Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 1
Ang kabuuan ng Aking plano sa pamamahala, isang plano na sumasaklaw ng anim na libong taon, ay binubuo ng tatlong yugto, o tatlong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Kautusan sa pasimula; ang Kapanahunan ng Biyaya (na tinatawag ding Kapanahunan ng Pagtubos); at ang Kapanahunan ng Kaharian sa mga huling araw. Ang aking gawain sa tatlong kapanahunang ito ay nagkakaiba sa nilalaman ayon sa kalikasan ng bawat kapanahunan, ngunit sa bawat yugto ito ay tumutugma sa mga pangangailangan ng tao—o, upang maging mas tumpak, ito ay tinutupad batay sa mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa Aking pakikipagdigma laban dito. Ang layunin ng Aking gawain ay upang talunin si Satanas, upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan, upang ilantad ang lahat ng mga panlilinlang ni Satanas, at sa gayon ay iligtas ang buong lahi ng tao, na namumuhay sa ilalim ng sakop nito. Ito ay upang ipakita ang Aking karunungan at walang-hanggang kapangyarihan habang ibinubunyag ang di-matiis na pagiging kakila-kilabot ni Satanas. Lalong higit pa, ito ay upang turuan ang Aking mga nilalang na kumiling sa pagitan ng mabuti at masama, upang makilala na Ako ang Tagapamahala ng lahat ng bagay, upang makita nang malinaw na si Satanas ay kaaway ng sangkatauhan, ang pinakamababa sa mababa, ang siyang masama, at upang makita, nang may katiyakang walang-pasubali, ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, katotohanan at kasinungalingan, kabanalan at karumihan, at kung ano ang dakila at kung ano ang hamak. Sa ganitong paraan, ang mangmang na sangkatauhan ay makakayang maging saksi sa Akin na hindi Ako ang tumitiwali ng sangkatauhan, at tanging Ako lamang—ang Panginoon ng sangnilikha—ang makapagliligtas sa sangkatauhan, ang makapagbibigay sa tao ng mga bagay na ikasisiya nila; at kanilang malalaman na Ako ang Tagapamahala ng lahat ng bagay at si Satanas ay isa lamang sa Aking mga nilikha at nang naglaon ay kumalaban sa Akin. Ang Aking anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto upang makamit ang mga sumusunod na resulta: upang mapahintulutan ang Aking mga nilalang na maging Aking mga saksi, upang malaman ang Aking kalooban, upang makita na Ako ang katotohanan. Kaya, sa panahon ng unang yugto ng gawain sa Aking anim-na-libong-taong plano sa pamamahala, ginawa Ko ang gawain ng kautusan, na siyang gawain kung saan pinangunahan ni Jehova ang Kanyang bayan. Ang ikalawang yugto ay nagpasimula sa gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa mga nayon ng Judea. Si Jesus ang kumakatawan sa lahat ng mga gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; Siya ay nagkatawang-tao at ipinako sa krus, at Kanya ring pinasinayaan ang Kapanahunan ng Biyaya. Siya ay ipinako sa krus upang tapusin ang gawain ng pagtubos, upang wakasan ang Kapanahunan ng Kautusan at pasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, at kung kaya Siya ay tinawag na “Kataas-taasang Pinuno”, ang “Alay para sa Kasalanan”, ang “Manunubos”. Kaya ang gawain ni Jesus ay naiba sa nilalaman mula sa gawain ni Jehova, kahit magkapareho ang mga iyon ng prinsipyo. Inumpisahan ni Jehova ang Kapanahunan ng Kautusan, itinatag ang punong himpilan, iyan ay, ang dakong pinagmulan, ng Kanyang gawain sa lupa, at nagpalabas ng mga kautusan; ang mga ito ay dalawa sa Kanyang mga naisakatuparan, na kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na tinupad ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi upang magpalabas ng mga utos, kundi upang isakatuparan ang mga utos, sa gayon ay inihahatid ang Kapanahunan ng Biyaya at tinatapos ang Kapanahunan ng Kautusan na tumagal nang dalawang libong taon. Siya ang tagatuklas, na dumating upang pasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, datapuwa’t ang pagtubos ang pangunahing bahagi ng Kanyang gawain. Kung kaya ang Kanyang mga naisakatuparan ay may dalawa ring bahagi: ang pagbubukas ng isang bagong kapanahunan, at pagkumpleto sa gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus. At Siya ay umalis. Sa puntong ito, dumating sa katapusan ang Kapanahunan ng Kautusan at pumasok ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos