, nagsikap ako araw at gabi para kumita ng pera, kumain at uminom ako nang sala sa oras, nahirapan akong makatulog nang mapayapa sa gabi at humina nang humina ang aking pisikal na pangangatawan, pero wala akong binigay ni katiting. Pagkatapos no’n, sa pag-iisip na ang pera ay buhay, iniwan ko ang aking pamilya at pumunta sa Japan at sa Estados Unidos sa loob ng maraming taon para kumita pa ng mas maraming pera. Kahit kumita nga ako ng mas maraming pera, nagkaro’n ako ng sunud-sunod na karamdaman, gaya ng sakit sa puso, problema sa sikmura at problema sa gulugod, hanggang sa puntong hindi ko na maiunat ang mga braso ko sa sobrang pagod, at nabuhay ako sa labis na sakit. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ko lang naunawaan na ang lahat ng ito ay dahil sa ppagkakalinlang sa akin ng mga maling ideolohiya at mga maling kuru-kuro ni Satanas; kinontrol at minanipula ako nang labag sa loob ko ng paghahangad ko sa pera, at ginawa ako no’ng isang alipin at isang sakripisyo para sa salapi! Matapos kong matanto ito, naramdaman kong kailangan kong bumalik sa harap ng Diyos at huwag nang mamuhay ayon sa mga ideolohiya at pananaw ni Satanas, at hindi na ako dapat maging isang alipin para sa pera. Pagkatapos nito, nagsimula akong magtrabaho sa normal na mga oras, at hindi na ako nagsagawa ng walang katapusang overtime.
Sa Pagkakahulog Lang sa Parehong Lumang Bitag Ko Tunay na Natuklasan ang Kahulugan ng Buhay
Gayunpaman, malalim ang pagkakalinlang sa akin ni Satanas, at nag-ugat na sa puso ko ang pera, katanyagan at kayamanan—hindi magiging gano’n kadali na tanggalin ang mga ‘yon. Nang marinig kong sabihin ng amo ko na 15 taon nang nasa negosyo ang kompanya niya, kumita ng 5 milyong US dollars at kabibili niya lang kamakailan ng isang marangyang villa, matagal na naguluhan ang puso ko matapos ‘yon. Oo, ang buhay ay para sa pamumuhay, naisip ko. Dapat ko ba talagang ipamuhay ang buhay ko nang walang tinutupad na ano man? Pangarap ko ang pagbubukas ng sarili kong restawran, at kung meron akong sariling restawran hindi na ako mamaliitin nino man kahit kalian. Hindi ko napapansing nagsimula uli akong magtrabaho nang todo para kumita ng pera, at namuhay uli gaya ng luma kong pamumuhay ng pagpapalit ng buhay sa pera. Sa halip na dumalo sa mga pagtitipon sa iglesia, nasa trabaho ako at nag-o-overtime. Hindi nagtagal, trinangkaso ako at sumumpong na naman ang sakit ko sa puso, at talagang napakasakit no’n.
Habang nahihirapan ako, iniunat uli ng Diyos ang Kanyang kamay para sagipin ako. Pinadala ng isang sister sa iglesia ang pelikulang Suwerte at Kasawian at pinanood ko ang bida na maglakbay sa Japan at magtrabaho sa kanyang paghahangad ng pera, nang walang pag-iingat sa sarili niyang kalusugan, at pagkatapos ay hindi rin siya kumita ng pera sa halip ay kinailangan siyang ipasok sa ospital. Bumuntong-hininga ako, at naisip kong ito ay isa talagang tunay na paglalarawan ng sarili kong buhay! Gaya ng sinasabi sa isang sipi ng salita ng Diyos sa pelikula, “Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kung malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makakapagpahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo.”
Naapektuhan ako nang malalim sa pagkaunawa ng bida, na para bang ‘yon ay sarili kong personal na karanasan: “Ginagamit ni Satanas ang pera at katanyagan upang igapos at kontrolin ang tao. Maraming tao ang nag-aaway at naglalaban sa paghahanap ng pera at katanyagan, nawawala ang kanilang konsensya at katinuan at ang dignidad ng tao, at sinisira naman ng iba ang kanilang mga sariling buhay. Ngunit hindi natin maunawaan ang mga pakana ni Satanas, at hindi natin makita na ang pera at katanyagan ay mga pamamaraan ni Satanas para saktan ang mga tao, Sa kadahilanang ito nahihigop tayo sa ipu-ipo na ito kung saan hindi natin mapalaya ang ating mga sarili, sa kabila ng ating mga sarili tayo ay niloloko at sinasaktan ni Satanas.” Oo nga. Dahil hindi ko lubusang naunawaan ang mga tusong pakana at kahina-hinalang mga paraan ni Satanas, naisip ko, mapaglalaruan at mapipinsala nga ako ni Satanas nang labag sa loob ko. Naalala ko ang kalahati ng buhay ko na ginugol ko sa pagkakalinlang ni Satanas, buong-pusong naghahanap ng pera, at handa akong isakripisyo ang kalusugan ko para lang kumita ng maraming pera. Pero ako, na nasa kalakasan ng aking buhay, ay palagi nang may sakit ngayon at palaging umiinom ng gamot at namumuhay sa sakit—ano’ng ibig sabihin ng lahat ng ito? Ano ang mas mahalaga, salapi o buhay? Bigla kong naisip ang isang dating kaibigan na nagtrabaho sa US sa loob ng walong taon bago masuri na may late-stage cancer. Tatlong buwan na lang siyang nabuhay bago siya namatay. May isa pang nagtrabaho sa US nang higit sa sampung taon at kumita ng maraming pera ang dinapuan ng sakit na walang lunas, at namatay siyang iniwan ang buo niyang pamilya. Isang katotohanan ang ipinapahayag ng nakakatakot na mga bagay na ito: Kahit gaano pa kataas ang katayuan ng isang tao, o gaano man sila kayaman, hindi nila mabibili ang pagkakataong pahabain ang buhay nila, at wala silang madadalang ano man kapag namatay sila! Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagka’t ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay? Sapagka’t anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Marcos 8:36–37). Kung hindi ko nakita ang mga tusong pakana ni Satanas at nagpatuloy sa parehong lumang daan, naghahanap ng pera at naghahangad na kumita ng mas makapal na balumbon ng salapi, ipinagpapalit ang buhay para sa pera, magkakaro’n lang ako ng isang malungkot na katapusan!
Pagpapaalam sa Nakalipas at Pagpasok sa Isang Bagong Buhay
Nakita ko ang mas marami pang mga salita ng Diyos, “Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. … Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos.”
Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang isang malinaw na paraan ng pagsasabuhay. Kung gusto kong layuan ang masasamang panunukso ni Satanas at magpaalam sa aking lumang buhay na pagpapalit ng buhay para sa pera, kung gano’n dapat kong pakawalan ang aking mga maling gawain sa buhay at huwag nang mamuhay ayon sa mga kamalian ni Satanas, ngunit sa halip ay pakilusin ang sarili ko bilang isang tao at tahakin ang pasulong na landas sa liwanag ng mga salita ng Diyos! Sa pamamagitan ng aking personal na mga karanasan, nakita kong ang dati kong pananaw sa buhay, na pagturing sa pera bilang buhay, ay si Satanas talaga na pinaglalaruan at pinipinsala ako. Isa ‘yong kadena na nilagay ni Satanas sa akin, isang kawalan na nawawala sa isang kisap-mata. Sa panahong natitira sa akin, naisip ko, hindi ko na dapat hayaang mahulog ang sarili ko sa mga tusong pakana ni Satanas. Nilikha ako ng Diyos at dapat kong hangarin na sumamba sa Diyos at sundin ang Diyos at mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan at paggabay ng Diyos. ‘Yon lang ang buhay na may tunay na kinabukasan at tunay na kahalagahan.
Isang araw pagkatapos no’n, tinawagan ako ng asawa ng amo ko at sinabi sa akin na pumunta ako sa restawran para tumulong. Pero naisip ko ang lahat ng panahong nagtrabaho ako nang todo para sa pera, at tinanggihan ko ang kanyang hiling, dahil nakagawa na ako ng isang bagong plano para sa buong buhay ko: Ang mas magpahinga pa at alagaan ang aking kalusugan at, sa proposisyong hindi ‘yon magdudulot ng ano mang pagkaantala sa mga pagtitipon at pagsasagawa ng mga tungkulin ko, maghanap na lang ng trabaho kung saan ko magagawa ang lahat aking makakaya! Hahayaan kong ang Diyos ang aking maging pinakamataas na pinuno sa buong buhay ko!
Gustong ibahagi ng may-akda ang sumusunod:
Ako ay nagagalak na pakawalan ang aking paghahangad ng pera at matamo ang kaligtasan ng Diyos;
Handa kong pahalagahan ang panahong natitira sa aking buhay at sumunod sa Diyos at sambahin ang Diyos.