Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 73
Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus
Ang Talinghaga Ukol sa Manghahasik (Mateo 13:1–9)
Ang Talinghaga Ukol sa mga Mapanirang Damo (Mateo 13:24–30)
Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa (Mateo 13:31–32)
Ang Talinghaga Ukol sa Lebadura (Mateo 13:33)
Ipinaliwanag ang Talinghaga Ukol sa mga Mapanirang Damo (Mateo 13:36–43)
Ang Talinghaga Ukol sa Kayamanan (Mateo 13:44)
Ang Talinghaga Ukol sa Perlas (Mateo 13:45–46)
Ang Talinghaga Ukol sa Lambat (Mateo 13:47–50)
Ang una ay ang talinghaga ukol sa manghahasik. Isa itong tunay na kawili-wiling talinghaga; ang paghahasik ng mga binhi ay isang karaniwang pangyayari sa mga buhay ng mga tao. Ang ikalawa ay ang talinghaga ukol sa mga panirang damo. Sinumang nakapagtanim na ng mga pananim, at tiyak na ang lahat ng matatanda, ay makaaalam kung ano ang “mga panirang damo”. Ang ikatlo ay ang talinghaga ukol sa binhi ng mustasa. Alam ninyong lahat kung ano ang mustasa, hindi ba? Kung hindi ninyo alam, maaari ninyong tingnan sa Bibliya. Ang ikaapat ay ang talinghaga ukol sa lebadura. Ngayon, alam ng karamihan sa mga tao na ginagamit ang lebadura para sa pagbuburo, at iyon ay isang bagay na ginagamit ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Ang susunod pang mga talinghaga, kabilang na ang ikaanim, ang talinghaga ukol sa kayamanan; ang ikapito, ang talinghaga ukol sa perlas; at ang ikawalo, ang talinghaga ukol sa lambat, ay lahat hinango at nagmula sa tunay na mga buhay ng mga tao. Anong uri ng larawan ang ipinipinta ng mga talinghagang ito? Isa itong larawan ng Diyos na nagiging isang normal na tao at namumuhay kasama ng sangkatauhan, ginagamit ang wika ng buhay, wikang pantao, upang makipag-ugnayan sa mga tao at upang ibigay sa kanila kung ano ang kanilang kailangan. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at namuhay kasama ng sangkatauhan sa mahabang panahon, matapos Niyang maranasan at masaksihan ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng mga tao, ang mga karanasang ito ang naging kagamitan Niya sa pagtuturo na sa pamamagitan nito ay binago Niya ang Kanyang wikang pang-Diyos tungo sa wikang pantao. Mangyari pa, ang mga bagay na ito na nakita at narinig Niya sa buhay ay nagpayaman din sa karanasang pantao ng Anak ng tao. Kapag nais Niya noon na maunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, na maunawaan ang ilan sa kalooban ng Diyos, magagamit Niya ang mga talinghagang gaya ng mga nasa itaas upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kalooban ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. May kaugnayang lahat ang mga talinghagang ito sa mga buhay ng mga tao; wala ni isa man ang walang kaugnayan sa mga buhay ng tao. Nang namuhay ang Panginoong Jesus kasama ng sangkatauhan, nakita Niya ang mga magsasaka na inaalagaan ang kanilang mga bukirin, at nalaman Niya kung ano ang mga panirang damo at kung ano ang pagpapaalsa; naunawaan Niya na ibig ng mga tao ang kayamanan, kaya ginamit Niya pareho ang mga metapora ng kayamanan at ng perlas. Sa buhay, malimit Niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng kanilang mga lambat; nakita ito ng Panginoong Jesus at ang iba pang mga aktibidad na nauugnay sa buhay ng tao, at naranasan din Niya ang gayong uri ng buhay. Gaya ng bawat iba pang normal na tao, naranasan Niya ang pang-araw-araw na mga gawaing pantao at ang kanilang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Personal Niyang naranasan ang buhay ng isang karaniwang tao, at namasdan ang mga buhay ng iba. Nang namasdan at personal Niyang naranasan ang lahat ng ito, ang inisip Niya ay hindi kung paano magkaroon ng magandang buhay o kung paano Siya makapamumuhay nang mas malaya at mas maginhawa. Sa halip, mula sa Kanyang mga karanasan ng tunay na buhay ng tao, nakita ng Panginoong Jesus ang paghihirap sa mga buhay ng mga tao. Nakita Niya ang paghihirap, ang kaabahan, at ang kalungkutan ng mga taong namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at namumuhay sa kasalanan sa ilalim ng katiwalian ni Satanas. Habang personal Niyang nararanasan ang buhay ng tao, naranasan din Niya kung gaano kahina ang mga taong namumuhay sa gitna ng katiwalian, at nakita at naranasan Niya ang miserableng mga kalagayan ng mga taong namuhay sa kasalanan, na nangaligaw sa gitna ng pagpapahirap na kung saan sila ay ipinasailalim ni Satanas at ng kasamaan. Nang nakita ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, nakita ba Niya ang mga ito gamit ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang pagkatao? Tunay na umiral ang Kanyang pagkatao at buhay na buhay; mararanasan at makikita Niya ang lahat ng ito. Subalit mangyari pa, nakita rin Niya ang mga bagay na ito sa Kanyang diwa, na siyang pagka-Diyos Niya. Ibig sabihin, si Cristo Mismo, ang Panginoong Jesus na tao noon, ay nakita ito, at ang lahat ng nakita Niya ay nakapagpadama sa Kanya ng kahalagahan at pangangailangan sa gawain na isinabalikat Niya sa panahong ito na namuhay Siya sa katawang-tao. Bagaman alam Niya Mismo na ang pananagutan na kailangan Niyang isabalikat sa katawang-tao ay napakalaki, at alam Niya kung gaano magiging malupit ang kirot na haharapin Niya, nang nakita Niya na ang sangkatauhan ay mahina sa kasalanan, nang nakita Niya ang kaabahan ng kanilang mga buhay at ang kanilang mahihinang pagpupunyagi sa ilalim ng kautusan, mas lalo pa Siyang nagdalamhati, at mas lalo pang nabalisa na mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Anumang uri ng mga paghihirap ang Kanyang haharapin o anumang uri ng kirot ang Kanyang daranasin, mas lalo pa Siyang naging determinado na tubusin ang sangkatauhan, na namumuhay sa kasalanan. Sa panahon ng prosesong ito, masasabing nagsimulang maunawaan ng Panginoong Jesus nang mas lalo pang malinaw ang gawain na kinailangan Niyang gawin at na siyang ipinagkatiwala sa Kanya. Mas lalo rin Siyang naging sabik na tapusin ang gawain na Kanyang isasabalikat—na akuin ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, na magbayad-sala para sa sangkatauhan upang hindi na sila mamuhay sa kasalanan, at kasabay nito, mapapatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng tao dahil sa handog para sa kasalanan, nagpapahintulot sa Kanya na patuloy na isulong ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabi na sa puso ng Panginoong Jesus, nakahanda Siya na ialay ang Kanyang sarili para sa sangkatauhan, na isakripisyo ang Kanyang sarili. Nakahanda rin Siya na magsilbi bilang handog para sa kasalanan, na mapako sa krus, at tunay na sabik Siyang matapos ang gawaing ito. Nang nakita Niya ang miserableng mga kalagayan ng buhay ng tao, mas lalo pa Niyang ninais na matupad ang Kanyang misyon sa lalong madaling panahon, nang walang pagkaantala kahit isang minuto o maging isang segundo. Habang nadarama ang gayong pagkaapurahan, hindi na Niya inisip kung gaano magiging matindi ang Kanyang sariling kirot, ni nagkimkim man ng anumang karagdagang pangamba tungkol sa kung gaano kalaking kahihiyan ang kakailanganin Niyang tiisin. Pinanghawakan Niya lang ang isang pananalig sa Kanyang puso: Hangga’t ialay Niya ang Kanyang sarili, hangga’t ipako Siya sa krus bilang isang handog para sa kasalanan, ang kalooban ng Diyos ay maisasakatuparan at magagawa ng Diyos na makapagpasimula ng panibagong gawain. Ang buhay ng sangkatauhan at ang kanilang kalagayan ng pag-iral sa kasalanan ay ganap na mababago. Ang Kanyang pananalig at kung ano ang pinagpasyahan Niyang gawin ay may kaugnayan sa pagliligtas sa tao, at mayroon lang Siyang isang layon, na gawin ang kalooban ng Diyos nang sa gayon ay matagumpay na maumpisahan ng Diyos ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. Ito ang kung ano ang nasa isip ng Panginoong Jesus sa panahong iyon.
Habang namumuhay sa katawang-tao, nagtaglay ng normal na pagkatao ang Diyos na nagkatawang-tao; taglay Niya ang mga emosyon at ang pagkamakatwiran ng isang normal na tao. Alam Niya kung ano ang kasiyahan, kung ano ang kirot, at nang nakita Niya ang sangkatauhan na namumuhay nang ganito, lubos Niyang nadama na ang pagbibigay lang sa mga tao ng ilang aral, ang pagtutustos sa kanila ng kung ano o ang pagtuturo sa kanila ng kung ano, ay hindi sasapat upang maakay silang palabas mula sa kasalanan. Ni ang mapasunod lang sila sa mga utos ay makatutubos sa kanila mula sa kasalanan—matatamo lang Niya bilang kapalit ang kalayaan ng sangkatauhan at ang kapatawaran ng Diyos para sa sangkatauhan kapag inako Niya ang kasalanan ng sangkatauhan at naging kawangis ng makasalanang laman. Kaya pagkatapos maranasan at masaksihan ng Panginoong Jesus ang mga buhay ng mga tao sa kasalanan, isang matinding pagnanais ang nahayag sa Kanyang puso—na tulutan ang mga tao na palayain ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga buhay ng pakikibaka sa kasalanan. Ang pagnanais na ito ang mas lalong nagpadama sa Kanya na dapat Siyang mapunta sa krus at akuin ang mga kasalanan ng sangkatauhan kaagad-agad at sa lalong madaling panahon. Ito ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus sa panahong iyon, matapos Siyang mamuhay kasama ng mga tao at makita, marinig, at maramdaman ang paghihirap ng kanilang mga buhay sa kasalanan. Na makapagtataglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng ganitong uri ng kalooban para sa sangkatauhan, na maipahahayag at maibubunyag Niya ang ganitong uri ng disposisyon—ito ba ay isang bagay na magagawang taglayin ng isang karaniwang tao? Ano ang makikita ng isang karaniwang tao, na namumuhay sa ganitong uri ng kapaligiran? Ano ang kanyang iisipin? Kung makaharap ng isang karaniwang tao ang lahat ng ito, titingnan ba niya ang mga suliranin mula sa isang mataas na pananaw? Siguradong hindi! Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng sariling mga pamamaraan o mga paraan ng pagsasalita ng sangkatauhan, gayunpaman, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di-matatamo para sa isang tiwaling tao. Sapagkat ang Diyos ay katotohanan, sapagkat ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamarami, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subalit ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayunpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano man kanormal, gaano man kababa ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya hinahamak ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa baba ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay. Nakikita ba ninyo ang pagpapahayag at pagbubunyag ng Diyos Mismo sa Panginoong Jesus? Masasabi na kung ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa Kanyang ministeryo at sa sariling gawain ng pamamahala ng Diyos, na ang lahat ng ito ay pagpapahayag at pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Bagaman nagkaroon Siya ng pantaong pagpapamalas, hindi maitatanggi ang Kanyang diwang pang-Diyos at ang pagbubunyag ng Kanyang pagka-Diyos. Ang pantaong pagpapamalas ba na ito ay talagang pagpapamalas ng pagkatao? Ang Kanyang pantaong pagpapamalas, sa pinakadiwa nito, ay lubos na naiiba sa pantaong pagpapamalas ng mga taong tiwali. Ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao. Kung talagang naging isa Siya sa karaniwan, tiwaling mga tao, makikita kaya Niya ang buhay ng sangkatauhan sa kasalanan mula sa pang-Diyos na pananaw? Siguradong hindi! Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng tao at ng karaniwang mga tao. Namumuhay sa kasalanan ang lahat ng taong tiwali, at kapag nakakikita ng kasalanan ang sinuman, wala silang anumang partikular na damdamin ukol dito; pare-pareho silang lahat, gaya ng isang baboy na naninirahan sa putik na ni hindi man lang nakadarama ng pagkaasiwa o ng karumihan—sa kabaligtaran, nakakakain ito nang mabuti at nakatutulog nang mahimbing. Kung linisin ng sinuman ang kulungan ng baboy, talagang maasiwa ang baboy, at hindi ito mananatiling malinis. Hindi magtatagal, muli itong magpapagulung-gulong sa putik, na lubos na komportable, sapagkat isang maruming nilalang ito. Nakikita ng mga tao ang mga baboy bilang marumi, ngunit kung linisin mo ang mga tirahan ng baboy, hindi gumiginhawa ang pakiramdam nito—kaya walang nag-aalaga ng baboy sa kanilang bahay. Ang pagtingin ng mga tao sa mga baboy ay palaging magiging naiiba sa kung ano ang nararamdaman ng mga baboy mismo, sapagkat hindi magkauri ang mga tao at ang mga baboy. At dahil hindi kauri ng mga taong tiwali ang nagkatawang-taong Anak ng tao, tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makatatayo sa isang pang-Diyos na pananaw, sa taas ng Diyos, na kung saan ay nakikita Niya ang sangkatauhan at ang lahat ng bagay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III