Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 12
Sa pagsunod sa Diyos, bihirang pansinin ng mga tao ang Kanyang kalooban, at bihira nilang pansinin ang Kanyang mga iniisip at Kanyang saloobin sa mga tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga iniisip ng Diyos, kaya, kapag tinatanong kayo tungkol sa Kanyang mga layunin at disposisyon, nalilito kayo; lubha kayong nawawalan ng katiyakan, at pagkatapos ay nanghuhula kayo o nakikipagsapalaran. Anong uri ng pag-iisip ito? Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na karamihan sa mga tao na naniniwala sa Diyos ay itinuturing Siyang walang halaga at isang bagay na tila umiiral nang isang minuto at nawawala sa susunod. Bakit Ko sinasabi ito nang ganito? Dahil tuwing nahaharap kayo sa isang problema, hindi ninyo alam ang kalooban ng Diyos. Bakit hindi ninyo alam ang Kanyang kalooban? Hindi lamang ngayon, kundi mula simula hanggang katapusan, hindi ninyo alam ang saloobin ng Diyos sa problemang ito. Hindi mo ito maarok at hindi mo alam kung ano ang saloobin ng Diyos, ngunit napag-isipan mo ba ito nang husto? Naghangad ka na bang malaman iyon? Nakapagbahaginan ka na ba tungkol doon? Hindi! Pinagtitibay nito ang isang katunayan: Ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay walang kaugnayan sa Diyos ng realidad. Sa iyong paniniwala sa Diyos, pinagninilayan mo lamang ang sarili mong mga layunin at ng iyong mga lider; iniisip mo lamang ang mabababaw at doktrinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, nang hindi tunay na nagsisikap na alamin o hangarin man lamang ang kalooban ng Diyos. Hindi ba ganito iyon? Ang diwa ng bagay na ito ay medyo nakakakilabot! Makalipas ang napakaraming taon, nakita Ko na ang maraming tao na naniniwala sa Diyos. Ano ang nabago ng kanilang paniniwala sa Diyos sa kanilang isipan? Naniniwala ang ilang tao sa Diyos na para bang wala Siyang halaga. Walang sagot ang mga taong ito sa mga tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos, dahil hindi nila nadarama ni nararamdaman ang Kanyang presensya o pagkawala, lalo nang hindi nila nakikita nang malinaw o nauunawaan ito. Hindi nila namamalayan, iniisip ng mga taong ito na hindi umiiral ang Diyos. Naniniwala ang iba pa sa Diyos na para bang Siya ay isang tao. Iniisip ng mga taong ito na hindi Niya kayang gawin ang lahat ng bagay na hindi rin nila kayang gawin, at na dapat Siyang mag-isip kung paano sila mag-isip. Ang pakahulugan nila sa Diyos ay “isang taong hindi nakikita at hindi nahahawakan.” Mayroon ding isang grupo ng mga tao na naniniwala sa Diyos na para bang Siya ay isang tau-tauhan; naniniwala ang mga taong ito na walang damdamin ang Diyos. Iniisip nila na ang Diyos ay isang rebultong gawa sa luwad, at na kapag naharap sa isang isyu, ang Diyos ay walang saloobin, pananaw, o mga ideya; naniniwala sila na Siya ay minamanipula ng sangkatauhan. Naniniwala lamang ang mga tao kung paano nila gustong maniwala. Kung ginagawa nila Siyang dakila, Siya ay dakila; kung ginagawa nila Siyang maliit, Siya ay maliit. Kapag nagkakasala ang mga tao at kailangan nila ang awa, pagpaparaya, at pagmamahal ng Diyos, ipinapalagay nila na dapat ipaabot ng Diyos ang Kanyang awa. Nag-iimbento ang mga taong ito ng isang “Diyos” sa sarili nilang isipan, at pagkatapos ay ginagawa ang “Diyos” na ito na tuparin ang kanilang mga kahilingan at palugurin ang lahat ng pagnanasa nila. Kailan man o saan man, at anuman ang ginagawa ng gayong mga tao, gagamitin nila ang kahibangang ito sa pagtrato nila sa Diyos at sa kanilang pananampalataya. Mayroon pa ngang mga tao, matapos galitin ang disposisyon ng Diyos, na naniniwala pa rin na maaari Niya silang iligtas, dahil ipinapalagay nila na ang pagmamahal ng Diyos ay walang hangganan at ang Kanyang disposisyon ay matuwid, at gaano man magkasala ang mga tao sa Diyos, hindi Niya aalalahanin ang anuman dito. Iniisip nila na yamang ang mga pagkakamali ng tao, mga pagkakasala ng tao, at mga pagsuway ng tao ay pansamantalang mga pagpapahayag ng disposisyon ng isang tao, bibigyan ng Diyos ng mga pagkakataon ang mga tao, at magpaparaya at magpapasensya sa kanila; naniniwala sila na mamahalin pa rin sila ng Diyos tulad ng dati. Sa gayon, nananatiling malaki ang kanilang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa katunayan, paano man naniniwala ang mga tao sa Diyos, basta’t hindi nila sinisikap na matamo ang katotohanan, negatibo pa rin ang Kanyang saloobin sa kanila. Ito ay dahil habang sumasampalataya ka sa Diyos, bagamat nakuha at napahalagahan mo na ang aklat ng mga salita ng Diyos, at pinag-aaralan at binabasa mo ito araw-araw, isinasantabi mo ang tunay na Diyos. Itinuturing mo Siyang walang halaga, o isang tao lamang—at ang ilan sa inyo ay itinuturing Siyang isang tau-tauhan lamang. Bakit Ko ito sinasabi sa ganitong paraan? Ginagawa Ko iyon dahil ang tingin Ko rito, nahaharap ka man sa isang problema o sa isang sitwasyon, ang mga bagay na umiiral sa likod ng iyong isipan, ang mga bagay na nabubuo sa iyong kalooban, ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga salita ng Diyos o sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Alam mo lamang kung ano ang iniisip mo mismo, kung ano ang sarili mong pananaw, at pagkatapos ay ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya at opinyon sa Diyos. Sa iyong isipan nagiging mga pananaw ng Diyos ang mga ito, at ginagawa mong mga pamantayan ang mga pananaw na ito na walang-sawa mong pinaninindigan. Sa paglipas ng panahon, ang pagpapatuloy nang ganito ay lalong maglalayo sa iyo sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain